Maraming karanasan tayo na madaling alalahanin lalo yung mga kabulastugan natin. Ang mga bata sa probinsya siempre sa Mindoro yun, ako siguro ang pinaka pasaway sa lahat kasi marami akong kabulastugan. Siguro nga dala ng ako ay bata pa rin, kaya ko nagagawa yun. Siguro naman alam nyo yung pakete ng toothpaste (ano nga bang tagalog sa toothpaste? - pandikit sa ngipin ba yun, mukhang hindi akma.) Ano nga ba? Wag na nating pagdiskitahan yun basta toothpaste ang pinag-uusapan natin. Naalala ko yung isang patawa raw tungkol dito sa toothpaste - May isang bata na bumibili ng toothpaste sa tindahan, sabi ng bata sa tindera pabili nga ng colgate yung closed-up, sagot ng tindera anong ibig mong sabihin, nabigla ang batang bumibili di mo alam yung colgate na inilalagay sa panghiso para sa ngipin yung close-up. Nang dahil doon natawa ang tindera pero naunawaan niya ang sinabi ng bata. Natawa ba kayo?
Minsan naglalaro kami ng kapatid kong si Ineng sa may likod bahay namin ng may mapulot si Ineng na pakete ng toothpaste siempre nagamit na yun pero sa tingin namin ay meron pang laman kahit kaunti. Pinipilit namin himasin ito mula sa pinaka-dulo papunta sa may leeg ng pakete upang lumabas yung natitirang laman nito kung meron, subalit lubhang napaka hirap gawin kasi nanggagalaiti na kami wala pang lumalabas. Ang sumunod noon ay napagkasunduan namin na putulin ito, kaya ang ginawa namin ay binaluktot namin ito sa dalawang bahagi tapos binali-bali namin ng pataas at pababa ang magkabilang bahage subalit hindi sya maputol. Pero ano ang gagawin namin sa paketeng ito matapos maputol ika nga. Ang toothpaste ay masarap lumlumin ang laman kasi medyo mainit na malamig siya sa bibig, yun ang naging sanhi upang masidhi namin maputol yun at siempre dalawa kaming maghahati.
Subalit dumating sa nanawa na kami hindi maputol siguro kulang ang lakas namin at pamamaraan upang maputol iyon. Sabi ni Ineng, kuya kuha ako ng kutsilyo sa kusina gamitin mong pangputol diyan sa pakete, nangiti ako abay sabi?, sige kunin mo na dali. Dumating si kutsilyo na kinuha ni Ineng, ini-abot sa akin ang kutsilyo at aking inihanap ng puwesto na pagpapatungan para masimulan ang pagputol. Nakakita ako ng isang nakahigang kahoy sa di kalayuan doon ko ipinatong upang hatiin ng kutsilyo. Unang hataw ko ng kutsilyo sa pakete hindi naputol, pangalawa at pangatlo. Sa pang-apat medyo nilakasan ko ang hataw upang pautol at naputol nga ngunit hindi ang pakete kundi ang isang daliri ko ang nahagip, putol siya dulo lang naman.
Ito ang problema kasi umiiyak ako, hindi lang iyak, sabi nga ng mga taga Mindoro piyagak sa lakas ng iyak kasi tigmak ang dugo sa harapan ko at si Ineng ay walang kibo na nakatitig lang sa akin iiyak na hindi. Narinig pala kami ng nanay ko mula sa kusina at narinig namin ang pagtatanong niya ng - ano, ano ang nangyari diyan tinawag ang aming mga pangalan. Subalit walang tugong narinig ang nanay kundi ang palakas ng palakas na piyagak ng iyak, kaya pinauntahan na kami ng nanay ko. Hayun, parang pulis na nag-imbestiga sa amin, bakit, ano, sino ang may kasalanan. Sa gayong narinig ko - biglang lumabas sa bibig ko at sabay turo kay Ineng - siya po ang tumaga sa akin, biruin ninyo yun naputol lang yung dulo ng daliri ko tinaga na raw ako. Kasunod noon ay ang pag haklit sa damit ni Ineng at sabay palo ng kamay sa puwet niya, doon na na-iyak si Ineng.
Makalipas ang ilang sandali nasa kusina na kami at ginagamot na ako ng Inay, doon ko narinig na nagsalita si Ineng ang sabi hindi raw siya ang may kasalanan kundi ako mismo ang tumaga sa daliri ko. Biglang baling sa akin ng tingin ng Inay, napatungo ako sa pag-aming ako nga, pero sabi ko kasama siya, Ineng, he he he... Hindi ako napalo.... Kaya sa tuwing makikita ko ang daliri ko na naputol dahil doon naaalala ko ang pangyayaring yaon. Bata pa rin kasi eh!!!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento