Sa isang batang tulad ko noon iisa siguro ang nararamdaman kapag mag-sisimula ng mag-aral yun ay ang eksited siempre naroon din yung kaba, eksited ba ga, kasi magkakapera na dahil ng baon - yun ang unang obligasyon ng magulang sa isang eskwela. Sa panahon namin hindi pa nau-uso yung dadaan ang bata sa kinder-garten, preparatory ewan ko lang baka sa baryo lang namin wala o siguro nakalimutan ko lang kasi nalibang ako sa kakalaro. Ako talaga, hinintay ko ang maging 7 taon ako bago nagsimulang mag-aral siguro dahil ako'y bansot o maliit tignan, bakit ko nasabi kasi yung tito ko si Kuya Tony at ibang mga pinsan ko 6 na taon lang sila abay tinanggap na kasi malalaking bulas sila.
Ang eskwelahan namin ay malapit lang kaya hindi na uso yung ihahatid pa ng ina, kapatid o di kayay katulong kung meron. Ito ay matatagpuan sa pagitan ng "ibaba" at ang "pook". Nabanggit ko na ito noong una. Malapit ito sa tabing ilog na kung tawagin ay "Ilog na Patay". Sa mga susunod na kuwento ko ang patungkol dito. Balik tayo, ito'y binuboo ng ilang estraktura mula unang baitang hanggang ikatlong baitang sa kaliwa, sa kabila naman ay ang ika-apat at ika-limang baitang ang ika-anim ang siyang tumatayong nasa gitnang estraktura kaya ito ay titingnan na letrang "U". Sa bandang unahan sa kanang bahagi naroon ang HE (Home Economics) kasama ang lugar ng mga guro. Sa bandang likurang ibaba naman ang stage (ano bang tagalog dito, basta ginagamit pag graduation) hindi naman pala-pala eh. Napapalibutan ng bakod na samento na hanggang leeg ang buong eskwelahan. Sa gitnang bahagi ay naroon ang puno ng malaking lameyo, di ko alam ang tunay na tawag doon basta maasin na matamis ang bunga nito, bilog na kulay luntian pag hilaw at medyo dilaw pag hinog na lungkos-lungkos ito kapag bumunga at siempre malapit lang dito yung tatak ng pagiging eskwelahan ito yun ay ang flag pole.
Sa unang araw pala hindi agad mag-tuturo ang guro patungkol sa aralin, pinapila kami sa labas upang umawit ng "bayang magiliw" ay mali pala "lupang hinirang", sensya na eksited eh. Ang problema nito di ko kabisado ang lupang hinirang ito pala yung dapat unang malaman ng isang eskwela at isang Pilipino, kaya sumabay na lang ako upang di ako mahalata. Pagkatapos nito may isa pa palang gagawin ito yung pagsasabi ng "panatang makabayan" sa totoo lang walang nag-sabi sa akin nito kaya tameme na naman ako. Akala ko pagkatapos noon punta na kami sa silid aralan kasi eksited na ako, pero mali na naman ang akala ko, nanatili kami sa labas ng harap ng silid aralan at narinig ko ang boses ng guro umupo lahat at mag-bunot ng damo. Sa isip ko natanong ko nasaan ba ako?, sa bukid o eskwelahan, ganito ba talaga ang maging eskwela kasi ang pagkaka-alam ko aral lang gagawin ko dito. Tumagal kami roon ng dalawang oras ibig sabihin medyo mainit na ang sikat ng araw, muli narinig ko ang boses ng guro nagsasabing pumasok na sa silid aralan. Napabuntong hininga ako, ay salamat natapos din sa bukid...
Kung titingnan ko ang oras ay wala pala akong orasan sa kamay noon kasi bata pa ako. Mga alas 7:30 nagsimula ang plag seremoni tapos dalawang oras na nagdamo ibig sabihin 10:00 na kami mag-sisimula ng aralin. At ganon nga ang nangyari nagsimula kami sa pagtawag ng mga atendans siguro nakaka-upo pa lang ako at katutuyo pa lang ng pawis ko sa likod at katatapos lang ding magtawag ng guro sa atendans nag-bel na ulit para sa tapusan ng klase sa umaga yun pala 11:30 na. Hinanap ko ang pinag-aralan namin, wala pa.. Siguro ganito lang kasi umpisa pa lang....
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento