Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Lunes, Hunyo 23, 2008

Samo't Saring Kwento

Iwan natin sandali ang kwento ng ating bida ng siya ay lilisan patungo sa napakalayong lugar upang hanapin ang kanyang kinabukasan ika nga. Sa mga darating nating kwento sigurado ko sa inyong ipagpapatuloy natin ang kanyang panibagong pakikipagsapalaran. Ngayon, balikan natin ang lugar kung saan nag-mula ang ating bida sapagkat sabi niya maraming kwento ang lugar na ito ng mga sandugo. Unahin natin ang kwento tungkol sa mga patay na nagbabalik daw, nananakot, nagpapakita sa Bancuro. Totoo bang meron ngang mga ganito sa lugar na iyon? Bakit masyado bang bulubundukin ang lugar? pero sa mga unang kwento niya na ito ay kapatagan, at meron ng mga ilang makabagong kagamitan sa lugar na iyon. Hindi kaya kathang isip lamang ito ng ating bida upang idagdag lang niya sa kaniyang entre sa blog na ito. Kayo na lang po ang humusga.....

Kabaong na Nakalutang

Sa maniwala kayo o hindi kailangang ituloy ko ang kwentong ito sapagkat ika nga nagkasubuan na. Hindi naman mismong ako ang nakaranas ng ganitong pangyayari pero ito raw ay naganap mismo sa di kalayuan sa aming bahay ngayon. Kasi ang bahay ng mga tatay ko ngayon ay napatayo sa lugar kung nasaan ngayon noong taong 1973 pa, pero bago napatayo ang bahay nayun medyo malayo ang bahay ng ilang metro sa kalsada, ang kalsada ay hindi naman gaanong sementado, may bato pero hindi naman baku-bako. Natatandaan ko pa na ang bahay namin ay yari pa sa pawid kung tawagin sa amin. May itaas at may silong siya, may hagdan at wala pang kuryente sa lugar na yun, kaya ang gamit lang namin ay ilawang di-gaas, at kapag ka minsan ay coleman (petromax).

Sa lugar namin pag patak ng 6 ng hapon tiyak na madilim na at ilan nalang ang makikita mong malalakas ang loob na mamasyal o mangapit-bahay. Sa tapat bahay namin bago ka makarating ng kalsada ay kailangang tawirin mo ang maliit na kanal ng tubig galing sa ilog punta sa mga palayan, sa kabila naman ng kalsada ay ang makapal na mga iba’t-ibang punong maliliit o dawag kasama ang puno ng tagbak, baging, yantok, ubod-ubod at iba pa, meron ding napaka laking puno na kung tawagin ay antipolo. Kaya ang lugar ay napaka dawag at mahirap pasukin kung sakali man.

Minsan isang gabi galing sa kanto ang isa sa mga pinsan ko upang makipagkita sa isang manghihilot ng braso, na inabot ng gabi doon. Sa paglalakad niya pabalik sa kanilang bahay, mga 20 metro pa ang layo sa tapat ng aming bahay may naaninag siyang isang maliit na ilaw o liwanag. Nagpatuloy siya sa paglalakad at yung isa kanina naging dalawa na ang liwanag at ito ay lumalakad, mula sa gilid ng kalsada patungo sa kabilang kalsada. Mga isa’t kalahating dipa ang agwat ng dalawang liwanag. Kitang kita niya ito sapagkat pusikit ang kadiliman, kasi hindi pa kabuwanan. Habang papalapit siya sa munting liwanag naboboo sa kanya ang isang pahabang kahon na medyo makintab. Nang ilang diba na lang ang layo niya doon niya napagtanto na isang kabaong pala yung nakikita niya at ang liwanag ay dalawang kandila na magkabilang dulo ng kabaong.

Napahinto siya sa paglalakad, hindi niya malaman kung babalik siya o magpapatuloy. Sa isip niya kung babalik siya saan siya pupunta doon sa kanto. Pero kung magpapatuloy siya paano siya makakalampas doon samantalang yung kabaong na nakita niya ay pabalik balik doon sa daan na parang inihaharang sa mga magdaraan. Sinubukan niyang ipikit at imulat ang kanyang mata baka lang guni-guni niya yung nakikita niya, subalit ganon pa rin at ngayon ang kabaong ay nakalutang ng hanggang baywang ang taas, malakas naman ang hangin pero hindi namamatay ang sindi ng kandila, para itong walang hangin na dumaraan. Sinubukan niyang tumingin sa tapat ng bahay namin, wala naman siyang makitang sindi ng ilaw, siguro tulugan na kami noon, kasi ganon naman sa probinsya alas 8 pa lang ng gabi karamihan ay tulog na ang lahat.

Lumingon siya sa banding kanan kung saan yung makapal na dawag, nakita niya yung napakaraming mata na nakatitig sa kaniya, na parang naghihintay ng isang mabibiktima. Sa gayong pangyayari isang pasya ang ginawa niya, tumungo siya upang bitbitin ang kanyang tsinelas at kumaripas ng takbo, bahala na yun ang nasabi niya. Tumakbo siyang nakapikit ang mata basta ang kanyang alam ay kailangan malampasan niya ang lugar nayun na merong mga matang nakatitig sa kanya at ang kabaong na nakalutang. Habang siya ay tumatakbo pakiramdam niya hindi siya lumalayo, at pakiramdam niya hindi pa siya nakakalampas sa kabaong, pero ramdam niya na hapo na siya sa katatakbo at sa tantiya niya mahaba na ang kanyang tinakbo.

Subalit ng imulat niya ang kanyang mga mata totoo na hindi pa nga siya nakaka-alis sa kanyang kinatatayuan mula ng huminto siya, pero bitbit pa niya yung tsenelas niya. Lalong siyang natakot sapagkat hindi pa rin umaalis ang kabaong sa daraanan niya, tulo ang kanyang pawis at sa pagod. Subalit wala siyang magagawa kundi ang lampasan ang lugar nayun, kaya imbes na tumakbo lumakad na lang siya na nakadilat ang mga mata, sabi niya bahala na, patay kung patay. Ng isang dipa na lang ang layo niya sa kabaong ito’y biglang nawala at nawala rin ang mga matang kanina’y nakatitig sa kanya. Paglampas niya ng ilang dipa sa lugar nayun saka siya kumaripas ng takbo hanggang sa kanilang bahay. Pagdating sa bahay hindi siya nagpahalata kasi kahiya-hiya sa kanila.

Kinabukasan ng mga banding tanghali na nagpunta siya sa amin at ikinuwento ang kanyang nakita sa tapat ng bahay namin nayun. Nag tanong tanong siya sa iba kong mga pinsan, meron nga daw na lumalabas doon na iba’t ibang anyo, mata ng mga nakakatakot. Mula noon hindi na nagpapagabi pa ang pinsan kong iyon. Hindi ko na sasabihin pa ang pangalan niya kasi nakakahiya eh, takot siya sa gabi, he he he…. Mga ilang taon pa nabili ng ninong ko ang lugar na yaon kaya hinawanan na at tiniman ng kalamansi. Kasabay noon nagpapagawa na rin kami ng bahay sa malapit lang doon. Nang marinig ko ang kwentong yun, kahit noong nahawanan na yung lugar hindi pa rin ako nagpapagabi doon. Kanino kaya nag kabaong nayun, saan kaya binili yun…..? sa susunod ikaw na ang makakakita noon....