Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Lunes, Hulyo 21, 2008

Tubaan..

"Mare daan ka muna, makapagkuwentuhan tayo. Wag na mare may pupuntahan ako. Saan ka pupunta? Alam mo na doon sa tubaan, kina Pareng Ludring. Pare sama ka tikman mo naman yung niluto kung ginataang bayawak, lantakan natin doon sa tubaan mamayang hapon pagkatapos natin dito sa bukid". Yan ang pangkaraniwang maririnig mo sa pali-paligid ng Bancuro lalo na tuwing sasapit ang dapit hapon. Sapagkat naka-ugalian na nilang magkita kita sa tinatawag na tubaan.

Ano ba itong “tubaan”? Ang tubaan ay nag-buhat sa salitang “tuba” at ang hulaping “an” na kapag pinagsama ito’y nagiging isang lugar na pinagkakalipumpunan ng mga magbubukid, mangingisda, mga tambay at iba pa. Ang tuba ay karaniwang kinukuha sa puno ng niyog, buli, sasa o irok. Tuba na galing sa tubo ay hindi pa nauso doon ang karaniwang tuba roon ay yung galing sa puno ng niyog. Ang mangangarit ang siyang nakaka-alam ng patungkol sa lasa at tapang ng tuba. Ito’y naging isang hanap buhay na doon sa Bancuro. Isa sa nakilala kong mangangarit ng tuba ng niyog ay si Tiyo Johnny, sapagkat talaga namang balde balde ang tuba kung hakutin sa kanilang bahay.

Marami siyang hinihikapang mga niyugan upang kumuha ng tuba. Sa umaga pag patak ng alas 6 ng umaga tiyak isa isa niyang nililibot ang kaniyang mga punong kinakaritan, sapagkat ganon ang dapat upang makakuha ng maraming tuba ng niyog. Sa hapon naman ay alas 4 pa lang ng hapon ay nasa dulo na siya ng niyog upang kuhanin ang mga tuba na kaniyang naipon. Matiyaga niya itong inilalagay sa kung tawagin ay balawit, ito ay yari sa malaking kawayan. Alam nyo ba na para sumarap ang tuba nilalagyan yun ng “tangal” na ang hindi ko malaman kung anong uri ng ugat ng halaman yun galing.

Matapos maipon yun dadalhin na sa tubaan, upang ipagbili sa pamamagitan ng takal na gamit ang “preserb” – ito ay isang uri ng buti na kulay maroon. Ang halaga nito ay 50 sentimos isang preserb. Dito sa tubaan karaniwan mong makikita ay mga matatandang lalaki at babae, malalakas ang kuwentuhan lalo na kapag naka-inom na ng tuba. Masarap din naman ang lasa nito, pero sinasabi na hindi maganda kapag ang pulutan nito ay ginataan. At hindi rin maganda kapag hinaluan mo ng ibang alak.

Nang si Tiyo Johnny ay mamatay, si Manong Ludring naman ang pumalit sa kanya at doon mismo sa kanilang bahay ang naging tubaan. Kapansin pansin na naging karaniwan ng puntahan ang kanilang bahay. Minsan ang iba ay may dala dalang mga pulutang karneng aso, inihaw na isda, karneng baboy, adubong bayawak, sawa at iba pa. Mayroon din naman nanggugulo minsan sa tubaan, siguro nasusubrahan ng inom kaya nagwawala. Karaniwang mula alas singko ng hapon hanggang alas siete ng gabi tumatagal ang mga manunuba doon.

Subalit sa ngayon nawala narin ang tubaan kasi tumigil na rin sa pangangarit si Manong Lubring, kasi medyo matanda na rin daw siya natatakot ng umakyat pa ng puno ng niyog. Wala namang sumunod na sa kanilang mga yapak – kukunti na rin ang nahihilig uminom ng tuba doon. Subalit masasabi na masarap din ang lasa ng tuba, nakakalasing din, sabi nga masustansya daw yun. Kapag hindi naubos ang tuba ito'y iniimbak ng 2 o 3 buwan para maging maasim na suka. Ito'y nabebenta rin naman. Totoong ala-ala na lamang ang natitira tungkol sa tubaan, pero hindi na mawawala ang ala-alang yun sa mga taga- Bancuro....

Walang komento: