Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Miyerkules, Hunyo 18, 2008

What Next?

Nakita natin sa nakaraang kabanata na parang wala lang ang nangyari, parang walang naiwang bakas ang ating bida, hindi man lang nakipag-usap, nakipag-ayos at hindi man lang tinapos ng maganda ang isang bagay na nasimulan sa magandang ugnayan. Ganito ba talaga ang sandugo, nagagawang manakit ng damdamin ng iba? Ano ang gusto niyang patunayan, meron ba? May dahilan kayang malalim siya, kung kaya nagawa niya yun sa isang babaeng umibig sa kanya? Punong puno tayo ng katanungan. Subalit hindi natin napansin na wala naman siyang malalim o malaking pananagutan, kundi ang pagiging mag-syota lang nila. At alam natin na karaniwan naman yun sa isang relasyon, kung natatandaan ninyo na nasabi ng ating bida na hindi pa siya handa sa pag-aasawa, siguro ito ang isang dahilan niya, katulad din ng kanyang sinabi doon sa isang ugnayan niya na taga roon sa kanila o kaswela niya sa high school. Hindi rin naman natin siya masisi, buti nga hanggang maaga ay ganon ang nangyari, hindi yung lumalim pa ng husto, lalong masakit ang ganon.

Tuloy ika nga buhay na parang walang nanagyari, sinubsob ko ang trabaho kapag naroon ako sa LTO at kapag nasa lakaran “easy go lucky” ika nga. Meron pa bang mga sumunod na karanasan sa babae ang ating bida? Meron, kasi merong isang babae na matagal na talagang may kras sa akin yun ay anak ng may-ari ng tinitirhan namin. Napapansin ko naman yun, sa mga ikinikilos niya, pananalita at iba pa, pero hindi ko lang yun sinasamantala. Subalit yun pala ay napapansin din ng mga nakapaligid sa akin. At yung pinsan niya mismo ang nagsabi sa akin na may gusto nga raw ang babaeng ito sa akin. Kaya minsan umiral na naman ang kalukuhan ng sandugo, sinubukang sakyan ang mga pangyayari sa paligid. Mula sa biruan at tuksuhan napunta sa udyukan, hanggang kumagat naman yung babae. Pero ang masakit nito hanggang doon lang sa labas ng kalsada kami nagkikita, minsan sinundo ko siya sa Quiapo kasi doon siya nagtatrabaho, subalit pinababa niya ako ilang kanto bago sa kanilang bahay, medyo nadismaya ako, pero inunawa ko na lang kasi kilala ko ang pamilya niya.

Hindi nagtagal ang ganong relasyon sabi ko sa sarili ko, kung ayaw mo eh di wag, ang tigas at ang yabang ano. Kaya siya mismo ang gumawa ng paraan para makipag-hiwalay sa akin. Nasabi ko nga sa kanya meron bang dapat putuling relasyon sa atin. Naiyak siya kasi alam niyang wala naman talaga, sila lang ng kaniyang pinsan ang nagpipilit na meron para masabi na nagkaroon siya ng syota, at yun ay ako. Lumipas ang mga araw nawala rin ang galit niya at nanumbalik ang aming pagkakaibigan, pero ramdam ko naroon pa rin yung pagtingin niya sa akin.

Naging abala kami nina Rey, Bong, Nelson, Lorena, Diane, Maylene sa mga lakaran, disco at iba pa. Binulungan ako ni Bong na kung bakit hindi ko ligawan daw si Maylene kasi nabanggit niya na may kras siya sa aking ngiti, sabi ko bakit ko papatulan yun ay ngiti lang yun. Si Maylene ay may malaking balat sa may kaliwang mukha na kulay itim at may buhok pa ito. Kasing laki ito ng 50 sentabo noon. Maliban doon okay naman siya, game, malambing pero nagsisigarilyo. Minsan nagpunta kami sa disco sa may Manuela EDSA doon ko sinimulan ang bagong kalukuhan ko. Niligawan ko siya, pero kung gaanong ka bilis akong magsabi sa kanya, ganon din kabilis siyang prankahin ako na hindi niya ako type, wow namula ang tainga ko at hindi ko alam ang gagawin. Bigla akong nagapa-alam sa kanila na sabi ko pupunta ako ng Pasay, pero alibi ko lang yun. Siguro hindi lang ako sanay sa gayong pangyayari na nabigo ng walang laban, ikaw nga.

Kinabukasan, hindi ako pumasok kasi nalasing ako ng husto sapagkat pagdating ko ng Balik balik may inuman din doon. Kinahapunan nariyan na yung mga barkada ko sina Rey, Bong at iba pa dinadalaw na ako, at naroon ang kantiyawan. Yun pala may lakad ulit kami ng mga barkada, kasi si Nelson at Rey ay tanggap na puntang abroad sa Kuwait, matapos yun ng digmaan sa Gitnang Silangan. Magkkaroon ng kaunting kasayahan bilang pamama-alam nila. Naiwan kami ni Bong sa LTO kasama ang mga angels namin. Marami kaming mga kalukuhan pa ang ginawa, subalit yung drugs ang hindi namin sinubukan. Minsan nagkabiruan kami ni Bong na bakit hindi tayo mag aplay din sa abroad, oo nga sabi ko naman. Hanap tayo ng agency, may nakapagsabi na meron nga doon sa mga Luneta.

Pero tinanong namin ni Bong ano naman ang ating pwedeng pasukan. Kahit ano sabi ko naman, kasi sa totoo lang wala naman akong nabibigay na tulong sa mga Inay at Tatay galing sa aking kinikita sa LTO, kulang pa sa akin ang suweldo ko, hindi pa nga regular akong magbigay sa pambayad ng bahay eh. Yan ang isang malaking pwersa na nagtulak sa akin para subukin ang mangibang bansa. Nahinto pa nga si Mike dahil hindi kayang pag-aralin ng mga tatay kahit na meron akong trabaho. Si Ineng naman ay self supporting nag-aaral siya sa gabi at nagtatrabaho naman sa araw, si Mia ay nag aaral din. Kaya nabuo ang aking pasya na mangibang bansa. Baka doon ay magkaroon ng magandang kapalaran ang sandugo…

Kaya mga kapitbahay, malalayo na sa Bancuro ang kwento natin pero hindi naman malilimutan na taga roon ang nagkukuwnto nito.

Walang komento: