Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Lunes, Setyembre 15, 2008

Takaw Gulo

Kayo matanong ko nga – sa lugar ninyo ano ang karaniwang pinagmumulan ng gulo o away ng mga tao? Siguro sasabihin ninyo marami meron diyan babae, lalaki, bakla, tomboy, utang, alagang hayop na pumasok sa bakuran ng may bakuran, maingay, laging lasing o kaya’y laro ng mga kabataan. Oo laro ng mga kabataan ay nagiging sanhi rin ng away away ng mga kabarangay – bakit, paano at anong laro?

Dati sa mga panahon ng dekada 80 ang usong laro sa Bancuro na talaga namang kilalang kilala sila ay ang sopbol (softball). Kapag larong ito ang pinag-uusapan talagang makikita mo yung tuwa sa mga matatanda sapagkat laro nila yun. Kahit saang lugar sa kalapit na barangay ng Pook, Bancuro ay kilala at malakas maglaro ng sopbol. Ito’y karaniwang ginaganap kung tag-araw, ika nga kapag tigang ang mga palikdang na laruan ng sopbol. Siempre minsan dumarayo pa sila sa ibang barangay lalo na kapag pistahan na noong mga panahong ganon sopbol ang nangungunang palaro. Sabi nga, ang mga taga Bancuro ay makikipag-away sa kantiyawan, sa laro maipaglaban lamang ang baryo.

Subalit lumipas ang mga panahon unti unting nawawala ang larong sopbol sa Bancuro, ewan ko siguro sa dahilang wala ng palikdang o lugar na mapaglalaruan ng sopbol o matatanda na talaga yung mga may hilig sa sopbol. Hanggang ito ay napalitan ng bagong kinagigiliwan ng lahat ang basketbol. Natatandaan ko pa nga yung narinig ko na nagsabi na "hindi raw bagay sa mga Pilipino ang larong basketbol sapagkat ito raw ay laro ng mga matatangkad". Oo nga naman mas bagay sa mga Pilipino ang sopbol at ang pambansang laro noon na siba. Subalit nanatiling malakas ang dating ng larong basketbol sa mga kabataang lalake, kasama na ako doon. Hindi alintana yung maghapon kang pagod sa bukid o galing sa eskol basta makapaglaro lang nito. Hindi rin alitanan minsan na nagagalit na ang nanay sa pagtawag upang mag-ipon ng tubig.

Sa bawat barangay sigurado ko na meron kahit isang basketbol kurt na mapaglalaruan, tulad ng Bancuro, ito ay nakalagay sa Pook, Bancuro na pinaka sentro ng barangay. Dito nagsisimulang mag-ipon ipon ang mga kabataang lalake sa bandang hapon upang maglaro ng basketbol, minsan pag kulang pa ang manlalaro isang gol lang ang ginagamit nila. Minsan pustahan minsan naman malamig na tubig lang katalo na. Sa Pook walang pinipiling taas ng kabataan basta marunong mag-itsa ika nga ng bola na aabot sa gol. Sa panahon namin masasabi kong medyo malakas na rin naman kami sapagkat nakakapaglaro din naman kahit papaano at nanalo.

Natatandaan ko pa bago pa lang akong nahihilig sa basketbol, pero lagi mo akong makikita na nanonood ng laro sa basketbolan kasi malapit lang sa bahay namin. Minsan ang magkalaban sa laro ay ang Butas at ang Pook – masasabing itong dalawang sityong ito ang talagang magka-laban sa laro sapagkat maraming magagaling na manlalaro. Nagsimula ang laro pero mapapansin mo na mainitan ang laro tumitilamsik ang mga siko at tuhod, pero patuloy ang laro nila hanggang isa sa kanila ay hindi na napigilan ang kanyang galit sinahod ng tumalon ang kalaban baliktad ng bumagsak. Agad namang tumayo at akmang susuntukin ang gumawa subalit naglapitan ang mga kakampi, doon ang simula ang awayan at labo labo kasama na ang mga nanonood.

Nang mula sa labas ng kurt lumapit ang isang lalake na taga Pook hawak ang mahabang sanga ng kakawati at pinagpapalo ang sinumang lumapit na kalaban ng mga taga-Pook. Bawat tamain ng palo ay talaga namang napapasigaw sa sakit sapagkat ito’y lumalatay sa binti at braso. Walang maglakas loob na lumapit ang ginawa na lang ay pumulot ng bato upang makaganti, doon nagsimulang mag takbuhan, naiwang malinis ang kurt. Sa pagtakbo ng mga taga Butas nag-iwan ng banta na huwag daw daraan ang sinuman sa kanilang lugar. Paano yun eh yung Butas ang lugar na laging daraanan palabas ng Bancuro. Meron man pero sa palikdang ang daan.

Yan yung sinasabi ko na minsan ang laro ay nagiging takaw gulo sa mga tao, lalo na sa mga taong maiinitin ang ulo. Natigil lang ang awayan nayun ng dumating ang kapitan ng barangay. Subalit matagal bago naghilom yung mga galit sa kanilang puso, taon ang mga binilang, upang maka-iwas na lang hindi na sila pinaglaro pa doon. Hanggang ngayon maraming mga kabataan sa Pook, Bancuro ang mahilig sa basketbol, at makikita mo rin naman na mahuhusay sila sa laro.