Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Martes, Mayo 6, 2008

Ang Tatay at Ako!

Matapos ng apat na taong pag-aaral sa AGMA, hindi naman agad ako pumunta sa Maynila para mag-aral. Tulad ng mga nakasanay tuwing bakasyon sa eskwelahan hindi naman masasabi na wala akong ginagawa, kung tutuusin nga mas marami pa akong ginagawa kapag bakasyon. Sa totoo lang di mo ako makikita sa bahay mula umaga hanggang hapon, mula Lunes hanggang Linggo sapagkat lagi akong kasama ng tatay ko sa bukid bilang katulong niya. Yan na siguro ang nakasanayan ko, at dapat kong gawin sapagkat doon lang ako makakatulong sa tatay sa bukid. Pero kung titingnan mo ang isang bahagi ng utak ko naroon ang nagsasabi na ayaw kong magpunta sa bukid upang magtrabaho doon. Ewan ko siguro ganon lang ako, at walang hilig sa bukid, pero gusto ko namang tumulong sa tatay. Minsan nga napapansin ito ng tatay at sasabihing ayaw mo sa bukid pero diyan tayo kumukuha ng pangkain. Tama naman siya, sapagkat doon nga naman kami naka-depende ng ikabubuhay at doon din kami kukuha ng gagamitin kong pera para sa kolehiyo.

Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, maaga pa lang ay nakaligo na ako, nakabihis na at handa ng maglakad ng 6-7 kilometro bago marating ang bukid namin. Bakit naman napaka-layo ng bukid ng tatay ko, yun ang matatanong ninyo? Sapagkat ito ay mana ng tatay sa kaniyang mga magulang. Ito’y malapit sa Monte Deraso, sapagkat ang mga kamag-anak at dating tirahan ng mga tatay ay doon. Napunta lang siya ng Bancuro dahil sa nanay ko na tagaroon. Ang bukid nayun ay 5 iktarya lamang, hati pa sila ng Tiyo Edel ko na nasa Batangas pero ang tatay ang namamahala nito. Ano ba ang naitutulong ko sa tatay sa murang edad ko? Ang trabaho sa bukid ay hindi namimili ng edad sapagkat kahit anong edad mo ay maroong nakalaan na trabaho sa bukid, siguro yung talagang musmos lang ang di pa pwede sa bukid. Bakit nasabi ko sapagkat yung kapatid kong si Mike ay bata pa rin pero nakakasama na rin namin sa bukid at nakakatulong din. Simulat sapol tinuruan na ako ng tatay ko ng ilang trabaho sa bukid, una doon ang pagtatabas ng pilapil kung saan gamit ang itak o gulok. Tinuruan din akong mag-kumpuni ng mga butas-butas na pilapil, mag pison, mag-araro, mag-kalmot, magbunot ng punla, mag-talok, mag-ani, mag-giik at iba pa.

Ibig sabihin ay unti-unti natutunan kong lahat ang gawaing bukid, kaya matatawag na rin akong magbubukid. Pero nagpapasalamat na rin ako sapagkat minsan nagkakapera ako sa pag-tatanim o pagtatalok kasi sumasama ako sa mga nagtatalok na maybayad, minsan naman nagpapa-upa ako ng pagbubunot ng punla, pagkakalat ng punla sa tatalukan, maliit lang ang bayad pero ayos na rin ika nga. Kapag umaalis kami ng 6:30 ng umaga sa bahay makararating kami sa bukid ng 7:30, tapos ang pananghalian noon ay 12:00pm. Tapos makakatulog pa ng 1 oras, tapos uwi kami ng 5 nasa bahay kami ng 6:00 ng hapon. Hilig ko ang mamulot ng kuhol at mamingwit sa sapa at manirador ng tikling o pugo. Kaya minsan sa hapon nasa gilid na ako ng sapa upang mamingwit ng puyo, dalag at hito. Minsan nakaka-huli rin naman. Meron kaming lambat (panti) na nakataan, at ang iba ay patuktok, minsan pang-ulam sa pananghalian ay di na suliranin. Kaya lang kapag ka tag-init na minsan ang ulam lang namin sa tanghalian ay luya na sawsaw sa kalamansi at asin. Yan ang buhay sa bukid ng tatay ko.

Kung talagang titingnan mo ang buhay sa bukid ay mahirap mula sa pagbubungkal ng lupa hanggang sa pag-aani, bago makarating ito sa bahay malaking hirap at sakripisyo ang ilalaan ng isang mag-bubukid. Diyan ko hinahangaan ang tatay ko, kasi mula sa bukid naka pagpatayo siya ng bahay na bato, napapag-aral kami, at may pagkain pa kami sa hapag kainan. Siguro nga wala akong hilig sa bukid, kaya iniisip ko kapag ang tatay ay tumigil na sa bukid sino ang susunod sa kanyang nasimulan, sapagkat si Mike ay nasa Cavite may kanyang pamilya at trabaho. May dalawa naman akong kapatid pero mga babae sila at wala rin silang hilig doon. Pero sayang naman kung walang magpapatuloy nito...... Siguro ito yung patuloy na nababago ngayon sa kalakaran kasi ilan na lang sa mga kabataan ngayon ang nahihilig sa pagtatanim. Sa dahilan ba na alam nila na mahirap sa bukid at kakaunti ang kita roon? Kapag nangyari ito paano na ang bukid sa mga darating na panahon....