Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Sabado, Mayo 17, 2008

Sandugo in UE!!

Sa lahat ata ang pinaka mahirap gawin yung unang pagkakataon mong gagawin ang isang bagay o sitwasyon. Kahit pa sabihing laging ganito ang nangyayari tulad noog unang tuntong ko sa eskwelahan, unang pasok sa AGMA, unang punta sa Maynila at ngayon unang araw sa UE. Walang alam pa sa lugar, sa pasikut-sikot sa UE, di pa uso ang mobile phone para tawagan si Ate Mhel kasi doon siya nag tatrabaho bilang librarian. Unang araw magkasabay kami ni Kuya Tony ng pumasok, sabi niya sa akin samahan daw ako sa room ko, tapos punta na siya sa kanyang room. Pero noong nasa jeep pa lang ako sinabihan na ako ni Kuya Tony na tandaan ang mga kalye, building na daraanan namin para maka-uwi ako mag-isa. Medyo hindi ko na inintindi ang kaunting panglalait sa akin sa pagiging promdi ko, eh talaga namang di ko pa masyadong alam ang lugar eh.

Ganon nga ang nangyari sinundan namin ni Kuya Tony kung saan yung room ayon sa schedule na nakalagay sa board sa pagpasok sa UE. Kaunting tanong at basa narating namin ang room ko. Iniwan na ako ni Kuya Tony para siya naman ay pumunta rin sa kanyang room, sabi niya na umuwi na daw ako mag-isa sabi ko oo, pero sa kabila ng utak ko naroon ang takot at pangamba at mga tanong na maka-uwi kaya ako mag-isa. Humanap ako ng lugar sa loob ng room namin, na pailan ilan pa lang ang tao, umupo ako sa isang silya sa sulok. Makaraan ang ilang minuto nagdatingan ang mga ibang mga eskwela, sabi ko ito na siguro ang aking mga kasama. Maya maya pa may isang teacher na dumating hawak ang isang listahan at tinawag kami isa isa at kung saan kami uupo, yun daw ang aming upuan kasi block section kami, ibig sabihin hindi na kami aalis ng room mga teacher na lang ang darating.

Wala akong natandaan sa mga pangalan na tinawag na teacher ewan ko kung bakit, siguro sa kaba ko o anuman, basta wala akong natandaan. At ito pa ang masakit kahit pangalan ng teacher wala akong natandaan, blangko ang utak ko. Lahat siguro ng mga pangyayari ng araw na yaon ay napakabilis na lumipas na wala akong matandaan. Bakit? Dahil ba sa takot na hindi ako maka-uwi kasi baka maligaw, baka kung saan ako mapunta, ano ang aking gagawin. Lahat ng alalahanin ay nabunton sa utak ng sandugo, pumasok pa na lakarin ko na lang ang bahay kaya lang hindi rin alam kung saan ang daan. Siguro ito ang dahilan kung kaya nawala na isip ko ang lahat na nangyayari sa paligid ko…

Pero bago kami umuwi ng tanghali, kasi hanggang alas dose lang ang klase namin, lumapit ang isang lalaki nagpakilala sa siya si Ronald. Mabait siya at laging nakangiti, nagkuwento at medyo nabuhayan ako ng pag-asa. Nagkakilala nga kami at nagkapalagayan ng loob. Mula noon kami na lagi ang magkasama kahit saan pumunta sa loob ng UE, kaya nalaman ko lahat yun. Siya’y taga Marulas, Valenzuela, Metro Manila, hindi ko alam kong malayo yun o malapit kasi di ko naman alam yung lugar. Nang dahil kay Ronald nakilala ko rin ang iba kong mga kaklase ng araw na yaon. At sinamahan pa ako ni Ronald sa sakayan para ako maka-uwi, nakakahiya pero yun ang nangyari.

Malakalipas ang ilang buwan isang teacher ang kinatatakutan naming lahat yun ang teacher namin sa English kasi ang balita nangbabagsak daw ng eskwela kasi siya ang gumawa ng aklat na aming ginagamit, author baga. Sa totoo lang sa tuwing English namin nagkaroon na ata ako ng takot, kasi blangko ang utak ko lagi sa klaseng yun na ewan ko kung bakit doon lang naman. Ilang buwan pa ang nakaraan nagbabala na ang teacher sa amin na mag-aral daw ng mabuti lalo na yung mga may mababang mga grado na nakuha sa exam. Di man sabihin ang aking pangalan alam ko isa ako doon na kasama sa mababa ang grado. Pero naging positibo pa rin ako na makakabawi ako sa kabila ng mga pasabi sa akin ng mga kaklase ko na tumatanggap daw ng bayad yan para makapasa, o widraw na lang ang subject. Binaliwala ko yun sabi ko sa sarili ko na hindi ako babagsak sa teacher na yun. Nag-aral akong mabuti, pinagtuunan ko ng pansin yaon at tiniyak na sa bawat exam ay magiging mataas ang kuha ko. Ganon nga ang nangyari at yun ay napansin din ni Ronald.

Subalit naging mali ang akala ko sapagkat ibinagsak ako ng teacher na yun sa klase, galit at inis ang nasa isip ko. Pero sabi ni Ronald na walang magagawa kasi ganon talaga ang teacher na yun kapag nagustuhan ibinabagsak. Kaya sabi ko kukunin ko ulit ang subject na yun sa klase ng teacher na yun, para ipakita sa kanya na mali siya. Sumang-ayon si Ronald.

Wala nang naging problema sa pag-uwi ko sapagkat natutunan ko na rin ang mag-isang umuwi. Nahihiya man ako ipinakita ko kay Ate Mhel ang bagsak ko, sabi niya mag-aral na lang ako ng mabuti sa susunod. Naging mas malapit pa kami ni Ronald sa isat-isa at yan ang susunod na kwento ko….