Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Huwebes, Mayo 29, 2008

Sinu-Sino Sila?

Natapos po ang apat na taon ng ating bida sa UE para sa kanyang kursong BSBA Accounting daw. Makikita natin na naging makulay din ang buhay niya sa pamamalagi doon, kasama na ang ilang masalimusot na pangyayari sa kanya. Naging makabuluhan din sapagkat sa kabila ng kalalagayan niya bilang isang sandugo ay nakakita rin siya ng mga tunay na kaibigan. Masasabing mga tunay na kaibigan sapagkat naging makatutuhanan sila sa mga ipinakita ng ating bida sa kanila. Ngayon naman po tingnan natin ang susunod na kwento kung bakit pinamagatan niya ito “sinu-sino sila?” Masasabi natin na kakaiba ulit ito sapagkat mukhang ang ating bida ay magbibigay ng kanyang mga pahayag sa mga taong nakapaligid sa kanya na hindi nabanggit sa nakaraang mga kwento.

Tama po kayo, dati tinalakay ko ang patungkol sa aking tatay at ang aming bukid, ang aking pasasalamat at pag-alala sa kaarawan ng mga nanay na inihandog ko sa aking mahal na inay. Ngayon naman ay hayaan ninyo ilahad ko sa inyo ang ilang taong naging bahagi ng buhay ko sa Maynila, opo sa Maynila sapagkat sila po yung mga taong naging sandigan, nakamasid, nagtatanggol sa akin, at umaalalay sa akin. Sinu-sino ba sila? Sisimulan ko po ayon sa kanilang edad. Sila po ang mga kapatid ng nanay ko, pero bakit ate at kuya ang tawag mo? Walang paki-alaman kanya-kanyang pakana yan eh, yan ang gusto ko eh, may angal….

Ate Inda at Kuya Angel (mag-asawa)
Ang mag-asawang ito ang siyang naging pangalawang magulang ko po noong ako ay napunta sa Maynila. Sa kanilang inu-upahang apartment ako namalagi ng mahigit tatlong taon. Sa kanilang pagsubay-bay marami akong natutunan, una na ang pakikisama, pagiging masinop at natutong mag-alaga ng bata, maglinis ng bahay. Sa totoo lang noong una medyo malayo ang damdamin ko sa kanila, lalo na kay Kuya Angel siguro sa dahilang tahimik lang siya. Kay Ate Inda medyo estrikto, pinapansin lahat, kung ano gusto ang sinabi yun ang masusunod. Ayaw niya yung walang ginagawa kapag nasa bahay, laging naka-angil yan kapag napapabayaan ang sahig na marumi, walang tubig sa banyo di nag-spray ng pamatay sa lamok at iba pa. Pero kung titingnan mo tama naman, kasi gusto niya isa-ayos ang lahat. Kung titingnan mo siya hindi agad siya nakangiti pero pag kilala mo na siya, iba ang kanyang ugali mabait at maalalahanin. Hanggang ngayon siya pa rin ang Ate Inda ko na maituturing kong naging bahagi ng aking buhay sa Maynila, hindi man ako nakapag-balik ng anumang biyaya matapos kong kamtin ang mga bagay na meron ako, ang mahalaga nananatili sila sa puso ko at ala-ala.

Ate Mhel
Si Ate Mhel ang taong kapag nakilala mo siya mamahalin at igagalang mo. Katulad ni Ate Inda hindi rin siya palangiti at pala bati sa hindi kakilala. Hindi naman siya masungit pero kung titingnan mo siya para siyang ganon. Siya yung malaki ang naitulong sa akin at sa iba ko pang mga kapatid. Hindi ko naman masasabing dahil sa pagtulong sa mga pamangkin kaya hindi pa siya nag-aasawa. Masinop at maka-Diyos siya. Noong lumipat kami ng tirahan mula kina Ate Inda siya yung tumayong magulang namin. Sabihan ng problema, sa pera at iba pa. Naging sandalan ko rin siya noong mga panahong kailangan ko siya. Masasabi ko siya ang may pinaka malaki ang ambag sa aking pag-aaral sa Maynila, kasi sa UE siya nagtatrabaho. Marami rin akong nakitang magagandang bagay sa kanya, natutuhan sa buhay dahil sa kanya at kung paano harapin ang mga problema lalo na sa larangan ng pera. Kahit saan ako mapunta, anuman ang aking maging kalalagayan, mananatili si Ate Mhel na isang huwarang tiyahin, kaibigan, at kasama. Sa aking mga anak kung tatanungin nila si Ate Mhel wala akong ibang masasabi na kakaibang babae siya, sapagkat malaki ang naging sakripisyo niya sa lahat sa amin, alam ng lahat yan hanggang ngayon.

Ate Nym
Sa tatlong magkakapatid siguro pinaka-malapit ako kay Ate Nym, ewan ko, kung bakit. Si Ate Nym kasi palangiti naman kahit sino pwede niyang batiin. Pareho kasi kami na mahilig magluto kaya kasundo kami. Takbuhan ko rin siya anumang problema, minsan nagbibigay pa ng trabaho yan tulad noong nasa MWSS pa siya magdadala ng trabaho yan tapos ibinibigay sa akin siempre may bayad. Mula noong mag-asawa yan naging malapit din ako sa kanya at sa naging asawa niya kung tawagin namin ay si Tito Happy, kaya lang maaga naman siyang kinuha ng Diyos. Lagi rin ako sa kanila sa Dela Costa noon, kapag Sabado at Linggo tiyak naroon ako. Ewan ko ba naging ganon kami kalapit sa kanya siguro kasi sa amin siya lumaki noong siya ay nag-aaral pa sa high school. Hanggang ngayon malapit parin ako sa kanya, katunayan isa sa mga anak niya ay ina-anak ko binyag si Jay-Ar.

Sila yung tatlong mga tao na naging malapit sa puso ko na kahit saan ako mapunta, di ko sila malilimutan.