Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Huwebes, Hulyo 3, 2008

Samo't Saring Kwento - II

Dos ng Hunyo

Para maiba naman ang putahe natin ngayon, hayaan ninyo na ang i-kwento ko ay tungkol naman sa isang pangyayari na hinding hindi nakakalimutan ng mga taga-Bancuro. Bakit ko naman nasabi ang ganon sapagkat sa tinagal tagal na ng panahon na nakalipas tiyak ko sa inyo na hindi pa rin basta malilimutan ang pangyayaring iyon. Bakit naman ang pamagat ay “Dos ng Hunyo” sapagkat sa petsang iyan nangyari ang kuwento ko sa inyo. Ganito yun.

Sa mga panahong iyon, kapag dumating ang buwan ng Marso, Abril at Mayo tiyak na marami ang magdaratingang mga “lawig” kung tawagin sa amin sa Bancuro. Ano ba itong tinatawag na lawig - ito yung mga tao na galing sa ibang lugar na pansamantalang titigil sa isang lugar upang makipag-ani ng palay o anuman. Karaniwang mga taga Batangas ang mga lumalawig sa Bancuro at karamihan naman ay mga kapinsanan na rin ng mga taga roon. Isa sa mga laging lumalawig doon ay si Elino ang pangalan, Felino Matira ang tunay na pangalan. Siya’y tahimik at wala laging kibo, sabi nga kung hindi mo siya kakausapin hindi siya magsasalita.

Natapos na ang anihan ng palay sa Bancuro sa buwan ng Mayo at magsisimula na ulit ng pagtatanim ng Hunyo sapagkat minsan minsan umuulan na sa mga buwan na yun. Ang ibang mga lawig ay nagsipag-uwian na sa Batangas dala ang kanilang mga naging kabahagi. Subalit si Elino ay nagpa-iwan sapagkat gusto pa niyang tumulong sa pagtatanim ng palay. Ang buwan ng Mayo at Hunyo ay buwan ng mga pistahan sa mga karatig barangay. Noong a dos ng Hunyo ay pista ng Balansig na karaniwang dumarayo ang mga kalalakihan ng Bancuro upang masaksihan niya ang mga palaro lalo na ang “softball” na kilala rin ang Bancuro sa larong iyon. Halos lahat ng mga kalalakihan ay naroon maliban kay Elino, kasi raw may gagawin siya. Ibig sabihin hindi na siya sumama. Ilan sa mga kababaihan ay nagpunta rin sa pinstang iyon.

Walang nakakapansin kay Elino na maaga pala siyang nagising na ayon sa kuwento alas 4:00 ng umaga pa gising. Mula sa oras na iyon ay nagsimula na siyang maghasa ng kaniyang itak o maliit na gulok, ang dahilan siya lamang ang nakaka-alam. Si Anastasya na anak ni Tiya Pontina ay dalaga ng mga panahong iyon. Ayon sa kuwento na tuwing makikita nito si Elino ay laging kinukutya, niluluko at laging maasim ang tingin sa kanya. Nang pumatak ang alas 9 ng umaga nagulat ang mga naiwang mga kababaihan at ilang mga lalaki sa sigaw na kanilang narinig. Sino ang sumisigaw? ang tanungan. Ang maririnig ay lumabas kayo riyannnnnnn, pakita kayo……

Ang unang lalaki na lumabas sa kanilang bahay upang tingnan ang sumisigaw ay si Perto na asawa ni Huling. Nakilala niya kung sino ang sumigaw yun ay si Elino. Agad siyang hinarap at hinabol ng taga, walang nagawa siya kundi ang tumakbo patungo sa bahay nina Rustico upang magtago. Nang naroon na sa bahay nina Rustico akala ni Paulino na kasalukuyang nalalaro ay nagbibiro lang si Elino kaya mula sa silong ng bahay ni Rustico siya’y sinusundot pa ni Paulino sa siwang ng sahig, kaya lalong nagalit si Elino kaya siya ang hinarap. Buti na lang at ganon ang nangyari kung hindi makikita na sana si Perto na nagtatago lang sa kabila ng pinto. Bata pa noon si Paulino kaya siya kumaripas ng takbo papalayo. Hindi na hinabol pa ni Elino si Paulino kundi binalikan niya si Perto, ng dumating doon, si Makarya na galing lang sa paglalaba ay pinatutulog ang batang si Victoria sa duyan ang siyang hinarap. Nakita ni Makarya na ang tingin ni Elino ay parang ulol na, kaya siya’y nahintakutan, umiwas subalit siya’y patuloy na inundayan ng taga, mabuti na lang at laging nakaka-iwas. Nasa isip ni Makarya na baka ang balingan ay ang batang natutulog sa duyan kaya hinagisan niya ng unan yung duyan upang matakpan ang pata tama lang naman ito sa katawan ng bata. Subalit patuloy pa rin siyang hinahabol si Elino ng taga, sigaw, takbo ang ginawa niya sa palibot ng kanilang bahay.

Maya maya hindi na niya kayang tumakbo huminto siya at hinarap si Elino, unang taga sa kanya sinalag niya ito ng kanyang kaliwang kamay halos maputol ang daliri niya sa talas ng itak, tapos himbalos ulit siya ng taga pagsalag niya ng kanang kamay sabay akap kay Elino upang mahinto ito bumagsak sila at gumulong doon dumating muli si Perto galing sa pagtatago at tinulungan si Makarya nakalayo sila doon, pero patuloy silang hinabol ni Elino. Sa paghabol na yaon nakasalubong ni Elino si Henyo na sakay sa bisekleta, kaya siya naman ang hinarap nito. Walang nagawa si Henyo kundi ipagsanggalang ang kanyang dalang bisekleta, sa unang taga ni Elino at salag ni Henyo tagpas ang bisekleta ni Henyo kaya takbo siyang palabas ng kanto ng Bancuro upang humanap ng tulong.

Sa mga oras na yaon pala ay nagdadatingan na ang mga galing sa pistahan kaya marami na ang nagtulong tulong upang papigilan ang pagwawala ni Elino. Ang mga kalalakihan ay nagtulong tulong at ang mga kababaihan naman ay hinanap si Makarya na noon naliligo na sa sariling dugo. Meron siyang taga sa likod, sa dalawang kamay. At natuklasan din nila na isa ang napatay ni Elino si Julia. Naigapos si Elino subalit hindi nagsasalita, parang ang mata ay mata ng ulol na aso. Dumating ang mga pulis galing sa bayan at nadala rin sa hospital si Makarya. Si Victoria pala ay hindi napansin kasi natatakpan ng unan, ay nagising subalit hindi makaiyak sapagkat may takip na unan ang mukha, buti na lang at dumating si Paulino at tinungo ang duyan, kung hindi patay din sana si Victoria.

Makalipas ang ilang lingo nahatulan agad si Elino ng pagkabilanggo ng habang-buhay sa kanyang ginawa. At ang sabi nagawa lang daw niya yun dahil galit siya kay Anastasya na laging siyang niluluko. Subalit makalipas ang 10 taon nakalaya si Elino, mula sa kulungan, siya’y nagtinda ng mga damit sa bayan ng Batangas subalit makalipas ang ilang taon siyay namatay sa sakit. Si Makarya naman ay nakaligtas pero naiwan ang mga bakas sa kaniya kamay sapagkat yung kalingkingan niya sa kanan at kaliwa ay hindi na gumagalaw. Si Perto naman ay di malilimutan ang pangyayaring iyon. Si Paulino naman bagamat bata pa noon pero hindi na niya makakalimutan iyon. Doon nauso yung kanta na -
"Noong a dos po ng Hunyo, ng managa si Elino
Ang unang tinaga ay si Perto magaling at nakatakbo.
Nang tumatakbo si Perto ay tumakbo rin si Elino.
Ang unang bahay na tinungo
Ay ang bahay ni Rustico.