Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Martes, Mayo 20, 2008

Facing the Reality!!

Magandang araw, hapon o gabi po sa inyong lahat diyan. Eh di ganon nga po ang nangyari sa ating bida bumagsak sa English subject kasi ayon sa kanya napag-initan siya ng propesor, meron bang ganon o palusot lang talaga ng Sandugo para hindi naman gaanong kahiya-hiya siya sa madlang pipol. Sa ikalawang taon kailangang kunin niya yung naiwang subject. At natatandaan natin na sinabi ng ating bida na sa propesor rin na yun niya kukunin yun upang ipakilala na mali ang ginawa sa kanya. Kinuha nga niya ito pero kailangan siyang mag-sakripisyo ng 1-2 oras para dito at kailangang hanapin din niya yung klase na ang propesor ay yung nagbagsak sa kanya.

Ganon pa rin ang pasok ko sa umaga 7.00 am naalis na ako sa Santa Mesa wala pang 7am, para hindi ako mahuli sa klase ng 7:30am, kapag maaga pa akong darating sa UE deretso ako sa chapel para magsimba bago pumasok sa klase, naging rutin ko na iyon sa araw-araw. Naayos ko ang schedule ko kasama ang English subject pero sa ibang room at building ito kaya naging medyo hirap ako kasi kailangan kong tumakbo para umabot sa klase. Doon naging dibdiban ang aral ko ipinakita ko sa propesor na mali siya. Sa lahat ng kanyang mga exam sinisiguro ko na magiging mataas ako. At medyo naman nakilala na niya ako, pero naroon na minsan ginagamit niya akong halimbawa sa iba na wag daw gayahin, kailangan daw mag-aral ng mabuti para hindi bumagsak. Ayaw ko ng patulan yun, kasi kilala ko na ang propesor na yun, ayaw ko na ulit pag-initan ako. Pero naging babala na rin yun sa akin para di na maulit pa ulit sa ibang sabdyek ko.

Lalo pang lumaki ang aming barkada nina Ronald sapagkat naboo na kaming walong barkada sina Arthur, Hermie, Tino, Arsenio, Ronald, Edu, Edison at Ako. Meron na rin kaming kasamang mga babae sina Kay, Luz, Janet, Evelyn, Liz, Ana at si bunso nakalimutan ko ang pangalan. Medyo naging magaan sa akin sa klase kasi kapag may problema sa assignment sigurado may tutulong at sa exam minsan wala ring problema kasi magagaling at masisipag ang mga kasama ko. Makikita naman agad kami kasi tabi-tabi kami sa upuan kaya sakop namin ang dalawang helera ng upuan. Siempre hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay laging aasa sa mga kasama kailangan ding mag-aral para sa sarili.

Bago kami maghiwa-hiwalay sa tanghali sigurado dadaan kami sa restaurant sa Murbai sa tapat ng UE upang kumain, merienda, doon ang naging hang-out namin, kapag walang klase doon kami makikita. Minsan naman kapag maganda ang palabas sa seni sigurado manood kami. Ang tanong paano ako nakakasabay sa kanila samantalang hindi naman kalakihan ang baon na pera sa araw-araw. Diyan ako naging makapal ang mukha, pero naging tapat ako sa kanila, sinasabi ko na wala akong pera para doon at alam nila kasi sinabi ko lahat yun. Pero gusto nila na isama lagi ako para kumpleto ang barkada at para masaya daw kasi isa ako sa hindi nauubusan ng patawa. Kaya patak patak sila para sa akin, nakakahiya man pero di ko naman ipinipilit na isama ako kaya lang sila ang may gusto na isama ako, kaya walang problema. Doon ko napagtanto na mahalaga ang pakikisama at ang katapatan. Meron naman silang mga pera kasi si Evelyn, at si Edison ay may kaya sa buhay kasi lahing Intsik sila. Kami ni Tino ang mga promdi sa barkada.

Walang naging problema sa klase natapos namin ang ikalawang taon ng Business Administration major in Accounting. Oo nga pala si Arsenio ay hindi accounting kundi management pero nakakasama rin namin sa mga lakaran. Walang talo talo sa barkada ibig sabihin walang ligawan sa barkada para walang gulo ika nga, pero hindi naman yun talagang ipinagbabawal sa amin kung gusto okay lang. Kaya si Evelyn ay nililigawan ni Tino. Si Ronald naman di pa maintindihan ko sino talaga ang nais ligawan, pero nagpapasaring kay Liz, kaya lang si Liz ay may syota at siya ay isang born again. Naging kilala kami sa klase kasi nakikita sa amin yung aming samahan, at medyo maingay kami sa klase. Sa kabila ng aming barkadahan hindi naman kami nagpapabaya sa pag-aaral kapag aral talagang nag-aaral kami, kapag lakaran lakaran.

Alam din ng mga barkada ko na kailangan akong makauwi ng bahay bago mag-alas dos ng hapon kasi walang tatao sa bahay at magbabantay ng mga anak ng Ate Inda sina Allen at Eric. Nabago ang schedule ni Kuya Tony naging pang hapon siya kaya pagdating ko sa bahay siya naman ang papasok sa klase niya. Ayos naman, kaya lang namayat ako ng husto kasi alas 5 ng umaga gising na ako para maglinis ng kusina, sahig at iba pa. Sa hapon naman magbabantay ng mga bata, magluluto sa gabi, kasi umalis na yung katulong namin nag-asawa na siya. Sa ikatlong taon namin sa UE ang sunod kong ilalahad sa inyo. Siya nga pala natapos ko yung English na 2 ang grade ko at kina-usap pa ako ng propesor at binati kasi sabi niya 2 lang daw ang pinaka mataas na ibinibigay niyang grado sa lahat, okay narin dib a. Pero sabi nga naron na yung peklat eh mahirap ng mawala pa yun.