Matapos kung ilahad ang maikling kasaysayan kung sino si Bancuro, balikan natin ang naiwang kwento tungkol sa buhay eskwela at iba pa. Sa buhay eskwela ay marami kang mararanasan, matutunan, kabulastugan at siempre lagi kang masaya kasi naroon lagi yung pabaon ng nanay na pera, na minsan nangungupit pa. Siguro maraming bata na sa eskwelahan nila natutunan ang ibat-ibang kalukuhan nariyan yung tatsing, kara y krus, lucky nine, baraha at iba pa, nariyan din ang mga ibat-ibang laro tulad ng sikyo, taguan, luksong baka, luksong tinik, alabaduhan, tumbang lata at marami pang iba.
Isa sa mga bagay ang di ko malilimutan ay ng minsan sa aralin namin sa Englis ang guro ay si Mrs. Davis ay tinawag ako upang ipasulat sa pisara ang salitang "table". Isipin nyo naman may honor pa ako noong grade I pero hindi ko pa ma-spell ang salitang "table". Kasi naman po simula pa lang noon, siguro nakaka-dalawang linggo pa lang noon ang klase kaya medyo hindi pa gamay ang mga aralin, yun pala naman eh may katwiran. Pinatayo nga ako ng guro ko sa harapan pinasusulat sa akin yung salitang "table" ang seste di ko talaga alam, nangangatog na ang aking tuhod at kung magtatagal pa ako doon baka ma-ihi ako sa salwal. Narinig ko ulit ang boses ng guro ko na nagsasabi na hindi uuwi ang di makakasagot sa pisara. Hayan na nagsisimula ng mabuo ang mga pawis ko sa noo ng kasing lalaki ng balatong.
Maya maya may umiyak sa isa sa mga kamag-aaral ko napalingon ako upang alamin kung sino, yun pala ay ang pinsan kong si Ampong na kaklase ko pero mas bata siya sa akin. Ang dahilan ay siya ang subra ang takot kasi baka daw siya tawagin din sa unahan at hindi makasagot eh hindi pala ako makaka-uwi ang sabi niya, eh kawawa naman yung baka na aalamin ko pa, yun ang patuloy na pangangat-wiran ni Ampong. Sa ganong narinig ng guro namin nagbago ang isip niya ang hindi raw makakasagot isusulat sa limang papel ang salitang hindi kayang isulat sa pisara bilang parusa at para daw matandaan. Medyo nabuhayan at nabunutan ako ng malaking tinik, maya maya pa tumunog na ang bell para sa labasan na. At alam nyo ba mula noong pangyayaring yun hindi na muling pumasok si Ampong at isinama pa si Tunog na pinsan ko rin, sa takot sa guro. Ang katwiran mag-aalam na lang ako ng baka. Kaya ang dalawang ito ay huminto na at sa sunod na taon sila pumasok ulit na naging kaklase na ng kapatid kong babae si Ineng. Sa ngayon si Tunog (Mario) ay wala na, namatay siya sa edad na 24 sanhi ng sakit.
Natapos ko ang unang baitang ng may karangalan o honor pang-lima ata ako sa pinaka magagaling kasi sinusundan ko si Kuya Tony noon na siya ay pang-apat. Halos lahat ng may honor doon ay mga pinsan ko rin, nangunguna si Peth. Sa ikalawang baitang naman ay parang naging sanay na ang sumunod, tuwing umaga flag ceremony, magdamo bago aralin at tuwing Biernes ng hapon kailangan ang bawat isa ay may dalang "as-is" isang uri ng dahon na parang liha ginagamit na panglinis ng kaldero o anuman, tumutubo kahit saan at siempre sabon. Gagamitin ang as-is sa paglilinis ng desh doon sa may tabing ilog na patay. Kaya kanya kanya ng dala ng desh papunta sa ilog at palinisan ang lahat, bale dalawang eskwela sa isang desh kaya tulong silang maglinis.
Dito sa ikalawang baitang naging pang-lima ulit ako sa pamumuno ng gurong si Mrs Bermudez. Medyo naging magaan na ang mga sumunod sa pangyayari, pero naroon pa rin yung nausong habulan kapag papa-uwi na, tinatawag na pabaunan - ito ay kukurutin ka ng maliit na maliit kahit saan sa parte ng katawan ka abutin bago ka umuwi tapos ang kukurot sa iyo ay tatakbo ng mabilis papauwi na. Meron din tinatawag na "tumakas na" ibig sabihin tumalilis na yung eskwela ng hindi pa pinalalabas, silay dumadaan sa ibabaw ng pader ng walang nakaka-alam, karaniwang ginagawa ito isang oras bago mag-karoon ulit ng flag ceremony.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento