Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Miyerkules, Setyembre 10, 2008

Pasaknong

Sa mga kaugaliang Pilipino ang bayanihan ay nakikita pa rin natin sa mga probinsya, baryo at nayon. Ito yung pagtutulong tulong sa isang gawain upang mapadali, upang mabilis at hindi gaanong malaki ang gagastusin ng taong kailangan ang bayanihan ng mga tao. Sa Bancuro ang tawag dito ay “pasaknong” katulad din ng bayanihan ang tema nito yung tulong tulong. Karaniwang ginagawang pasaknong ay ang pag-aani ng palay, paglilipat bahay, pagpapatalok, paghahasik ng pananim at iba pang gawain na gustong matapos ng madalian.

Sa mga taong otsenta talaga namang palasak ang ganitong samahan ng mga taga nayon, baryo at sityo anumang malakihang gawain at isa na rito ay sa Bancuro. Doon kapag ang aanihin ay malapad tiyak na pasaknong ang pinaka madaling sulusyon. Naranasan kong maging kasaknong sa pag-aani ng palay. Ang “kasaknong” ay ang taong tumutulong o sinabihan ng nagpapasaknong. Masaya ang pasaknong sapagkat marami kayong gumagawa ng tulong tulong, sabay sabay at katuwaan kaya hindi mo mararamdaman ang pagod at hirap ng ginagawa. Sa saknungan obligado ang nagpapasaknong ng ibat ibang pagkain – ito’y ginagawa tuwing oras ng meryenda sa alas 9:00 ng umaga. Ito’y karaniwang tinapay, lugaw, suman, bilo-bilo, kakanin at iba pa ayon sa inihanda ng nagpasaknong. Kasama riyan ang panulak ika nga, tubig, limunada, coke at iba pa.

Ang sunod niyan ay ang tanghalian mga alas 12:00, tiyak na nakahanda na yung masarap na tanghalian. Karaniwang niluluto ay tinulang manok, sinigang na ulo ng isda, sinigang na baboy kaya. Talaga namang pagpapawisan ka sa pag-kain sapagkat naroon yung mainit na sabaw na may sili, mainit at umu-usok pa na kanin at yung sama-samang bilisan ang pag-subo na tiyak na tatagaktak ang pawis mo. Meron pagkakain ay lalantakan agad ng tulog, yung iba naman kuwentuhan pa. Makikita mo sa bawat mukha ang saya ng tulong tulong. Babalik sila sa pag-aani ng banding 1:00 ng hapon. Sa bandang ika-3 ng hapon meryenda ulit ang aasahan mo. Tapos meron pa na kapag maganda ang aanihin pati hapunan ay kasama tapos meron pang inuman. Ganyan ang maganda sa pasaknong, naroon yung saya busog ka pa.

Noong araw yun ewan ko lang sa kasalukuyan sapagkat medyo mahirap ang buhay, pera na lahat ang nagpapagalaw sa tao pag walang pera mahirap ng magkaroon ng pasaknong. Gusto ng tao ngayon na lahat ng pagkilos nila ay binabayaran, kumita ng pera, kaya masasabi ko nawawala na ang pasaknong sa ngayon. Meron siguro sa ilang probinsya, pero sa Bancuro medyo nawawala na yun. Minsan meron din naman kaya lang kung magpapasaknong ka, kailangan sumaknong ka rin sa kanya – yun ang tinatawag na bayad utang. Noon hindi lang pagpapa-ani ang ginagawang pasaknong naroon din yung paglipat ng bahay – pero ngayon nawawala na rin yun sapagkat karaniwan bato at samento ang bahay kaya hindi na maaaring buhatin.

Pero kung aalalahanin ang diwa at kaganapan ng bayanihan o pasaknong talaga namang makikita yung diwa ng pagiging Pilipino na nagkaka-isa. Subalit sabi nga sa paglipas ng panahon nag-iiba ang kalalagayan, kaugalian at ang uri ng mga tao. Sa ngayon tanging ala-ala nalang siguro ang ating magagawa, subalit napaka sarap na kung ito’y maibabalik sapagkat ang lahat ay magiging makabuluhan…