Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Linggo, Abril 20, 2008

Sino ka Bancuro?

Salamat doon sa mga nakabasa ng pitak na ito, dumaan at doon sa nagtanong ano ba yung Bancuro, ito ba ay lugar o pangalan ng isang tao? Sa ganyang pangyayari iniwan ko sandali yung kwento ko tungkol sa buhay eskwela upang bigyan kayo ng sulyap patungkol sa Bancuro. Ayon sa mga kwento ng mga matatanda doon sa amin ang salitang Bancuro ay kinuha sa salitang "banco" at "oro" na ang ibig sabihin daw ay "bangko ng ginto". May nagsasabi na ito raw ay isang alamat, at may mga nagsasabi na ang lugar na ito ay mayaman sa ginto - yun ang sabi. Kaya lang kung mayaman sa ginto yun, siguro naroon pa rin ako at naghuhukay ng ginto, kuwento nga lang eh, pero walang makapagsasabi. Ito ay isang baryo o barangay na binubuo ng tatlong purok ang "Butas" (unang purok), ang "Pook" (ikalawang purok o sentro) at ang "Ibaba" (ikatlong purok).


Sa Butas makikita sa ngayon ang bagong sumisikat na resort ang "Benilda Resort, Hotel and Restuarant", meron silang mga bahay paupahan sa loob, kateges, meron silang lumulutang na mga silid tulugan, paliguan, at meron silang ibat-ibang uri ng paru paro mga kalesa ang ginagamit sa loob sa pamamasyal. Sa murang halaga mararanasan na ang kakaibang pakiramdam sa makabagong kapaligiran. Ang Butas ay naka-ugnay sa Ilog ng San Agustin at ang Ilog na Patay. Naka-ugnay din ito sa sikat na kuhanan ng isda ang baklad na umu-ugnay sa Naujan Lake. Sa bandang kaliwa naman ay baybay ilog ang bundok.


Sa Pook naman ay naroon ang basketbolan, barangay hall, cooperatiba, health center. Ito naman ay naka-ugnay sa mga kabukiran kaya ang karaniwang trabaho ng mga naninirahan dito ay pagsasaka ng palay at gulay. Dito naka-ugnay ang daan papunta sa baryo Kalinisan, Ladron (Mabini) at ang San Agustin. Karaniwan sa mga nakatira dito sa pook ay mag-pipinsan kaya kung tawagin ang lugar na ito ay isang pisa. Dito naka-ugnay ang NIA kanal mula sa San Agustin patungo sa barangay Antipolo.


Sa Ibaba naman ay makikita ang Bancuro Elementary School, paaralan mula unang baitang hanggang ika-anim na baitang. Narito rin ang pinaka-kilala ang Simbahang Bato na ayon sa mga matatanda ito ay ginawa noong panahon ng mga Kastila. Ito ay yari sa batong galing sa dagat, panagpatung patung ang estraktura ng ang kapal ay mahigit sa dalawang dipa. Ito ay nasa baybay ilog na patay. Karaniwang trabaho ng mga taga-rito ay manghuli ng isda sa ilog, at ang paggawa ng kopra sapagkat malalapad ang mga tanim na niyog dito. Ito ay naka-ugnay sa barangay Antipolo. Ito ay malapit sa kinukuhanan ng mga lukan, agihis, hipon at sasa ang "Lalao".


Ang Bancuro ay naliligid ng mga baryo - ang San Agustin I, Mabini, Ladron, Kalinisan, Antipolo. Kung magmumula ka ng Calapan pier kukulangin sa dalawang oras na biyahe hanggang sa Naujaun gamit ang jeep na pampasahero. Mula sa Naujan pitong kilometro ang layo nito sa Bancuro, tricycle ang karaniwang gamit sa bihaye dito. Mula sa Naujan dadaan ka ng Sampalok, Ladron, Mabini at San Agustin. Sa kabila naman pwede kang magdaan sa Kalinisan, at Antipolo para marating mo ang Ibaba purok. Ang patron dito ay santo San Rafael na nakalagay doon sa simbahang bato.

Walang komento: