Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Sabado, Hunyo 7, 2008

Trabahista na si Sandugo

Sa ating nakaraan nakita natin na si Sandugo ay kumuha na ng pagsusulit para maging CPA, subalit sa tingin natin walang pag-asa sa nangyari, sapagkat ayon sa kanya mahirap at wala sa mga pinag-aralan niya yun. Ganon kaya nga ang nanagyari o iba ang inatupag ni mokong. Iwan sandali natin ang kaisipang iyon at tingnan natin kung nasaan na siya at ano ang ginagawa niya matapos ang pagsusulit na yun. Ayon sa kanya ay nag punta muna sa Bancuro at nagpahinga sandali, pero sabi niya nagbalik na siya sa Maynila upang maghanap ng trabaho. Totoo nga ba ang sinabi niya na maghahanap siya ng trabaho? At saan naman siya mag-aapply?

Karaniwang ginagawa ng isang bagong tapos ng pag-aaral ang paghahanap naman ng mapapasukang trabaho, paano? Yun ay sa pamamagitan ng pahayagan, hindi tabloid o komiks kundi yung mga malalaking pahayagan. Opo bumili nga ako ng diyaryo sapagkat naihanda na yung biodata na binili pa sa Quiapo kasama ang isang katerbang larawan upang idikit sa bawat pahina nito. Mabilis ang mga araw na lumipas mukhang minamalas ang ating bida walang tumanggap sa kanya. Nagbaka sakali ako mag-apply kina tiyo angel na opisina kahit accounting clerk sapagkat hindi pa lumalabas ang resulta ng exam. Subalit sabi ko sa sarili ko na sana huwag na lang lumabas sapagkat mukhang wala ngang pag-asa. Ganon nga ang aking ginawa nagpunta ako sa opisina nina tiyo angel. Sa isang tulad kong baguhan nangangatog ang buo kong katawan sa harap ng interviewer, nasagot ko naman ang mga tanong niya, ang hindi ko lang malaman eh kung nagustuhan yung mga sagot ko, kumuha ng exam sa kanila at isang enterview ang kinalabasan maliwanag sa sikat ng araw na “tatawagan na lang kapag merong bakante”.

Bigo ako na makapasok doon, samantalang si Peth na kasabay kong naghahanap din ay natanggap na kaagad sa Banco De Oro. Dalawang buwan, tatlong buwan hanggang dumating ang balita na lumabas na daw ang resulta ng exam namin. Bili agad ako ng pahayagan at nakalista nga mga mga naka-pasa sa pagsusulit, una kong nakita ang pangalan ni Peth sa listahan sapagkat siya lang ang kilala kong kumuha. Hanap ulit ako, tatlong beses kong inisa isa ang pahayagan wala ang pangalan ko, nagbaka sakali ako sa mga listahan ng mga “deferred result”, ito yung isa o dalawang subject ang hindi naipasa subalit bibigyan ulit ng isa pang pagkakataon na maipasa. Subalit walang pangalan para sa akin, pinagpapawisan na ako ng malapot panay ang tawag sa Diyos na sana naroon ang aking pangalan, subalit wala talaga. Ibinagsak ko ang pahayagan sa lamesa napatingin lahat ng mga kasama ko sa bahay, na alam na nila na bagsak ako.

Sa tulong ng mga pinsan ko pinayuhan ako nila naganon talaga ang buhay swete swerte lang ang nakakapasa, hindi talaga ukol para sa iyo. Medyo napaglubay ang loob ko pero naroon ang inggit ko na si Peth ay nakapasa, samantalang noong kumuha siya ng exam ay may lagnat pa siya, mantakin mo yun. Samantalang ako na malakas pa sa kabayo ay bagsak, natanong ko rin sa sarili ko na ito ba yung resulta ng aking kapabayaan. Nahihiya ako sa aking sarili at parang walang mukha na ihaharap sa Inay at Tatay, lahat ata ng nasa kaisipan ko ay puro negatibo, minaliit ko ang aking sarili, sinisi. Wala naman akong ibang sisisihin kundi ang aking sarili. Nagpatong patong ang aking dalahin walang trabaho, bagsak sa exam at wala nang pera para makahanap ng trabaho, kasi nahihiya akong humingi pa ulit sa Inay at Tatay. Subalit sabi nga hindi doon natatapos ang kapalaran ng sandugo, minsan nasa ilalim minsan nasa ibabaw.

Dumating ang munting liwanag ng makilala ko yung kaibigan ng kapitbayan namin na nagtatrabaho bilang programmer sa MEGA sa ilalim ng project ng LTO. Isang maliit na kumpanya na naatasang gumawa ng lahat ng lesensya sa pagmamaneho sa buong Pilipinas. Nagsabi si Cecil (yun ang pangalan ng programmer) na pumunta ako sa LTO compound sa Quezon City sa araw na ibinigay niya. Tinupad ko naman ang pasabi niya at nakarating ako doon. Isang parang bodega ang kanilang opisina sapagkat doon nga ginagawa ang lahat ng lesensya. Hinanap ko ang pangalan ni Cecil at agad naman lumabas upang makita ako. Ang sabi sa akin huwag ko raw na sasabihin na siya ang nagturo sa akin para mag-apply doon. Bakit kaya? Hindi ko na inalam basta ang sabi ko sa sarili ko pagkakataon ko na ito kailangang magkaroon ako ng trabaho kahit ano.

Kinausap ako ng Operation Manager at inilahad sa akin ang trabaho na kasalukuyang kinakailangan sa kanila, kasama ang magiging sweldo at iba pang mga kasunduan. Sabi niya na wala ng mahaba pang pag-uusap kung tatanggapin ko ang trabahong yun kinabukasan makakapagsimula na ako. Sa nakikita ko sa paligid ko wala akong ibang pagpipilian kundi ang tanggapin yun o balik ako sa paghahanap sa kawalan. Kaya sabi ko sa boss tanggap ko po ang trabaho bilang isang “encoder com re-butcher”. Ipinakita at ipanakilala ako sa mga taong naroon at kung saan akong departamento mag tatrabaho. Sa una ipinakilala ako, ipinaliwanag ang mga gagawin, mga report at iba pa. Sabi ng shift leader ng encoding department pwede muna daw akong umuwi at bukas ng ganong oras kailangang naroon ako. Nakatingin ang lahat sa akin waring kinikilatis ako, kasi medyo namumutla ako ewan ko sa takot siguro, kasi ramdam ko na nangangatog pa ang aking mga kamay at nanalalamig.

Umuwi ako ng may kagalakan sa aking mga labi, kahit maliit ang sweldo sapagkat minimum lang ang kanilang binibigay, nasabi ko sa sarili ko na dito na muna ako hanggang makahanap ako ng talagang ukol sa aking pinag-aral. Pagdating ko sa bahay sinabi ko sa kaibigan ni Cecil na natanggap ako at sinabi ko ang trabaho, sweldo ko at ang oras ng pasok. Magandang pakinggan kapag tatanungin ako kung saan ako nagtatrabaho at maririnig nila ang sagot na sa LTO, mukhang astig subalit kung malalaman lang nila na sub-contractor lang ang Mega sa LTO. Taong 1988 ng matanggap ako doon, at nasabi ko sa sarili ko na habang naroon ako pasisikapan kong makakita ng ibang trabaho, pero sa ngayon kailangan kong mahalin ito para maka-survive ako. Tuwa na rin sina Ate Mhel kasi may trabaho na ako at makakatulong na ako sa pagbabayad ng upa sa bahay.