Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Martes, Abril 29, 2008

Iskool Bukol Ikalawang Hirit

Mukhang ang ating bida ay kaagad nakaranas ng di magandang karanasan sa simula pa lang ng taon niya sa paaralan. Yun ang aking naramdaman at natatanong sa sarili ganito nga ba talaga dito, ito ba yung tinatawag na pribadong eskwelahan? Subalit hindi naman doon nasusukat lahat ang pagiging maganda o pangit ng isang paaralan. Siguro nagkataon lang, yun na lang ang aking pasubali sa mga nangyari. Sapagkat ganon man ang nangyari sa umpisa natapos ako ng unang taon ng nasa top 10 ng sekyon A. At kapag nasa top 10 ka sigurado na ilan sa mga sabjek mo ay eksemted sa pinal eksam. Sa ikalawang taon, dito ay nagkaroon na ng malaking pagbabago, una sinabihan na ako ng Inay at Tatay na mag-bisekleta na ako kasama ni Kuya Tony at ng iba pa kapag papasok sa AGMA. Meron ba akong pagpipilian? Wala kasi alam ko ang dahilan ng inay at tatay hindi kakayanin ang araw-araw na pasahe sa jeep. Isipin sa halagang 75 sentabo na pamasahe bale 1.50 peso balikan sa jeep di pa kaya ng inay at tatay matustusan, at isipin pa na karagdagang 50 sentabo na baon. Ibig sabihin 2 pesos araw-araw ang dapat ibibigay ng Inay sa akin. Wow, pero sabi nga hindi ganon ang nangyari.

Ganon nga ang nangyari ginamit ko ang bisekleta ng tatay noong siya ay binata pa. Ano ang iisipin m
ong kalalagayan ng ganong bisekleta, wala sa uso ang hitsura, luma. Subalit sabi ko nga may pagpipilian ba ako, wala? Umaalis kami ng Bancuro mga alas 6 ng umaga upang makarating kami ng ika-7 ng umaga. Isang oras kaming namamaybay sa kalsada sagap ang alikabok kapag tag-init at ulan naman kapag tag-ulan siempre. Sumasakay lang ako sa jeep kapag sira ang bisekleta (pero pipilitin pa yung magawa) at kapag di na pwede talaga kasi malakas ang ulan. Yan yung nadagdag na laging kong ginagawa para lang makapasok sa eskwelahan. Meron naman pagka-minsan inaabutan ng ulan sa daan naroon yung maaantala, makikisilong hanggang tumigil ang ulan, at minsan masisiraan ng bisekleta kaya aakayin mo ang bisekleta hanggang Bancuro, tulad ng sabi ko 7 kilometro lang naman ang layo.

Baka kayo magtanong, wala bang love life ang ating bida noong nasa AGMA siya? Meron naman di naman tayo pangit at di naman kagwapuhan ika nga meron ding natatanging alindog (bakit alindog sa babae yun). Marami akong kras na bebot noon lalo doon sa aming klase, pero hanggang kras lang naman, paghanga ika nga. Ang unang kras ko ay si Delailah ang pangalan kaya lang matanggad kaysa sa akin kaya di ako makaporma, pero nalaman ko na meron din palang babae na may kras sa akin yung kapatid ni Delailah, di naman siya kagandahan kaya lang mataba siya ng kaunti. Sumunod na naging kras ko si Lea, medyo kayumanggi ang kulay niya, kulot ang buhok kaya lagging naka-pusod siya, medyo tsabe siya, kaklase ko at kaibigan pa ni Peth, kaya pagtinutukso ako sa kanya namumula ako na parang sili sa hiya. Siempre meron ding dinidiskatihan yung mga kasama ko si Godo, Pogi, Carlo, Lee at John, pero si Godo ata ang pinaka sikat sa lahat kasi tsikboy siya.

Sa totoo lang hindi ako makapagsalita kapag nasa harap na ng babae lalo na kapag kras ko yung kakausapin, tameme ika nga. Pero maluko kami sa klase, kaya noong minsan sa klase ng Matematiks, naka-upo kami sa bandang hulihan ng bigla akong kinalabit ni Carlo at ituro ang isang bagay doon sa kaklase namin na babae si Lourdes, sabi ko ano yun? Si Lourdes kasi katapat ko siya ng upuan at kabiruan ko ibig sabihin malapit kami sa isat-isa. Kinalabit ulit ako at binulungan tungkol kay Lourdes, yun pala nakikita yung panty ni Lourdes doon sa may siper ng kaniyang palda. Hulaan nyo kung ano ang aking ginawa ng makita ko yun? Siempre tiningnan ko rin, maluko eh, kaya lang naisip ko nakaka-awa at kaibigan ko rin siya. Kaya kinalabit ko sya at binulungan para sabihin na nakikita na yung panty niya. Noong una biglang nanlaki mata sa akin tapos tiningnan nga niya, sabay hila ng siper pataas. Noong makalabas kami lapit agad siya sa akin, tanong kung matagal na bang nakikita yung panty niya. Sabi ko hindi naman, pero ang totoo matagal ng pinag-pipistahan sa likuran.

Naging kras ko rin yun siguro kasi malapit kami sa isat-isat kaya lang ang puna ko sa kanya burara siya, marumi ang kuko at medyo maarte, pero matalino siya sa klase laging nasa top 5 siya.


Walang komento: