Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Huwebes, Setyembre 4, 2008

Pista ng Patay

Napakaraming kaugalian ang natutunan at nasalin sa mga Pilipino ng mga Kastila, lalo na sa kalakaran ng buhay, nariyan yung sa pag-aasawa, pagsamba sa mga santo, araw ng pangingilin, mga pistahan ng lugar kasama rito ang pista ng mga patay. Halos buong Pilipinas, hindi buong mundo ata ipinagdiriwang ang pista ng mga patay. Tama bang ipagdiwang ang araw na yaon… o ito ay isa ng kaugaliang mahirap alisin sa atin. O mas tamang palitan ng tawag at gawing pag-aala-ala sa mga patay, pero pwede naman alalahanin ang mga yaon kahit anong araw, linggo, buwan diba.

Mas tama bang ipagdiriwang ito? Dahil sa Bancuro tiyak ako na ang lahat ay nagiging abala upang puntahan ang puntod ng kani-kanilang mga namatay. Meron nga isang linggo pa bago ang araw na yaon nakahanda na ang puntod. Kailan ba ito ginaganap? Sa buwan ng Nobyembre ang 1 at ang 2 ay nakalaan para doon. Sa Bancuro nga kung tawagin ito’y araw ng mga kaluluwa yung Nobyembre 1 at araw ng mga santo naman yun Nobyembre 2. Noong ako’y bata pa kasama ako sa ibang mga pinsan ko na nakikinabang sa pista ng mga patay, sapagkat uso sa Bancuro yung karoling sa bahay bahay..

Natutulog kamang ina
Sa katre mo’t iyong kama
Sumandaling magbangon ka
Limusan ang kaluluwa

Kaluluwa’y dumaratal
Sa tapat ng durungawan
Kampanilya’y tinatangtang
Ginising ang maybahay

May bahay po’y gising kayo
Kaluluwa’y nandirito
Humihingi ng diskanso
Sa paghango sa purgatoryo

Sa purgatoryo’y nagmula
Nanaog dito sa lupa
Ang maglimos at maawa
Makikinabang ang madla

Palimos poooo!!!!

Yamang kami’y nalimusan
Sa inyo po ay paalam
Kung sakali at may buhay
Sa isang taon dadalaw


Iyan ang isa sa mga awitin namin sa karoling sa gabi ng pista ng patay, bawat bahay ay tinatapatan upang humingi ng limos. Hanggang doon lang kami sa Pook, Bancuro kasi kapag lumabas medyo nakakatakot na, kasi nga pista ng patay ang mga kaluluwa daw ay lumilibot. Meron naman talagang mabait kasi malaki ang ibinibigay, minsan bigas at minsan naman ay pera. Meron din na kuripot, naroon na nagtutulog tulugan na. Sa kinabukasan ang lahat ng napagpalimusan ay aming paghahati-hatiang magkakasama, yung bigas ipagbibili muna yun, para pera na lang ang paghatian.

Iwan ko lang sa panahong ito kung sa Bancuro ay patuloy pa rin itong isinasagawa ng mga kabataan doon, pero sa panahon namin masigasig kaming lahat kasi kumikita naman kahit papaano. Meron pa nga noon na hindi lang mga bata kundi pati mga matatanda na nangangaluluwa rin. Siguro sa hirap ng buhay maaaring merong ilan na lang ang gumagawa ng ganitong tradisyon. Ang iba nagkakasya na lang sa pagtitirik ng kandila sa may pintuan ng bahay, o sa may hagdanan tandan ng pag-aalala sa mga namatay na kamag-anak.