Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na iskool bukol. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na iskool bukol. Ipakita ang lahat ng mga post

Lunes, Mayo 5, 2008

Iskool Bukol Huling Hirit...

Magandang araw po sa lahat ng nakabasa, dumaan at naawang magbasa nito. Wala naman akong paki-alam kong basahin man ninyo ito o hindi basta ang nais ko lang ay muli kung isalarawan yung mga nagdaang araw ng buhay ayon sa aking natatandaan. Tingnan mo humirit pa, ibig sabihin marami pang ala-ala na naka-imbak sa isipan ng ating bida, kaya ibigay na lang natin ang hilig niya, may aangal? Sa awa ng Diyos at ng bisekleta magtatapos narin ang ating bida ng apat na taon sa AGMA. Ano kaya ang pagbabago sa kanyang buhay, naroon pa kaya ang kanyang masidhing makapagsabi ng kanyang nararamdaman sa kanyang kras na si Lea. Siempre naron pa rin yun kaya lang may pagbabago kasi merong nanliligaw kay Lea isa naming kaklase si Leo, naku mukhang dehado ang laban kasi guwapo si Leo at mataas ang tindig at barkada pa ni Kuya Tony.

Kaya dito naging maganda ang laban at naging malakas na ang loob ng ating bida kasi may lakas na itong kausapin si Lea. At minsan nga isang hapon bago pumasok sa klase ay nagkaroon ng pagkakataong maka-usap ng ating bida si Lea sa tulong ng mga kaibigan. Ganon pala yun na kapag kaharap mo ang babae sa simula lang mararamdaman yung hiya at takot pero kapag nagsimula ka nang magsalita deretso na siya. Nasabi ko nga yung pakay ko kay Lea, subalit yun pala'y hinihintay lang niyang kausapin ko rin siya para sabihin sa akin na kaibigan lang daw kami – ibig sabihin “busted” ang bida. Doon parang na-umid ang dila ko, hindi ako nakapagsalita agad kundi kinalabit ako ni Lea. Ganon pala kapag nababasted, gusto mong sumigaw pero parang walang nalabas na boses. Pero wala akong magagawa, kahit sabihin pa ng mga kaibigan ko na ipagpatuloy ko baka daw sinusubok lang ako. Naisip ko kung kailan ako naging malakas ang loob doon pa nabasted. Pero sabi nga hindi doon matatapos ang kwento ng ating bida, siempre lalaki ata ito at doon ko nasabi ang salitang “mula ngayon ito na ang aking paninindigan, kapag ayaw ng babae, ayaw ko rin sa kanya” ang tigas diba…. Lumipas ang mga araw ng hindi napapansin.. Nakalimutan ang pait noon siguro nga hindi tunay na pag-ibig yun.

Ewan ko ba kung bakit ang pag-ibig ay laging ganon di mo mapigilan kapag dumating sa iyong buhay. Sa klase namin may isang babae na noon ko lang napansin na napaka-ganda niya, di gaanong mataas, maputi, tsabe ang pangangatawan at masarap ngumiti. Sabi ko kay Godo bakit ngayon ko lang siya nakita samantalang matagal na kaming magkakasama, sagot ni Godo kasi baliw na baliw ka kay Lea, sabay tawanan namin. Si Efleda na taga-Bacungan, naging muse ng isang team ng basketball sa AGMA, diba maganda. Siya’y kaibigan naman ni Cristy na pinsan ko rin, kasama namin sa seksyon. Kaya ang unang ginawa ko siempre ang pinaka-epektibong pagkilos ang pakikipag-kaibigan muna at magpakita ng gilas sa klase. Sa totoo naman niyan magaling ang ating bida sa history, math (lalo na Trigo), at kapag may mga nag-rereport sa unahan natatakot sila kasi ako ata ang pinaka makulit sa dami ng tanong tungkol sa nagsasalita.

Balik tayo sa pag-ibig daw ng ating bida, paano nga ba nagsimula ito. Doon nga sa pakikipagkaibigan muna nagsimula ang lahat. Dala na rin siguro ng medyo malakas ako sa mga kaklase ko, napalitan ng tinutukso sa akin yun ay kay Efleda, kaya pareho kaming hiyang hiya. Tuwing hapon nagkaka-usap kami kuwentuhan pero di ko minamadaling magsabi sa kanya, hinahayaan ko na lang munang mahinog ika nga para madaling pitasin. Subalit nagkamali ako, kasi dumaan ang mga araw sa pagpapabaya ko marami rin ang naka-pansin sa katangian ni Efleda at siempre gustong diskartihan din, isa dito si “kabayo” kung tawagin sa iskool pero anak siya ng prinsipal at si “nonoy” na taga Kalinisan at barkada ni Kuya Tony. Ibig sabihin tatlo ang naghahangad ng matamis na “oo” ni Efleda. Sa tingin nyo may laban ba ang ating bida…?

Kung sa isang manlalaro naging mahigpitan ang laban, kanya kanyang diskarte, yung isa dinadaan sa galing sa basketball, yung isa dinadaan sa katahimikan lang, ang isa dinadaan sa pakikipagkaibigan, klase at mga naka-paligid, ganyan ang naging sitwasyon namin. Siyanga pala yung anak ng principal ay nasa ikatlong taon lamang. Pero isang araw nalaman ko na isa sa mga katunggali ay nabasted na yun ay ang anak ng principal kasi nayayabangan daw si Efleda. Subalit sa di ko naaasahan ako pala ang pangalawang biktima na mababasted ng huling kina-usap ko siya. Ibig sabihin yung taga-Kalinisan ang nanalo si Agapito. Siya ang naging syota ni Efleda. Naging malaking dakong yun sa akin subalit ang dating paninindigan ko na “kung ayaw sa akin, ayaw ko rin” ay kinain ko, sapagkat hindi ako tumigil sa panunuyo sa kanya. Kahit na alam kong syota na siya ni Agapito. Dito naging masigasig ako, bibo at magilas sa klase. Sabi nga kapag may tiyaga may nilaga, kasi nalaman ko na nag cool-off sila. Ayaw kong samantalihin yun, yun ang naging teknik ko medyo tuloy lang ang friendship hindi ako nagbanggit ng anumang bagay tungkol sa aking layunin. At ito ay nagbunga, naging mas malapit siya kaysa dati sa akin, hanggang mahulog na rin ang kanyang damdamin sa akin, kaya wala ng kahirap-hirap ang mga sumunod.

Subalit masasabi kong ito ang una kong pakikipag-relasyon bilang syota kaya di pa ako marunong humawak ng ganito. Kaya di nagtagal yun. At nalalapit na rin ang junior-senior promp. Kapag nangyari wala na naman akong masasabing babakuran sa oras ng sayawan. Kaya lang umiral ang kagulangan ko kasi nagpatulong ako kay Godo upang manumbalik sa akin si Efleda. Ngunit hindi nangyari yun sapagkat ayaw na ni Efleda sa akin. Natapos kami ng walang pormal na hiwalayan, pero nagkaroon kami ng pagkakataon na magka-usap bago maghiwalay at nagkaroon ng pangako sa isat-isa na magkikita muli sa Maynila kasi doon ako mag-aaral, kaya lang si Efleda ay sa Batangas lang mag-aaral. Kaya ang nangyari sa sulat lang kami nagkakaroon ng balitaan, pero kami parin. Dumating ang semestral break kaya pareho kaming umuwi sa Mindoro. Doon nagbigay ng bilin sa akin na ako raw ay magpunta sa kanila sa Bacungan para daw ipakilala ako sa mga magulang niya. Nag-handa ako na pupunta roon gamit ang aking bisekleta, ngunit gabi bago ang araw na yaon hindi tumigil ang ulan, bumaha kahit saang lugar sa Bancuro, walang biyahe, di pwede ang bisekleta, kaya di ako nakapunta roon. Makalipas ang isang lingo nabalitaan ko na umalis na siya punta ng Batangas uli, yun ang huling balitaan namin. Sayang ang unang tunay na pag-ibig hindi bumukol. Masaklap pero yun ang nangyari, mula noon sinubukan kong puntahan siya ng mabalitaan kong nasa Maynila. Ang huling balita ko nag-asawa na siya ng taga Mindoro rin at hindi raw nabiyayaan ng anak. Maganda siya..... he he he

Biyernes, Mayo 2, 2008

Iskool Bukol Humirit pa..

Noong nakaraang kwento natin ang bida at ang mga suporta ay inihayag na ang unti-unting pagbabago nila, kasama ang kanilang buhay pag-ibig. Nakita rin natin na medyo nag-rereklamo ang ating bida sa kanyang kalalagayan bilang isang estudyante, kasi sa tingin niya kawawa siya dahil nagbi-bisekleta lang siya sa pagpasok. Mukhang mahirap nga ang kaniyang kinakaharap sa yugto ng kanyang pag-aaral. Paano kaya maipagpapatuloy ng ating bida ang kanyang buhay pag-ibig, kasama ang pag-aaral, maapektuhan kaya ito ng kanyang nararamdaman? Subalit parang hindi naman naapektuhan ang kanyang pag-aaral sapagkat nasa top 10 ulit siya matapos ang kaniyang ikalawang taon sa AGMA.

Ibig sabihin talagang binata na ang ating mga bida. Makapagsalita na kaya siya sa harap ng isang babae upang sabihin ang kanyang nararamdaman? Paano kaya niya ipapakita ito sa isang babae? Hindi naman pwede sa pera diba kaya nga pinagbi-bisekleta na lang siya kasi hindi kaya ng mga magulang niya ang gastos sa pag-aaral. Baka naman may diskarte naman ang ating bida. Walang pagbabago sa unang araw ng pasukan sa ikatlong taon maliban ang ating mga bita ay napunta na sa sikat na seksyon yun ang sekyon B, ibig sabihin sama-sama na ang pinaka-magagaling ng aming batch. Doon ko muling nakasama si Kuya Tony, subalit parang nagbago na ang dating naming pinagsamahan sapagkat iba na ang kaniyang mga barkada. Kami naman ay lalong naging malapit sa isat-isa ng mga kasama ko na kung tawagin ay “totoy’s guwapo” sina Godo, John, Pogi, Carlo, Lee at siempre ako. Sa totoo lang kami ni Godo ang laging nasa top ten yung kasama namin kung sa ulan naaanggihan lang, siguro nga kung hindi kami nakakasama nitong mga ito babagsak sa klase.

Sa klase namin medyo kilala rin naman kami ni Godo kasi siya yung pang harap ko kung mukha lang naman ang labanan eh, may hitsura sabi nga, pero lahat naman may hitsura kaya lang may kanya kanyang mukha yan eh. Ako, sabi ko nga noong mga nakaraan kwento hindi naman pangit hindi naman guwapo, pero mabait at magaling makisama kahit sino. Si Godo ang pinupormahan ay si Annalyn on/off sabi nga sa switch ng ilaw. Ako naman yun pa ring aking kras si Lea, pero hindi pa nakakaharap para magsabi ng nasasaloob. Naroon lang ang tuksuhan at parinigan lang. Tulad ng sabi ko noon na si Lea ay kaibigan ni Peth kaya naisama ni Peth sa Bancuro si Lea, at nagkaroon pa ng pagkakataon na mapunta sa bahay namin, pero wala ring nangyari. Lalo lang nadagdagan yung takot at hiya ko na sabihin ko yung nasa loob ko. Eh ano nga ba ang nararamdaman ko para kay Lea, ito ba ay pag-ibig, pag-hanga lang o tinutukso lang. Ibig sabihin hindi pa sigurado ang ating bida kung pag-ibig o ano ang kanyang nararamdaman, yun kaya naman pala di pa makapag-salita eh.

Dito sa ikatlong taon naging garapal na kami sa kalukuhan naroon na busuhan namin yung guro namin a Spanish, dalaga sya pero may balita tungkol sa kanya noon at ang principal ng iskool. Maganda at maputi siya talaga namang masasabi na burara siya kapag umupo kaya siya’y pinagpipistahan ng mga manyak. Si Carlo ay may pinopormahan din taga-Kalinisan kaya minsan doon kami daraan ako ang naka bisekleta at siya ay kasabay sa paglalakad ng babae (nakalimutan ko ang pangalan) sa ibang seksyon siya. Kaya minsan inaabutan kami ng gabi sa daan kasi naman mabagal ang lakad nila. Si Godo naman minsan pumupunta rin ito sa amin sa Bancuro kaya malapit siya sa amin at kilala siya ng mga inay at tatay. Minsan kapag may kasayahan sa bayan doon na kami matutulog kina John kasi taga-roon siya at kilala na rin kami sa kanila, at doon minsan namin iniiwan ang bisekleta. Tulad ko si John ay hindi rin makapagsalita sa babae pareho ata kaming putol ang dila pagdating sa babae.

Alam nyo ba na mula sa unang taon hanggang sa ikatlong taon ganon pa rin ang baon kong pera 50 sentabo, pero sa awa ng Diyos pasalamat na rin ako kasi nakakapag-aral din ako tulad ng ibang bata na kasing edad ko. Alam nyo ba na gusto ko laging dumating na ang Disyembre at Enero bakit kamo, kasi naman sigurado magkakapera ako galing sa mga tita at tito ko na nasa Maynila ay uuwi sila sa Bancuro. Sigurado meron akong pera na malulutong. At alam nyo ba na nakakapag-hulog pa ako ng pera sa bangko mula sa baon, bigay tuwing pasko at bagong taon, minsan nagkakapera sa pag-kukupras sa niyugan ng mga Ninong Ison. Kahit itanong mo pa sa inay at tatay noon. Dito sa taong ito medyo nahirapan akong makapasok sa top 10 makapasok man pang siyam o pang sampo kasi nga sama sama na ang mga magagaling dito. Pero nakaka-eksemted din sa ilang mga aralin.


Sa ikatlong taon hindi pa kami ang matatawag na hari-harian sa AGMA kasi meron pa kaming sinusundan ang ika-apat na taon. Pero dito ko narasan ang makipag-sayaw sa junior and senior promp, kaya lang dito ko na rin naranasan na makita ang bakuran sa mga babae, di mo sya pweding isayaw kung hindi ka syata niya, di ba ang pangit naman. Kaya yung walang partner pasensya na lang sa mga tira-tira ha ha ha ha. Makabawi kaya ang ating bida..... sundan

Martes, Abril 29, 2008

Iskool Bukol Ikalawang Hirit

Mukhang ang ating bida ay kaagad nakaranas ng di magandang karanasan sa simula pa lang ng taon niya sa paaralan. Yun ang aking naramdaman at natatanong sa sarili ganito nga ba talaga dito, ito ba yung tinatawag na pribadong eskwelahan? Subalit hindi naman doon nasusukat lahat ang pagiging maganda o pangit ng isang paaralan. Siguro nagkataon lang, yun na lang ang aking pasubali sa mga nangyari. Sapagkat ganon man ang nangyari sa umpisa natapos ako ng unang taon ng nasa top 10 ng sekyon A. At kapag nasa top 10 ka sigurado na ilan sa mga sabjek mo ay eksemted sa pinal eksam. Sa ikalawang taon, dito ay nagkaroon na ng malaking pagbabago, una sinabihan na ako ng Inay at Tatay na mag-bisekleta na ako kasama ni Kuya Tony at ng iba pa kapag papasok sa AGMA. Meron ba akong pagpipilian? Wala kasi alam ko ang dahilan ng inay at tatay hindi kakayanin ang araw-araw na pasahe sa jeep. Isipin sa halagang 75 sentabo na pamasahe bale 1.50 peso balikan sa jeep di pa kaya ng inay at tatay matustusan, at isipin pa na karagdagang 50 sentabo na baon. Ibig sabihin 2 pesos araw-araw ang dapat ibibigay ng Inay sa akin. Wow, pero sabi nga hindi ganon ang nangyari.

Ganon nga ang nangyari ginamit ko ang bisekleta ng tatay noong siya ay binata pa. Ano ang iisipin m
ong kalalagayan ng ganong bisekleta, wala sa uso ang hitsura, luma. Subalit sabi ko nga may pagpipilian ba ako, wala? Umaalis kami ng Bancuro mga alas 6 ng umaga upang makarating kami ng ika-7 ng umaga. Isang oras kaming namamaybay sa kalsada sagap ang alikabok kapag tag-init at ulan naman kapag tag-ulan siempre. Sumasakay lang ako sa jeep kapag sira ang bisekleta (pero pipilitin pa yung magawa) at kapag di na pwede talaga kasi malakas ang ulan. Yan yung nadagdag na laging kong ginagawa para lang makapasok sa eskwelahan. Meron naman pagka-minsan inaabutan ng ulan sa daan naroon yung maaantala, makikisilong hanggang tumigil ang ulan, at minsan masisiraan ng bisekleta kaya aakayin mo ang bisekleta hanggang Bancuro, tulad ng sabi ko 7 kilometro lang naman ang layo.

Baka kayo magtanong, wala bang love life ang ating bida noong nasa AGMA siya? Meron naman di naman tayo pangit at di naman kagwapuhan ika nga meron ding natatanging alindog (bakit alindog sa babae yun). Marami akong kras na bebot noon lalo doon sa aming klase, pero hanggang kras lang naman, paghanga ika nga. Ang unang kras ko ay si Delailah ang pangalan kaya lang matanggad kaysa sa akin kaya di ako makaporma, pero nalaman ko na meron din palang babae na may kras sa akin yung kapatid ni Delailah, di naman siya kagandahan kaya lang mataba siya ng kaunti. Sumunod na naging kras ko si Lea, medyo kayumanggi ang kulay niya, kulot ang buhok kaya lagging naka-pusod siya, medyo tsabe siya, kaklase ko at kaibigan pa ni Peth, kaya pagtinutukso ako sa kanya namumula ako na parang sili sa hiya. Siempre meron ding dinidiskatihan yung mga kasama ko si Godo, Pogi, Carlo, Lee at John, pero si Godo ata ang pinaka sikat sa lahat kasi tsikboy siya.

Sa totoo lang hindi ako makapagsalita kapag nasa harap na ng babae lalo na kapag kras ko yung kakausapin, tameme ika nga. Pero maluko kami sa klase, kaya noong minsan sa klase ng Matematiks, naka-upo kami sa bandang hulihan ng bigla akong kinalabit ni Carlo at ituro ang isang bagay doon sa kaklase namin na babae si Lourdes, sabi ko ano yun? Si Lourdes kasi katapat ko siya ng upuan at kabiruan ko ibig sabihin malapit kami sa isat-isa. Kinalabit ulit ako at binulungan tungkol kay Lourdes, yun pala nakikita yung panty ni Lourdes doon sa may siper ng kaniyang palda. Hulaan nyo kung ano ang aking ginawa ng makita ko yun? Siempre tiningnan ko rin, maluko eh, kaya lang naisip ko nakaka-awa at kaibigan ko rin siya. Kaya kinalabit ko sya at binulungan para sabihin na nakikita na yung panty niya. Noong una biglang nanlaki mata sa akin tapos tiningnan nga niya, sabay hila ng siper pataas. Noong makalabas kami lapit agad siya sa akin, tanong kung matagal na bang nakikita yung panty niya. Sabi ko hindi naman, pero ang totoo matagal ng pinag-pipistahan sa likuran.

Naging kras ko rin yun siguro kasi malapit kami sa isat-isat kaya lang ang puna ko sa kanya burara siya, marumi ang kuko at medyo maarte, pero matalino siya sa klase laging nasa top 5 siya.


Linggo, Abril 27, 2008

Iskool Bukol Na...

Ibang lebel na ito ika nga, bakit? Siempre natapos yung 6 na taong panimula sa “Buhay Eskwela”, pero meron bang pagbabago sa bagong haharaping lebel ng pag-aaral daw. Noon sabi ko sa sarili ko, pareho lang yun mula Lunes hanggang Biernes gising sa umaga, ligo, pasok, aral, laro, uwi, tulog tapos ang isang araw ganon ang kalakaran sa eskwela yun ang nasa isip. Ganon ba talaga ang mga pangyayari sa paaralan? Subalit sa mga ini-isip ko maaaring mangyari ang ilan lang kasi naroon yung mga pagbabago na hindi ko naisama sa mga ina-akala kong magaganap. Siempre naroon pa rin yung eksited ka sa unang pasukan, kasi bago ang yuniporme, naka-pantalon na, at may sapatos pa na bigay ng tiya galing ng Maynila noong nakaraang pasko. Naroon din ang pag-iisip sabay ngiti na sigurado malaki ang baong pera kasi ibang lebel na ito, binata na si Manoy. Kasama siempre ng bida ang mga ka-badi-badi ika nga, nariyan si Kuya Tony, Pogi ang mga lading lady ay sina Peth, Christy, Myrna, Divina, Cecilia. Kami ang sama-sama eskwela galing ng Bancuro na mag-aaral na sa bayan ng Naujan, 7 kilometer buhat sa Bancuro na tanging jeep at traysikel ang masasakyan. Sikat ka kung galing ka ng Bancuro kasi kilala ang mga tagaroon sa amin sa bayan lalo na yung mga pulitiko, kasi ginagamit ang sityo Pook kapag eleksyon kasi isang pisa lang doon.

Ang eskwelahan namin ay kung tawagin ay AGMA – Agustin Gutierrez Memorial Accademy, sikat sa buong
Naujan sapagkat ito ay pribadong paaralan. Yan ang isa pa, iisipin mo nagtapos lang sa baryo tapos ngayon sa isang pribadong eskwelahan na, astig ang dating diba? Mataas ang matrikula diyan, ang maririnig mo sa maraming mga magulang, dapat diyan na lang sa Barangay High-School ng San Agustin, meron nga naman pang high school na malapit doon sa amin, kung tutuusin malalakad lang. Subalit yun ang guhit ng palad ng mga taga sityo Pook halos lahat sa bayan ng Naujan nag-aaral. Nakakahiya ba, kasi yung ibang mga pinsan ay doon nag-aaral, pasikatan ba. Pero ganon nga ba ang kaisipan ng mga magulang, merong nagsasabi na mababa raw ang turo doon sa San Agustin High School, kasi gobyerno. Pero bakit naman yung dalawang tiya ko sina Ate Nym at Ate Mhel doon nagtapos, sa awa ng Diyos nakarating din sa Maynila, nakapag-aral doon at naka-kuha ng trabaho. Ibig sabihin nasa eskwela yun kong ang pag-aaral niya ay gagawing “Iskool Bukol” lamang.

Siguro ganon talaga ako kahit ngayon naging mapagmasid, mapag-obserba ako sa mga bagong bagay at mapa-muna o karaniwan lang talaga yun sa tao. Panibagong pag-aadyas ika nga. Maaga kaming dumating sa AGMA kasi ganon pala kaaga ang jeep na sasakyan, biruin mo 4AM ginising na ako ng Inay para daw makapaligo na at makapag-handa mas eksited ang Inay kaysa sa akin. Hulaan nyo kong anong baon ko? – kanin na binalot sa dahon ng saging (yung dahon nila-ib sa apoy yun kaya mabango), kasama yung ulam na pritong isdang tulingan nakapalaman sa kain. Inihanda na ng Inay lahat yun, ako naman todo ligo, ayos at lagay pa nga ng pumada sa bagong gupit na ang tawag ay “gupit binata”. Kung sa sundalo nakahanda na giyera.

Umalis ang jeep sa Bancuro ng 6.00 AM, naging eksited lahat sa loob ng sasakyan, kuwentuhan, yung iba naka-ngiti lang at yung iba nag-iisip na parang gusto ng liparin ang AGMA sa inip. Wala pang 7AM naroon na kami sa pultahan ng AGMA, bago ka kasi makarating sa eskwelahan sa may pultahan makikita mo ang dalawang estraktura ng bahay yung ang bahay ng may-ari ng eskwelahan at sa ikalawa naman ay sa kapatid, mga 500 metro ang layo nito sa eskwelahan. Bago ka makarating doon daraan ka sa tulay na kahoy, kapag may tulay may ilog o kanal o anuman na tatawirin, subalit hindi naman ilog, kasi di uma-agos ang tubig, makapal na water lily ang naroron, pero makikita mo ang tubig. Nakarating kami roon na halos lahat ng mata namin ay imi-ikot sa paligid, karaniwang paaralan may plag pole, basketbol kort, halamanan, pasilyo at mga silid aralan. Natanong ko sa isip ko - Dito ba ako mag-aaral ng high school?

Nagdatingan ang ibang mga eskwela napuno ang paligid, wentuhan, tawanan, beso-beso at ang mga guro sa palagay ko dumating na rin. Kaya saktong 7:30 nagsimula ang paggawa ng hanay ayon sa mga lebel inalalayan kaming mga bago patungo sa hanay na dapat sa amin. Matapos ang plag seremoni, hinati-hati kaming mga bago sa 4 na seksyon at kami ay napunta sa pang-apat na grupo, tapos ang grupo namin ay hinati ulit sa tatlong bahagi, kaya napunta ako sa seksyon A, nagka-hiwa-hiwalay na kami mga taga Bancuro. Sina Kuya Tony, Pogi at iba pa ay napunta sa seksyon C. May nabago nga doon sa buhay eskwela bago pumasok sa silid aralan mag-dadamo muna kami, pero dito wala na pasok kaagad sa loob. Nagsalita ang guro na nasa unahan at sabi magpakilala ang lahat isa isang tatayo, ganon nga ang nangyari. Doon nagsimula na makilala ko sina John, Godo, Carlo at Lee kaya ng matapos na ang klase sa umaga sama sama kaming kumain ng mga baon namin. Dahil bago di namin alam kong saan kami kakain, punta kami ng kantina pero halos di makakilos sa daming eskwela, may sumigaw sa niyugan, doon pala ang pwesto nila sa pagkain. Hanap kami ng magandang pwesto sa niyugan, inilatag sa damuhan ang baon na balot ng dahon ng saging, hindi na naghugas ng kamay kasi malayo ang tubig, dahilan sa gutom siguro kaya di na alintana ang kaka-ibang amoy, natapos ang kainan na ramdam ko di ako nabusog kasi bilisan at kailangan tumayo para uminom ng tubig. Pag-kilos namin namataan namin na meron sa di kalayuan ng isang tumpok yun pala ang nangangamoy tae ng tao.. Ayos lang yun tapos na eh....he he he