Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Sabado, Agosto 30, 2008

Binata Tuli Ka na ba?

Ano bang magandang kahihinatnan kapag ang isang lalake ay tinulian? Kung pagbabasihan natin ang matandang kasabihan at ayon sa bibliya ang “pagtutuli” sa isang lalake ay mahalaga sapagkat ito ay isang palatandaan sa iyong katawan ng Diyos na nagpapakita na ikaw ay sa Kanya. Subalit ayon naman sa mga sayantipikong pag-aaral ito raw ang may magandang epekto sa katawan ng lalake. Sabi nga ng mga matatanda kailangan daw patuli ang isang lalaki para lalong tumangkad, lumaki ang katawan. Ang tanong kalian ba dapat patuli ang isang lalaki? Kasi kung ayon sa kasulatan dapat tulian kapag siya’y bata pa walong araw matapos ipanganak ang bata.

Sa bagong nating kwento sa Bancuro marami ang pangyayari patungkol sa pagtutuli, bakit naman nasabi yun, sapagkat doon ang mga bata ay takot magpatuli, masakit daw kasi naman hindi doktor ang gagawa kundi isang mangangarit o isang pininsan lang. Sa mga pinsan kong binata, siguro mga ikatlong henerasyon bago kami may mga pinsan ako na talaga namang takot magpapungos o pangpa-tuli kasi takot. Ibig sabihin hanggang ngayon sila’y hindi pa mga pungus, napungusan din naman pero – ang nakadala lang sa kanila upang magpa-tuli ay ang kanila hiya sa mga sinasabi ng mga dalaga na kakilala at alam na sila ay hindi pa tuli.

Ayon sa pagkaka-alam ko sila’y mga apat o limang pinsan ko na makunat na bago nagpa-tuli. Sa Bancuro ang usong pagtutuli ay yaong tinatawag na karaniwang hiwa lang na lalagyan ng baro-baruan tapos tatalian ng tela. Maraming uri ng tuli meron tinatawag na German cut – ito yung pungos lahat mula ilalim hanggang itaas, scissor cut, crewcut at iba pa. Napilitan nga silang magpa-tuli dahil sa hiya kahit silay mga mag edad na – siguro ang edad nila ay nasa pagitan ng 25-30 taong gulang. Inihanda ang “lukaw” – ito yung kahoy na may kurting parang bilang pito – ibabaon sa lupa ang kabilang dulo tapos luluhod ang binata upang ipasok yung dulo ng ari niya sa dulo ng lukaw. Bago yaon sinasabihan ang magpapatuli na maligo ng medyo babad sa tubig o matagal upang maging malambot ang balat kapag pinukpok. Tapos kukuha ng talbos ng bayabas ang magpapatuli at ngunguyain para ilagay sa sugat pagkatapos, dapat meron na ring nakahandang baro-baruan at tela na pantali. Ang lugar ay karaniwang sa magubat upang walang makakitang babae, kasi sabi bawal makita ng babae kasi mangangamatis ang sugat.

Ang lahat ay naihanda na, ang apat ay namumutla na sa takot pero wala silang magagawa kasi napasubo na sila. Sinimulan ang pagtutuli – “array ang sakit, tapos nab a, arayyyy” ayuko na - pak, tsak, tag. Ganyan ang maririnig mo sa kanila. At heto ang sesti nangnapukpok na at tapos na, dapat ilalagay yung nginuyang bayabas wala na kasi nalulun, kaya nguya na ulit ng panibago. Natapos ang seremonya, sinabihan kung paano langgasin, ano ang mga bawal kainin at ang bawal gawin. Ang pinaka bawal daw sa lahat yung kumain ng malansa at malakdawan o madaan ng babae kaya bawal ang maupo sa may pintuan. Subalit ilan sa kanila ang lumabag sa mga sinabing bawal kaya naman nangamatis ang sugat, lumubo at matagal gumaling, lalo silang natakot, meron sa kanila ang nagpagamot nalang sa doktor. Pero nakaraos din naman sila…. Pero hindi na mawawala sa kanila ang karanasang iyon.

Sa akin naganap din ang ganon ng nagpa-tuli ako ang pagkaka-iba lang hindi naman ako takot ng magpatuli. Wala pa talaga akong balak magpatuli noon. Karaniwan kasi sa amin sa Bancuro yung maligo sa ilog na patay, sumama ako kay Kuya Tony paliligo, nagbabad kami doon pero wala akong kaalam-alam na siya pala ay planong magpatuli ng araw na yaon, kami noon ay katatapos lang ng unang taon sa AGMA ibig sabihin bakasyon. Natapos ang paliligo dumating at tinawag kami para simulan ang pagtutuli sa tabing ilog. Wala akong dalang anumang gamit para sa pagtutuli, pero sumama na rin ako at nagpatuli. Tig-isa kami ng besekleta ng pumunta doon, yun pala wala ring dala si Kuya Tony na kahit ano, kaya noong matapos kaming pukpukin – pinatalon ulit kami sa tubig para daw hindi magdugo at doon na lang lagyang ng bayabas at baro-baruan sa bahay namin, ganon nga ang ginawa namin.

Pagdating sa bahay nguya at nguya ng bayabas, hanap kami ng mga gagamitin. Napansin ako ng Inay, ano daw ang nangyari sa akin bakit iika-ika ako, nahihiya akong sinabi na nagpatuli ako. Natawa pa ang inay bakit daw ako mahihiya eh talagang ganon naman ang dapat at tinuruan pa akong kung paanong gumupit ng gagamitin. Heto ang masama nito, may nagsabi na sa madaling araw daw sumasakit ang sugat kasi nabubuhay si manoy, kaya dapat daw may katabi kaming plansta o kutsara (bakit yaon kasi malabig yun pampakalma, ika nga) para pag nagising lapatan ito para lumambot agad. Ganon nga ang aming ginagawa, epektibo naman – he he he he he…

Sa paglalanggas magkasama kami ni Kuya Tony ang Inay ang naglalaga ng bayabas na panglanggas at sa banyo kami gumagawa noon. Minsan matapos langgasin dapat lagyan ng gamot na pinisilin na dinurog para madaling gumaling. Kapag ito ay inilalagay sa sugat medyo masakit at mahapdi kaya noong lagyan ko yung sugat dapat may hawak akong pamaypay para paypayan pero wala akong makita kaya ang ginamit ko yung pinggan na plastic naman. Sa pag paypay ko tinamaan ang sugat, sigaw ako – arayyyyyyyyyyyyyyyyy ko. Dating ang inay anong nangyari. Natawa si Kuya Tony at sinabi ang nangyari, natawa rin ang Inay.

Noon ay ilang araw na lang at pasukan na, pero hindi pa gumagaling ang sugat ko, kaya noong pasukan may tali at benda pa si manoy ko kasi nga di pa magaling. May nakapagsabi na yun daw bao ng niyog kudkurin yung bao tapos painitin at yun ang ibudbod sa sugat. Isang linggo pa ang lumipas, gumaling na rin ang tuli ko – salamat sa bao – he he he he..

Martes, Agosto 26, 2008

Tayo Na Sa Tupada….

La diyes, sa puti, sa pula…. Magkano sa iyo, lugro, hindi dehado ang kalaban. Tatloy apat nalang… Ito yung karaniwang maririnig mo sa isang tupada ng manok..

Isa sa napakaraming namanang kaugalian ng mga taga Bancuro ang sabong ng manok, siguro nangunguna sa pinaka-maraming naglalaro nito ay mga taga Pook, Bancuro. Suguro sa dahilang medyo nakaka-taas ang kanilang buhay o talagang talamak na sa ganitong laro tuwing sasapit ang araw ng Linggo. Talaga namang dumarayo pa sa mga karatig bayan tulad ng Naujan, Victoria at minsan sa Calapan lalo na kapag may derbe ika nga. Ayon sa pagkaka-alam ko ang larong sabong ay pamana pa ng mga Kastila sa ating kultura. Ito’y ang pagtatagisan ng dalawang manok sa loob ng arena, na parehas na may naka-kabit na tare sa kaliwang paa ng manok.

Tulad ng sabi ko pinaka-maraming naglalaro ng sabong ang mga taga Pook, pero karamihan sa kanila ay mga nasa kalagitnaan na ng edad, ika nga. Sila yung mga ikatlong henerasyon na ng mga magsasabong. Bawat isa sa mga magsasabong ay nag-aalaga ng manok na panabong. Minsan nga nag-rereklamo na ang kani-kanilang asawa sapagkat mas mahal daw ng mga asawa nila ang manok na panabong kaysa sa kanila, sapagkat umaga palang hinihimas na ang manok, sinusuklay suklay, samantalang hindi man lang sa kanila magawa. Tama nga naman malaking oras ang ginugugol ng mga magsasabong sa kanilang manok kaysa sa kanilang asawa, at kung talo sa sabong mainit pa ang ulo pagdating nila. Oo nga naman..

Naaalala ko pa noong buhay at malakas pa ang lolo ko, isa sa mga talamak sa sabong, walang pinalalampas na Linggo na hindi nag-sasabong. Mahilig ding mag-alaga ng manok na panabong. Lalo na noong naroon pa ang bahay nila sa gitna ng bukid o tinatawag na “laot”. Doon ang pinaka-mababang alagang manok niya ay 4 na manok. Umaga palang naka-upo na yun para himasin ang kaniyang mga manok. Minsan tinatawag kami upang makatulong sa pagkakahig o pagbutaw ng manok, pagpapatuka at paglilinis ng mga dumi ng manok. Sabi ko nga sa itaas, kapag talo sa sabong asahan mo na tahimik sa bahay ng lola ko walang imikan, pero kapag panalo panay ang kuwento niya at merong pang pasalubong sa amin. Kaya nasisiyahan na rin akong mamalagi doon dahil may pasalubong. Subalit kahit marunong akong magsabong hinding hindi ko sinubukan ito kahit itong sinasabing “tupada”.

Ano ba itong tinatawag na “tupada”? Ang tupada ay sabong din kaya lang ito’y labag sa batas at patago itong ginagawa sa mga baryo o gitna ng bukid. Meron din minsan na pahintulot sa munisipyo kung malakas ika nga ang maghawak ng patupada. Subalit ganon din ang kalakaran, dangan nga lang na maliliit ang pustahan dito sa tupada. At karaniwang pumupunta rito ay yung mga binata, may asawa at matanda na walang kakayahang makapunta sa mga malalaking pasabong. Sa mga talamak sa sabong ang tupada ang sagot sa kanilang hanap. Pero kung tatanungin mo sila – sugal ba ang sabong o tupada? Sa ganang akin lahat ng laro na may nakatayang pera, ito’y masasabing sugal. Pero para sa kanila ito’y raw ay isang laro o debersyon lang o pampalipas ng oras.

Sa kasalukuyan ang Bancuro ay kakikitaan mo ng maliit na bilang na lang ng mga magsasabong o wala ng nagpapatupada kasi mahigpit ng ipinagbabawal ito. Siguro sa dahilang mahirap ang buhay at sa bagong mga henerasyon iilan na lang yung sumunod sa tapak ng kanilang mga magulang – na pagsasabong. Meron man nag-aalaga na lang ng manok pero pang butaw na lang.

Sabado, Agosto 23, 2008

Adik sa Sayawan Noon….

Doon sa nakaraan kong entri medyo nabitin kayo sapagkat hindi ko naibigay ang buong kwento tungkol sa mga sayawang nagaganap sa Bancuro at mga karatig baryo na sinabi kong napupuntahan namin. Kaya ngayon dito sa kwento ko yung mga lakaran namin kapag buwan ng Mayo kung tawagin nga ay “flores de Mayo”. Ang mga karatig baryo, sityo na malapit sa Bancuro ay ang mga Antipolo, San Agustin, Ladron, tapos sa Bahay, Ibaba, Butas, Kalamyasan, Kabilang Ilog.

Masasabing buwan ng Mayo ang karaniwang hinihintay ng mga tulad kong binatilyo sa dahilang maraming sayawan ang tiyak mapupuntahan. Nagagalit nga ang Inay sapagkat lagi na lang daw akong puyat at hindi makatulong sa bukid. Wala namang reklamo ang tatay siguro nauunawan niya yung tulad kong binata. Pero hindi naman ako yung tipo ng binata na talagang hindi tumutulong sa bukid, sumasama lagi ako sa tatay.

Nabanggit ko rin ang mga kasama ko, sina Ampong, Mar, Vina at Pando, kami yung talagang masasabing mga adik sa sayawan, lahat halos ng sayawan doon napupuntahan namin. Dagdag pa rito na si Vina at Pando ay may dalagang nililigawan – na lagi namang naiimbita ang mga dalagang ito, sapagkat magaganda naman, ika nga mabenta sa mga sayawan. Mas madalas kaming dumalo ng sayawan sa Antipolo, sapagkat ang dalawang dalagang sinasabi ko ay taga-roon. At doon ko rin nakikilala yung isang babae na medyo natipuhan ko ang pangalan ay Cristy Dela Torre. Siempre di pa ako gaanong bihasa sa pakikipag-usap sa babae ang alam ko lang ay sumayaw ng “sweet”. Kapag cha cha at boggie or hot music hindi mo ako makikita sa loob ng sayawan.

Ilang beses ko lang naman naisayaw si Cristy, kaya hindi masyadong nagkakilala pangalan lang at kung saan nakatira. Napansin pala yun ng mga kasama ko, kaya panay ang gatong sa akin na ligawan ko na raw. Siya’y imbita roon, siya’y taga Melgar, kaya hanggang doon lang ang pagkakilala namin. Subalit dumating ang isang pagkakataon na siya pala ay na-imbitahan sa may Ibaba, Bancuro para sa isang tapusang sayawan. Lingid sa aking kaalaman talaga palang inimbitahan siya para daw magkita uli kami yun naman ay ginawa nina Vina at Pando. Siempre hindi ko alam yung mga imbitadong mga dalaga ang alam lang ay merong sayawan doon.

Dumating ang araw nayon, dumating kami doon ng mga kasama ng medyo maaga pa. Lumapit sa akin sina Vina at Pando sinasabi na may surpresa daw sila sa akin. Natawa lang ako, at binaliwala ang kanilang mga sinabi, pinalagay na biro lang. Nagsimula ang sayawan ng mga masisiglang tugtugan, siempre hindi ako pwede riyan. Datingan ang mga imbitadong mga dalaga mula sa mga karatig na lugar. Merong pinabili lang ng suka sumama ng magsayaw, meron namang lahat na ata ng pangkulerete sa mukha inilagay na, meron din simple lang, merong parang kambing na nguya ng nguya.

Sa mga ganoong sayawan hindi nawawala yung tinatawag na rekwest ng isang lugar upang sila ang manguna sa pagsayaw pagka ganon merong bayad yun kasi espisyal. Lingid sa akin isinubo pala ako ng mga kasama ko na siyang mangunguna sa sunod na tugtog tapos susundan nila. Sa ganong lagay ang tagatawag ay babanggitin ang pangalan na siyang mangunguna. Nakakahiya namang hindi sumunod kaya ng tawagin ang pangalan ko, nagulat ako, pero sabi ko nga wala akong lusot nakakahiya. Tumayo ako ng hindi ko alam kong sino ang aking isasayaw ewan ko kung bakit sa banding kanan ako napunta sa mga helera ng mga dalaga at kinuha ko yung natapatan ko.

Noong sumasayaw na ako, nangiti ako sa kanya at bigla siyang nagsalita ng “ikaw ha, esnabero ka na”. Nagulat ako kasi hindi ko matandaan kung saan kami nagkita, siya pa ang nagpa-alala sa akin kung saan kami nagkakilala. Bumalik sa aking alaala yun at nahiya tuloy ako sa kanya, kaya pala yung mga kasama ko panay ang tingin sa akin na may ngiti. Kaunting kuwentuhan, maya-maya pa natapos ang tugtog siempre bigay kami ng bayad (dameds ang tawag sa Bancuro). Bago kami naghiwalay sa tugtog nayon sabi ko isayaw ko ulit siya, sabi niya oo ako pa.

Kaya mula noon wala na akong ibang isinayaw kundi siya lang. Hanggang sa madaling araw niligawan ko na siya, nakilala ko na siya. At bago natapos ang sayawan naging syota ko siya, pero ubos naman ang pera ko may utang pa sa mga kasama ko. Kasi naman ginawang highest bidder si Cristy siempre paurihas din ako para maisayaw siya ng matagal. Heto ang siste ng umagang iyon naging usapan ang gabing yaon, at nalaman din ng Inay ang nangyari, kasi may nakapag-sabi sa kanya. Sabi ng Inay sa akin kilala daw niya yung babae at yung mga magulang, medyo napahiya pa ako. Pero wala yun sa akin, mula noong gabing yun hindi na ulit kami nagkita. Sabi nina Vina na puntahan daw namin sa Melgar sabi ko malayo wag na lang… doon natapos ang tinatawag na one night love affair….. he he he.

Minsan sabi ng Inay nakita daw niya si Cristy, kinukumusta ako, yun pala nag-asawa na siya ng tagaroon sa kanilang lugar…

Martes, Agosto 19, 2008

Ganon Pa Rin Kaya?

Magandang araw po sa lahat ng aking masugid na mambabasa sa buong kapuluan. Meron ba? Sa tingin ko naman ay mayroon kasi doon sa aking palatandaan meron namang dumaraan hindi ko lang alam kong nagbabasa, kahit naligaw siya o talagang pinuntahan bumabati ako sa iyo. Ika nga nila – tumapak kana rin lang, magbasa kana, malay mo makapulot ka kahit katiting nakaalaman tungkol sa Bancuro, sa lugar na punong puno ng kwento at ng mababait na tao na balang araw magamit mo, diba….. ikaw rin.

Isang kaugalian pa dito sa Bancuro ay ang pagsapit ng buwan ng Mayo, buwan daw ng mga bulaklak. Ano ba naman ang pagkaka-iba nito, eh boong Pilipinas nagsasagawa sila ng kanya kanyang pagdaraos ng “araw ng mga bulalak” o kung tawagin ay “flores de Mayo”. Sige nga anong kakaiba sa pagdaraos nito sa Bancuro? Wala namang pagkakaiba subalit para sa akin matagal tagal narin namang hindi nakakasama sa mga ganoong pagdaraos hinahanap hanap ko siya, kaya lang mahirap ng mangyari sapagkat iba na ang kalagayan ko, una malayo at marami ng balakid. Ganon pala kapag yung isang bagay na matagal mong ginagawa at nawala o nawalay, tanging pag-aalaala na lang ang iyong magagawa.

Sa kabila na ang buwan ng Mayo ay pagsisimula ng magbago ang panahon ng tag-init tungo sa tag-ulan sa Pilipinas, subalit sa Bancuro ay hindi nila nakakalimutan yung pagdaraos ng “flores de Mayo” hanggang ngayon. Sa buong buwan ng Mayo, naaalala ko pa na hahatiin yung 31 araw ng Mayo sa lahat ng mga naninirahan sa Pook, Bancuro, lahat ng bahay doon ay bibigyan ng araw para sa“flores de mayo”. Kapag ang kaarawan (birthday) ng nakatira sa isang bahay ay natapat ng Mayo, ito rin ang araw niya sa tuklong sabi nga doon. Sa lahat ng nakatoka sa bawat araw, sila yung mag-aayos, maglilinis ng tuklong, kasama rin dito yung kaunting handa ayon sa kanilang makayanan. Kapag nabigyan na lahat ang bahay o pamilya ng tokang araw at meron pang nalalabing araw na walang nakatoka, itoy hahatiin para sa mga kabataan o yung mga binata at dalaga na sa Pook.

Ang “flores de Mayo” dito ay nangangailangan din ng mamumuno o mangunguna sa dasal sapagkat ito ay magkahalong dasal at kantahan na akma o naaayon sa kinaugalian. Noong ako ay nakakadalo pa ng flores de mayo at marami pang mga dalaga roon na mga pinsan ko, talaga naman ang bawat bahay ay naglalaan ng panahon at handa para dito, kaya masasabing masaya. Subalit sa paglakad ng mga panahon umaalis ang mga dalaga at binata patungo sa Maynila upang mag-aral o nag-aasawa sa ibang lugar, kaya paunti ng paunti ang mga dumadalo. Ang mga natitira na lamang doon ay mga may-edad na laging antukin na at kinatatamaran na ring dumalo. Meron namang ilan na talagang hindi nakakalimutan at di pina lalampas ito.

Noon minsan nagyayaya pa kami ng dalaga sa ibang lugar upang makisaya sa aming pagdaraos, sapagkat minsan pagkatapos ng dasal at kantahan meron kaunting sayawan ng mga dalaga at binata. Yun naman ang talagang inaabangan naming mga binatilyo kasi makakasayaw sa mga dalagitang naimbitahan lalo na kung maganda at kras ng baryo. Pero sa ngayon itong mga kasayahang ganito ay nawawala na sa paglipas ng mga panahon. Wala naman masyadong aalalahin sapagkat ang buwang ito ay buwan ng bakasyon sa eskwela, kaya pwedeng mag-puyat ang lahat. Natatandaan ko pa nga ang Inay as isa sa mga namumuno doon, at siya rin ang minsan pinangangasiwa kapag ang handa lang ay candy, siya yung nagbibigay sa bawat isa, alam niya yung tig-iilan ang bawat isa. Alam niya yung nabigyan na at hindi, kasi yung iba nanluluko. Sabi nga ng Inay nakaka-ipon siya ng candy sa boong buwan.

Isa pang bagay na hindi na mawawala sa alala ko tungkol sa flores de Mayo eh yun ngang sayawan. Alam naming mga binata doon kung saan sa paligid ng Bancuro merong sayawan at siguradong pupuntahan namin yun kahit naulan. Isa ako na masasabi na adik sa sayawan pero hindi naman marunong magsayaw, ewan ko ba pero naging ganon ako. Karaniwan namang mga pinsan ko ang kasama sina Marmerto Ilao (Mar), Ampong (Alberto Amboy), Venancio Umali (Vina), Lorenzo Hernandez (Tito) at si Pando minsan kasama rin si Pareng Pogi. Walang malayo sa amin kapag sayawan, kahit umuulan tiyak na pupuntahan namin yan, wala sa amin yung bitbitin namin ang mga sapatos marating lang yung lugar. Ganyan kami ka-adik sa sayawan, sa sunod kong kwento yung talagang sayawan at mga kalukuhan doon…. ang kwento ko abangan - nabitin kayo ano.

Linggo, Agosto 17, 2008

Uso pa ba ito…

Kung uso ang pag-uusapan napaka-bilis dumaan ng ibat ibang uso, mula sa damit, mobile phone, pantalon, orasan, buhok pati nga ugali uso-uso din. Ang mabilis na pagbabago ng uso ay makikita lang pangkaraniwan sa mga bayan, siyudad o lungsod. Nararating din naman ng uso ang mga probinsya subalit mabagal at huli na. Siguro kaya mabagal ay sapagkat sa mga uri ng tao na nakatira doon at sa kapaligirang kanilang ginagalawan. Tulad ng Bancuro, hindi naman napapahuli sa uso ang mga taga-rito mabagal pero nakakasunod ika nga.

Meron akong isang bagay na masasabi na isang kaisipan tungkol sa mga pa-uso na karaniwang ito ay buhat sa lungsod patungo sa mga probinsya, baryo o barangay. Ano kaya kung baligtarin natin ang tanong? Meron kayang pa-uso na galing sa mga probinsya, baryo o barangay patungo naman sa bayan, lungsod o siyudad? Ano sa palagay ninyo meron? Meron din naman, halimbawa yung pagsusuot noon ng subrerong yari sa kawayan, nito, ang paggamit ng bag na yari sa kawayan or nito at marami pang iba na kung titingnan mo ito’y kaugalian na galing sa mga probinsya.

Sabi nga ng mga matatanda sa Bancuro yun daw pagsusuot ng maong ay gamit lamang ng mga magsasaka sa bukid, pero ngayon nasa mga lungsod na ginagamit. Yung paggamit ng “bagpack”, ito raw ay unang nauso sa mga taga probinsya sapagkat karaniwang ang pagdadala ng mga gamit o damit doon ay sa likod inilalagay, pero ng gamitin na sa mga bayan ito’y naging makabago na. Isang usong-uso o kinagisnan ng kaugalian sa mga probinsya ay yung mga ‘agimat” ng mga matatanda sa una. Sa Bancuro maraming matatanda doon ang nagsasabing meron mga iniingatang agimat sa katawan.

Ayon sa mga kwento roon iilan doon ang walang iniingatan kahit maliit o kapirasong dasal para sa agimat daw. Isa sa mga nakita ko noon ay ang lolo ko, meron siyang medalyon na may nakadrawing daw (hindi ko na nakita kung ano yung naka drawing), pero ang sabi ito raw ay patungkol sa negosyo (swerte daw). Kaya ito ay ginamit ng ninong ko, tapos isinalin sa kapatid, ngunit noong mamatay yung kapatid hindi malaman kung ninakaw doon sa hospital o may nakapagtago sa isa sa mga anak din ng lolo ko. Kung makikita natin galing sa matandang kaugalian at paniniwala tungkol doon patungo sa makabagong panahon.

Isa pa na alam kong meron iningatan sa katawan ay ang pinsan naming Tiyo Hulian sinasabing marami itong iniingatan sa katawang agimat, meron din siyang bulong o dasal sa ibat ibang uri ng sakit sa mata. Hindi ko naman sasabihin na dahil sa kanyang mga iniingatang agimat sa katawan kung kaya ang pagkamatay niya ay kaka-iba sapagkat ang buo niyang katawan ay parang natuyo at lumiit siya, bago pa siya mamatay ay laging nangangati ang buo niyang katawan. Hindi ko rin masabi kung meron sa mga anak o apo nito ang nakapag-mana ng kanyang mga agimat. Ayon sa mga kuwentuhan ilan sa mga kabataan doon ang meron daw mga bulong o dasal, agimat o galing. Pero ang alam ko lang sa mga taga-roon lahat ata merong agimat o anting-anting sa “GIGIL”. Sapagkat kung sa mga usapan lalo kung lasing na silang lahat doon ay hindi basta-basta patatalo…. He he he

Marami pang ibang mga taga-Bancuro ang may mga agimat na kanilang iniingatan, ang iba ay nakapunta na ng Maynila o ibang bayan, ewan ko lang kung dala dala pa nila ang paniniwalang ito sa kanilang iniingatan. Ang tanong gumagana pa ba ang mga ganitong agimat sa makabagong panahon? Pero kung titingnan mo sa mga lungsod makikita mo ang ilan na merong mga nakasabit sa kanilang mga leeg na mga medalyon na kung tatanungin mo proteksyon daw nila yun. Meron ka ring makikita na nagbenta nito sa mga harap pa ng simbahan.

Isang karanasan ang aking naranasan noong umuwi ako doon sa Bancuro upang magbakasyon. Doon kilalang kilala si Aling Tuyang na manghihilot ng bale sa katawan. Noon laging kong nararamdaman yung aking likuran na sumasakit, kaya nagpahilot ako, matapos hilutin ipinakita niya sa akin yung isang maliit na bote na puno ng langis at merong maliit na imahe ng santo nino sa loob. Tapos kinuwento kung paano at saan nanggaling yaon. Sa ganong paniniwala sa mga probinsya na lang makikita, sa mga lungsod bihira na lang ang naniniwala doon.

Meron din sa Bancuro na kilala ko na may agimat sa katawan, ang kanyang agimat ay ang hindi paliligo sa araw araw at hindi nagpapagupit ng buhok, hindi nagpapalit ng damit, meron kayo noon sa lugar ninyo sa Bancuro lang meron noon…

Miyerkules, Agosto 13, 2008

Ang Bang-Aw bow..

Bang-aw, bang-aw, bang-awwwww, hayan na harangan ninyo… bang-aw. Paluin ninyo.. Wag baka aso ko yan… minsa maririnig na sigaw kapag may asong naligaw sa Bancuro. He he he..

Sabi nga malas ang dayuhang asong maliligaw sa Bancuro. Bakit? Masasabi bang ito’y sa katakawan ng karne ng aso ng mga taga roon noong araw. Ano ba yung tinatawag na bang-aw? Sa Bancuro lalo na sa Pook iilan lang sa mga tagaroon ang hindi pinalalampas ang pagkain ng karneng aso, kahit anong luto masarap yan sa mga tagaroon. Ang bang-aw ay asong na-uulol dahil sa subrang init ng panahon o anumang bagay na nangyari sa aso na naging dahilan ng pagka-ulol nito.

Noong ako’y nag-aaral pa sa AGMA, kami ng mga pinsan ko roon ay isa sa mga tirador ng aso, hindi naman ninanakaw ang aso kundi ito’y pinagbibintangan na nababang-aw kahit hindi naman. Lalo na yung mga asong napapadako roon sa Pook ng Bancuro. Kawawa naman ang aso kapag naligaw doon sa Pook, Bancuro at nakita namin sapagkat hindi ito palalampasin at huhusgahan kaagad na bang-aw. Maraming beses na itong nangyari doon, at ako mismo ang isa sa mga salarin sapagkat paborito ko ang karneng aso lalo na yung sampayne, kaldereta at kahit adobo. Siempre sasabayan ng Ginebra San Miguel o kaya ay tuba, kung mapera Manila Beer ang katapat noon.

Marami ring beses naming nagawa yun pero wala namang nagagalit kung nakatay ang kanilang aso, minsan wala namang naghahanap, kung meron man at nalamang kinatay na wala naman silang magagawa sapagkat ang ikakatwiran lang ay nauulol eh o nabang-aw ang aso nila. Di ba masama yun kasi nga na-uulol o bang-aw na yung aso. Wala namang masama kaya lang medyo iwas lang na isama ang ulo at laman loob, kaya karne lang talaga ang kukunin, sayang pero iba na yung sigurado ika nga.

Minsan nga noong bagong sapit lang ang tag-ulan merong asong dumating na namamabag ng ibang aso, tapos deretso ang takbo sinyales ng isang bang-aw. Pag sigaw ko na bang-aw naglabasan na ang mga pinsan ko hanap kung nasan na yung bang-aw. Nakita namin na takbo patungo sa Walog habol namin kasi medyo malaki ang aso pero walang dereksyon ang takbo ng aso. Kaya habol namin, may sumigaw sa gitna ng bukid naroon daw yung bang-aw, takbo kami, dala ang ibat ibang pamalo. Nakita nga namin sa may sapa, pinalibutan namin at lilinga linga ng masama ang tingin. Paglapit namin pinalo ng pinsan ko sa batok ng kawayan dapa ang bang-aw. Pinalo ko sa ulo ng puno ng kawayan, ikot ang aso. Hinila namin hanggang doon sa Pook ipinatong sa isang paragus pero biglang tumayo ang bang-aw, takbuhan kami, hanap ng pamalo ulit.

Nakakita ako ng puno ulit ng kawayan, pinalo ko sa may batok, yun ang huling hininga ng bang-aw. Hanap kami ng tulos upang ibitin ang aso. Tinalian namin sa huling paa para pabitin siya, pinalibutan ng dahon ng niyog, tuyong dahon ng saging at sinindihan upang maalis ang balahibo sa madaling paraan, walang 10 minuto hubad ang aso, inilipat namin sa isang puno pero pabitin pa rin upang linisin at alisin ang balat nito. Pinutol ang ulo upang itapon kasi talagang bang-aw ang aso. Matapos alisin ang balat nagsimulang magpainit ng tubig upang halbusan ang balat para gawing sampayne. Sinimulan na rin buksan ang tiyan ng aso para alisin ang laman sa loob para itapon. Matapos nito inalis na sa pagkakabitin para naman tadtarin ng maliliit para sa anumang lutong gagawin. Iyan ang karaniwang ginagawa namin kapag may biktimang bang-aw. Mga ilang oras pa sama sama ng nag-iinuman at namumulutan ng asong bang-aw. Kaya ang iba sa amin ay nagiging bang-aw na rin sa katakawan ng karneng aso. Pero sa ngayon nahinto na ang pagkain ng karneng aso sa Bancuro sa dahilang nagkaroon ng sakit ang mga aso doon.

Linggo, Agosto 10, 2008

Padasal… sa Pook

Maraming matatandang kaugalian ang ating bayan, ito’y namana natin sa ating mga ninuno na hanggang sa ngayong makabago na ilan doo’y patuloy pa ring isinasaga ng ilan, lalo na ang mga tao sa mga probinsya, baryo, barangay. Anong dulot nito sa buhay ng mga tao sa probinsya? Ilan sa mga naniniwala nito ay masasabing bahagi na ng kanilang buhay ang ganitong kaugalian ayon sa kanilang paniniwala. Ang Bancuro ay di naiiba sa ibang mga baryo na naniniwala a ganitong kaugalian. Dala dala nila ang kaugaliang ito hanggang sa kanilang katapusan ng buhay. Ang iba’y maisasalin sa kanilang mga anak. Sabi nga habang may naniniwala at sumusunod sa ganitong kaugalian hindi mahihinto ito.

Tulad na lang sa Bancuro ang kaugaliang ito ay nagpasalin salin na sa ibat ibang henerasyon subalit naroon pa rin ang patuloy na pagsasagawa nito. Ang padasal ito ay isang kaugalian at bahagi ng kanilang pananampalataya na ng mga taga Bancuro. Marami ang nagpapadasal ngunit iba iba ang pinatutungkulan ng padasal – tulad ng padasal ng pasasalamat, kamatayan, mahal na araw, babang luksa at iba pa. Karaniwang ang padasal ay pinagtutuunan din ng kaunting pera, para sa kaunting handaan kung ito ay pasasalamat, o babang luksa (sa ibang kahulugan pag-alala sa kamatayan). Maidagdag pa rito may padasal din na ginaganap sa araw ng mga patay tuwing papasok ang buwan ng Nobyembre 1 at 2.

Sino ang mga nangunguna sa ganitong padasal. Tulad ng Bancuro dati meron talagang nangunguna at laging kinukuhang nangunguna sa pagdarasal, ito ay tinatawag na “mamumuno”. Dati kinagisnan ko na laging matanda ang mamumuno, dahilan siguro sila yaong nakaka-alam ng mga dasal para sa ibat-ibang okasyon. Sabi nga sila yaong may tiyaga na gampanan ang ganitong mga gawaing pangkaluluwa. Isang bagay ang natatangi sa mamumuno, sila’y kakaiba sapagkat bukod sa kabisado ang dasal sila yaong mga kilala sa boong baryo. Naalala ko pa nga yung isang mamumuno ng padasal, habang naglilitanya ng dasal para sa dasalang yaon, naroon din naman yaong kaniyang pakikipag-usap sa katabi. Paano yun, sabi nga, ganito yun kapag nagdarasal ang mamumuno na siyang nangunguna at merong bahagi ang mga kasama na kung tawagin ay “taga-sagot” kapag yung parteng taga-sagot siya naman ang pakikipag-usap ng mamumuno sa katabi. Isa lang ang napansin ko pa sa mga ito, mabibilis magsalita.

Ito naman ay gustong gusto ng mga bata doon sa baryo sapagkat minsan ang nagpapadasal ay maraming inihahanda, tulad ng tutong, matamis na lugaw, pinindot, tinapay, puto, suman, at iba pa. Subalit kapag sa patay naman minsan nagkakatay ng baboy, manok at iba pa. Kaya sabi nga lebre na ang tanghalian or merienda kapag merong mga padasal. Karaniwan namang makikita sa mga padasal o sa mga nagdarasal ay mga babae lamang, ang mga lalaki naman ay darating lamang kapag kainan na, he he he yun ang totoo. Sa Bancuro noong akoy bata pa ang mga natatandaan kong mamumuno doon ay sina Nanay Angeng Mayumi tapos ng mamatay na siya si Tiya Huling na ang sumalo bilang mamumuno ngayon patay narin, tapos noon ngayon ata ay isa sa mga anak ng Tiya Huling si Ate Nemie

Tulad ng nasabi ko ito yung kaugaliang nagpapasalin salin sa ibat ibang herasyon ng tao sa Bancuro, kahit sabihin na makabago na ngayon, subalit nananatili parin ito. Bancuro ay isa sa mga ito sumusunod, naniniwala at nasisiyahan. Sabi nga nila wala namang mawawala kung ito ay susundin. Mas maganda pa nga raw kasi minsan nagagamit ang mga ganitong pagtitipon upang magkasama-sama ang boong pamilya. Kaya para sa mga taga-Bancuro mananatili ang mga kaugalian ito tulad ng mga padasal sa kanilang buhay tulad ng mga ibang lugar. Ito raw ang isang bagay na paglalapit nila sa Diyos.

Lunes, Agosto 4, 2008

Sibasib ng Tuko..

Ang tao maraming uri, ugali, nakasanayan, kakulitan, katahimikan, kasayahan, at paniniwala. Idagdag pa rito na minsan ang tao ay may aking kakulitan, pasaway at katigasan ng ulo. Sa Bancuro hindi rin nalalayo sa ibang lugar na marami ang makukulit at pasaway, pero sa bago kong kwento ngayon ito’y naganap sa taong kilala ko sa pagiging tahimik lang, sa kuwentuhan, sa inuman. Ibig kong sabihin hindi siya makulit, maingay o magaslaw subalit naganap sa kanya ang sitwasyon nayun isang gabi ng katahimikan.

Sa mga nakaraan kong kwento nabanggit ko ang tungkol sa mangangarit na doon nahapyawan ko na ang dahilan sa paghinto niya sa pangangarit ay ang edad at ang karanasan niya ng gabing iyon. Sa kabila na siya ay kinuha na ng Diyos naroon pa rin ang ala ala nito sa mga taga-Bancuro at ang gabi na masasabi na nakabago ng buong Bancuro at ng buhay ng mangangarit kasama ang pamilya niya. Dito ilalahad ko yung nalalaman kong kwento bago ang gabing iyon sa buhay ng mangangarit.

Ang Bancuro ay likas na mapagkaibigan sa mga karatig na barangay, kilala ang Bancuro sa basketball, softball, sabong at iba pang mga laro. Iilang balita sa paligid na sinasabi na pagsisimulan ng gulo ang mga taga-Bancuro, minsan nga sila pa yung argabiyado. Isa sa mga barangay na malapit sa Bancuro ay ang Sta Cruz (Lagarian), sapagkat ang mga taga-Bancuro ay dumadayo sa Lagarian ng paliligo, pangisngisda, pagtitinda. Ganon din naman ang mga taga Lagarian, sila’y nagtitinda ng isda, dumadayo sa panunuba, pistahan at iba pa. Sa ganong kalakaran naging malapit sa isa’t isa ang dalawang barangay, idagdag pa dito ang ilan sa kanila ay kinukuhang mga ninong at ninang ng kanilang mga anak, kaya ang tawagan ay kumpare at kumare.

Sa ganyang nakasanayan naging bukas ang loob ng isa’t isa sa buhay at sa paligid. Subalit may mga pangyayari na hindi natin inaasahan na sa kabila ng ganong pagtitinginan mababahiran ito ng dugo na mahirap ng mabura sa isip at ugali ng tao. Hindi ko na matandaan kung tag-ani, tag-ulan o tag-lamig ang gabing yaon. Isa sa mga barkada, kumpare ng mangangarit ang pumunta sa Bancuro upang makipag kuwentuhan kasama ang inuman doon. Maayos naman ang kanilang inuman ayon sa mga kuwento. Matapos ang inuman sa isang bahay, pumunta na sila sa bahay ng mangangarit upang maghapunan. Lingid sa kaalaman ninuman sa paglalakad nila nagkaroon na pala ng hindi magandang pagtatalo ang dalawa, pero hindi gaanong mabigat.

Matapos sa bahay ng mangangarit nag pasya ng umuwi ang kumpare papunta sa Lagarian. Inihatid pa ng mangangarit ang kumpare hanggang sa malapit sa labasan ng Pook. Subalit habang sila’y naglalakad naroon na naman yung kanilang naiwang pagtatalo at mas malala pa. Hindi mo maririnig sa kanila ang lakas ng tinig sa pagtatalo parang alam nilang baka marami ang makarinig. Patuloy silang naglalakad ng biglang kumalas ang kumpare at mag bunot ng balisong at akmang sasaksakin ang mangangarit. Kahit naka-inom mabilis na naka-iwas ang mangangarit kasabay ang tanong “bakit pare, huminahon ka, ako ito kumpare mo”. Sa kabila noon parang walang naririnig si kumpare patuloy ang daluhong sa mangangarit.

Mula doon naisip ng mangangarit na dilikado na ito, kaya hagilap siya ng kahit anong pwedeng ipanlaban hindi niya naisip na meron siyang dalang pangarit. Kaya hagilap siya ng pamalo at doon nakuha niya yung kahoy mula sa bakod, isang dos four dos ang laki. Sa pagdaluhong ni kumpare, naghintay na lang ang mangangarit upang salagin ang ulos ng kalaban. Nang sa tingin ng mangangarit na hindi na mapipigilan ang kumpare, ipinasya na niyang lumaban ng sabayan, patay kung patay ika nga.

Sa pag atake pa lang ng kumpare isang malakas na palo ang sumalubong sa ulo ng kumpare dahil lasing bagsak ang kumpare, mula doon wala kang maririnig kundi ang impit na ungol ng kumpare sa bawat palo sa kanya ng mangangarit. Walang humpay ang palong ginawa ng mangangarit ibinuhos ang lakas, galit at ang kanyang sibasib ay nahinto ng ang kanyang pamalo ay nabali sa dalawa at ito ay parang sinadyang lumiit sa kapapalo. Ang ulo ng kumpare ay hindi na makilala dahil lumiit, ang laman nito ay nagkalat sa paligid at ang utak ay ganon din – patay si kumpare.

Kinabukasan hindi agad kumalat ang balita, kundi takot ang kanilang naramdaman, sapagkat noon lang nangyari ang ganon sa lugar ng Bancuro. Ganon ka brutal na pagpatay. Hinuli ng mga pulis bayan ang mangangarit, ang patay ay dinala sa Lagarian, subalit ang dugong nagkalat sa bakod sa kalsada ay hindi agad maalis, ganon din ang ala ala ng gabing ang mangangarit ay sumibasib na parang tuko.

Dahil na rin sa kawalan ng panggastos sa magkabilang panig ini-urong na lang ang kaso at pinagbayad na lang ang mangangarit ng 12T pesos. Bumalik sa normal ang buhay ng mangangarit subalit yung dating init ng pagkakaibigan ng dalawang barangay ay medyo nagkaroon ng batik tahimik pero parang laging merong banta. Matagal bago naging normal ang kalagayan ng dalawang barangay na tanging panahon na lang ang makakapag-sabi. Sa ngayon balik normal ang paligid sa magkabilang barangay, nabalik na rin yung dating pagkakaibigan ng dalawa.

Sabado, Agosto 2, 2008

Tawagin Sya’y Obispo.

Minsan sabi ng pinsan ko, ano pa raw ang aking kwento patungkol o nangyari sa Bancuro gayong nakuwento ko na daw lahat. Pero heto naman ang katunayan na hanggang sa ngayon meron pa rin namang kwento ako na galling sa Bancuro. Alam natin na ang isang “Obispo” ay alagad ng simbahan, walang pasubali yan. Pero dito sa bago kong entre ipakikilala ko siya sa inyo na talaga namang kakaiba ang kanyang kwento doon sa Bancuro. Siya ay kilalang kilala ng mga tagaroon sa Pook, Bancuro sa taguring Obispo. Paano siya naging Obispo, tunay bang Obispo nga siya? Sino siya?

Sa mga nakaraang kwento ko nabanggit ko na yung mga lawig o nakikipanganihan doon Bancuro na mga taga Batangas. Isa nga sa tuwina ay naroon sa Bancuro ay si Manong Garding sa dahilang kapinsanan din naman siya ng lahat doon. Sino ba si Manong Garding? Siya’y isang taong talaga namang tatawa ka kapag siya na ang nagsimula ng kwento, sapagkat marami siyang alam na mga kwentong totoo, at kabulastugan. Tuwing siya ay lalawig sa Bancuro tiyak ako na magiging masaya ang lahat doon, kakikitaan mo lahat ng ngiti, tuwa sa mga labi nila kapag naririnig ang kwento ni Manong Garding. Bakit siya tinawag na Obispo?

Hindi ako tiyak kung ito ay sa Pook, Bancuro nangyari o sa ibang lugar sa Bancuro. Ganito yun, minsan daw may dumating na pari sa isang maliit na tuklong o kapilya doon, na naroon itong si Manong Garding. Hindi ko alam kong ito ay naka-inom o lasing ng gawin ito. Kapag dumating ang pari sigurado yung kanang kamay niya ang siyang mag-aasikaso ng mga gamit na gagamitin sa pagmimisa. Kaya inilabas na lahat ang mga gamit na inilagay sa banding likuran ng kapilya o ng altar. Lingid sa kanila itong si Manong Garding ay may balak na nakawin ang gamit ng pari. At ganon nga ang nangyari ninakaw niya yung bateting ng pari, kaya walang nagamit ang pari sa kanyang pagmimisa doon, subalit alam ng pari na ninakaw yun. Kaya mula noon si Manong Garding ay tinawag na Obispo, kasi ninakaw nga niya yung bateting ng pari.

Pero likas na kakaiba talaga si Manong Garding sa lahat ng mga lumalawig sa Bancuro, bukod sa kanyang mga nakakatuwang mga kuwento, kabulastugan at iba pa. Naroon din yung napakagaling niyang magbansag sa isang tao, yun bang bibigyan ng ibang pangalan ang isang tao aywan ko kung paano niya yun ginagawa. Basta kapag nabigyan ng bansag, yun na ang magiging tawag sa kanya ng lahat. Narito ang kaniyang mga nabigyan ng basag doon sa Bancuro:

Alberto Amboy - Ampong o Balat Saging
Beinvenido Hernandez - Bentot
Leo Hernandez - Bayugo
Mamerto Ilao - Utot
Ernesto Ilao - Daga
Marlo Hernandez - Manot
Mario Hernandez - Tunog
Paulino Hernandez - Iwang
Vicente Hernandez - Burat
Eugenio Deguzman - Manghot
Anghel Evangelista - Tang-e
Domingo Hernandez - Japog
Ding Mojica - Kado

Yan yung ilang mga pangalan na binigyan niya ng bansag pero hindi ko alam kong siya lang lahat dito ang nagbansag. Marami pang mga pangalan ang kanyang binigyan ng bansag na itoy nananatili na bansag sa taong yun. Meron ngang kapag tinawag yung taong yun sa bansag niya nagagalit, napipikon, na kung tawagin sa Bancuro nangungulit. Sa ngayon madalang na siyang makapunta pa sa Bancuro kasi may edad na siya, nanatili na lang siya sa Batangas. Minsan napupunta siya doon kapag pinstahan at iba pang okasyon. Totoong mananatili na sa Bancuro ang kanyang ala-ala…..