Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Miyerkules, Hunyo 25, 2008

Samo’t Saring Kwento

Santilmo o Bulang Apoy

Siguro sa ngayon iilan na lang ang naniniwala sa ganitong bagay, kasi raw makabago na lahat cell phone, pda at computer age na ngayon. Pero ito ang tandaan ninyo na mananatili ang mga kwentong ito sa isip, sa diwa ng mga taong nakarinig at pinasahan ng mga ganitong kasaysayan. Malaki na nga ang ipinagbago ng kapaligiran sapagkat ang mga ganitong kwento ay panahon pa na wala pang mga kuryente sa mga liblib na lugar tulad ng Bancuro na ating pinag-mulan.

Ngayon simulan natin ang kwento sa isang tanong – ano ba yung tinatawag na santilmo o bulang apoy? Sa Bancuro ito’y kung tawagin ay “santilmo” – ang kwento, nagmula raw ito sa mga maligno at sa mga kapre at tikbalang, ewan ko lang kung totoo nga ito kasi hindi parin ako nakakakita nito. Ayon sa kuwento ng lola ko bago sila nagkaroon ng bahay doon sa kalagitnaan ng bukid meron silang bahay malapit sa bahay ng nanay ko ngayon, noon wala pang asawa ang nanay ko – ibig sabihin dalaga pa siya. Ang bahay ng lola at lolo ko at may mababang sahig at may ilang hagdan bago mo marating ang kabahayan, may isang kuwarto na lagayan ng mga gamit tulugan, mga damit at iba pa, sa kabahayan makikita mo ang maluwang na espasyo sa isang sulok naroon ang isang aparador, at katabi ang isang maliit na baol. Sa kusina wala kang makikitang mesa para kainan sa sahig ang kainan, tapos ang lutuan ay makikita mo na maraming nakasabit naroon yung palayok, bote ng mga suka, meron din lagayan ng mga panggatong at iba pa. Bakit ko alam kasi inabutan ko pa ang lumang bahay na yun pero yung isang anak na niya ang nakatira sina Manong Garce at Ate Dorie. Bale hindi raw naman masyadong nabago yun mula doon sa dating bahay.

Ibig sabihin meron pang ibang bahay ang lola at lolo ko. Ayon sa lola doon din sa lugar na yun at ganon din kalaki, yun dati kaya lang nasunog iyon. Natanong ko sa lola paano nasunog? – at yun ang kinuwento sa akin. Isang patanghali na nagpatawag ng pulong barangay doon sa may tuklong sa harap nina tiya huling, kaya ang lahat ay naroon upang makinig ng pulong ang lahat. Habang nakikinig ng pulong meron isang babaeng nakaputi na hindi naman tagaroon o hindi kilala ng sinuman doon ang dumating na nagsasabi na ang bahay ni Tiyo Ades (yun ang tawag doon sa lolo ko) ay nasusunog. Ang lahat ay nagulat at ng lingunin nila ang babae wala na siya, di malaman kung saan nagpunta, pero may narinig silang mga yabag ng kabayo na papalayo.

Walang inaksayang sandali ang lahat, kasama ang lola at lolo ko upang puntahan nga ang bahay, sa totoo lang naman napakalapit noon, ilang minuto lang mararating na. Pero bago sila nakarating doon nakita ng lahat na may mga apoy na nagliliparan patungo sa bahay ng lola ko. Ang apoy ay parang mga bola na imiikot ang lipad patungo sa bahay, hindi lang isa kundi napakarami at hindi malaman ang pinagmulan nito. Pagdating nila sa bahay wala na silang inabutan maliban sa tungko nila na nakasabit pa roon yung mga buti ng suka, hindi man lang nasunog o parang hindi man lang nadarang sa apoy. Kaya ang lahat ay iisa ang naging kaisipan na ang pangyayaring yaon ay dahil sa santilmo o bolang apoy at sabi nila ang santilmo daw ay takot sa suka…

Pero sino ang babaeng nagsabi na nasusunog ang bahay, siya ba yung may kagagawan noon o siya yung maligno na nagbigay pa ng babala sa mga tao roon. Sa panahong yaon marami ang mga pangyayari na minsan hindi kayang ipaliwanag ng tao, pangyayaring minsan kikilabutan ka, kapag maaalala mo. Kaya mula noon hindi na makakalimutan pa ang sunog na yun at marami ang naniniwala patungkol sa santilmo. Pagkatapos noon wala na naman kaming nabalitaan o kuwento ang tungko sa santilmo o ganon uri ng pangyayari. Sabi ng mga matatanda kaya daw nasunog yun para daw mapalitan na yung bahay ng lolo at lola ko.

Sa muli po natin pagkikita tantaan nyo kahit sa ngayon may mga pangyayaring di ninyo kayang ipaliwanag at lalabas na kababalaghan……