Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Martes, Abril 29, 2008

Iskool Bukol Ikalawang Hirit

Mukhang ang ating bida ay kaagad nakaranas ng di magandang karanasan sa simula pa lang ng taon niya sa paaralan. Yun ang aking naramdaman at natatanong sa sarili ganito nga ba talaga dito, ito ba yung tinatawag na pribadong eskwelahan? Subalit hindi naman doon nasusukat lahat ang pagiging maganda o pangit ng isang paaralan. Siguro nagkataon lang, yun na lang ang aking pasubali sa mga nangyari. Sapagkat ganon man ang nangyari sa umpisa natapos ako ng unang taon ng nasa top 10 ng sekyon A. At kapag nasa top 10 ka sigurado na ilan sa mga sabjek mo ay eksemted sa pinal eksam. Sa ikalawang taon, dito ay nagkaroon na ng malaking pagbabago, una sinabihan na ako ng Inay at Tatay na mag-bisekleta na ako kasama ni Kuya Tony at ng iba pa kapag papasok sa AGMA. Meron ba akong pagpipilian? Wala kasi alam ko ang dahilan ng inay at tatay hindi kakayanin ang araw-araw na pasahe sa jeep. Isipin sa halagang 75 sentabo na pamasahe bale 1.50 peso balikan sa jeep di pa kaya ng inay at tatay matustusan, at isipin pa na karagdagang 50 sentabo na baon. Ibig sabihin 2 pesos araw-araw ang dapat ibibigay ng Inay sa akin. Wow, pero sabi nga hindi ganon ang nangyari.

Ganon nga ang nangyari ginamit ko ang bisekleta ng tatay noong siya ay binata pa. Ano ang iisipin m
ong kalalagayan ng ganong bisekleta, wala sa uso ang hitsura, luma. Subalit sabi ko nga may pagpipilian ba ako, wala? Umaalis kami ng Bancuro mga alas 6 ng umaga upang makarating kami ng ika-7 ng umaga. Isang oras kaming namamaybay sa kalsada sagap ang alikabok kapag tag-init at ulan naman kapag tag-ulan siempre. Sumasakay lang ako sa jeep kapag sira ang bisekleta (pero pipilitin pa yung magawa) at kapag di na pwede talaga kasi malakas ang ulan. Yan yung nadagdag na laging kong ginagawa para lang makapasok sa eskwelahan. Meron naman pagka-minsan inaabutan ng ulan sa daan naroon yung maaantala, makikisilong hanggang tumigil ang ulan, at minsan masisiraan ng bisekleta kaya aakayin mo ang bisekleta hanggang Bancuro, tulad ng sabi ko 7 kilometro lang naman ang layo.

Baka kayo magtanong, wala bang love life ang ating bida noong nasa AGMA siya? Meron naman di naman tayo pangit at di naman kagwapuhan ika nga meron ding natatanging alindog (bakit alindog sa babae yun). Marami akong kras na bebot noon lalo doon sa aming klase, pero hanggang kras lang naman, paghanga ika nga. Ang unang kras ko ay si Delailah ang pangalan kaya lang matanggad kaysa sa akin kaya di ako makaporma, pero nalaman ko na meron din palang babae na may kras sa akin yung kapatid ni Delailah, di naman siya kagandahan kaya lang mataba siya ng kaunti. Sumunod na naging kras ko si Lea, medyo kayumanggi ang kulay niya, kulot ang buhok kaya lagging naka-pusod siya, medyo tsabe siya, kaklase ko at kaibigan pa ni Peth, kaya pagtinutukso ako sa kanya namumula ako na parang sili sa hiya. Siempre meron ding dinidiskatihan yung mga kasama ko si Godo, Pogi, Carlo, Lee at John, pero si Godo ata ang pinaka sikat sa lahat kasi tsikboy siya.

Sa totoo lang hindi ako makapagsalita kapag nasa harap na ng babae lalo na kapag kras ko yung kakausapin, tameme ika nga. Pero maluko kami sa klase, kaya noong minsan sa klase ng Matematiks, naka-upo kami sa bandang hulihan ng bigla akong kinalabit ni Carlo at ituro ang isang bagay doon sa kaklase namin na babae si Lourdes, sabi ko ano yun? Si Lourdes kasi katapat ko siya ng upuan at kabiruan ko ibig sabihin malapit kami sa isat-isa. Kinalabit ulit ako at binulungan tungkol kay Lourdes, yun pala nakikita yung panty ni Lourdes doon sa may siper ng kaniyang palda. Hulaan nyo kung ano ang aking ginawa ng makita ko yun? Siempre tiningnan ko rin, maluko eh, kaya lang naisip ko nakaka-awa at kaibigan ko rin siya. Kaya kinalabit ko sya at binulungan para sabihin na nakikita na yung panty niya. Noong una biglang nanlaki mata sa akin tapos tiningnan nga niya, sabay hila ng siper pataas. Noong makalabas kami lapit agad siya sa akin, tanong kung matagal na bang nakikita yung panty niya. Sabi ko hindi naman, pero ang totoo matagal ng pinag-pipistahan sa likuran.

Naging kras ko rin yun siguro kasi malapit kami sa isat-isat kaya lang ang puna ko sa kanya burara siya, marumi ang kuko at medyo maarte, pero matalino siya sa klase laging nasa top 5 siya.


Linggo, Abril 27, 2008

Iskool Bukol Na...

Ibang lebel na ito ika nga, bakit? Siempre natapos yung 6 na taong panimula sa “Buhay Eskwela”, pero meron bang pagbabago sa bagong haharaping lebel ng pag-aaral daw. Noon sabi ko sa sarili ko, pareho lang yun mula Lunes hanggang Biernes gising sa umaga, ligo, pasok, aral, laro, uwi, tulog tapos ang isang araw ganon ang kalakaran sa eskwela yun ang nasa isip. Ganon ba talaga ang mga pangyayari sa paaralan? Subalit sa mga ini-isip ko maaaring mangyari ang ilan lang kasi naroon yung mga pagbabago na hindi ko naisama sa mga ina-akala kong magaganap. Siempre naroon pa rin yung eksited ka sa unang pasukan, kasi bago ang yuniporme, naka-pantalon na, at may sapatos pa na bigay ng tiya galing ng Maynila noong nakaraang pasko. Naroon din ang pag-iisip sabay ngiti na sigurado malaki ang baong pera kasi ibang lebel na ito, binata na si Manoy. Kasama siempre ng bida ang mga ka-badi-badi ika nga, nariyan si Kuya Tony, Pogi ang mga lading lady ay sina Peth, Christy, Myrna, Divina, Cecilia. Kami ang sama-sama eskwela galing ng Bancuro na mag-aaral na sa bayan ng Naujan, 7 kilometer buhat sa Bancuro na tanging jeep at traysikel ang masasakyan. Sikat ka kung galing ka ng Bancuro kasi kilala ang mga tagaroon sa amin sa bayan lalo na yung mga pulitiko, kasi ginagamit ang sityo Pook kapag eleksyon kasi isang pisa lang doon.

Ang eskwelahan namin ay kung tawagin ay AGMA – Agustin Gutierrez Memorial Accademy, sikat sa buong
Naujan sapagkat ito ay pribadong paaralan. Yan ang isa pa, iisipin mo nagtapos lang sa baryo tapos ngayon sa isang pribadong eskwelahan na, astig ang dating diba? Mataas ang matrikula diyan, ang maririnig mo sa maraming mga magulang, dapat diyan na lang sa Barangay High-School ng San Agustin, meron nga naman pang high school na malapit doon sa amin, kung tutuusin malalakad lang. Subalit yun ang guhit ng palad ng mga taga sityo Pook halos lahat sa bayan ng Naujan nag-aaral. Nakakahiya ba, kasi yung ibang mga pinsan ay doon nag-aaral, pasikatan ba. Pero ganon nga ba ang kaisipan ng mga magulang, merong nagsasabi na mababa raw ang turo doon sa San Agustin High School, kasi gobyerno. Pero bakit naman yung dalawang tiya ko sina Ate Nym at Ate Mhel doon nagtapos, sa awa ng Diyos nakarating din sa Maynila, nakapag-aral doon at naka-kuha ng trabaho. Ibig sabihin nasa eskwela yun kong ang pag-aaral niya ay gagawing “Iskool Bukol” lamang.

Siguro ganon talaga ako kahit ngayon naging mapagmasid, mapag-obserba ako sa mga bagong bagay at mapa-muna o karaniwan lang talaga yun sa tao. Panibagong pag-aadyas ika nga. Maaga kaming dumating sa AGMA kasi ganon pala kaaga ang jeep na sasakyan, biruin mo 4AM ginising na ako ng Inay para daw makapaligo na at makapag-handa mas eksited ang Inay kaysa sa akin. Hulaan nyo kong anong baon ko? – kanin na binalot sa dahon ng saging (yung dahon nila-ib sa apoy yun kaya mabango), kasama yung ulam na pritong isdang tulingan nakapalaman sa kain. Inihanda na ng Inay lahat yun, ako naman todo ligo, ayos at lagay pa nga ng pumada sa bagong gupit na ang tawag ay “gupit binata”. Kung sa sundalo nakahanda na giyera.

Umalis ang jeep sa Bancuro ng 6.00 AM, naging eksited lahat sa loob ng sasakyan, kuwentuhan, yung iba naka-ngiti lang at yung iba nag-iisip na parang gusto ng liparin ang AGMA sa inip. Wala pang 7AM naroon na kami sa pultahan ng AGMA, bago ka kasi makarating sa eskwelahan sa may pultahan makikita mo ang dalawang estraktura ng bahay yung ang bahay ng may-ari ng eskwelahan at sa ikalawa naman ay sa kapatid, mga 500 metro ang layo nito sa eskwelahan. Bago ka makarating doon daraan ka sa tulay na kahoy, kapag may tulay may ilog o kanal o anuman na tatawirin, subalit hindi naman ilog, kasi di uma-agos ang tubig, makapal na water lily ang naroron, pero makikita mo ang tubig. Nakarating kami roon na halos lahat ng mata namin ay imi-ikot sa paligid, karaniwang paaralan may plag pole, basketbol kort, halamanan, pasilyo at mga silid aralan. Natanong ko sa isip ko - Dito ba ako mag-aaral ng high school?

Nagdatingan ang ibang mga eskwela napuno ang paligid, wentuhan, tawanan, beso-beso at ang mga guro sa palagay ko dumating na rin. Kaya saktong 7:30 nagsimula ang paggawa ng hanay ayon sa mga lebel inalalayan kaming mga bago patungo sa hanay na dapat sa amin. Matapos ang plag seremoni, hinati-hati kaming mga bago sa 4 na seksyon at kami ay napunta sa pang-apat na grupo, tapos ang grupo namin ay hinati ulit sa tatlong bahagi, kaya napunta ako sa seksyon A, nagka-hiwa-hiwalay na kami mga taga Bancuro. Sina Kuya Tony, Pogi at iba pa ay napunta sa seksyon C. May nabago nga doon sa buhay eskwela bago pumasok sa silid aralan mag-dadamo muna kami, pero dito wala na pasok kaagad sa loob. Nagsalita ang guro na nasa unahan at sabi magpakilala ang lahat isa isang tatayo, ganon nga ang nangyari. Doon nagsimula na makilala ko sina John, Godo, Carlo at Lee kaya ng matapos na ang klase sa umaga sama sama kaming kumain ng mga baon namin. Dahil bago di namin alam kong saan kami kakain, punta kami ng kantina pero halos di makakilos sa daming eskwela, may sumigaw sa niyugan, doon pala ang pwesto nila sa pagkain. Hanap kami ng magandang pwesto sa niyugan, inilatag sa damuhan ang baon na balot ng dahon ng saging, hindi na naghugas ng kamay kasi malayo ang tubig, dahilan sa gutom siguro kaya di na alintana ang kaka-ibang amoy, natapos ang kainan na ramdam ko di ako nabusog kasi bilisan at kailangan tumayo para uminom ng tubig. Pag-kilos namin namataan namin na meron sa di kalayuan ng isang tumpok yun pala ang nangangamoy tae ng tao.. Ayos lang yun tapos na eh....he he he

Sabado, Abril 26, 2008

Ilog na Patay..

Marami na akong nababasa tungkol sa ibat-ibang lugar tulad ng bundok, kapatagan, sapa, balon, kanal, dagat at iba pa, subalit ilan lang ang tungkol sa isang ilog. Ikaw naman ilog lang eh napakaraming ilog na nagkaroon ng kaugnayan sa tao at kalikasan. Eh ano ba ang kaka-iba sa ilog, natural lang naman na sa isang lalawigan, nayon, o bayan ay may isa o dalawang ilog. Sa lalawigan ng Oriental Mindoro bayan ng naujan, ay masasabing pangkaraniwan na ang ilog dito ay may tinatawag na malaking ilog, mag-asawang ilog, ilog sa may bukana ng dagat, subalit may isang ilog na kaka-iba sa lahat ito ay ang "Patay na Ilog" na matatagpuan sa sityo Butas sa Barangay Bancuro. Kapag narinig mo ang salitang patay ibig sabihin walang buhay, hindi kumikilos, walang silbi or pakinabang, kung sa tao inililibing, sa hayop naman kailangang ilibing upang hindi mangamoy mabaho. Eh ano naman ang Ilog na Patay na sinasabi mo?


Tulad ng nasabi ko sa itaas sa Mindoro may tinatawag na mag-asawang ilog, bakit ito mag-asawa? Ang mag-asawa lang ba ay maaaring itawag sa tao, hayop, ibon at iba pa, halimbawa mag-asawang dagat at mag-asawang saging (meron ba noon?), kambal na saging meron, kambal na dagat wala pa akong naririnig. Kung titingnan natin parang kakaiba at tatanungin paano nangyari yun, at paano tinawag na mag-asawa?. Sa tao ang mag-asawa ay ikinakasal, nagsasama, na gayon din sa hayop puwera na lang yung kasal. Medyo malayo sa lugar namin ang mag-asawang ilog na yun, kaya hindi ko masasabi na kung papaano tinawag na mag-asawa ito. Ang nakita ko lang kaya siguro tinawag na mag-asawa ito at ayon na rin sa mga nag-sabi, ay dahilan ang anyo at kung paano ito dumaloy ang tubig. Makikita na ang daloy ng tubig nito ay parating meron silang paghihiwalay na kung ilalarawan ay sa simula sila'y i-isang ilog tapos pag-dating sa isang nayon silay magkahiwalay ng daloy (ibig sabihin nagkaroon ng pulo sa gitna nito), tapos ugnay ulit sila, ang nakita ay mga tatlong beses silang hiwalay tapos ugnay kung kaya tinawag siyang mag-asawang ilog.

Balik na tayo sa ating pinag-uusapan ang "patay na ilog". Masasabing malaking ilog ang naka-ugnay sa barangay Bancuro, ang dulo nito ay naka-ugnay sa Naujan Lake hanggang sa bukana ng dagat sa Barangay Lumang Bayan. Ang ilog na ito ay daraan sa barangay Bancuro, una sa sityo Butas, tapos sityo Ibaba patungo sa barangay Antipolo. Mula sa katawan ng malaking ilog sa sityo Butas nag-simula ang tinatawag na Patay na Ilog. Mula rito bumabay-bay ito sa kalsada, daraan sa kanto ng papasok sa sityo Pook at kalahati nito ay naka-ugnay sa sityo Ibaba. Kung titingnan mo sa itaas pababa makikita mo ang isang pulo o isang katawan ng lupa sa gitna ng tubig. Naka-ugnay sa katawan ng malaking ilog ang magkabilang dulo ng ilog na patay. Bakit ito tinawag na patay na ilog? Ayon sa mga matatanda sa baryo kaya raw tinawag na ilog na patay ito kasi hindi uma-agos, ang tubig niya nakahinto lang doon, subalit bumababa at tumataas ang tubig nito kapag ang malaking ilog ay tumataas at bumababa ang tubig.


Maraming nakikinabang sa Ilog na Patay sapagkat ito ay mayaman sa mga isdang tabang tulad ng dalag, hito, tilapia, kitang, banak, hipon, buwan buwan, also at iba pa. Ang karaniwang nakikinabang dito ay mga taong nakatira sa bay-bay ilog, kaya lang naroon din naman ang ugaling Pilipino na hindi sila mapag-mahal sa kalikasan, naaabuso ang lugar tulad ng ginagawang padaluyan ng dumi ng baboy na alaga, padaluyan ng dumi ng tao, o minsan doon na mismo sa baybay nakatalungko, meron din gumagamit ng mga lason upang mahuli ang isda at iba pang pamamaraan. Sinasabi na ang ilog na patay ay laging kabahagi sa taunang pagkuha sa buhay ng tao, ibig sabihin meron laging nagbubuwis ng buhay dito, nalulunod, aksidente at iba pa. May nagsasabi na ang lugar na ito ng ilog ay laging dinadalaw ng buwaya o merong naninirahan sa dawagan ng ilog nito, minsan daw meron pang serena. Pero wala pa namang ebidensyang makapagpapatunay na totoo ito.

Hindi lang isda ang kayamanan sa ilog na ito, nariyan din ang water lilly, talahib, tambo, kawayan, punong kahoy na karaniwang nagagamit sa bahay. Sa ngayon isang parte nito ay kaugnay sa Benilda Resort yung tinatawag na floating room or cabin and restaurant. Pinagkukunan din ito ng tubig para sa taniman ng palay, at halaman sa gitna ng pulo nito. May ilang pamilya na naninirahan sa gitna ng pulo. Kung titingnan mo siya masasabi mong walang pakinabang, subalit marami ang nakadepende sa ilog na yan. Nakakatakot siyang pagmasdan sapagkat may parte siyang madawag, matinik at maraming kawayan sa baybayin nito.


Sinasabing meron din daw ditong mga tikbalang, manlalabas, engkanto, maligno at meron din daw na tinatawag na white lady. Pero lahat ng ito ay ayon lang sa kuwento kuwento lang siguro sa dahilang madawag nga. Pero marami rin siyang ibat-ibang ibon tulad ng purak-purak, pipit, tariktik, maya, kilyawan, tikling, uwak at iba pang ibon. Naging bahagi din ng buhay ko ang ilog na patay kasi dito ako tinulian sa tabing ilog gamit ang labaha at lukaw kung tawagin, matapos magbabad sa paliligo bago tulian.

Huwebes, Abril 24, 2008

Buhay Eskwela (Tatapusin na)

Sa mga nakaraang sanaysay at karanasan ko maituturing na lahat yun ay nangyari sa aking murang pag-iisip, sabi nga doon palang nagsimula at umusbong ang mga karanasan patungo sa panibagong yugto ng karanasan. Sapagkat sa mga sumunod na pangyayari sa buhay eskwela ay naging kaka-iba at medyo nagiging mature na. Bakit ko nasabi yun sapagkat mas matindi ang mga kaganapan at kahihiyang idinulot nito sa akin at sa mga taong naka-ugnay dito. Tulad ng naka-pamagat nito sa itaas, tatapusin na ito, ang ibig sabihin ang buhay eskwela lang ang tatapusin hindi ang layunin ng pitak na ito, siguro ibang kaisipan naman ang ating ilalahad sa mga susunod pahina. Pagsasamahin ko na lang ang pang-apat, lima at anim na baitang, sabi nga todo na ito.


Simulan natin sa ika-apat na baitang ang guro namin noon ay si Mr. Davis, siya yung asawa ng guro namin sa unang baitang. Ang apat na baitang ay binubuo dalawang seksyon ang 4A at 4B, muli magkasama kami ni Kuya Tony, pareng Pogi, Divina, Cristy, lahat ng mga ito ay mga pinsan buo ko at lahat kami ay nakatira sa Pook. Sa totoo lang naging madali lang ang buhay ko rito sapagkat nagkaroon ako ng karangalan dito, bilang pinaka masipag sa aming klase sapagkat ang guro namin at may alagang kambing na kami ni Kuya Tony ang haliling nag-aalam nito. Minsan naman pinag-lilinis kami ng bakuran nila. Siempre hindi lang naman yun, sa klase medyo nakakasagot din naman ako. Noong mga panahong yaon hindi pa uso yung mga medal kundi ribbon lang at nakalagay doon kung saan ka naging mataas ang grado. Dito nagsimula yung medyo nagiging magulang na ako sa mga ginagawa.


Sa ika-limang baitang medyo nakakalimutan ko na kung sino ang aming guro si Mrs Delos reyes ata o si Mrs Yaco. Ah ha si Mrs Davis ata ang guro namin dito. Isang bagay ang di ko malilimutan dito ay ng minsan kami ay nasa ibaba ng paaralan nagagawa sa may harden (meron kaming gawain dito tuwing hapon para sa Practical Arts) ang pagtatanim ng mga gulay at iba pa. Ang lugar ay medyo maraming kugon na hanggang balikat namin ang tataas nito. Sa mga ganitong gawain sa totoo lang gusto kong manggulang ibig sabihin tumakas sa gawain ito. Sinubukan kong kalabitin si Paning isa sa mga maluko kong kaklase, sabi ko doon na lang tayo sa tabi ng ilog sa may likod ng stage sa puno ng mabolo, baka kako may-bunga. agad namang tumango at tumalilis kami.

Nakarating kami sa puno ng mabolo, sigurado kaming hindi makikita rito sapagkat maraming kugon at ibang mga puno. Nagpalinga-linga kami sa taas ng puno upang sipatin ang sa tingin namin ay hinog na mabolo. Matapos naming sipatin natuwa kami sapagkat sa tingin namin marami ang hinog sa dulo. Nagkatinginan kami hudyat upang kami ay umakyat sa puno ng sabay. Sabay kaming humawak at pabiting tumaas sa puno, ng nakatayo na kami sa magkabilang sanga doon namin napansin ang kakaibang amoy at may bagay sa aming mga kamay, halos sabay pa kami ng ginawa - inamoy ang bagay na yun. Yun pala ay ebak ng tao na ipinahid sa bawat sanga ng puno ng mabolo upang hindi akyatin ninuman. Dali dali kaming bumaba at tumakbo sa tubig upang mag hugas ng kamay. Wala kaming sinisi kundi inilihim na lang namin iyon para kami ay maka-bawi sa iba.


Isa pang karanasan ay ng magpatawag ng PTA meeting ang paaralan, siempre kailangan naroon ang nanay ko, ang Inay baga. Subalit bago ang PTA meeting, dalawang araw tinawag ako ng guro ko ang sabi pag-aralan ko raw yung isang tula at ibinigay sa akin ang sipi nito. Uwian na noong ibigay sa akin yung tula na may 6 na yugto. Pagdating sa bahay siempre ginawa ko yung nakasanayan ko ng laging ginagawa, tapos laro ng basketbol. Pagkatapos ng hapunan doon ko sinimulan basahin ang tula, hindi ko sya kinakabisado. Narinig ng Inay na binabasa ko yung tula kaya tinulungan niya ako at sabi niya kabisaduhin ko raw. Binaliwala ko yung sinabi ng Inay, ang ginawa ko binasa ko lang ng binasa. Sa loob ng dalawang araw binasa ko lang ng binasa iyong tula na yun. Umaga ng araw ng PTA meeting tinawag ako ng guro, ang tanong kung kabisado ko na yung tula na ibinigay niya, sabi ko hindi masyado. Dapat kabisado mo yan kasi tutulain mo yan mamaya sa PTA meeting, namula ako at biglang nanuyo ang lalamunan kasi di ko alam ang gagawin.


Ang ginawa pala ng guro namin ay ibinigay ang iisang tula sa akin at doon sa isa kung kaklase para daw pag di pwede yung isa may kapalit, sigurista di ba. Dumating ang oras para tulain ko ang tula sa harap ng napakaraming magulang. Pagtayo ko pa lang sa gitna wala na akong maalala sa aking mga binasa tungkol sa tula, walang nasa isip ko kundi lahat ay takot. Nakita ko ang Inay na nasa unahan siya, kumikindat hudyat para simulan ko ang tula, pero walang salita na lumabas sa aking labi. Yun pala ay may naalala ang Inay sa tula sinubukan niyang simulan ito para masundan ko, subalit wala talaga akong maalala. Kaya umalis ako sa unahan ng walang naganap na pagtula sa akin. Nagalit sa akin ng guro bakit daw ganon pinahiya daw siya sa mga magulang. Ano ang aking gagawin eh wala talaga.


Ang isang aral na aking natutunan doon dapat maging laging handa sa anumang ipinagagawa lalo sa isang eskwela. Wala akong ibang masisisi kundi ang aking sarili. Tinanong lang ako ng Inay kung bakit ganoon ang nangyari, mula noon nagtanda na ako....

Martes, Abril 22, 2008

Buhay Eskwela (Ikatlong Bahagi)

Isa pang bahagi ng buhay eskwela na natatak na rin sa aking kaisipan ay ang ikatlong baitang kung saan isang karanasan na sabi ng iba hindi maiiwasan. Bakit ko malilimutan eh talaga namang nakakahiya ang nangyari. Bago pa mag-ikapito ng umaga naroon na kami ni Kuya Tony sa eskwelahan, maayos kaming nakarating, kasi naman maganda ang umaga, nag-almusal, naligo ayon sa araw-araw na kasanayan ng isang eskwela. Ang panahon naman ay napaka ganda ng sikat ng araw hindi masakit sa balat ang tama nito sa balat. Natapos ang umagang laging ginagawa bago pumasok sa silid-aralan, ganap na 10:30AM doon nagsimula ang bagay na yaon. Naramdaman ko na biglang sumakit ang aking tiyan, talaga namang di ko matiis ang sakit, kinalabit ko si Kuya Tony para ipa-alam ang aking nararamdaman, sabi niya tiisin ko raw muna, pero di ko na matiis, kinalabit ko ulit siya, sabi niya punta raw ako sa CR.

Ganon nga ang ginawa ko, nagpa-alam ako sa guro na pupunta sa palikuran. Pagdating ko sa palikuran hindi ko alam kung paano ako uupo kasi ang pinaka inidoro punong-puno at ang kulay puting inidoro dati ito'y kulay itim sa dumi na sa palagay ko'y buwan ng di nalilinis, at ang amoy talaga namang hindi mo matatagalan. Ikut ako kung paano ang gagawin, pero wala talaga, balik ako sa silid-aralan, nang patungo na ako doon may naramdaman ako parang basa-basang tumulo sa aking salawal, sa isip ko lumabas na ata ng walang abiso. Hindi na ako pumasok kasi may na amoy na akong masama, sa bintana pilit kong kinawayan si Kuya Tony para lumabas at puntahan ako, agad namang lumabas sabi samahan akong umuwi na kasi inabutan na ako sa salawal, medyo nagulat na mukhang nakakunot ang noon na pumasok yun pala nagpa-alam na at sinabi ang nangyari sa akin.

Noong naglalakad na kami ayaw sumabay ni Kuya Tony sa akin paano kasi masama ang amoy, kapag mayroon kaming masasalubong takbo ako sa sagingan para mag-tago. Sabi ko kay kuya Tony dito na lang ako sa sagingan dadaan kasi nga kulay dilaw na ang aking suot na salawal dahil sa ebak. Ewan ko naman kung bakit di ko siya mapigilan sa paglabas. Ang masama nito sa pagliko namin ng kanto kailangang lumabas ako ng sagingan kasi pa-krus ang daan, kaya ang ginawa ko takbong pagabang para hindi makita ng mga taong dumaraan. Nakarating kami sa bahay na si Kuya Tony ay matatawang magagalit dahil sa nangyari. Hindi ako naka-pasok sa sunod na araw kasi nga natuloy na pala ako sa pagtatae. At ang napansin sa akin ang mga mata ko ay nagkukulay dilaw daw na ibig sabihin ay lumuluwa ang apdo ko, kaya pina-inom ako ng gamot at lagi na akong merong kendi na lemon mabisa daw yun sa ganong sakit. Nakakatawa at nakakahiya ito, kasi nabansagan ako sa eskwelan ng nagtae sa salawal...

Karanasan ay maaaring magbulid sa isang tao patungo sa ikabubuti o ikasasama depende sa mga bagay na kanyang mga naranasan. May mga karanasan na nagiging aral sa isang tao, maaari din naman na ito ang nagiging balakid sa isang tao. Saan at kailan nga ba nag-sisimula ang karanasan ng isang tao? Sa kaniyang kamusmusan o depende yan sa tao kung paano niya tinatanggap ang mga nangyayari sa kanyang paligid. Marahil naiisip natin nagsimula ang lahat ng karanasan ko noong ako ay eskwela pa lang, doon ko naranasan ang kalukuhan, mga laro, at mga kabulastugan. Kung ganon ang eskwelahan pala ay may dalawang itinuturo, kaalamang pang-kaisipan at kaalaman para sa mabuti at masama. Sa ganang akin eskwelahan ay nagdulot sa akin ng maraming bagay magkasama na ang mabuti at masama. Sa paggawa ng kabulastugan di natin masasabi na ang dahilan nito'y ang kapaligiran, tanungin natin ang sarili natin kung tinatanggap ba natin ang bawat nakikita natin, kung ganon nabibilang ka nga doon.



Lunes, Abril 21, 2008

Buhay Eskwela (Ikalawang Bahagi)

Matapos kung ilahad ang maikling kasaysayan kung sino si Bancuro, balikan natin ang naiwang kwento tungkol sa buhay eskwela at iba pa. Sa buhay eskwela ay marami kang mararanasan, matutunan, kabulastugan at siempre lagi kang masaya kasi naroon lagi yung pabaon ng nanay na pera, na minsan nangungupit pa. Siguro maraming bata na sa eskwelahan nila natutunan ang ibat-ibang kalukuhan nariyan yung tatsing, kara y krus, lucky nine, baraha at iba pa, nariyan din ang mga ibat-ibang laro tulad ng sikyo, taguan, luksong baka, luksong tinik, alabaduhan, tumbang lata at marami pang iba.

Isa sa mga bagay ang di ko malilimutan ay ng minsan sa aralin namin sa Englis ang guro ay si Mrs. Davis ay tinawag ako upang ipasulat sa pisara ang salitang "table". Isipin nyo naman may honor pa ako noong grade I pero hindi ko pa ma-spell ang salitang "table". Kasi naman po simula pa lang noon, siguro nakaka-dalawang linggo pa lang noon ang klase kaya medyo hindi pa gamay ang mga aralin, yun pala naman eh may katwiran. Pinatayo nga ako ng guro ko sa harapan pinasusulat sa akin yung salitang "table" ang seste di ko talaga alam, nangangatog na ang aking tuhod at kung magtatagal pa ako doon baka ma-ihi ako sa salwal. Narinig ko ulit ang boses ng guro ko na nagsasabi na hindi uuwi ang di makakasagot sa pisara. Hayan na nagsisimula ng mabuo ang mga pawis ko sa noo ng kasing lalaki ng balatong.
Maya maya may umiyak sa isa sa mga kamag-aaral ko napalingon ako upang alamin kung sino, yun pala ay ang pinsan kong si Ampong na kaklase ko pero mas bata siya sa akin. Ang dahilan ay siya ang subra ang takot kasi baka daw siya tawagin din sa unahan at hindi makasagot eh hindi pala ako makaka-uwi ang sabi niya, eh kawawa naman yung baka na aalamin ko pa, yun ang patuloy na pangangat-wiran ni Ampong. Sa ganong narinig ng guro namin nagbago ang isip niya ang hindi raw makakasagot isusulat sa limang papel ang salitang hindi kayang isulat sa pisara bilang parusa at para daw matandaan. Medyo nabuhayan at nabunutan ako ng malaking tinik, maya maya pa tumunog na ang bell para sa labasan na. At alam nyo ba mula noong pangyayaring yun hindi na muling pumasok si Ampong at isinama pa si Tunog na pinsan ko rin, sa takot sa guro. Ang katwiran mag-aalam na lang ako ng baka. Kaya ang dalawang ito ay huminto na at sa sunod na taon sila pumasok ulit na naging kaklase na ng kapatid kong babae si Ineng. Sa ngayon si Tunog (Mario) ay wala na, namatay siya sa edad na 24 sanhi ng sakit.
Natapos ko ang unang baitang ng may karangalan o honor pang-lima ata ako sa pinaka magagaling kasi sinusundan ko si Kuya Tony noon na siya ay pang-apat. Halos lahat ng may honor doon ay mga pinsan ko rin, nangunguna si Peth. Sa ikalawang baitang naman ay parang naging sanay na ang sumunod, tuwing umaga flag ceremony, magdamo bago aralin at tuwing Biernes ng hapon kailangan ang bawat isa ay may dalang "as-is" isang uri ng dahon na parang liha ginagamit na panglinis ng kaldero o anuman, tumutubo kahit saan at siempre sabon. Gagamitin ang as-is sa paglilinis ng desh doon sa may tabing ilog na patay. Kaya kanya kanya ng dala ng desh papunta sa ilog at palinisan ang lahat, bale dalawang eskwela sa isang desh kaya tulong silang maglinis.

Dito sa ikalawang baitang naging pang-lima ulit ako sa pamumuno ng gurong si Mrs Bermudez. Medyo naging magaan na ang mga sumunod sa pangyayari, pero naroon pa rin yung nausong habulan kapag papa-uwi na, tinatawag na pabaunan - ito ay kukurutin ka ng maliit na maliit kahit saan sa parte ng katawan ka abutin bago ka umuwi tapos ang kukurot sa iyo ay tatakbo ng mabilis papauwi na. Meron din tinatawag na "tumakas na" ibig sabihin tumalilis na yung eskwela ng hindi pa pinalalabas, silay dumadaan sa ibabaw ng pader ng walang nakaka-alam, karaniwang ginagawa ito isang oras bago mag-karoon ulit ng flag ceremony.

Linggo, Abril 20, 2008

Sino ka Bancuro?

Salamat doon sa mga nakabasa ng pitak na ito, dumaan at doon sa nagtanong ano ba yung Bancuro, ito ba ay lugar o pangalan ng isang tao? Sa ganyang pangyayari iniwan ko sandali yung kwento ko tungkol sa buhay eskwela upang bigyan kayo ng sulyap patungkol sa Bancuro. Ayon sa mga kwento ng mga matatanda doon sa amin ang salitang Bancuro ay kinuha sa salitang "banco" at "oro" na ang ibig sabihin daw ay "bangko ng ginto". May nagsasabi na ito raw ay isang alamat, at may mga nagsasabi na ang lugar na ito ay mayaman sa ginto - yun ang sabi. Kaya lang kung mayaman sa ginto yun, siguro naroon pa rin ako at naghuhukay ng ginto, kuwento nga lang eh, pero walang makapagsasabi. Ito ay isang baryo o barangay na binubuo ng tatlong purok ang "Butas" (unang purok), ang "Pook" (ikalawang purok o sentro) at ang "Ibaba" (ikatlong purok).


Sa Butas makikita sa ngayon ang bagong sumisikat na resort ang "Benilda Resort, Hotel and Restuarant", meron silang mga bahay paupahan sa loob, kateges, meron silang lumulutang na mga silid tulugan, paliguan, at meron silang ibat-ibang uri ng paru paro mga kalesa ang ginagamit sa loob sa pamamasyal. Sa murang halaga mararanasan na ang kakaibang pakiramdam sa makabagong kapaligiran. Ang Butas ay naka-ugnay sa Ilog ng San Agustin at ang Ilog na Patay. Naka-ugnay din ito sa sikat na kuhanan ng isda ang baklad na umu-ugnay sa Naujan Lake. Sa bandang kaliwa naman ay baybay ilog ang bundok.


Sa Pook naman ay naroon ang basketbolan, barangay hall, cooperatiba, health center. Ito naman ay naka-ugnay sa mga kabukiran kaya ang karaniwang trabaho ng mga naninirahan dito ay pagsasaka ng palay at gulay. Dito naka-ugnay ang daan papunta sa baryo Kalinisan, Ladron (Mabini) at ang San Agustin. Karaniwan sa mga nakatira dito sa pook ay mag-pipinsan kaya kung tawagin ang lugar na ito ay isang pisa. Dito naka-ugnay ang NIA kanal mula sa San Agustin patungo sa barangay Antipolo.


Sa Ibaba naman ay makikita ang Bancuro Elementary School, paaralan mula unang baitang hanggang ika-anim na baitang. Narito rin ang pinaka-kilala ang Simbahang Bato na ayon sa mga matatanda ito ay ginawa noong panahon ng mga Kastila. Ito ay yari sa batong galing sa dagat, panagpatung patung ang estraktura ng ang kapal ay mahigit sa dalawang dipa. Ito ay nasa baybay ilog na patay. Karaniwang trabaho ng mga taga-rito ay manghuli ng isda sa ilog, at ang paggawa ng kopra sapagkat malalapad ang mga tanim na niyog dito. Ito ay naka-ugnay sa barangay Antipolo. Ito ay malapit sa kinukuhanan ng mga lukan, agihis, hipon at sasa ang "Lalao".


Ang Bancuro ay naliligid ng mga baryo - ang San Agustin I, Mabini, Ladron, Kalinisan, Antipolo. Kung magmumula ka ng Calapan pier kukulangin sa dalawang oras na biyahe hanggang sa Naujaun gamit ang jeep na pampasahero. Mula sa Naujan pitong kilometro ang layo nito sa Bancuro, tricycle ang karaniwang gamit sa bihaye dito. Mula sa Naujan dadaan ka ng Sampalok, Ladron, Mabini at San Agustin. Sa kabila naman pwede kang magdaan sa Kalinisan, at Antipolo para marating mo ang Ibaba purok. Ang patron dito ay santo San Rafael na nakalagay doon sa simbahang bato.

Sabado, Abril 19, 2008

Buhay Eskwela (Unang Bahagi)

Sa isang batang tulad ko noon iisa siguro ang nararamdaman kapag mag-sisimula ng mag-aral yun ay ang eksited siempre naroon din yung kaba, eksited ba ga, kasi magkakapera na dahil ng baon - yun ang unang obligasyon ng magulang sa isang eskwela. Sa panahon namin hindi pa nau-uso yung dadaan ang bata sa kinder-garten, preparatory ewan ko lang baka sa baryo lang namin wala o siguro nakalimutan ko lang kasi nalibang ako sa kakalaro. Ako talaga, hinintay ko ang maging 7 taon ako bago nagsimulang mag-aral siguro dahil ako'y bansot o maliit tignan, bakit ko nasabi kasi yung tito ko si Kuya Tony at ibang mga pinsan ko 6 na taon lang sila abay tinanggap na kasi malalaking bulas sila.

Ang eskwelahan namin ay malapit lang kaya hindi na uso yung ihahatid pa ng ina, kapatid o di kayay katulong kung meron. Ito ay matatagpuan sa pagitan ng "ibaba" at ang "pook". Nabanggit ko na ito noong una. Malapit ito sa tabing ilog na kung tawagin ay "Ilog na Patay". Sa mga susunod na kuwento ko ang patungkol dito. Balik tayo, ito'y binuboo ng ilang estraktura mula unang baitang hanggang ikatlong baitang sa kaliwa, sa kabila naman ay ang ika-apat at ika-limang baitang ang ika-anim ang siyang tumatayong nasa gitnang estraktura kaya ito ay titingnan na letrang "U". Sa bandang unahan sa kanang bahagi naroon ang HE (Home Economics) kasama ang lugar ng mga guro. Sa bandang likurang ibaba naman ang stage (ano bang tagalog dito, basta ginagamit pag graduation) hindi naman pala-pala eh. Napapalibutan ng bakod na samento na hanggang leeg ang buong eskwelahan. Sa gitnang bahagi ay naroon ang puno ng malaking lameyo, di ko alam ang tunay na tawag doon basta maasin na matamis ang bunga nito, bilog na kulay luntian pag hilaw at medyo dilaw pag hinog na lungkos-lungkos ito kapag bumunga at siempre malapit lang dito yung tatak ng pagiging eskwelahan ito yun ay ang flag pole.

Sa unang araw pala hindi agad mag-tuturo ang guro patungkol sa aralin, pinapila kami sa labas upang umawit ng "bayang magiliw" ay mali pala "lupang hinirang", sensya na eksited eh. Ang problema nito di ko kabisado ang lupang hinirang ito pala yung dapat unang malaman ng isang eskwela at isang Pilipino, kaya sumabay na lang ako upang di ako mahalata. Pagkatapos nito may isa pa palang gagawin ito yung pagsasabi ng "panatang makabayan" sa totoo lang walang nag-sabi sa akin nito kaya tameme na naman ako. Akala ko pagkatapos noon punta na kami sa silid aralan kasi eksited na ako, pero mali na naman ang akala ko, nanatili kami sa labas ng harap ng silid aralan at narinig ko ang boses ng guro umupo lahat at mag-bunot ng damo. Sa isip ko natanong ko nasaan ba ako?, sa bukid o eskwelahan, ganito ba talaga ang maging eskwela kasi ang pagkaka-alam ko aral lang gagawin ko dito. Tumagal kami roon ng dalawang oras ibig sabihin medyo mainit na ang sikat ng araw, muli narinig ko ang boses ng guro nagsasabing pumasok na sa silid aralan. Napabuntong hininga ako, ay salamat natapos din sa bukid...

Kung titingnan ko ang oras ay wala pala akong orasan sa kamay noon kasi bata pa ako. Mga alas 7:30 nagsimula ang plag seremoni tapos dalawang oras na nagdamo ibig sabihin 10:00 na kami mag-sisimula ng aralin. At ganon nga ang nangyari nagsimula kami sa pagtawag ng mga atendans siguro nakaka-upo pa lang ako at katutuyo pa lang ng pawis ko sa likod at katatapos lang ding magtawag ng guro sa atendans nag-bel na ulit para sa tapusan ng klase sa umaga yun pala 11:30 na. Hinanap ko ang pinag-aralan namin, wala pa.. Siguro ganito lang kasi umpisa pa lang....

Huwebes, Abril 17, 2008

Isip Bata pa!!

Natunghayan ninyo ang dalawang estoriya ng dalawang bata sa murang edad nila at kung paano nila mapaglalabanan at maiiwasan ang ibat-ibang kabulastugan sa buhay. Ang baryo namin ay maliit lang binubuo ito ng tatlong sityo kung tawagin ay Ibaba, Pook at Butas. Sa bandang ibabang lugar di naman masasabing pababa siya ngunit ewan ko lang kung bakit tinawag na ibaba yun, ang tanging alam ko lang naroon ang simbahang bato. Sa bandang butas naman ay hindi naman masasabing maraming butas o may butas ewan ko rin kung sino ang nag-bansag na butas yun. Siempre ang lugar natin na tinatawag na pook ang pinaka-sentro ng baryo bakit kamo naroon ang basketbulan, barangay hall, butika sa barangay at pagliko mo sa kanto hanggang sa dulo ito'y tinatawag na pook. Ang mga nakatira dito ay isang pisa lamang, na ang ibig sabihin lahat ay magpi-pinsan.

Eh ano naman kung ganon ang lugar ninyo, ano naman ang kinalaman noon sa ating pag-uusapan, oo nga ano? Meron di namang kinalaman sapagkat madaragdagan ang ating tauhan, ngayon ay kasama na si Kuya Tony. Sino si Kuya Tony, sa ngayon kung pagmamasdan mo siya kamukhang kamukha siya ni Jimmy Santos ng Eat Bulaga, siguro sa taas lang nagka-iba. Siya ay kapatid ng nanay ko na bunso ang bahay nila ay katapat lang ng bahay namin, sabi nga sa baryo namin iisa ang aming harapan. Magkasing gulang kami ni Kuya Tony kaya lagi kaming magkasama mula noong nalipat sila doon, ibig sabihin meron silang pinanggalingan, oo naman doon dati sila nakatira sa laot (gitna ng bukid yun).

Simulan natin ang estorya isang bandang tanghali sa may beranda ng bahay namin. Katatapos lang gawin ang bahay namin para sa karagdagang bahagi ng bahay. Nagbigay ng paanyaya si Ineng na maglaro daw kami, natanong ko kung akong laro ito. Sabi ni Kuya Tony - "palimus-palimusan" - ito yung manghihingi yung dalawang tao sa mga bahay-bahay ng limos, paano ang pag-arte, magkukunwari ang isa ay bulag tapos ang isa naman ang siyang mag-aakay, tapos ang isa ay mag-kukunwaring tao sa bahay. Si Kuya Tony ang gaganap na bulag, si Ineng ang gaganap na tiga-akay, at ako ang taong pupuntahan nila para humingi ng limos. Alam nyo ba na ako ang pinaka-hirap doon kasi ako'y magpapalipat-lipat ng lugar upang marami silang puntahan at ibat-ibang ugali ang ipakikita ko sa kanila.

Sinimulan namin ang laro tumayo ako sa may likuran ng bahay namin, dumating ang magpapalimos ako'y nagbigay, tapos takbo ulit ako sa isang lugar sa likuran. May limang minuto na akong naghihintay wala pa sila. Kaya ang ginawa ko bumalik ako, at alam nyo ba ano ang nangyari - ang magpapalimos nahulog sa hukay. Ano itong hukay? Bakit may hukay? Ang hukay na yaon ay ginamit noong nagpa-gawa ng bahay ang tatay ko, medyo malaking hukay kasi kinunan ng lupang panambak sa luob ng bahay. Balik tayo doon sa dalawang nahulog. Bakit nahulog? Ang nangyari pala nakapikit si Kuya Tony tapos akay ni Ineng, ngunit habang sila ay naglalakad sinubukan ni Ineng na pumikit din siguro upang malaman kung ano ang mangyayari. Hindi nila namalayan na malapit na pala sila sa hukay kaya noong mahulog si Ineng nahila niya si Kuya Tony, bumagsak sila sa ibaba at nadagnan si Ineng.

Doon nagsimula ang problema nabali ang leeg ni Ineng hindi basta bali nasikli siya ibig sabihin parang lumubog o pumasok yung leeg niya sa balikat, kasi nadaganan siya ni Kuya Tony. Di naman kami napalo pero naroon yung sisi sa amin ni Kuya Tony kasi medyo bata pa si Ineng. Dinala siya sa manghihilot subalit di kaya namaga ang may balikat ni Ineng. Nagpasya ng dalhin si Ineng sa hospital, matapos i-tsek sa harapan ng lolo, ng Inay at ng Tatay ay pinapipirma sila na walang pananagutan sila kung anuman ang mangyari kay Ineng. Hindi pumayag ang lolo, kaya inilabas siya sa hospital. Dinala siya sa isang lugar ng lolo ko, parte pa rin ng Mindoro ito yung Balete (hindi ito yung puno) kasi meron doon isang manghihilot na balita sa galing ang pangalan ay Pabling.

Dinala nga doon at sa awa ng Diyos isang beses lang hinilot si Ineng. Mula noon di na kami muli naglaro ng palimos palimusan, kasi doon minsan nabingit ang buhay ni Ineng. Pinatabunan na ng tatay ko yung hukay sa likod bahay..

Miyerkules, Abril 16, 2008

Bata Pa.

Maraming karanasan tayo na madaling alalahanin lalo yung mga kabulastugan natin. Ang mga bata sa probinsya siempre sa Mindoro yun, ako siguro ang pinaka pasaway sa lahat kasi marami akong kabulastugan. Siguro nga dala ng ako ay bata pa rin, kaya ko nagagawa yun. Siguro naman alam nyo yung pakete ng toothpaste (ano nga bang tagalog sa toothpaste? - pandikit sa ngipin ba yun, mukhang hindi akma.) Ano nga ba? Wag na nating pagdiskitahan yun basta toothpaste ang pinag-uusapan natin. Naalala ko yung isang patawa raw tungkol dito sa toothpaste - May isang bata na bumibili ng toothpaste sa tindahan, sabi ng bata sa tindera pabili nga ng colgate yung closed-up, sagot ng tindera anong ibig mong sabihin, nabigla ang batang bumibili di mo alam yung colgate na inilalagay sa panghiso para sa ngipin yung close-up. Nang dahil doon natawa ang tindera pero naunawaan niya ang sinabi ng bata. Natawa ba kayo?

Minsan naglalaro kami ng kapatid kong si Ineng sa may likod bahay namin ng may mapulot si Ineng na pakete ng toothpaste siempre nagamit na yun pero sa tingin namin ay meron pang laman kahit kaunti. Pinipilit namin himasin ito mula sa pinaka-dulo papunta sa may leeg ng pakete upang lumabas yung natitirang laman nito kung meron, subalit lubhang napaka hirap gawin kasi nanggagalaiti na kami wala pang lumalabas. Ang sumunod noon ay napagkasunduan namin na putulin ito, kaya ang ginawa namin ay binaluktot namin ito sa dalawang bahagi tapos binali-bali namin ng pataas at pababa ang magkabilang bahage subalit hindi sya maputol. Pero ano ang gagawin namin sa paketeng ito matapos maputol ika nga. Ang toothpaste ay masarap lumlumin ang laman kasi medyo mainit na malamig siya sa bibig, yun ang naging sanhi upang masidhi namin maputol yun at siempre dalawa kaming maghahati.

Subalit dumating sa nanawa na kami hindi maputol siguro kulang ang lakas namin at pamamaraan upang maputol iyon. Sabi ni Ineng, kuya kuha ako ng kutsilyo sa kusina gamitin mong pangputol diyan sa pakete, nangiti ako abay sabi?, sige kunin mo na dali. Dumating si kutsilyo na kinuha ni Ineng, ini-abot sa akin ang kutsilyo at aking inihanap ng puwesto na pagpapatungan para masimulan ang pagputol. Nakakita ako ng isang nakahigang kahoy sa di kalayuan doon ko ipinatong upang hatiin ng kutsilyo. Unang hataw ko ng kutsilyo sa pakete hindi naputol, pangalawa at pangatlo. Sa pang-apat medyo nilakasan ko ang hataw upang pautol at naputol nga ngunit hindi ang pakete kundi ang isang daliri ko ang nahagip, putol siya dulo lang naman.

Ito ang problema kasi umiiyak ako, hindi lang iyak, sabi nga ng mga taga Mindoro piyagak sa lakas ng iyak kasi tigmak ang dugo sa harapan ko at si Ineng ay walang kibo na nakatitig lang sa akin iiyak na hindi. Narinig pala kami ng nanay ko mula sa kusina at narinig namin ang pagtatanong niya ng - ano, ano ang nangyari diyan tinawag ang aming mga pangalan. Subalit walang tugong narinig ang nanay kundi ang palakas ng palakas na piyagak ng iyak, kaya pinauntahan na kami ng nanay ko. Hayun, parang pulis na nag-imbestiga sa amin, bakit, ano, sino ang may kasalanan. Sa gayong narinig ko - biglang lumabas sa bibig ko at sabay turo kay Ineng - siya po ang tumaga sa akin, biruin ninyo yun naputol lang yung dulo ng daliri ko tinaga na raw ako. Kasunod noon ay ang pag haklit sa damit ni Ineng at sabay palo ng kamay sa puwet niya, doon na na-iyak si Ineng.

Makalipas ang ilang sandali nasa kusina na kami at ginagamot na ako ng Inay, doon ko narinig na nagsalita si Ineng ang sabi hindi raw siya ang may kasalanan kundi ako mismo ang tumaga sa daliri ko. Biglang baling sa akin ng tingin ng Inay, napatungo ako sa pag-aming ako nga, pero sabi ko kasama siya, Ineng, he he he... Hindi ako napalo.... Kaya sa tuwing makikita ko ang daliri ko na naputol dahil doon naaalala ko ang pangyayaring yaon. Bata pa rin kasi eh!!!

Martes, Abril 15, 2008

Bata eh!!

Kabulastugan sa pagkaka-alam ko walang eksaktong kahulugan ang salitang ito. Subalit ito'y tuwinang maririnig mo sa mga taga-Mindoro o siguro may mga lugar din na gumagamit nito ayon sa kanilang kinagisnan. Sa aking pala-palagay ito'y nag-ugat sa salitang kalukuhan, kakulitan at ang bagong litaw na salitang pasaway. Masasabi natin ang lahat ay may kabulastugang ginawa mula ng tayo ay mga bata pa. Meron naman na hanggang sa tumanda sila ay kaakibat pa rin ang mga kabulasdugan sa kanilang katawan. Meron naman na baligtad ang nangyari kasi noong bata siya masasabing walang kabulastugang ginawa pero ngayon ay bumawi puro kabulastugan ang ginagawa, maaaring ring dati siya'y maluko pero ngayon ay matuwid na siya, pero ilan lang siguro ang ganon.

Ang alam ko lahat tayo ang may mga kabulastugang ginawa, ginagawa at gagawin pa lang sa buhay natin. Ano ba ang mapapala natin dito magkaka-pera ba tayo kung pag-uusapan natin ito. Kung titingnan natin sa paligid marami ang nagaganap na di maganda nadadamay lang ba ang mga bata o sila mismo ay gumagawa rin ng mga bagay na hindi itinuturo sa tahanan o sa eskwelahan. Heto ang sinasabi ko sa inyo nakalarawan ang isang bata na may hawak na baril ito ba ang itinuturo sa tahanan at eskwelahan, paki sampal nga ako kung nagakakamali ako sa palagay ko. Sino ba ang dapat sisihin dito sila na masasabi nating "bata eh" o malaki ang pananagutan ng mga magulang, karamay ang lipunan at ang gobyerna. Ang tiyak ko lang sa inyo ang batang yan yan hindi taga-Mindoro, bakit ko nasabi kasi ang mga bata sa Mindoro ay di ba nakakakita o nakakahawak ng baril hanggang sa ngayon kasi sila'y abala sa mga mobile phone sa pikikipag-text kay Inay....


Naalala ko pa noong kami ay maliit pang bata, siempre naman pag sinabi mong bata maliliit pa yun pwera na lang yung sinasabing batang isip ngunit matanda na. Ang bahay namin noon ay medyo mataas kumpara sa ngayon na tinatawag na bunggalo. Noon ang bahay namin ay merong itaas yari ito sa pawid at kawayan at kahoy, siempre may hagdanan ito na kahoy at may guyabnan pa. Ano yung guyabnan - ito yung ginagamit sa pag-akyat at pagbaba sa hadan na hinahawakan mo sya para di ka mahulog sa iba ang tawag dito ay kapitan, hindi ito yung nasa bangaray na kapitan. Isang hapon naglalaro kami magkakapatid si Ineng ako at ang pangatlo naming kapatid si Mike, wala pang elektrisidad sa aming barangay at wala rin kaming tinatawag na petromaks kaya ang gamit lang namin noon ay ilawang di gaas at pag-naubusan ng gaas at nakalimutang bumili kandila ang tiyak na gagamitin. Nag-lalaro nga kami ewan ko lang kung ano ang aming pinaglalaruan ang natatandaan ko lang malayo sa amin ang inay, si Mike ay maliit pa noon gumagapang pa lang, ibig sabihin malikot. Walang anu-ano nagapang na pala ni Mike yung ilawang di gaas tumumba ang ilawan sa may harapan niya, buti na lang hindi sa mukha sa may braso lang niya. Ang kasunod noon ay hiyaw sa pag-iyak siempre napaso, sugod ang inay at doon ay parang police na nag-imbistiga. Kami ni Ineng di alam ang isasagot kasi takot, awa at siempre iwas baka mapalo dahil doon. Subalit sino pa ang masisi di ba kami lang dalawa na naroon sa malapit sa pinangyarihan.

Subalit inihanda ko na ang aking sarili sa gulang kong pito alam ko na ang mangatwiran at ang nasabi ko lang wala akong kasalanan doon, naglalaro kami. Si ineng ay hindi makasagot kasi limang taon pa lang siya at takot na takot. Ang tatay ko naman ang siyang naghahanap ng paraan upang tumigil sa pag-iyak si Mike. May kasalanan ba kami o ako doon? Kaninong responsibilidad iyon sa akin o sa nanay ko parin. Anong edad nag-sisimula ang responsibilidad ng isang bata? Yan ang maaari nating mga tanong - pero iisa ang maiiwan diyan - Bata eh!!!