Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Lunes, Hunyo 28, 2010

Sulat ng Isang Ama

Kumusta na.. sigurado ako na medyo magugulat kayo at baka nga iisipin pa ninyo na "ano naman ito galing kay papa ang haba". Wala lang medyo miss ko lang kayong dalawa hindi na nga ako nasanay samantalang marami ng taon ang lumipas na malayo ako sa inyo, siguro ganon lang talaga ako para naman maibahagi ko yung mga ilang bagay bagay sa karanasan ko na pwedeng kapulutan ng aral ninyo. Sa totoo lang natutuwa ako kasama ang mama ninyo kasi mababait, masunurin, hindi sakit ng ulo di tulad ng ibang anak, masisipag mag-aral, matatalino, pogi at maganda siempre. Lagi ko nga kayong ipinagmamalaki kahit kanino na maka-usap ko na mapag-uuasapan ang mga anak. Parang kailan lang pareho na kayo ngayong binata at dalaga na, pero wag naman kayong makukulitan sa amin ni mama ninyo sa paulit-ulit at walang hanggang pagsasabi ng mag-aral ng mabuti, gawing priority ang pag-aaral kasi yun lang ang aming maibibigay sa inyo. Nakikita naman ninyo yung pagsisikap namin ni mama para lang makapag-aral kayo.

Tulad ngayon binata at dalaga na kayo batid namin ni mama na may mga bagay na kayong mararanasan, ito man ay tagumpay o kabiguan. Pero ang sinisigurado namin sa inyo nasa likod ninyo lagi kami umaalalay, dumadalangin sa Diyos, mag-aadvice at tumutulong. Kahit anong bagay, ito man ay personal na damdamin or panlabas na pangyayari - maaasahan ninyo kami na laging nakikinig at hindi kami magiging hadlang subalit hayaan naman ninyo na maging kabahagi kami ni mama at pakinggan naman sana ninyo yung side namin malay mo tama pala kami ng payo. Kung nabasa ninyo sa bible sinasabi roon na "mga anak igalang at sundin ang mga utos at payo ng magulang para humaba ang inyong buhay".

Alam din namin na mararanasan o nararanasan ninyo yung sinasabing puppy love, crash, love and true love. Pero hindi kami ni mama ang magiging hadlang sa ganong sitwasyon ang sa amin lang payo, paalala na unahin ang pag-aaral. Kasi yan din yung pangaral na tinanggap ko sa Inay at Tatay noong nag-aaral pa ako, ipinakita nila sa akin yung mga bagay na ikasasama kung hindi magiging tama at padalos dalos na pasya dahil lang sa kapusukan at kung ano yung nararamdaman. Unang una kong nakita noon sa inay at tatay noong nag-aaral ako yung kanilang pag-hihirap at tiyaga para lang matugunan yung aking pag-aaral, kaya yun ang naging sandigan ko para magsikap na matapos sa pag-aaral. At naging panuntunan ko na hindi magiging hadlang yung damdamin ko kung iibig din lang ako, kailangang matapos muna ako bago ang lahat. Pero mali ako kasi sa murang edad nakaramdam na rin ako ng pag-hanga sa babae yun yung puppy love (elementary yun) tuksuhan, hanggang doon lang yun kasi nga lagi kong naaalala yung pangako ko sa sarili ko na kailangang matapos ako sa pag-aaral. Sa high school 1st & 2nd year sinubukan kong manligaw busted ako masakit mabigo kaya doon ako natuto na kailangan pala wag buhos yung damdamin sa ganong bagay naapektuhan ang pag-aaral ko pero naalala ko ulit yung sinabi ko sa sarili ko na pag-aaral muna.
Tapos unang girlfriend ko noong 3rd year ako nasabi ko sa sarili na kakaiba yung nararamdaman ko ngayon lang ako nakaramdam ng ganito - gusto ko lagi ko siyang nakikita, lagi kaming magkasama, nag-uusap, at natanong ko sa sarili ko ito na ba yung true love? Pero hindi pala noong matapos yung high school nagkahiwa hiwalay na kami ng papasukang school, mga unang 3 buwan naroon yung communication sa sulat hindi pwedeng dumalaw kasi nasa Maynila ako siya ay nasa Batangas. Hanggang parang kusang nawawala na lang siguro malayo tapos ibang environment at karanasan ang aking kinakaharap. yung sa college bago na lang ulit yun.....

Kaya ngayon ang masasabi at payo ko lang sa inyong dalawa nakakaramdam o nararanasan ninyo yung tinatawag na puppy love, crush, love or sa tingin ninyo ay true love - huwag na huwag kayong padadala sa inyong damdamin, hinay hinay lang magkamali kayo ng pasya bagsak lahat ang pangarap ninyo. Kaya nga sa panahon ngayon marami ang nasisira ang pag-aaral dahil sa maling pasya nagpapadala sa tuksuhan, kahiyahaan, napasubo - hindi iniisip yung mga pangako at priority sa buhay. Wag kayong magmamadali lalo na sa pag-ibig minsan sinungaling ang puso akala mo yun na yung totoo pero hindi pala. At sa pakikipag-relasyon - dapat maging maunawain, matalino sa pagpapasya, dapat alam ng babae at lalaki kung ano ang limitasyon, ano yung bawal, ano yung dapat unahin at nagkaka-isa ng gusto para tumagal yung pagsasama ng dalawa. Hindi pwede yung subrang higpit na parang hinahawakan ng lalaki sa leeg si babae at masyado namang selosa ni babae - sabi nga give and take. Wag masyadong showy na kahit nasa loob ng school kahit na ipinagbabawal eh naroon yung lampungan, igalang dapat ang lugar.

Hindi kami ni mama nagagalit o hadlang sa ganon, magagalit lang kami kung napabayaan na ninyo yung pag-aaral na dati matataas yung grades ng dahil lang doon bumaba. Magagalit kami kung yun ang naging priority ninyo, na yun ang makikita naming naging sanhi ng pagbaba ng inyong mga grades. Pero tandaan ninyo "you cannot serve two masters, one you love and other you hate" - Ibig kung sabihin kapag sinabi nyo na kaya nyong pagsabayin yung pag-aaral at pag-ibig medyo mali yung pasya ninyo kasi hindi nyo sila mapagsasabay isa sa kanila ang mag-sasuffer. Pwede nyong pagsabayin yun pero mas priority yung pag-aaral, sabi nga kailangang maging inspiration lang yung pag-ibig kung percentage naman kailangang 10% lang yung pag-ibig and the balance 100% sa pag-aaral. Mataas ang expectation namin sa inyong dalawa na makakatapos kayong dalawa sa inyong respective school and year with honors kasi alam namin na kaya ninyo yun kung pagtutuunan lang ninyo ng priority at pansin.

Salamat sa inyong magtitiyaga sa pag-aaral yan din naman ang nagiging kalakasan ko dito kahit malayo ako kasi kapag nalalaman ko na nagsisikap kayo at matataas ang mga grades ninyo praud ako bilang ama. Kaya kung tiisin ang anumang hirap, bigat ng trabaho at lungkot makita ko lang na yung ginagawa ko ay may magandang resulta. Pasensya na kayo kung minsan nag bibiro ako ng hindi maganda or minsan hindi ninyo ma carry.

Sana kahit mahaba ito at boring basahin at bigyan ninyo ng kaunting pansin at sana may mapulot kayong mahalagang aral.

Miyerkules, Marso 31, 2010

Babay na Trabaho, ikalawang yugto

Noong nakaraang usapin natin nabanggit natin yung apat na paraan ng paghahanda sa panahon ng pagreretiro. Sa nakikita ko ang mga ito ay akma sa lahat ng uri ng pagreretiro ng isang tao. Meron pa akong anim na paraan na sana ito ay makatulong sa ating lahay para maging gabay sa ating mga paghahanda sa pagdating ng panahong makaisip na tayong magretiro.

Kausapin ang inyong asawa ukol sa retirement plan. – kung ikaw ay may asawa, dapat ay pag-usapan ninyo ang kani-kanilang retirement plan upang malaman ninyo ang mga benepisyong maaari ninyong makuha sa pagdating ng panahon. Kailangang intindihin ninyong mabuti ang nakapaloob sa inyong pension o retirement plan. Mahalaga rin na malaman ang mga benepisyong nakapaloob dito ang mga kinakailangang gawin upang makuha ang inyong pension.

Intindihin at alamin ang inyong mga benepisyo sa SSS/GSIS – mahalagang malaman ang mga benepisyong nakapaloob sa SSS/GSIS, gayundin ang Pag-Ibig. Kahit na gaanong kaliit o kalaki ang maaari nating makuha sa mga institusyong ito, malaking tulong pa rin kung alam nating mayroon tayong maasahan at kung magkano ang maaari nating makuha sa mga institusyong ito. Mahalaga rin na minomonitor natin kung binabayaran sa inyong employer ang karampatang kontribusyon o hindi. Wala namang mawawala sa atin kung magtanong kaysa dumating ang panahon ng pangangailangan pero wala tayong inaasahan.

Pag-usapan sa harap ng asawa at mga anak ang tungkol sa plano – ito ay mahalaga lalo na kung nalalapit na ang inyong pagreretiro. Kadalasan akala ng inyong mga anak na bibigyan ninyo sila ng balato sa inyong pagreretiro. Ipaunawa sa kanila na ito ay inyong inilalaan para hindi kayo umasa sa kanila sa pang araw-araw na pangangailangan. Hindi “instant millionaires” ang mga nagreretiro. Dapat ay may plano na silang handa upang maging sapat ang kanilang retirement package hanggang sa kanilang paglisan sa mundo.

Alamin kung papaano ninyo gagamitin ang inyong oras at panahon – ano nga ba ang pakiramdam ng isang magreretiro? Kung nakasanayan mo na gumising ng maaga at pumasok sa trabaho, dapat ay paghandaan mong mabuti ang iyong gagawin. Isang araw ay gising ka na lamang na wala ka nang gagawin. Kung sanay ka na aktibo ang iyong araw, siguradong maninibago ka sa pagdating ng araw na ito. Kailangang isipin mo na rin kung kukuha ka pa ng trabaho. Isiping mabuti ang iyong nais gawin bago dumating ang umagang wala ka nang trabahong papasukan.

Ang mga ito ay mga maaaring pamamaraan na makakatulong sa inyong makapaghanda sa inyong pagreretiro. Pero hindi talaga magagarantiya kung talagang handa mong harapin ang iyong pagreretiro. Maaari pa ring pwedeng mangyari pero kung napagplanuhan mong mabuti ang panahong ito ay maaari mo itong harapin ng walang pag-aagam-agam.

Miyerkules, Marso 24, 2010

Milyon mula sa Piso

Marami ang agad ay maiisip na pweding mangyari ito na milyon na nagmula sa sampung piso “siempre ang nasa isip agad ay nanalo sa lotto o anumang tinayaang sugal o ano. Pero malayo sa ibig kong ipahatid sa inyo na posebling maganap na yung sampung piso mo ay magiging milyon kung gagamitin lang natin ang utak natin sa pag-iimpok ng pera sa araw araw. Hoyyyy luma na yang style mo hindi epektibo yan, siguro nga hindi epektibo sa mga makikitid ang utak..

Meron akong nabasa na nagtatanong “Magkano ba ang dapat kong itabi? Para maka-ipon ng pera. Narito ang isang panuntunan para dito, pero para sa akin 20% ang kinakailangan ng isang tao na itabi sa oras na magkaroon siya ng hawak na pera. Ganito kasi ang karaniwang ginagawa natin: ANG KINITA MO – MGA GASTUSIN = PERANG DAPAT ITABI (mali ang ganitong panuntunan, meron namang ganito MGA GASTUSIN – KINITA MO = UTANG MO (mas lumala ang sitwasyon) and tamang panuntunan ay ganito: ANG KINITA MO – PERANG DAPAT ITABI = MGA GASTUSIN.

Dapat kang magtabi ng 15-20 % ng iyong buwanang kita bago mo ito gastusin. Malamang sasabihin mong hindi kaya ang ganon kasi kulang ang kinikita. Subalit hindi mo ba napapansin na kapag kumikita ka nang malaki-laki – halimbawa 20,000 sa isang buwan – kadalasay nagagastos mong lahat, ngunit kapag mas maliit ang iyong kinita – halimbawa 15,000 lang – napipilitan kang pagkasyahin ito sa iyong mga pangangailangan? Ang ibig sabihin kaya mo naman talagang magtabi ng 15-20% o higit pa at pagkasyahin na lang ang natitirang 80%. Sa ganitong paraan, mapipilitan kang mamuhay nang nakabatay sa iyong kinikita – mapipilitan kang bawasan ang mga gastusing hindi naman talaga kailangan. Ituring mo na lang itong 15-20% na bayad sa iyong sarili, na gagamitin mo para mapaghandaan ang iyong kinabukasan.

Balik tayo doon sa sampung piso na ating pinag-uusapan, ang maitatabi mong 10 peso kada araw ay lalago ng 300 peso sa isang buwan. Basta kapag ginagawa mo ito huwag na huwag mong itong gagalawin o gagastusin. Kung magagawa mong i-invest ito posibilidad na kumita ito ng 12% sa maayos na paraan. Kung hindi mo ito gagalawin at hahayaan mo lang lumago, magkakaroon ka ng 66,600 sa loob lamang ng 10 taon at maaaring maging milyon kung pananatilihin mo yung nauna mong panuntunan na hindi gagalawin o gagastusin ito.

Subalit ito ang medyo sakit natin kaya hindi maka-ipon nagagastos ang sinasabing iniipon at sabi ibabalik na lang, pero kadalasan hindi na ito nagagawang ibalik. Kaya ang nararapat dito ay yung determinasyon at tiyaga.

Martes, Marso 16, 2010

Babay na Trabaho, unang yugto

May mga dahilan kung bakit ang isang tao ay magreretiro na sa trabaho, nariyan yung may-edad na, naka-ipon na ng halaga, pinahihinto na ng pamilya, hindi na kayang magtrabaho, nagkasakit at marami pang iba. Sa lahat ba ng nagreretiro sa trabaho ay nakahanda sa kanilang haharapin? Iba masasabing oo pero yung iba napipilitan lang.

Isa sa mga dapat nating paghandaan ay ang pagreretiro. Sa ngayon ay may sapat na lakas ka pa na kumayod. Pero darating ang panahon na wala na tayong gagawin kundi ang maupo mula umaga hanggang sa hapon. Kung talagang seryoso tayo na mamahinga na lamang at mag-enjoy pagdating nang tamang panahon, dapat ngayon pa lamang ay pinaghahandaan na natin ito. Narito ang mga panimulang gawain upang mapaghandaan ang paghinto sa pinagkakakitaan.

Suriin ang iyong pinansyal na kalagayan – kung alam mo kung nasaan ka ngayon, hindi mahirap na bigyang direksyon ang iyong patutunguhan. Kung ikaw ay lubog sa utang ngayon, malamang ay hindi ka rin pakuya-kuyakoy pagdating ng iyong paghinto. Makakatulong ang paggawa ng iyong pansariling talaan ng iyong kinikita at ng mga nagamit na pera, kailangang malaman mo ito kasama yung kabuuang hawak na pera at nagamit. Kung iyong susuriing mabuti 70%-90% ang katapat na halaga sa iyong kinikita ang napupunta sa mga gastusin. Ibig sabihin yung natitirang 10% ay kailangang itabi mo o palaguin sa isang negosyo na nakalaan para sa iyong paghinto o pagreretiro.

Alamin ang iyong layunin sa pagreretiro – Ano ba ang ideya mo ng pagreretiro? Ang maupo at panoorin ang iyong mga apo na naglalaro. Sa iba, nais nilang bumiyahe. Ano ba ang layunin mo sa pagreretiro? Kung meron kang plano o ideya kung ano ang mga posibleng gastusin mo sa hinaharap ay maaari mo nang kalkulahin kung magkano ang iyong dapat na naitatabi para doon.

Magkaroon ng “malusog na pamumuhay” – kung maganda ang iyong pangangatawan sa iyong pagreretiro ay maaari mo ma-enjoy ang iyong bawat minuto. Ngayon pa lamang ay sunugin na ang mga taba sa katawan. Magsimula nang mag-ehersisyo o di kaya’y tumigil na sa paninigarilyo. Hindi lamang pera ang dapat na pagtuunan ng pansin kundi ang pagkakaroon ng balansyadong buhay upang hindi ka maratay sa banig sa pagdating ng panahon.

Kausapin ang inyong kompanya upang malaman kung may retirement plan ba para sa mga empleyado. Kung ikaw ay namamasukan sa isang kompanya, alamin kung ito ay naglalaan ng pension o retirement plan sa mga empledayo. Alamin kong ano ang mga nakapaloob sa inyong pension o retirement plan. Hindi lahat ng kompanya ay nagbibigay ng ganitong benepisyo. Kung hindi man nagbibigay ang kompanya, ating responsibilidad na maglaan ng maliit na halaga upang paghandaan ang pagreretiro. Maaari rin tayong magbigay ng rekomendasyon sa ating mga kompanya na magtaguyod ng retirement fund ngunit ito ay isang masalimuot na proseso.

May ilan pa akong nakikitang paraan para mapaghandaan ang pag reretiro, pero sa sunod na natin ito pag-uusapan. Hayaan natin ang naunang apat ay ating limiin at pag-aralan para sa ating sarili. Kaya kayo diyan simulan ang pagpaplano tungkol sa pagreretiro ngayon… hindi doon sa panahon na hindi na natin kaya.

Lunes, Marso 8, 2010

Sa Likod ng Matandang Kuwento.. 2

Narito pa ang isang kuwento patungkol sa isang prutas o masasabing napaka sarap na prutas. Sinasabi rin ang prutas na ito ay wala kang itatapon mula sa dahon, bunga, katawan at lahat na ata ng parte ng prutas na ito. Ito’y napaka tanyag sa mga lugar na kapatagan o kabundukan man. Walang pinipiling lugar o panahon basta maitanim ito. Marami rin itong uri at laki ayon sa mga lugar at pinanggalingan. Mabisa rin itong pampalakas ng katawan. Ang sinasabi kong prutas ay ang “BUKO” o bunga ng niyog.

Ayon sa kuwento, noong unang panahon ay may isang pamilya na kabilang sa tribo ng mga Achote. Mayroon silang isang magandang anak na dahil sa ganda ay naging paborito ng lahat. Isang araw, ang magandang babaeng ito ay lubhang nauhaw at humiling na makainom ng katas mula sa isang espeyal na prutas. Bawa’t isa sa kanilang tribo ay sumubok na makita ang prutas na sinasabi ng dalaga, pero lahat sila’y nabigo sa paghahanap. Kinalaunan, nagkasakit ang babae at lumala ang sakit ng babae na siya nitong ikinamatay.

Ibinaon ng nagluluksang ama ang anak sa isang bulubunduking malapit sa kanilang lugar. Nilagyan niya ng batong palatandaan ang pinaglibingan at pinuno rin iyon ng mga bulaklak na dala ng mga tao.

Isang araw, napansin ng taong bayan na may kakaibang halaman na tumubo sa puntod ng babae. Inakala ng lahat na may kakaibang kapangyarihan ang puno kaya tinayuan nila ito ng bakod para magsilbing proteksyon nito mula sa paligid. Lumipas ang mga taon mula ng lumitaw ang halaman, ito ay tumaas hanggang sa umabot sa dalawampung talampakan; at may mga lumitaw na bungkos o grupo ng kakaibang mga prutas. Isa sa mga prutas na iyon ay bumagsak sa lupa at nabiyak. Tinawag ng pinuno ng tribo ang ama ng babae upang ipatikim dito ang nahulog na prutas. Tumanggi ang ama, pero hinikayat nito ang asawang babae na siya nang tumikim ng prutas.

Matamis pala iyon ang nasambit ng babae, kaya mula noon tinawag na ang bunga nito na “buko” at ito na rin ang naging pangalan at tawag dito hanggang ngayon. Mula sa punong ito maraming bagay ang nagawa at idinudulot sa tao.

Miyerkules, Marso 3, 2010

Sa Likod ng Matandang Kuwento.. 1

Maraming nabubuong katanungan ang nagpasalin salin sa bibig ng ating mga ninuno. Merong nadaragdagan depende kung paano at sino ang nagkukuwento ng mga bagay na ito. Naging palasak na ito sa ating kaugalian ang iba ay kasama sa mga aklat na ginagamit sa paaralan. Meron din namang ginawan na ng kuwento na akma sa panlasa ng mga manonood sa pinilakang tabing.

Sabi nga, sa bawat pagkagat may kuwentong kaakibat. Iyan ang magandang malaman sa mga kuwento sa likod ng mga prutas na sa kabila ng lasa, kulay ay talaga naming kinagigiliwang kainin. Tulad na lang ng kuwento ng prutas na “Lanzones: Nakakalason dati…

Ayon sa mga matatanda sa ating bansa ang lanzones ay dating nakakalason kung kakainin hanggang may isang himala na nangyari. Noong unang panahon, ayon sa kuwento, mayroong isang babae at kaniyang anak na naghahanap ng matutulugan isang gabi, sapagkat galing sila sa isang malayong lugar. Mapait na sila’y hindi pinapasok sa bawat bahay na kanilang pinuntahan hanggang sa ang huling bahay na kanilang nilapitan ay naging mabuti o mabait sa pagpapatuloy sa kanila. Doon sila natulog ng magdamag na yaon.

Kinabukasan, bago umalis, napansin ng babae na parang may mga isinumpa na punong kahoy sa likurang bahagi ng bahay ng nagpatuloy sa kanila. Nagkalat lang sa lupa ang mga bunga ng mga ito, kaya tinanong ng babae ang may-ari kung bakit ganoon. Nang mabatid ng babae na ang mga prutas ng bunga ay nakakalason, kumuha ito ng isang piraso sa mga iyon. Sa pagitan ng hinlalaki at hintuturong mga daliri, pinisil ng babae ang prutas, binalatan at kinain.

Nakita ng nangpatuloy ang ginagawa ng mag-ina at natakot sila sa mangyayari, naroon sa kanilang mukha ang gulat at takot, hinihintay ang sunod na magaganap sa mag-ina. Subalit wala silang nakitang naganap sa mag-ina na ang akala nila sa prutas ay isang lason yun pala ay hindi. Kinalaunan, napag-alamang ang bisitang babae at paslit ay ang minamahal pala na Madonna at bata, na nagsukli ng kabutihan sa mainit na pagpapatuloy sa kanila ng may-ari ng bahay at ng puno ng lanzones.

Mula noon isa na sa kinagigiliwang prutas ang lanzones at lumaganap ito sa boong kapuluan.

Sabado, Pebrero 27, 2010

Esep-Esep sa Pag-utang

Ayon sa kalakaran at pag-aaral may dalawang klase ng utang: mabuting utang at masamang utang. Ang mabuting utang ay yung nakatutulong na mapalago ang pera o mapaganda ang katayuang pinansiyal. Ibig sabihin yung utang na magagamit sa pagpapalago o pagpapaganda ng negosyo. Kabaliktaran naman ang ginagawa ng masamang utang. Pero ang punto nito ay utang na pambayad utang lang, ito yung pinaka masamang utang…

Kapag ang inuutangan ay hindi nanghihingi ng kolateral, siguradong malaki naman ang sisingilin nitong interes dahil malaki ang panganib na hindi ito mabayaran ng umutang – wala kasing pinanghahawakang garantiya. Bago mangutang, dapat munang paka-isipin at tanungin ang sarili ng mga sumusunod:

Saan ba gagamitin ang perang uutangin? Kung balak itong gamiting puhunan sa negosyo, intindihin munang mabuti kung kikita nga ba ang negosyong papasukin bago mangutang. Pag-aralang mabuti at baka malaki pala ang panganib na malugi lang. Kapag nagkagayon, mahihirapang magbayad ng utang o inutang. Tandaang tiyak na kailangan itong bayaran buwan-buwan. Kapag ang perang inutang ay ginamit na puhunan at ito’y nalugi o di kaya’y kumita nga pero hindi pa sapat sa pambayad, maituturing pa rin itong masamang utang.

Alam na ba kung paano mababayaran ang uutangin? Mahalaga ang katanungang ito lalo na kung hindi pa naman talaga kailangan ang paggagamitan ng pera. Halimbawa, kung balak sanang magpagawa ng mas magandang bahay. Baka kasi hindi naman pala kayang bayaran at lahat ng kikitain ay magiging pambayad-utang lang, lalo na kung napakalaki ng patubo, alamin munang lahat ang mga detalye sa pagbabayad para makasigurong kakayanin nga ito. Kung hindi, mas mabuting pag-ipunan na lang muna ang binabalak bilhin kaysa utangin ang pambayad dito. Magtiyaga na lang muna at maghintay ng tamang panahon.

Alam ba ang tunay na halaga ng utang? Ang mga nagpapautang ay may kani-kaniyang paraan ng pagkuwenta ng halaga ng kabuuang utang. Kadalasan, ang mga nagbibigay ng personal loan o nagpapautang nang walang kolateral ay naniningil ng 50 hanggang 60 porsiyento patubo kada taon. Ibig sabihin, sa bawat sampung pisong uutangin, magbabayad ng lima hanggang anim na piso bawat taon. Puwera pa yung sa ibabalik na sampung pison na talagang utang. Minsan hindi agad nakikita ng ganoon pala kalaki ang gastos sa pag-utang dahil tila maliit lang naman ang hinuhulugan buwan-buwan at kaya namang bayaran.

Mahalaga talagang suriing mabuti lahat ng detalye sa pagbabayad ng utang. Puwera pa kasi sa patubo, meron pang ibang bayarin na kailangang maintindihan para makuwenta nang tama ang kabuuang utang. Nag-iiba-iba ang mga bayaring ito depende sa nagpapautang kaya mahalagang usisain kung anu-ano ang mga ito at ikaw lang talaga ang makakukuwenta kung magkano talaga ang kabuuang utang.

Sigurado nga bang kaya talagang bayaran ang mga utang? Para malaman ang sagot, huwag pagbatayan ang buwanang hulog, kundi ang kabuuang utang. Baka magulat kayo kapag lumabas sa pagkuwenta na umabot pala sa mahigit 60 porsiyento ang binabayarang patubo taun-taon………. Esep esep…. Bago umutang

Sabado, Pebrero 20, 2010

Para Ang Utang!

Marami ang nagtatanong okay lang ba ang mangutang ang isang tao kung may inaasahan naman silang sahod buwan-buwan? Iyan ang karaniwang katanungan siguro lahat na nag-iisip na baka yun ang daan para maiba naman ang takbo ng buhay. Tulad na lang ng mga kababayan nating ginagawa ang lahat para lang maka-alis sa bansa natin. Narito ang isang katutuhanan sa buhay ng isang kababayan natin na nasa ibang bansa… na ganito ang kanyang tanong.

Karamihan daw kasi sa mga kababayan natin ay kinailangang mangutang ng malaki para lang may maipambayad sa agency at makarating sa pinag-applayang agency kung saan may trabahong naghihintay. Partikular sa mga taong pumapasok sa ganitong sitwasyon ay walang makuhang trabaho sa Pilipinas meron man ay hindi sapat sa pang-araw araw na pangangailangan. Sa ganitong tanong nais malaman kung tama ba o hindi na mangutang sila nang pangmatagalan, gaya ng pambili ng bahay mula sa SSS o Pag-Ibig, gayung wala naman daw katiyakan ang kanilang trabaho.

Alam kong marami sa ating mga kababayan ang handang mangutang ng malaki para lang makaalis sa bansa dahil wala silang makuhang maayos na tabaho rito. Wala namang masamang makipag-sapalaran, pero bago nila gawin ito, sana lang ay kuwentahin muna nila kung mababayaran ba ng inaasahan nilang suweldo ang uutangin nila. Kung hindi, bakit pa sila aalis? Maghihirap lang sila nang walang katuturan. Wala rin silang kikitain kundi pambili ng pagkain at upa sa titirhan, sayang lang ang pagod.

Puwera na lang kung gaya sila ng ilan na wala pang mabigat na responsibilidad kundi ang sarili lang, at gusto lang magkaroon ng karanasan sa ibang bansa. Wala akong masasabi kung gayon dahil personal na opinion na ninyo yun.

Pero para sa akin, kung ang lahat ng kikitain ninyo sa pangingibang bansa ay magiging pambayad-utang lang din, mas maigi pa sigurong huwag na lang din, mas maiging wag na lang umalis. Kailangan siguro’y mag-ipon na lang muna kayo at maghintay bago ninyo ipagpatuloy ang plano. Lalo na kung ang uutangin ninyo ay walang hinihinging kolateral – siguradong malaki ang sisingiling patubo niyan at sa huli, halos lahat ng kikitain ninyo ay ipambabayad lang ng patubo at hindi halos nababawasan ang inyong utang. Masasayang lang ang pagsasakripisyong mawalaay sa pamilya nang matagal na panahon.

Kung walang katiyakan ang trabaho, hindi dapat umutang ng pantayo ng bahay. Sa totoo lang hindi talaga kayo dapat bumili ng bahay kung paunang bayad lang ang kayang ibigay at hindi pa sigurado kung regular bang maibibigay ang buwanang hulog. Kapag kasi ganyan, may malaking panganib na maremata lang ang bahay at mauwi lang sa wala ang lahat ng ibinayad. At hindi pa naman basta-basta maibenta ang bahay, lalo na kung hinahabol ng bangko, SSS o Pag-Ibig dahil hindi makabayad ng utang. Mas mabuti pang mag-ipon na lang muna ng pera at kapag sapat na ang perang pabayad sa lahat ng gastusin sa pagbili ng bahay saka na lang dapat kumuha ng housing loan.

Sana maging aral sa makakabasa ito o doon sa mga magbabalak mangutang.

Huwebes, Enero 7, 2010

Paraan ng Pagdiriwang

Kung may lubos na napabantog na gawain kaakibat ng pagdiriwang ng bagong taon, iyon ay ang paggawa ng tinatawag na “new year resolution. Ito iyong paglilista o pagsasabi ng mga inaasam na pagbabago sa sarili o ang pagdating ng magandang kapalaran. Maging ang tradisyong ito ay mai-uugat din sa mga sinaunang Babylonians. Sa kasalukuyan, ang isang new year resolution ay maaaring isang pangako na huminto na sa bisyo o baguhin ang pag-uugali. Lubha itong kakaiba sa pinaka-sikat na resolution ng mga Babylonians noon na nagsasaad ng pagnanais na nawa’y mabalik ang hiniram nilang mga gamit sa bukid o iyong mga farming equipment.

Ang Tournament for Roses Parade sa Amerika, na isang parada ng mga bulaklak, ay isa pa ring nakagisnang tradisyon na nagsimula pa noong 1886. Noong panahong iyon, ang mga miyembro ng Valley Hunt Club ay abalang-abala sa pagpapaganda ng kanilang mga karwahe gamit ang mga bulaklak. Iyon ang naging kaparaanan nila sa pagdiriwang ng pag-aani at paghinog ng mga tanim na orange sa California, USA.

Bukod pa sa parada ng mga roses, umusbong din, kaakibat ng pagsasayang iyon, ang pagdaraos ng Rose Bowl Football Game. Pagsapit ng 1902, ang larong iyon ay saglit na napalitan ng paligsahan ng karera ng mga Roman chariots. Pagdating ng 1916, muling nabalik ang paglalaro ng football bilang sentro ng pagdiriwang ng mga bulaklak.

Kinalaunan may sumikat pa at lubhang nakilala na simbolo ng pagdiriwang ng bagong taon – at iyon ay ang larawan o dibuho ng isang bagong sanggol. Ito iyong kadalasa’y makikita maging sa mga greeting cards na larawan ng isang sanggol na karaniwa’y naka-diaper pa, at may ribbon na may nakasulat na mga numero ng bagong taon na kaniyang isinisimbolo.

Ang paggamit na iyon ng sanggol bilang simbolo ng bagong taon ay nagsimula naman sa mga Griyego noon pang 600BC. Iyon ay tradisyon nilang kaugnay kay Dionysus, na siya nilang diyos-diyusan para sa alak o inuming nakakalasing. Sa pagsasayang iyon, ipinaparada nila si Dionysus bilang isang sanggol na nasa loob ng isang basket, upang ipakita ang muli niyang pagsilang espiritu ng fertility o panibagong pagbubuo, panganganak o pagbabagong bihis. Maging ang mga sinaunang Egyptians ay gumagamit din ng sanggol bilang simbolo ng muling kapanganakan.

Bagama’t malinaw na nagsimula bilang gawain ng mga pagano ayon sa simbahan, nagpatuloy pa rin ang ganoong pag-uugnay ng isang sanggol sa pagdiriwang ng bagong taon. Nang lumaon, napilitan ang simbahan na tanggapin ang ganong uri ng tradisyon; ayon nga lang sa kanilang bersiyon, ang sanggol sa bagong taon ay binigyan na nila ng pangalan, na walang iba kung hindi si Hesus daw nang siya’y ipinanganak.

At kaugnay pa rin ng sanggol, nadagdagan pa ang pagpapahalaga dito nang ito ay kabitan pa nga ng banner o ribbon ng bagong taon. Ang ganitong bagong anyo ng sanggol ay dinala ng mga Germans sa Amerika sa mga unang taon ng pagiging bansa nitong huli. Gamit nila ang ganoong simbolismo mag-mula pa nang ika-labing apat na siglo.

Ayon sa nakasanayan na, marami ang naniniwala na dumating ang magandang kapalaran ng isang tao depende sa kung ano ang kaniyang ginagawa o kinakain sa unang araw ng bawa’t bagong taon. Dahil diyan, naging kaugalian na ng nakararami na simulan ang mga unang minuto ng bagong taon kasama ng kanilang mga pamilya, kaibigan o mga mahal sa buhay. Ayon dito, ang kasiyahan ay kanilang pinapa-abot hanggang sa hatinggabi o sa paghihiwalay ng luma at bagong taon. Bukod pa riyan, pinaniniwalaan ding ang unang magiging bisita sa pamamahay sa unang araw ng bagong taon ang siyang puwede na magdala ng maganda o pangit na kapalaran para sa buong taon. At mas-mapalad daw, kung ang bisita ay isang matangkad na tao na may maitim na buhok!

Maging sa mga pagkain sa unang araw ng bagong taon ay may kaakibat din dawn na kapalaran. Maraming kultura sa buong daigdig ang naniniwala na ang pagkain o pagtikim ng anumang pagkain na bilog ay masuwerte, dahil ito raw ay sumisimbulo ng pagkakabuo ng ikot ng isang buong taon. Dahil diyan ang mga Dutch ay bumibilib sa pagkain ng donuts sa unang araw ng bagong taon pabuwenas sa magandang kapalaran na kanilang inaasahan.

May kakaibang pagpapahalaga rin sa pagkain ang maraming Amerikano sa ibat-ibang panig ng kanilang bansa. Marami sa kanila ang kumakain ng black-eyed peas bilang pabuwenas, sa pagsapit ng bagong taon. Kayo meron din bang kakaibang kaugalian patungkol sa pagsapit ng bagong taon. Pero isa lamang ang masasabi ko ilan mang bagong taon ang dumaan, lumipas sa buhay ng tao – pero ang kapalaran ay hindi pwedeng idepende sa kung anong bilog, black-eye-peas o anumang bagay sapagkat tayo ay dapat dumepende lang sa Diyos na nakaka-alam ng ating kapalaran….

Linggo, Enero 3, 2010

Bagong Taon Saan Nagsimula?

Pagdating sa pagsasaya, hindi pahuhuli ang mga pinoy sa lahat ng dako ng mundo, krisis man o hindi. Kaisa sila palagi sa pagdiriwang ng bagong taon na siyang pinakamatandang pagdiriwang kumapara sa iba pang mga tradisyon. Nagsimula kasi ang mga pagsasaya nito noon pang kapanahunan ng matandang Babylon – mga 4000 taon na ang nakalilipas.

Ang pagsisimula na iyon ng bagong taon eksakto sa kapanahunan ng tagsibol ay lohikal at karapat dapat lamang. Dahil kung tutuusin iyon nga ang oras ng panganganak, ng pag-usbong, ng pagtatanim ng mga bagong halaman, prutas o gulay, at kapanahunan ng pamumukadkad. Ang buwan ng Enero, sa isang banda, ay walang anumang kahalagahan sa agrikultura o maging sa astronomiya.

Para sa mga taga-Babylon, ang pagdiriwang ng kanilang bagong taon ay nagaganap sa loob ng labing-isang araw. At sa bawat araw na dumarating, may kaniya-kaniya itong uri ng pagsasaya, na malayung-malayo sa mga nakagawian sa kasalukuyang panahon.

Ang mga Romano sa isa pang banda, ay patuloy na nagdiriwang ng kanilang bagong taon hanggang sa buwan ng Marso, na kinalauna’y nagpabagu-bago din depende sa naluluklok nilang emperador. Bunga niyon, ang kanilang kalendaryo kinalaunan ay nawala na sa tamang galaw ng mga araw.

Upang maitumpak ang pagkakamaling iyon, ang senado ng mga Romano ay nagpasya na ang Enero 1 ang siyang gawing simula ng bagong taon. Idineklara nila ito noong 153 BC, ngunit sa kasamaang palad nagpatuloy pa rin ang kaguluhan sa kanilang kalendaryo hanggang sumapit ang 46 BC. Sa eksaktong taon na iyon pinagtibay ni Julius Caesar ang kaniyang nakilala at ngayo’y ginagamit na Julian calendar, na muling nagtakda sa Enero 1 bilang pagsisimula ng bagong taon ng kalendaryo ayon sa galaw ng araw, kinailaangan ni Caesar na pahabain ang nauang taon noon hanggang sa 445 na mga araw.

Bagamat nagpatuloy ang mga Romano sa pagdiriwang ng bagong taon sa mga unang siglo ng AD (Anno Domini), iyon ay tinuligsa ng simbahan sa pagpapaliwanag na ang mga kasihayang kaakibat ng bagong taon ng mga Romano ay naka-ugat sa paganismo. Datapuwa’t nang lumaon, sa paglaganap pa ng nasasakupan at kontrol ng simbahan, maging ito ay nagdaos din ng mga ritwal at pagsasaya na maikukumpara rin sa mga kasiyahang pagano, kabilang ang Bagong Taon. Hanggang sa ngayon, may ilan pa ring mga samahan sa buong mundo na nagtatakda sa Bagong Taon bilang araw ng pagtutuli.

Pagsapit naman ng Middle Ages, nanatili pa ring hindi sangayon ang simbahan sa ilang mga tradisyon o kaugaliang pagano. Sa isa pang banda sa loob ng 400 taon, pinanatili ng mga bansa sa kanluran ang pagpapahalaga sa Enero 1 bilang simula ng kanilang bagong taon.