Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Lunes, Setyembre 22, 2008

Pisikan

Ito’y tinatawag din na “taguan” sa ibang lugar. Sinasabing ito’y larong pambata. Walang bilang ng manlalaro ang kailangan, sabi nga kung gusto, sinuman ay maaaring sumali sa laro – subalit mahigpit na sinasabihan na walang pikon sapagkat ang larong pisikan ay isa laban sa lahat. Ibig kong sabihin kung ikaw ang nataya kalaban mo lahat, sapagkat kailangang mataya mo ang kahit isa sa kanila, o depende sa pinag-usapan ng lahat ng kasali. Karamihan alam ng bawat manlalaro ang mga alituntunin o kung paano ito laruin.

Subalit sa Bancuro naaalala ko pa na ang larong pisikan ay kakaiba sa lahat ng laro na pambata sapagkat hindi mga bata ang naglalaro kundi mga binata at minsan may asawa na yung iba at kakaiba ang kanilang mga alituntunin sa laro. Masasabing ito ay binigyan ng mahirap alituntunin. Ano ang mga alitutuntunin nito:

1. Ito’y ginaganap sa bandang hapon pasimula ng alas singko hanggang alas nuebe ng gabi. Kapag natapos na ang oras na alas nuebe ng wala pang natataya, itutuloy ito sa kinabukasan sa ganong oras.
2. Ang taya ay hindi maaaring magbantay lang sa pinaka baraks kailangang maghanap siya at kapag nakakita siya kailangang unahan niyang makarating sa baraks ito.
3. Ipinagbabawal sa mga manonood ang magturo o mag-ingay na kaugnay sa laro
4. Walang itinatakdang araw kung kalian ito matatapos ang isang laro, ito’y batay sa kanilang pasya kung itutuloy o hindi na.

Iyan lang ang ilan sa mga alituntunin ng mga naglalaro ng pisikan sa Bancuro. Noon nga natatandaan ko pa naglaro sila walo silang kasali sa larong pisikan nagsimula sila ng alas singko ng hapon at ito’y natapos ng ikatlong araw na. Natapos lang ang laro ng ang lahat ng kasali ay nakaranas na mataya o siyang maghanap ng mga kalaban. Pero talaga namang nahihirapan ang mga nagiging taya kasi mahigpit ang pagtatago ng bawat isa, meron nga na pag nagtago deretso na ang tulog sa kanilang bahay.

Sa panahong yaon medyo nagbibinata na rin ako at ng mga pinsan ko kaya sumubok din kaming maglaro ng ganon. Bale lahat kami ay sampung kasali, ganon din ang alituntuning aming sinunod, sa unang araw hindi natapos kaya ipinapatuloy namin sa sunod na araw. Noong ikalawang araw na ang lahat ng kasali ay nagsipaghanda upang tumago ng mahigpit habang ang taya ay nagbibilang tanda na binibigyan ng pagkakataong tumago ang mga kalaban.

Subalit makalipas ang dalawang oras may sumisigaw papalapit nanginginig ang boses habang hawak ng isang kamay ang kaliwang banda ng leeg. Malayo layo pa ay kita ang sumisigaw may bahid kulay pula ang kanyang damit at ang kamay niya ay ganon din. Nagkagulo ang lahat sapagkat sugatan ang isang kasali at ito’y sa may leeg. Tinanong kung anong nangyari – sinabi na sa pagtakbo upang magtago nasabit ang leeg sa alambre, hindi maliit na sugat sapagkat butas ang may leeg kaya bumubula ang dugo palabas. Isinigud agad sa pinakamalapit na klinika ng nurse sa San Agustin upang tahiin ang sugat.

Kami namang nagsipagtago pa ay walang kaalam-alam sa mga nangyayari at nangyari. Ito’y nalaman lang namin ng isa isang putahan ang bawat bahay namin at tanungin kaming mga kasali sa laro, at doon nga namin nalaman ang lahat. Naroon na sinisi kami sa dahilang gabi na ay naglalaro pa ng ganoong dilikadong laro. Wala kaming maisagot sapagkat totoo naman na dilikado kasi nga gabi na. Marami sa mga matatanda doon sa amin ang nagalit sa amin at nagsabi na huli na ang paglalaro ng ganong laro lalo na kung gabi. Kaya mula sa pangyayaring yaon natigil ang larong pisikan – ah hindi pala naman nawala hindi lang pinapayagang maglaro ng ganon kapag gabi na.

Naging aral sa amin ang ganong pangyayari. Sa awa naman ang Diyos tinahi lang yung leeg ng pinsan ko at kung hindi ako nagkakamali pito o hanggang siyam na tahi ang ginawa sa leeg niya.