Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Miyerkules, Disyembre 31, 2008

Ang Pagtatapos ng Taon...

Halos buong mundo ay inaalala o pinaghahandaan ang paglipas ng kasalukuyang taon at pagsalubong sa bagong taon. Kaya naman ang bati ko pa sa lahat ng aking mambabasa, napadaan, sumilip, nagmura at anumang ginawa ay:

MALIGAYA AT MAPAGPALANG BAGONG TAON SA INYONG LAHAT!!!






Sa mga taga-Bancuro paalala lang hinay hinay ang inom at pagsindi ng paputok baka pati kamay pumutok mahirap magpagamot - nakakahiya pa.....


Magkita- kita ulit tayo sa isang taon, sa sunod na buwan pala sa panibagong yugto ng aking mga kwento.


Sumainyo po ang pagpapala ng Diyos.

Linggo, Disyembre 14, 2008

Pwera Balis, Pwera Gahoy

Lumayo kayo sa akin, ayaw kitang makita – yan ang ilang pananalita na maririnig mo kapag galit ka sa isang tao o umiiwas sa kanila o sinasabihan mo sila sapagkat meron kang sakit na nakakahawa. O ito yung ilang linya sa TV o pelikula na ating makikita at maririnig na pag-uusap ng dalawang tao. Bakit ba tayo napunta roon sa usapang ganon? Ano ba ang kaugnayan nito sa bago kong kwento sa inyo?

Sa buhay ng tao marami tayong minsan hindi natin kayang ipaliwanag ng ayon sa ating kaisipan, subalit nakikita natin na minsan nangyayari ito sa paligid lang natin o naranasan natin ito sa ating buhay. Kung paniniwala ang pag-uusapan tayong mga Pilipino ay hindi pahuhuli ito man ay patungkol sa diyos, usapin, kwento o pangyayari sa ating buhay. Marami ang nakasandal sa ganitong paniniwala na basta sinabi ng taong yun naniniwala agad sila, lalo na sa mga probinsya at baryo. Lalo na kung kagalingan ang pag-uusapan. Eh ano ba ang tinutumbok mo at marami ka pang paliguy ligoy diyan, tapatin mo na kami sabi nga ng isang maangas na kausap.

Tulad ng nasabi ko sa itaas sa mga probinsya nakakalalamang ang ganitong paniniwala lalo na sa mga liblib na lugar. Naroon na mas pinaniniwalaan nila una na yung mga albularyo, matatanda o ang kapitan doon. Anuman ang kanilang katanungan, sakit o problema sa mga taong yun sila sumasangguni, sapagkat sabi nila sila yung nakaka-alam, nakakapagbigay ng lunas sa kanilang problema. Ganon ang nangyayari at nangyari sa Mindoro, maraming mga paniniwala na nakabatay lang sa kanilang karanasan. May mga lugar na mas kilala ang mga taong ito at sila’y iginagalang pa.

Pero hindi yan ang ating tatalakayin, siguro sa mga susunod na kwento natin tumbukin natin yan, ngayon kwento ko sa inyo yung kakaibang pangyayari sa Bancuro. Masasabing kakaiba sapagkat halos lahat doon ay naniniwala sa gayong kalakaran. Ano ito? Ito yung tinatawag na “balis” at “gahoy”. May ilang parte sa Mindoro ang naniniwala rin sa ganito meron naman hindi, pero ang tanong – ano ba ang ibig sabihin nito sa mga tao sa Bancuro.

Ang tinatawag na "balis" ay isang matandang paniniwala doon na ito ay nagaganap pa hanggang sa ngayon doon at pinaniniwalaan. Paano ito nangyayari? Ayon sa aking pagkaka-alam ito ay tumatalab na parang isang sakit. Sa aking mga nakita doon minsan ang isang bata, binata, dalaga o matanda ay maaaring talaban ng balis sa pamamagitan ng isang tao na meron nito. Sabi nila ang taong may balis daw ay malakas ang pwersa ng dugo lalo na kapag ito ay pagod, na kapag nakita ka o mo ang taong ito mababalis ka nito. Ano ang mangyayari sa taong nabalis at ano ang mga sintomas? Ang taong nabalis karaniwang sumasakit ang tiyan, nagsusuka, namumutla at pinagpapawisan ng malamig.

Ang tinatawag na gahoy ay hindi nalalayo sa balis pareho sila ng sintomas, hindi ko lang alam kung ito nga ay pareho lang, nagkaiba lang sa tawag. Paano naman ito nagagamot? Ang taong nabalis o nagahoy ay kailangang isipin o maalala ang mga taong nakita, nakasalubong o naka-usap ng araw na iyon. Kapag naalala na maghahanda ang pwedeng pumunta sa tao upang humingi ng buga o lawayan ang nabalis sa tiyan o sa ulo kung malapit lang. Ano itong buga? Ang buga minsan ito ay nginuyang bigas, nganga at ikmo. Kapag sa unang pag-buga o paglaway ay hindi gumaling ang nabalis pupuntahan ang sunod na tao at doon kukuha ng buga. Kapag hindi pa gumaling hahanapin ang lahat ng taong nakita sa araw na yun.

Paano ito gumagaling? Kapag ang taong nabalis o nagahoy ay gumaling sa buga makikita mo sa mukha ng nabalis ang pagbabalik ng dating sigla, wala na yung pamumutla, pagsusuka at pagsakit ng tiyan. Minsan makikita mo sila parang nagdahilan lang o nag-arte lang. Subalit ang nakaka-awa minsan yung mga batang paslit pa lang ang madadali ng balis at gahoy talaga namang palahaw ng pag-iyak ang bata.

Meron bang kontra para hindi ka mabalis at magahoy? Meron, kung sa paniniwala ng mga matatanda sa mga nuno, na sinasabi nila na tabi-tabi po nuno, makikiraan po. Sa balis at gahoy naman ay ganito – pwera balis, pwera gahoy. Pero kailangang maagap kung alam mo na ang taong nakita, naka-usap ay may balis o gahoy. Sa mga bata namang paslit yung may dala ng bata ang siyang magsasabi ng ganon – kung malapit sila sa tao kailangan palaway ito sa tiyan o sa noo.

Meron din ganito sa ibang lugar o sa Maynila iba lang siguro ang tawag. Sa Maynila ito ata yung tinatawag na usog, ewan ko lang sa ibang lugar. Kayo tandaan ninyo kapag napunta kayo sa Mindoro, lalo na sa Bancuro handa kayo sa maaaring mangyari sa inyo, kaya dapat alam ninyo ito – he he he he….

Martes, Nobyembre 25, 2008

Kuprasan, Ano ito?

Sa lahat siguro ng uri ng punong kahoy ang niyog ang may pinaka maraming gamit sa tao. Bakit ko nasabi ito? Pansinin mo sa mga ginagamit mo sa katawan mo, masasabi ko na 2 sa 3 ginagamit mo ay merong sangkap na galing sa niyog. Halimbawa, sabon sigurado ako na may sangkap yan na galing sa niyog, pabango at iba pa. Ang Pilipinas ang isa sa may pinaka maraming tanim na puno ng niyog sapagkat karamihan sa mga lalawigan ay niyog ang ikinabubuhay.

Mula sa dahon ng niyog marami ang nagagawa dito, sa makabagong teknolohiya nagagawa na itong damit. Sa tingting ng dahon ng niyog walang kaduda duda na ito ay ginagamit sa bahay. Palapa ng niyog nagagamit ito sa mga handdy-craft at ang pinakahuli ay pang-gatong sa kalan ganon din ang takiyay at uyo. Nakakakuha din ng tuba, suka, uling sa bunga ng niyog. Kapag matanda na ang isang puno ng niyog ito ay nagagamit na sangkap sa bahay, sapagkat napaka-inam ang coco lumber sa isang bahay, naroon yung katatagan at tibay na dulot nito.

Ano nga ba ang tinatawag na “kuprasan”? Sa Bancuro ang kuprasan ay ang lugar na kung saan niluluto ang bunga ng niyog hanggang ito ay maging kopra na maaari ng ipagbili. Doon sa Bancuro ang malalapad na taniman ng niyog na kung tawagin ay niyugan, karaniwang meron itong kuprasan sa gilid o sa mismong gitna ng niyugan. Ito ay yari sa dahon ng niyog ang pinaka-bubong at tabla na mula rin sa puno ng niyog. Karaniwang ang isang kuprasan ay may dalawang malalaking hukay na parihaba na merong pinaka pagitang malaking parte ng lupa sa gitna.

Ang pinaka batangan nito ay puno ng niyog mismo na nilagyan ng mga tabi tabing sariwang palapa ng niyog na inalis ang dahon. Ito ang nagsisilbing parilya sa pagluluto ng kopra. Ang kuprasan ay may apat na halige sa apat na sulok nito para sa bubungan, tapos may sulambe ito kung tawagin para naman sa magbabantay at mag gagatong nito para hindi maulanan o mainitan man.

Bago gamitin ang kuprasan, kailangan siempre na kunin muna ang mga bunga ng niyog mula sa puno. Dito kailangan ang mangangawit kung tawagin sa Bancuro. Sila yung sumusungkit ng niyog sa puno, tapos kasama niya yung taga-ipon ng niyog. Kasunod nito yung tagahakot ng niyog para dalhin sa kuprasan, gamit nito ang kariton na hila ng kalabaw o baka. Mahirap bago maging kopra ang niyog. Noon naranasan ko ang taga-ipon, kailangang makikita mo kung saan babagsak ang mga nasungkit na niyog. Mahirap ipunin kasi hindi naman malinis minsan ang niyugan maraming mga malalagong damo kaya gagalugarin mo ang kadamuhan. Tapos kailangan nasa magandang lugar mo ilalagay ang mga inipon na niyog para naman sa hahakot na kariton.

Matapos ipunin, kami rin ang hahakot noon papunta sa kuprasan. Ang kariton ay kumakarga ng hanggang 500 piraso ng niyog. Isa-isa mong ihahagis ang niyog papasok sa kariton. Kapag nadala ang niyog sa kuprasan, meron namang kukuning taga talop, noon ang taga talop o taga-balunas ay isang bulag siya, pero napakabilis niyang magbalunas ng niyog, hindi sagabal sa kanya ang pagiging bulag niya. Matapos mabalunasan, ito ay sisimulang biyakin. Dito maraming bata ang naghihintay sapagkat habol nila ang tubo o usbong na makukuha sa loob ng niyog na biniyak (talaga namang masarap iyon, lalo na yung maliit pa lang na usbong), meron din namang sabaw ng niyog ang habol.

Matapos biyakin ang mga niyog ito ay handa na para isalansan sa ibabaw ng parilyang palapa sa kuprasan. Ang pagsasalansan ay may paraan din para maging maganda ang luto nito. Kapag nasalansan na ng mabuti at maganda, sisimulan ng sindihan ang gatong nito sa ilalim ng kuprasan, gamit ang mga naipong bunot ng niyog. Kapag nagsisimula ng umapoy ng ilalim unti-unti ng tatakpan ang kabuuan ng tagiliran at ibabaw ng kuprasan upang ang init nito ay madaling makaluto sa niyog na nakasalansan. Kailangang naka bantay din sapagkat minsan nasusunog ang niyog kapag subra ang lakas ng apoy sa ilalim.

Matapos na maluto hihintaying lumamig ito at kapag malamig na sisimulan ng ihiwalay ang kopra sa bao ng niyog gamit ang panglukyad. Kasunod nito ay ang paghahati ng mga laman ng niyog, dito pipiliin yung hindi gaanong naluto para isalang ulit o ibilad na lang sa init ng araw. Matapos nito at handa na para i-sako ang kopra at timbangin upang dalhin na sa bentahan. Ang mga bao ng niyog na natira o naipon ay sisindihan ito ng sama sama sa tabi ng kuprasan na ginawang balon, kapag naubos na, tatakpan ito ng saha ng saging at lupa upang hindi sumingaw – matapos ang isang linggo hahanguin na ito sa balon na kung tawagin ay ulingan – tararannn... meron ng napaka gandang uling para sa pag luluto. Ito rin ay nabibili per balde o sako.

Matapos ang lahat ng ito makikita mo na malinis na malinis ang kuprasan, ito ay magagamit ulit makalipas ang 5-6 na buwan……

Martes, Nobyembre 18, 2008

Dulot Nito

Kung mamasdan at lilibutin mo ang Bancuro, masasabi mong napaka tahimik na baryo, ang mga tao ay namumuhay ng simple lamang. Paggising sa umaga kanya kanyang gayak papunta sa kani-kanilang gawain tulad ng pagbubukid, pag-aalaga ng hayop, pangingisda. Sa mga kababaihan naman sila’y abala sa mga gawaing bahay tulad ng paglalaba, pagluluto. Ganon din ang mga bata abala sa pag-hahanda sa pagpasok sa eskwelahan. Sa hapon naman banaag mo ang mabilis na pagkagat ng dilim sapagkat ang lahat ay nasa kani-kanilang bahay na pagkatapos ng hapunan maghahanda ng pamamahinga sapagkat pagod sa maghapong gawain. Yan na ang mga gawaing karaniwang makikita mo doon – kaya masasabing simpleng mapupuhay doon.

Kumpara sa mga bayan at lungsod tulad ng Maynila na tinatawag na lugar na hindi uso ang tulugan sapagkat makikita mo sa paligid ang galaw ng tao na parang hindi sila napapagod. Ang mga ilaw na nagbibigay liwanag sa boong kapaligiran ay animo'y walang katapusang liwanag. Ang ingay ng mga sasakyan ay isang dagdag kaguluhan sa iyong kaisipan. Malayong malayo sa kalalagayan ng Bancuro sapagkat sa pagsapit ng gabi iilan na lang ang makikita mong gumagalaw sa paligid. Huni ng mga kuliglig, kulisap at ibong pang-gabi ang iyong maririnig na minsan ay parang awitin na nagpapasarap ng iyong pagtulog.

Nagkaroon ng kaunting pagbabago sa Bancuro sabi nga ng marating ng kaunting ampiyas ng kabihasnan, ito yung magkaroon ng elektrisidad sa bawat bahay. Magkaroon ng mga gamit na pangtawag tulad ng cellphone. Noong una elektrisidad lang ang panakinabangan ng mga taga-roon. Kanya kanya ng bili ng mga telebisyon, ng repregerator mga malalaking mga component ayon sa kani-kanilang kakayahan. Nagliwanag ang mga bahay na dati mga lampara lamang ang siyang nagbibigay ng liwanag. Makikita mo sa bawat bahay na maaga pa lang sa hapon ay naka-upo na sa harap ng telebisyon at abala sa panonood ng mga sinusubaybayang programa. Ang iba naman ay maririnig mo ang lakas ng kanilang mga tugtugan na dati ay nagkakasya na lamang sa radyo na gamit ang bateri.

Ang mga bata naman ay nagkaroon na ng pagbabago na dati rati sila’y maagang matulog ngayon sila’y nasa labas na kung anu-ano ang ginagawa. Nalagyan na rin ang mga kalsada ng mga ilaw upang maging maliwanag sa mga naglalakad. Masasabing malaking pagbabago ang naganap doon, magandang pagmasdan ang pagbabagong ito. Pero naroon ang tanong nakakabuti ba ito o nakasira sa dating galaw ng mga tao doon. Naka-apekto ito sa mga ginagawa ng lahat sa araw araw mula umaga, sa tanghali at sa gabi.

Isa pang pagbabago sa Bancuro ng ang isang pamilya doon ay magpatayo ng isang resort doon mismo sa nasasakupan ng Bancuro. Wala namang masama dito sa magandang pagbabagong ito sa lugar, subalit naroon ang tanong makakatulong ba ito o makakasira sa dating katahimikan at kasimplehan ng pamumuhay doon. Maraming magsasabi na maganda ito sapagkat nabibigyan ng trabaho ang karamihan doon, lalo na yung mga bagong kabataan na hindi pinalad na makakuha ng trabaho sa mga lunsod.

Maganda rin itong pagpapakilala ng kagandahan ng isang lugar sapagkat mababalita sa ibat ibang dako na meron isang resort doon na kakaiba at maganda. Ano nga ba ang kaka-iba sa Benilda Resort? Ayon sa mga nakaranas na pumasok sa resort maganda nga raw ang tanawin, ambiyans sa loob, sabi nga malilimutan daw ang problema kapag naranasan mong pumasyal doon. Meron daw silang ibat ibang pakulo sa loob tulad ng pag sakay sa kalesa, mangabayo, maligo at ibat iba pa.

Meron din daw silang bahay na nakalutang sa ibabaw ng tubig. Mararanasan mo rin na makita ang iba’t ibang uri ng paru paru sapagkat meron silang lugar ng sangtuwaryo ng mga ito. Patuloy din silang tumatanggap ng lahat ng uri ng mga pagtitipon, kasayahan, pagdiriwang at pampamilyang kasiyahan sa loob. Marami ang nagsasabi na abot kaya ang halaga ng bayad dito na tiyak na sulit sa ilalagi mo sa loob ng resort. Ito nga pala ay nalilibot ng mataas na pader na akalain mong parang isang kaharian ang loob nito. Ilan sa mga larawan ay kuha doon.

Sana sa sunod kung bakasyon sa Bancuro ay maranasan ko rin ang sinasabi nila tungkol sa malaking pagbabago ng Bancuro. Sana ang mga ganitong pagbabago ay makatulong sa mga nanatiling naninirahan doon. Sana patuloy ring makilala ang Bancuro sa pamamagitan ng Benilda Resort. Sana hindi mawala ang katahimikan at kasimplehan ng pamumuhay doon…. SANA……

Lunes, Nobyembre 10, 2008

Ulam Bato…

Naalala ko yung kwento ng kaibigan ko noong siya ay umuwi para mag-bakasyon sa Pilipinas. Ang kaibigan kong ito ay medyo mataba at mataas ang dugo kaya ingat na ingat siya sa kaniyang kinakain iniiwasang tumaas ang dugo. Isa sa nahihirapan kung ano ang ipa-uulam sa kanya ay ang kanyang asawa, sabi niya. At sabi pa niya na napakahirap pala yung pigilan ang sarili ng hindi kumain ng masasarap na pag-kain lalo na ang karneng baboy na wala nito sa Saudi. Sa kabila noon naroon pa rin ang pag-aalaga ng asawa sa mga pagkain kaniyang inihahanda para sa kaibigan ko. Noong unang araw siempre pinatikim na siya ng karneng baboy kasi wala namang masama roon kung minsan lang. Sa ikatlong araw gulay, tapos isda at mga lamang dagat. Lumipas ang isang lingo naghanda ang asawa ng gulay na upo o tabayag sa Bancuro.

Nasarapan ang kaibigan ko sa ulam na upo. Ikalawang araw nilagagang upo at sa ikatlong araw nakita ng kaibigan ko sa mesa na upo na naman ang ulam – bigla siyang sumigaw ang sabi “upo na naman” tumaas ang kaniyang dugo at siya ay na high blood. Kaya ang upo pala ay nakaka-high blood kung ito lagi ang ulam…. He he he.

Sa Bancuro ay may isang paboritong ulam ng mga taga roon, ganon kaya na paborito o nagtitipid lang dahil sa mahal ang isda at karne. Ito ay tinatawag na “agihis, paros o kaya ay lukan o tahong, suso”. Hindi ko alam ang tawag sa Manila o ibang lugar sa agihis – ito ay isang maliit na maitim na kabibing pinagtaob na may maliit na laman sa loob. Nilaga na may luya ang karaniwang luto ditto, minsan ginisa sa kamatis. Madali lang maluto ito sabi nga isang kulo at bumuka yung kabibi luto na ang agihis. Masarap siya na ulam sa mainit na kanin. Nabibili ito sa pamamagitan ng takal na ginagamit ay tabo. Mura lang siya sa 2 pesos isang tabo noong mga panahon na naroon pa ako sa Bancuro. Ito’y nakukuha sa ilog tabang, na naka-ugnay sa Ilog na Patay ng Bancuro.

Ang paros naman ay maliit din at kung hindi ako nagkakamali tulya ito sa Maynila at ibang lugar. Ang kulay ng paros ay manibalang na dilaw na medyo palapad ng kaunti na mistulang tahong. Kapareho ng agihis ang paros kung lutuin at sa presyo ay hindi nagkakalayo. Ang agihis at paros ay parehong sinisisid kung kunin sa ilalim ng ilog na mabato, subalit hindi sila magkasama ng lugar na pinagkukunan.

Ang lukan naman ay malaki ang kabibi nito medyo maitim ang kulay at kulay puti naman ang laman. Nakukuha naman ito sa lalao na naka-ugnay sa tubig dagat. Iba naman ito kung hulihin sapagkat ito ay nakabaon sa mababaw na lupa o banlik ng lalao. Gumagamit naman sila ng karit o matulis na bagay upang hanapin ang lukan, kapag nadaanan ito bigla itong nagsasabog ng tubig sabi sa Bancuro ihi ng lukan. Masarap itong kilawin, ginisa at halo sa miswa. Maganda rin ito sa katawan ng tao. Ipinagbibili naman ito ayon sa bilang at laki ng lukan.

Ang isa pang uri ay ang suso na nakukuha din sa lalao, maliliit siya na kulay itim pero matulis ang pinaka puwet niya. Ibinebenta ito ng takal sa tabo. Bago ito ilaga sa luya kailangang putulin ang dulong bahagi ng puwet nito upang madaling kunin ang laman nito sa luob na kulay berde. Masarap siya at malalaman mong suso ang ulam ng kapitbahay sa tunong pa lang ng kanilang pagkain… Sapagkat makukuha mo ang laman nito sa loob sa pamamagitan ng supsop o kaya ay may manungkit kang aspili. Madali rin itong lutuin sapagkat kapag lumampas ang luto dumidikit ang laman nito sa loob na magiging mahirap kunin.

Iyan ang mga ulam sa Bancuro na minsan sa loob ng boong isang lingo yan ang salit salitang ulam. Minsan maririnig mo sa mga kapitbahay kapag nagtanong ka ng ano ang ulam ninyo – tiyak na ang isasagot sa iyo ay bato ang ulam na ang ibig sabihin ay – lukan, agihis, paros, suso, kuhol kaya. Subalit kung tutuusin masarap ang ganitong ulam, maganda pa sa katawan. Ngunit kung lagi naman ito ang ulam mo sa araw araw na ginawa ng Diyos tiyak na tataas ang dugo mo. He he he

Bato bato sa langit tamain ay bukol….

Lunes, Nobyembre 3, 2008

Meron Kayo Nito?

Ang Pilipinas ay may ibat ibang probinsya, bayan, baryo na may kanya kanyang salita na kanilang ginagamit ayon sa kanilang kinalakihan, kaugalian at pang-unawa. Maraming salita ang ginagamit tulad ng Ilokano, Chabakano, Ilongo, Bisaya, Kapampangan, Bicolano, Tagalog at iba pa. Pero ang ibig kung sabihin yung kakaiba sa lahat, halimbawa sa Tagalog, tagalog siya pero naiiba ang pagbigkas, baybay pero ang kahulugan ay maaaring kapareho. Meron niyan sa Bancuro, hindi naman masasabi na ito ay mali o hindi ko alam kong saan nagmula o sino ang nagpa-uso. Hindi ko naman masasabi rin na ito’y sariling salita ng mga taga Bancuro sapagkat minsan naririnig ko rin sa ibang lugar sa Mindoro.

Noong una ginagamit ko rin ang karamihan nito sapagkat hindi ko naman alam na may iba pa palang kahulugan iyon. Merong salita sa Bancuro na minsan sa pandinig mo ay kakatwa pero may kahulugan pala yun. Siguro ganon talaga lang yun sapagkat may kanya kanyang salita na kanilang nakagisnang gamitin. Meron din naman na kung bigkasin ay may tuno ayon sa lugar na pinaggamitan ng salita. Alam ko na ang mga katutubo ng Mindoro na Mangyan ay may sariling alpabeto at pananalita, pero ang ibig ko lang ipahayag dito yung mga salita na kapag dinala o ginamit mo sa ibang lugar tulad ng Maynila napapalingon ang makakarinig.

Hayaan ninyo na bigyan ko kayo ng ilang mga salita, katawagan o pangalan man na ginagamit sa Bancuro at ang mga kahulugan nito ayon sa aking pang-unawa at kaalaman. Ang alam ko nananatiling ginagamit parin ang mga salitang ito doon sa Bancuro at naniniwala ako na magpapatuloy itong gagamitin doon sapagkat parte na ito ng kultura at kaugalian ng mga taga-Bancuro. Ilan lamang ito subalit ang alam ko maraming salita doon na hindi pa kasama dito. Ganito ang mga sumusunod na salita sa kaliwa ang mga salitang ating pinag-uusapan at ang sa bandang kanan na katapat ang siyang kahulugan, maliwanag ba?

BELOT - TUTA (maliit na aso)
BUNSURAN - HARAPAN NG PINTUAN
DUBDUBAN - LUGAR kung saan sinusunog ang mga basura
USBAW - MALUKO
KALAMUNDING - KALAMANSI
KWADERNO - SULATANG PAPEL
MAM-IN - Dahon gamit sa pagnganga (maaari ding puno)
YABAT - Matinik na dulo ng kawayan
PININDOT - BILO-BILO
BUBOY - Puno ng Bulak
SOLO - Uri ng sanging o Lakatan
BANGALAN - Saging na Mabango
SAKSIK - Saging na maliliit at siksik na siksik
LIYO - HILO
SARAMPIYON - TIGDAS

Sabi ng iba mahirap daw minsan unawain ang mga salita ng mga taga-Bancuro, pero hindi nila alam na tagalong din ito kaya lang meron lang mga salitang na-iiba sa pandinig ng iba. Nasabi kong iba sapagkat hindi ito itinuturo sa paaralan yun ngang ibang mga guro hindi nila alam ang ibig sabihin noon. Hindi naman masasabi na ito’y salitang kanto sapagkat marami ng taon ang lumipas, nagpasalin salin na sa ibat ibang bibig ang mga salitang ito na wala namang nagiging suliranin. Sabi nga nila dito sila nasanay at natuto na rin, kahit na minsan sinasabihan pa silang “promdi” pero wala sa mga taga-Bancuro yun sapagkat kasama na sa kaugalian nila yun.

Naranasan ko rin yun ng magsimula na akong mag-aral ng kolehiyo sa Maynila. Doon sa mga nakakarinig kung paano ako magsalita napapalingon sila, minsan nagtatanong saan daw galing na bundok yun. Pero sa akin marami na rin ang nabago mula noong nag-aral sa Maynila may mga salita na madalang ko na ring nagagamit at yung punto ko nawawala na rin. Subalit para sa akin hindi ko makakalimutan yung itinuro ng Bancuro sa akin ang ibat ibang kakaibang salita……

Miyerkules, Oktubre 29, 2008

Pabasa (Sulbutan)

Sa Bancuro kapag sasapit ang buwan ng Marso at April noon kung saan tatapat ang Mahal na Araw may isang kaugalian na namana na ng mga taga-roon ang pabasa. Ano ba itong pabasa o sulbutan? Ang pabasa ay ang pagbasa ng buong pasyon mula sa simula hanggang katapusan ng aklat na ito. Kung tutuusin ito ay binabasa ng may himig na paawit at ang bawat lugar o probinsya ay may kanya kanyang himig o tuno kung paano ito basahin ng paawit. Ang kaugaliang ito ay namana sa mga Kastila na kung saan sila rin ang nagdala ng relihiyong Katoliko. Masasabing kaakibat na ng Katolisismo ang pagbasa ng pasyon.

Ang pasyon ay ang buhay ng ating Panginoong Hesu Kristo mula ng siya ay bata pa hanggang sa pagkabuhay na muli mula sa mga patay kasama ang kanyang pagbabata ng hirap sa krus ng kalbaryo. Balikan natin ang pabasa sa Bancuro sapagkat hindi basta-basta ang mag-pabasa ng pasyon doon. Kinakailangang handa sapagkat kailangan dito ang pera, oras at iba pa. Sa mga taga-roon ang pabasa ay ginagawang panata na nila taon taon o pangako ika nga ng isang pamilya o pasasalamat sa isang bagay na nangyari sa kanilang buhay. Sa ibang probinsya o lugar nagkakaroon sila ng pabasa pero ginaganap nila ito sa kapilya o simbahan lamang, subalit sa Bancuro ito’y ginaganap sa bahay mismo ng pamilyang nagpa-unlak sa pasulbot.

Ang pabasa ay sinisimulan, karaniwan na sa bandang hapon sa araw na itinakdang magpabasa ng isang pamilya. Ito’y matatapos sa kinabukas ng bago mananghalian depende sa bilis ng mga mambabasa. Ito’y walang tigil na pagbasa ng paawit na kung pakikinggan mo ay maganda lalo na kung sagutan ang lalake at babae sa pagbasa. Sa Bancuro karaniwang mga matatanda ang nagsasagawa ng ganitong pagbabasa, iba nga sa kanila ay kabisado na ang pasyon. Hindi naman kailangan maganda ang boses mo sa pagbasa ng paawit ng pasyon ang mahalaga nasa puso mo at naaayon sa tuno na isinasagawa ng karamihan.

Aasahan mo na maraming handa ang may pabasa sapagkat tulad ng sabi ko ito ay pinapaghandaan malayo pa ang pabasa. Nariyan ang kape, salabat (luyang nilaga), minsan may juice, alak at siempre may tinapay din. Ang mga mambabasa ay doon na maghahapunan, almusal at tanghalian kung kaya karaniwang nagkakatay ng baboy, kambing, manok ang may pabasa. Meron din naman na naghahanda ng isda tulad ng dalag, hito, gurami, biya, buwan buwan, hipon, also, tilapia at ibang isda. Hindi lang naman mga mambabasa ang pwede sa pagkain, ito ay bukas para sa lahat, kaya nga dumarami ang mga naroon ay dahil sa pagkain, at minsan pagkakain nawawala na ulit sila lalo na kung magmamadaling araw na.

Naalala ko pa nga ang ilang linya sa pasyon – “ano pa nga at iisa ang loob nilang dalawa, mahusay ang kanilang pagsasama”. Yan yung linya sa pasyon na hanggang ngayon ay naaalala ko pa. Marunong din naman akong bumasa ng pasyon sapagkat nakakasama minsan ako sa Inay sa pagbasa ng pasyon. Ang Inay talaga ang batikan sa pagbasa ng pasyon sapagkat idinarayo pa nga sila ng iba ko pang mga tiyahin. Aasahan noon sa Bancuro na kapag sumapit na ang semana santa medyo gasgas na ang boses ng Inay sapagkat lagi nga siyang nakukumbida sa pabasa. Sabi ng lola ko sila daw ay nagpapabasa rin noon ng pasyon. Natatandaan ko rin na kapag nagbabasa ako ng pasyon kapag sinimulan ko ang isang talata kabisado na ng lola ang mga kasunod na talata hanggang matapos ang bakanata. Ganyan ang mga matatanda noon sa Bancuro kabisado nila ang pasyon.

Subalit minsan kung iisipin mo at aalalahanin mo ang mga nakalipas tungkol sa pagbasa ng pasyon tanging mga ala-ala na lang ang natitira sapagkat iilan o masasabing nawawala na ang ganitong kaugalian. Siguro unti unti ng nauubos ang mga matatanda na naroon yung kanilang pagpupursige na ipagpatuloy ang ganitong kaugalian. Sa ngayon makabagong panahon, ang pagbasa ng pasyon ay sa mga simbahan na lamang mo maririnig, meron man sa radyo na lamang. Masasabi rin natin na nawawala ang mga ganitong kaugalian sa dahilang mahirap ang buhay, unti unting napapalitan ang ilang ugaling pang simbahan sa mga naglalabasang mga ibat ibang simbahan.

Malaki rin ang nai-ambag ng pagbasa ng pasyon sa kultura ng ating bayan, hindi lamang sa mga probinsya ganon din sa mga bayan. Sa Bancuro ang alam ko madalang na madalang na lang ang nag papasulbot o nagpapabasa sa kanilang bahay. Aasahan sa mga susunod na panahon na tuluyan ng mawawala ang ganitong kaugalian o tanging Diyos na lamang ang nakaka-alam kung mananatili o mawawala na talaga ito.

Martes, Oktubre 21, 2008

Ang Sarap Mo… Ikaw ang # 1

Maliit at matinik pero punong puno ng sarap, yan ang maikli kong paglalarawan sa isdang “langaray”. Langaray ang tawag sa munting isdang ito. Hindi ko alam ang tawag sa isdang ito sa ibang lugar pero sa Bancuro ito ay kung tawagin ay langaray sa wikang English ay hindi ko rin alam ang pangalan ng isdang ito. Maliliit siya na medyo malaki ang mata, makaliskis at makintab kapag nasa tubig. Hindi siya lumalaki tulad ng ibang isda, sa tabang siya namamalagi hanggang siya’y mangitlog. At alam ba ninyo na ang itlog ng larangay ay napaka-sarap at ang atay niya napakalaki rin at masarap.

Ano ang mga katangian ng isdang ito? Ang langaray ay hindi mo mahuhuli sa bingwit na may pain, kundi kung tawagin ay pasabit lalagyan ng maraming sima o kawil ang tamsi na palawit sa bingwit para pasabitin ang mga langaray. Lumalangoy ang mga langaray ng barkadahan o grupo o maramihan kaya pwedeng mahuli sa pamamagitan ng dala o pante. Subalit ang mga taga Bancuro ay may kakaibang gawi sa paghuli ng langaray, ito’y tinatawag na “sara”. Ano itong sara? Ito’y isang pamamaraan ng mga taga-Bancuro upang mahuli ang langaray. Naglalagay sila ng mga dahon ng niyog, irok, buli sa medyo malakas ang agos ng ilog. Doon sa loob ng sara ay nilalagyan nila ng lusa o plato na maputi para malapitan ng mga langaray. Kapag naroon na sila hahagisan na ng dala, huli ang mga langaray.

Ang langaray ay kakaiba sa ibang isda sapagkat ito’y ipinagbibili o inilalako hindi sa pamamagitan ng kilohan kundi dadaanin sa bilang, ibig sabihin ang presyo ay ayun sa dami ng bilang, sa laki at kung itlugin ang langaray. Mas mataas ang presyo kapag itlugin at malalaki. Karaniwang 100 piraso ang presyuhan ng langaray. Ang langaray ay lumalabas sa panahon ng magsisimula ang tag-ulan o tag bagyo. Noong araw ang langaray ay sumasabay kung lumabas sa panahon ng tag-banak, also at buwan buwan. Subalit may kakaibang lasa at sarap ang langaray na hahanap hanapin mo. Halos lahat ng mga taga-Bancuro na napupunta sa Manila ay hinahanap ang langaray sa oras na sila'y mag bakasyon sa Bancuro.

Anong mga luto ang pwede sa langaray? Ang mga nanay o kahit sinuman batid nila ang masarap na luto sa langaray lalo na kung ito’y bagong huli pa lang. Pwede itong sinigang sa kamatis na talaga namang napakasarap. Pwede itong sinigang sa kalamansi. Pwede itong sinaing sa suka o asin lang. Pwede itong tinatawag na pinais sa dahon ng saging. Pwede itong inihaw tapos pigaan ng kalamansi. Pwede itong dinaing o tinuyo tapos ay prituhin ng malutong.

Medyo mahirap nga lang kainin ang langaray sapagkat tulad ng sabi ko matinik siya mula ulo hanggang buntot. Para sa akin sinigang sa kamatis ang pinaka masarap na luto sa langaray. Alam nyo ban a kapag langaray ang ulam ko asahan mo na nakahilera sa tabi ng plato ko ang mga itlog at atay nito. Ito’y aking kakanin pag malapit o patapos na kumain ika nga pang pinale. Kaya lang dahan dahan ang kain sapagkat matinik pa ito kaysa sa buntot ng bangus.

Noong araw naaalala ko kapag bumibili ng langaray ang Inay, halimbawa 50 piraso, ito’y hahatiin niya ayon sa dami namin. Alam niya kung tig-iilan lang ang bawat isa sa amin. Ang pagkakatanda ko limang piraso ang bawat isa sa amin sa bawat kain, kaya yung 50 piraso ng langaray nakaka-dalawang kain yun. Pero sulit naman sapagkat masarap din ang sabaw – sabi nga sabaw pa lang ulam na. Makikita mo yung nagmamantika yung ibabaw ng sabaw dahil sa taba ng mga langaray.

Matagal tagal na rin akong hindi nakakatikim ulit ng langaray, kahit noong umuuwi kami doon sa Bancuro, siguro sa dahilang laging tag-araw kami umuuwi doon. Ewan ko pero balita ko kukunti na lang ang lumalabas na langaray kahit sa panahon ng tag-ulan ewan ko lang kung bakit. Pero siguro kung makakatikim ulit ako ng langaray masasabi ko paulit ulit na ang larangay ay napaka sarap at isa sa mga nangunguna sa aking listahan ng masarap na isda galing sa Bancuro……

Martes, Oktubre 14, 2008

Kilalanin Sila…

Maligayang Kaarawan po sa lahat ng mga guro……

Medyo nakalimot ako na meron palang kaarawan ang mga guro na matiyagang natuturo sa mga eskwelahan, siempre kasama na doon yung pera na sasahurin nila buwan buwan. Nalaman ko lang ito noong mabasa ko yung blog ng mangyan kung saan binabati niya ang lahat ng naging guro niya mula sa kinder hanggang sa matapos niya ang pag-aaral. Siguro panahon na rin naman na maipadating yung aking taos pusong pasasalamat sa kanilang pagtitiyaga na unawain, sakyan ang aming mga kalukuhan, katigasan ng ulo at katamaran sa pag-aaral. Una sa listahan ko ay ang guro ko sa unang baitang kasi hindi pa uso noong panahon namin ang kinder garten.

Madam Dawis: Unang Baitang
Siya ay asawa ni Mr. Dawis na isa ring guro sa Mababang Paaralang ng Bancuro. Sa unang tingin masasabi mong napaka bagsik ni Madam Dawis sapagkat matipid siyang ngumiti. Silang mag-asawa ay dayo lamang sa Bancuro, ang pagkaka-alam ko sila’y buhat sa Batangas, subalit nanirahan na sa Bancuro at nagka-anak na rin. Naroon din yung kanyang katiyagaan sa pag-tuturo. Sa kanya ko natutunan ang ABAKADA at sa kanya ko rin naranasan ang mapatayo sapagkat hindi ko naisulat sa board ang salitang “TABLE”. Subalit nagtapos din ako sa unang baiting ng may karangalan ika nga.

Madam Bermudez: Ikalawang Baitang
Siya yung tipo ng guro na mamahalin mo sapagkat palangiti siya, masayahin at maganda siya. Siya’y tubong Bancuro, mabait at madaling pakisamahan ika nga pero nangungurot sa singit. Bakit kamo sapagkat lagi ako sa kanila pinag-lilinis ng bahay, kaya yun ang natutuhan ko sa kanya he he he.. Siya rin yung gurong laging bumibili sa amin ng itlog ng manok at kalamansi. Dito ko natutunan yung gumawa ng mga maikling kwento, bumasa ng mga alamat, bugtong, salawikain at iba pa. Natuto rin akong tumula at mag drawing ng mga ibon, kalabaw, ilog at iba pa… Meron din akong karangalan dito at ribon

Madam Delos Reyes: Ikatlong Baitang
Kung aalalahanin ko siya talaga namang mapapanganga ka sapagkat doble ang estrikto at bagsik niya kumpara kay Madam Dawis. Ganon din siya parokyano na ng Inay sa pagbili ng itlog ng manok. Mahilig siyang mag palinis ng silid aralan hindi ko lang batid kong ito ay kanyang ugali o iwas pagtuturo lamang. Subalit naroon din yung katiyagaan niyang matuto kami sapagkat alam namin na nagbunga naman yung mga pangaral at kabagsikan niya sa amin. Hindi rin siya palangiti, galit siya sa madungis na eskwela. Tinuruan na kami ng sulating pansanay at pang wakas, mga kwento sa Bararila.

Mr. Dawis: Ika-Apat na Baitang
Siya ang guro namin sa cab-scout at boys scout. Mahusay siyang kasama sa mga lakaran, mahilig sa mga laro. May alaga siyang kambing sa likod bahay kaya kami ang nag babantay pagkaminsan. Dito ko natutunan ang ibat ibang uri ng buhol na gamit ang tali, sapagkat isa ito sa mga palaro sa boyscout. Dumarayo rin kami noon sa ibang paaralan tulad ng San Agustin School.


Mr. Manumbali: Ika-Limang Baitang
Payat siya na akala mo may sakit pero matalino o magaling siya sa math. Siya ang nagturo sa amin na kabisaduhin ang multiplication at ang paggamit ng kamay sa pag-mumultiply. Mas seryoso siya sa pagtuturo ng mga estudyante niya wala sa kanya yung masasayang na oras. Kaya nga lamang hindi siya nagtagal sa pagtuturo sapagkat nagkasakit nga siya. Marami kaming natutunan sa kanya. Taga poblacion siya kaya laging naka motorsiklo siya kung pumasok sa eskwelahan.

Madam Yaco: Ika-Anim na Baitang
Mabait din naman siya, siguro dahil kilala niya ang nanay ko. Pagluluto ang kanyang linya sapagkat hawak niya yung HE. Siya rin yung nagtuturo ng Pilipino at English sa formal theme at informal theme. Isa rin siyang suki sa pagbili ng itlog. Malakas sa kanya ang lahat ng mga taga Pook. Makikilala mo siya sa boses pa lang sapagkat sa tuwing magsasalita siya naroon yung pag-uutos.

Sila yung mga naging guro ko sa ibat ibang baiting ng pag-aaral sa Bancuro. Sila yung mga gurong may naging ambag kung nasaan ako ngayon. Sila yung nagsimulang maglinang ng aking kaisipan maliban sa nanay ko. Sila ang mga taong ang pinasasalamatan ko, mga taong di ko na makakalimutan pa…

Muli – Maligayang Kaarawan po sa inyo… Saan man kayo naroon ngayon…

Lunes, Oktubre 6, 2008

Ang Barangay Kapitan

Kinagisnan ko na sa Bancuro na walang kapitan del baryo na nagmula sa Pook ang totoong dahilan ay hindi ko alam, subalit may naririnig ako na ayaw lang ng mga tagaroon na humawak ng katungkulan sapagkat ang lahat ay abala sa bukid. Kung titingnan nga naman totoo ito sapagkat lahat halos ng mga matatandang lalake at babae ay abala sa kani-kanilang gawain mula sa bahay hanggang sa bukid. Hindi naman masasabi na walang nakaabot sa kwalipikasyon ng isang kapitan ng baryo sapagkat lahat halos doon ay may kaunting pinag-aralan.

Mula ng ako'y madalang ng umuwi sa Bancuro sapagkat ang pamilya ko ay nasa Bulacan na, tatlo pa lang ang aking nakikilalang naging kapitan ng Barangay Bancuro. Dalawa rito ay galing sa sitio Butas at ang isa ay galing naman sa sitio ibaba. Sa totoo lang kilala ko ang ikatlong kapitan sapagkat kaklase ko siya sa elementariya sa Bancuro. Sa tatlong naging kapitan pinaka matagal ng nanungkulan ay yung matanda na galing sa butas. Kilala ang pamilya niya sa boong Bancuro at kahit sa labas sapagkat napaka laki ng angkan niya.

Una kong kwento sa inyo ay ang sinasabi kong malaking angkan niya at tawagin natin siyang Kapitan MG. Si Kapitan MG ay namahala halos kapanabayan ni Marcos, siya ang may pinaka mahabang panunungkulan sa Bancuro. Masasabi na may kaya ang kanilang angkan ang mga anak niya ay halos nakapag-aral at nakapag-asawa ng may sinasabi sa buhay. Maganda naman siyang mamahala sa barangay, marami rin siyang nagawa, ipinagawa at naanakan. Bakit ko nasabi na marami siyang naaanakan? Sapagkat sa totoo lang medyo magandang lalaki siya, maputi at mabuladas sa pagsasalita. Hindi ko na sasabihin ko sinu-sino ang kanyang mga naanakan baka tayo ay sa kulungan pulutin.

Sa ikalawang kapitan tawagin natin siyang Kapitan Acan. Kung titingnan mo siya sa pangangatawan hindi akalain na magiging kapitan siya. Bakit naman? Sapagkat siya'y pingkaw na kapag nagsasalita ay gumagalaw ang kanyang kamay. Hindi ko rin alam ang dahilan kung bakit siya nagkagayon. Subalit isang bagay ang masasabi kong maganda sa kanya, malakas siya sa tao. Meron din siyang katangian na naiiba sa lahat ng aking nakikilalang kawani ng pamahalaan. Siguro siya pa lamang ang naging kapitan na 4 ang naging asawa. Pero ito ang kakaiba doon ang apat na asawa niya ay sama-sama sa iisang bubong na kasama niya - ibig sabihin hindi ito itinatago tulad ng ginagawa ng iba. Kung paano niya yung nagawa tanging siya lamang ang nakaka-alam at siempre yung mga asawa. Ang pag-kakaalam ko dalawang panunungkulan ang nagawa niya sa Bancuro.

Ang ikatlong kapitan ay tawagin nating Kapitan Entong - tulad ng sabi ko sa inyo siya ay naging kaklase ko sa elementariya, kaya siya siguro ang pinaka bata sa tatlong naging kapitan ng barangay. Sa sinundang butuhan tumakbo na rin siyang kapitan subalit hindi siya nanalo kay Kapitan Acan, siguro hindi pa talaga niya ukol na manukulan. At ng sumunod na halalan doon siya nanalo laban kay Kapitan Acan. Si Kapitan Entong ay kilala sa boong Bancuro sapagkat ang pamilya niya ay isa rin sa pinaka malaking angkan. Sila'y anim na magkakapatid na puro lalaki. Siya'y nakapag-asawa ng tagaroon din sa Bancuro. Sa gitna ng kaniyang panunungkulan may isang sekreto ang sa kanyang nabunyag na meron daw siyang itinatagong babae sa Calapan. Ang eskandalong ito ay parang sumabog na bulkan na malaking epekto sa kanyang mga hangarin para sa Bancuro. Nagkaroon ng pamimili sa kanyang parte hiwalayan ang babae niya o siyang iiwan ng kanyang asawa't mga anak. Pinili niya ang orihinal na pamilya, subalit masasabi na huli na sapagkat nagkaroon na ng lamat sa pagkakilala sa kanya. Ang huling balita ko ay nag-ambisyon siyang tumakbong konsehal ng bayan subalit siya'y nabigo.

Silang tatlo ang mga nakilala kong kapitan sa Bancuro, kung titingnan mo lahat sila ay nagkaroon ng mga usapin sa babae yung una marami ang naanakan, pangalawa marami ang asawa pero hindi itinago at sila'y nagkakasundo at ang ikatlo gumuho ang ambisyon ng dahil sa babae. Ganyan ang buhay hindi pare-pareho........

Lunes, Setyembre 29, 2008

Ang Kalumpit Bow

Hindi ito yung lugar sa Bulacan, ito ay isang punong kahoy na Pook, Bancuro siguro meron din kayong alam na katulad nito. Eh ano naman kung isang puno ito. Hindi ko alam kong bakit tinawag na Kalumpit ang lugar doon sa Bulacan pero itong kwento ko sa inyo ay puno na malaking tulong ang idinulot sa mga taga Bancuro. Anong puno ito? Ang pagkaka-alam ko ito ay kapamilya ng duhat, na parang lipote ang katulad. Hindi ko rin alam kong ganito rin ang tawag ng ibang lugar sa punong ito. Ang alam ko lang sa mga gubat at bundok ito makikita sapagkat ang alam ko dalawang puno ng kalumpit ang alam ko doon nga sa Bancuro at sa may gubat papunta ng Kalinisan.

Ang kalumpit ay lumalaking puno, mataas at madawag. Ang bunga nito ay maliliit na kasing laki ng buto ng kakaw ang pinaka malaki kapag ito ay hinog na. Kulay berde ang bunga nito kapag hilaw pa at kulay pula na medyo maitim kapag ito’y hinog na hinog na. Kusang nalalaglag ito kapag hinog lalo na kapag malakas ang hangin. Mahirap itong akyatin sapagkat marupok ang mga sanga nito, minsan nga sa hangin pa lang nababali na ang mga sanga nito. Masarap ang bunga nito lalo na kapag hinog na at ginawa mong kulunggo. Ano yung kulunggo? Ito ay ang bunga ng kalumpit na hinog, matapos hugasan ilalagay sa isang lalagyang may takip, lalagyan ng asin tapos kakalugin hanggang magsama yung asin at yung kalupit – tsanayyyyyy meron ka ng kinulunggong kalumpit.

Natatandaan ko ang puno ng kalumpit doon sa Bancuro ay nakatayo malapit sa pritil malapit sa tuklong. Kung hindi ako nagkakamali nasisimulang mamunga ang kalumpit sa buwan ng Pebrero, sapagkat alala ko pa na tuwing may pista ng bulaklak sa buwan ng Mayo marami at ito ang pinagkakaabalahan naming puntahan habang ang mga matatanda naman ay nagdarasal pa. Sa umaga naman paagahan naman ng punta doon sapagkat sabi ko nga kusang nalalaglag ito at tuwing umaga asahan mo maraming laglag na hinog na kalumpit. Sa hapon naman minsan doon na mismo sa may puno nagkakakuwentuhan habang nag-aabang ng laglag na bunga. Pero ako noon lagi akong merong tirador sa leeg na ginagamit sa ibon at sa kalumpit. Minsan naman binabalibang namin ang bunga ng kalumpit, kaya lang dahil sa mataas ito minsan hindi abutin ng balibang.

Tulad ng nasabi ko ang puno ng kalumpit ay puntahan ng mga bata, kanya kayang balibang sa bunga. Minsan isa naming pinsan ang naroon nakikibalibang ng bunga, hindi ko masabi kong kamalasan niya o talagang tatamain siya. Pagbalibang ng isang pinsan namin sa kalumpit ang pamalibang ay bumagsak sa isa sa mga naroon na siyang sanhi ng pagkasugat nito, hindi lang sugat pagkat malaking sugat – iyak ang kasunod na narinig tatakbo pa-uwi upang magsumbong. Ano ang iisipin mong isusumbong niya, diba sasabihin na siya ay binalibang o binato nito. Kaya nagalit ang ama at sugod sa puno ng kalumpit hinanap kung sino ang bumalibang sa anak niya, pero wala siyang nakitang umamin na siya ang bumato – ang ginawa na lang ng tatay pinagalitan lahat kaming naroon at binantaan na ang sinumang gagamit ng pamalibang upang makakuha ng bunga ay siya kong sisingilin sa nangyari sa anak nya. Kaya mula noon wala ng namalibang sa kalumpit – sabi nga hintayin na lang bumagsak.

Pero may bagong edeya kaming ginagawa ang lahat ay sumisipol, bakit? Upang anyayahan ang malakas na hangin para malaglaga ang bunga ng kalumpit. Siguro may tao na likas na yung paggawa ng di maganda sa kapwa, sapagkat minsan sa kawalanghiyaan nilalagyan ng kung anu-ano ang bunga ng kalumpit – minsan nilalagyan ng sili, makabuhay at ang pinaka masakit eh kong dumi ng tao ang ipinahid doon. Kasi kapag nasa puno ka na minsan pagkapulot ng hinog na kalumpit deretso na sa bibig sabay kain. Kaya tabi tabi po sa lahat ng pinupulot natin lalo na sa pagkain kailangan hugasan muna – kasi baka ebak ng iba ang sahog ng kinakain ninyo – he he he. Ang kalumpit bow…
Sa ngayon wala na ang puno ng kalumpit doon pinutol na siya, kaya wala ng kalumpit na makukuha sa ngayon doon. Minsan dumarayo pa kami sa may Kalinisan upang manguha ng kalumpit. Yung puno ng kalumpit ay kasing laki ng 3 tao kabag sila ay dumipa - ganon kalaki ang puno ng kalumpit sa Bancuro noon.

Lunes, Setyembre 22, 2008

Pisikan

Ito’y tinatawag din na “taguan” sa ibang lugar. Sinasabing ito’y larong pambata. Walang bilang ng manlalaro ang kailangan, sabi nga kung gusto, sinuman ay maaaring sumali sa laro – subalit mahigpit na sinasabihan na walang pikon sapagkat ang larong pisikan ay isa laban sa lahat. Ibig kong sabihin kung ikaw ang nataya kalaban mo lahat, sapagkat kailangang mataya mo ang kahit isa sa kanila, o depende sa pinag-usapan ng lahat ng kasali. Karamihan alam ng bawat manlalaro ang mga alituntunin o kung paano ito laruin.

Subalit sa Bancuro naaalala ko pa na ang larong pisikan ay kakaiba sa lahat ng laro na pambata sapagkat hindi mga bata ang naglalaro kundi mga binata at minsan may asawa na yung iba at kakaiba ang kanilang mga alituntunin sa laro. Masasabing ito ay binigyan ng mahirap alituntunin. Ano ang mga alitutuntunin nito:

1. Ito’y ginaganap sa bandang hapon pasimula ng alas singko hanggang alas nuebe ng gabi. Kapag natapos na ang oras na alas nuebe ng wala pang natataya, itutuloy ito sa kinabukasan sa ganong oras.
2. Ang taya ay hindi maaaring magbantay lang sa pinaka baraks kailangang maghanap siya at kapag nakakita siya kailangang unahan niyang makarating sa baraks ito.
3. Ipinagbabawal sa mga manonood ang magturo o mag-ingay na kaugnay sa laro
4. Walang itinatakdang araw kung kalian ito matatapos ang isang laro, ito’y batay sa kanilang pasya kung itutuloy o hindi na.

Iyan lang ang ilan sa mga alituntunin ng mga naglalaro ng pisikan sa Bancuro. Noon nga natatandaan ko pa naglaro sila walo silang kasali sa larong pisikan nagsimula sila ng alas singko ng hapon at ito’y natapos ng ikatlong araw na. Natapos lang ang laro ng ang lahat ng kasali ay nakaranas na mataya o siyang maghanap ng mga kalaban. Pero talaga namang nahihirapan ang mga nagiging taya kasi mahigpit ang pagtatago ng bawat isa, meron nga na pag nagtago deretso na ang tulog sa kanilang bahay.

Sa panahong yaon medyo nagbibinata na rin ako at ng mga pinsan ko kaya sumubok din kaming maglaro ng ganon. Bale lahat kami ay sampung kasali, ganon din ang alituntuning aming sinunod, sa unang araw hindi natapos kaya ipinapatuloy namin sa sunod na araw. Noong ikalawang araw na ang lahat ng kasali ay nagsipaghanda upang tumago ng mahigpit habang ang taya ay nagbibilang tanda na binibigyan ng pagkakataong tumago ang mga kalaban.

Subalit makalipas ang dalawang oras may sumisigaw papalapit nanginginig ang boses habang hawak ng isang kamay ang kaliwang banda ng leeg. Malayo layo pa ay kita ang sumisigaw may bahid kulay pula ang kanyang damit at ang kamay niya ay ganon din. Nagkagulo ang lahat sapagkat sugatan ang isang kasali at ito’y sa may leeg. Tinanong kung anong nangyari – sinabi na sa pagtakbo upang magtago nasabit ang leeg sa alambre, hindi maliit na sugat sapagkat butas ang may leeg kaya bumubula ang dugo palabas. Isinigud agad sa pinakamalapit na klinika ng nurse sa San Agustin upang tahiin ang sugat.

Kami namang nagsipagtago pa ay walang kaalam-alam sa mga nangyayari at nangyari. Ito’y nalaman lang namin ng isa isang putahan ang bawat bahay namin at tanungin kaming mga kasali sa laro, at doon nga namin nalaman ang lahat. Naroon na sinisi kami sa dahilang gabi na ay naglalaro pa ng ganoong dilikadong laro. Wala kaming maisagot sapagkat totoo naman na dilikado kasi nga gabi na. Marami sa mga matatanda doon sa amin ang nagalit sa amin at nagsabi na huli na ang paglalaro ng ganong laro lalo na kung gabi. Kaya mula sa pangyayaring yaon natigil ang larong pisikan – ah hindi pala naman nawala hindi lang pinapayagang maglaro ng ganon kapag gabi na.

Naging aral sa amin ang ganong pangyayari. Sa awa naman ang Diyos tinahi lang yung leeg ng pinsan ko at kung hindi ako nagkakamali pito o hanggang siyam na tahi ang ginawa sa leeg niya.

Lunes, Setyembre 15, 2008

Takaw Gulo

Kayo matanong ko nga – sa lugar ninyo ano ang karaniwang pinagmumulan ng gulo o away ng mga tao? Siguro sasabihin ninyo marami meron diyan babae, lalaki, bakla, tomboy, utang, alagang hayop na pumasok sa bakuran ng may bakuran, maingay, laging lasing o kaya’y laro ng mga kabataan. Oo laro ng mga kabataan ay nagiging sanhi rin ng away away ng mga kabarangay – bakit, paano at anong laro?

Dati sa mga panahon ng dekada 80 ang usong laro sa Bancuro na talaga namang kilalang kilala sila ay ang sopbol (softball). Kapag larong ito ang pinag-uusapan talagang makikita mo yung tuwa sa mga matatanda sapagkat laro nila yun. Kahit saang lugar sa kalapit na barangay ng Pook, Bancuro ay kilala at malakas maglaro ng sopbol. Ito’y karaniwang ginaganap kung tag-araw, ika nga kapag tigang ang mga palikdang na laruan ng sopbol. Siempre minsan dumarayo pa sila sa ibang barangay lalo na kapag pistahan na noong mga panahong ganon sopbol ang nangungunang palaro. Sabi nga, ang mga taga Bancuro ay makikipag-away sa kantiyawan, sa laro maipaglaban lamang ang baryo.

Subalit lumipas ang mga panahon unti unting nawawala ang larong sopbol sa Bancuro, ewan ko siguro sa dahilang wala ng palikdang o lugar na mapaglalaruan ng sopbol o matatanda na talaga yung mga may hilig sa sopbol. Hanggang ito ay napalitan ng bagong kinagigiliwan ng lahat ang basketbol. Natatandaan ko pa nga yung narinig ko na nagsabi na "hindi raw bagay sa mga Pilipino ang larong basketbol sapagkat ito raw ay laro ng mga matatangkad". Oo nga naman mas bagay sa mga Pilipino ang sopbol at ang pambansang laro noon na siba. Subalit nanatiling malakas ang dating ng larong basketbol sa mga kabataang lalake, kasama na ako doon. Hindi alintana yung maghapon kang pagod sa bukid o galing sa eskol basta makapaglaro lang nito. Hindi rin alitanan minsan na nagagalit na ang nanay sa pagtawag upang mag-ipon ng tubig.

Sa bawat barangay sigurado ko na meron kahit isang basketbol kurt na mapaglalaruan, tulad ng Bancuro, ito ay nakalagay sa Pook, Bancuro na pinaka sentro ng barangay. Dito nagsisimulang mag-ipon ipon ang mga kabataang lalake sa bandang hapon upang maglaro ng basketbol, minsan pag kulang pa ang manlalaro isang gol lang ang ginagamit nila. Minsan pustahan minsan naman malamig na tubig lang katalo na. Sa Pook walang pinipiling taas ng kabataan basta marunong mag-itsa ika nga ng bola na aabot sa gol. Sa panahon namin masasabi kong medyo malakas na rin naman kami sapagkat nakakapaglaro din naman kahit papaano at nanalo.

Natatandaan ko pa bago pa lang akong nahihilig sa basketbol, pero lagi mo akong makikita na nanonood ng laro sa basketbolan kasi malapit lang sa bahay namin. Minsan ang magkalaban sa laro ay ang Butas at ang Pook – masasabing itong dalawang sityong ito ang talagang magka-laban sa laro sapagkat maraming magagaling na manlalaro. Nagsimula ang laro pero mapapansin mo na mainitan ang laro tumitilamsik ang mga siko at tuhod, pero patuloy ang laro nila hanggang isa sa kanila ay hindi na napigilan ang kanyang galit sinahod ng tumalon ang kalaban baliktad ng bumagsak. Agad namang tumayo at akmang susuntukin ang gumawa subalit naglapitan ang mga kakampi, doon ang simula ang awayan at labo labo kasama na ang mga nanonood.

Nang mula sa labas ng kurt lumapit ang isang lalake na taga Pook hawak ang mahabang sanga ng kakawati at pinagpapalo ang sinumang lumapit na kalaban ng mga taga-Pook. Bawat tamain ng palo ay talaga namang napapasigaw sa sakit sapagkat ito’y lumalatay sa binti at braso. Walang maglakas loob na lumapit ang ginawa na lang ay pumulot ng bato upang makaganti, doon nagsimulang mag takbuhan, naiwang malinis ang kurt. Sa pagtakbo ng mga taga Butas nag-iwan ng banta na huwag daw daraan ang sinuman sa kanilang lugar. Paano yun eh yung Butas ang lugar na laging daraanan palabas ng Bancuro. Meron man pero sa palikdang ang daan.

Yan yung sinasabi ko na minsan ang laro ay nagiging takaw gulo sa mga tao, lalo na sa mga taong maiinitin ang ulo. Natigil lang ang awayan nayun ng dumating ang kapitan ng barangay. Subalit matagal bago naghilom yung mga galit sa kanilang puso, taon ang mga binilang, upang maka-iwas na lang hindi na sila pinaglaro pa doon. Hanggang ngayon maraming mga kabataan sa Pook, Bancuro ang mahilig sa basketbol, at makikita mo rin naman na mahuhusay sila sa laro.

Miyerkules, Setyembre 10, 2008

Pasaknong

Sa mga kaugaliang Pilipino ang bayanihan ay nakikita pa rin natin sa mga probinsya, baryo at nayon. Ito yung pagtutulong tulong sa isang gawain upang mapadali, upang mabilis at hindi gaanong malaki ang gagastusin ng taong kailangan ang bayanihan ng mga tao. Sa Bancuro ang tawag dito ay “pasaknong” katulad din ng bayanihan ang tema nito yung tulong tulong. Karaniwang ginagawang pasaknong ay ang pag-aani ng palay, paglilipat bahay, pagpapatalok, paghahasik ng pananim at iba pang gawain na gustong matapos ng madalian.

Sa mga taong otsenta talaga namang palasak ang ganitong samahan ng mga taga nayon, baryo at sityo anumang malakihang gawain at isa na rito ay sa Bancuro. Doon kapag ang aanihin ay malapad tiyak na pasaknong ang pinaka madaling sulusyon. Naranasan kong maging kasaknong sa pag-aani ng palay. Ang “kasaknong” ay ang taong tumutulong o sinabihan ng nagpapasaknong. Masaya ang pasaknong sapagkat marami kayong gumagawa ng tulong tulong, sabay sabay at katuwaan kaya hindi mo mararamdaman ang pagod at hirap ng ginagawa. Sa saknungan obligado ang nagpapasaknong ng ibat ibang pagkain – ito’y ginagawa tuwing oras ng meryenda sa alas 9:00 ng umaga. Ito’y karaniwang tinapay, lugaw, suman, bilo-bilo, kakanin at iba pa ayon sa inihanda ng nagpasaknong. Kasama riyan ang panulak ika nga, tubig, limunada, coke at iba pa.

Ang sunod niyan ay ang tanghalian mga alas 12:00, tiyak na nakahanda na yung masarap na tanghalian. Karaniwang niluluto ay tinulang manok, sinigang na ulo ng isda, sinigang na baboy kaya. Talaga namang pagpapawisan ka sa pag-kain sapagkat naroon yung mainit na sabaw na may sili, mainit at umu-usok pa na kanin at yung sama-samang bilisan ang pag-subo na tiyak na tatagaktak ang pawis mo. Meron pagkakain ay lalantakan agad ng tulog, yung iba naman kuwentuhan pa. Makikita mo sa bawat mukha ang saya ng tulong tulong. Babalik sila sa pag-aani ng banding 1:00 ng hapon. Sa bandang ika-3 ng hapon meryenda ulit ang aasahan mo. Tapos meron pa na kapag maganda ang aanihin pati hapunan ay kasama tapos meron pang inuman. Ganyan ang maganda sa pasaknong, naroon yung saya busog ka pa.

Noong araw yun ewan ko lang sa kasalukuyan sapagkat medyo mahirap ang buhay, pera na lahat ang nagpapagalaw sa tao pag walang pera mahirap ng magkaroon ng pasaknong. Gusto ng tao ngayon na lahat ng pagkilos nila ay binabayaran, kumita ng pera, kaya masasabi ko nawawala na ang pasaknong sa ngayon. Meron siguro sa ilang probinsya, pero sa Bancuro medyo nawawala na yun. Minsan meron din naman kaya lang kung magpapasaknong ka, kailangan sumaknong ka rin sa kanya – yun ang tinatawag na bayad utang. Noon hindi lang pagpapa-ani ang ginagawang pasaknong naroon din yung paglipat ng bahay – pero ngayon nawawala na rin yun sapagkat karaniwan bato at samento ang bahay kaya hindi na maaaring buhatin.

Pero kung aalalahanin ang diwa at kaganapan ng bayanihan o pasaknong talaga namang makikita yung diwa ng pagiging Pilipino na nagkaka-isa. Subalit sabi nga sa paglipas ng panahon nag-iiba ang kalalagayan, kaugalian at ang uri ng mga tao. Sa ngayon tanging ala-ala nalang siguro ang ating magagawa, subalit napaka sarap na kung ito’y maibabalik sapagkat ang lahat ay magiging makabuluhan…

Huwebes, Setyembre 4, 2008

Pista ng Patay

Napakaraming kaugalian ang natutunan at nasalin sa mga Pilipino ng mga Kastila, lalo na sa kalakaran ng buhay, nariyan yung sa pag-aasawa, pagsamba sa mga santo, araw ng pangingilin, mga pistahan ng lugar kasama rito ang pista ng mga patay. Halos buong Pilipinas, hindi buong mundo ata ipinagdiriwang ang pista ng mga patay. Tama bang ipagdiwang ang araw na yaon… o ito ay isa ng kaugaliang mahirap alisin sa atin. O mas tamang palitan ng tawag at gawing pag-aala-ala sa mga patay, pero pwede naman alalahanin ang mga yaon kahit anong araw, linggo, buwan diba.

Mas tama bang ipagdiriwang ito? Dahil sa Bancuro tiyak ako na ang lahat ay nagiging abala upang puntahan ang puntod ng kani-kanilang mga namatay. Meron nga isang linggo pa bago ang araw na yaon nakahanda na ang puntod. Kailan ba ito ginaganap? Sa buwan ng Nobyembre ang 1 at ang 2 ay nakalaan para doon. Sa Bancuro nga kung tawagin ito’y araw ng mga kaluluwa yung Nobyembre 1 at araw ng mga santo naman yun Nobyembre 2. Noong ako’y bata pa kasama ako sa ibang mga pinsan ko na nakikinabang sa pista ng mga patay, sapagkat uso sa Bancuro yung karoling sa bahay bahay..

Natutulog kamang ina
Sa katre mo’t iyong kama
Sumandaling magbangon ka
Limusan ang kaluluwa

Kaluluwa’y dumaratal
Sa tapat ng durungawan
Kampanilya’y tinatangtang
Ginising ang maybahay

May bahay po’y gising kayo
Kaluluwa’y nandirito
Humihingi ng diskanso
Sa paghango sa purgatoryo

Sa purgatoryo’y nagmula
Nanaog dito sa lupa
Ang maglimos at maawa
Makikinabang ang madla

Palimos poooo!!!!

Yamang kami’y nalimusan
Sa inyo po ay paalam
Kung sakali at may buhay
Sa isang taon dadalaw


Iyan ang isa sa mga awitin namin sa karoling sa gabi ng pista ng patay, bawat bahay ay tinatapatan upang humingi ng limos. Hanggang doon lang kami sa Pook, Bancuro kasi kapag lumabas medyo nakakatakot na, kasi nga pista ng patay ang mga kaluluwa daw ay lumilibot. Meron naman talagang mabait kasi malaki ang ibinibigay, minsan bigas at minsan naman ay pera. Meron din na kuripot, naroon na nagtutulog tulugan na. Sa kinabukasan ang lahat ng napagpalimusan ay aming paghahati-hatiang magkakasama, yung bigas ipagbibili muna yun, para pera na lang ang paghatian.

Iwan ko lang sa panahong ito kung sa Bancuro ay patuloy pa rin itong isinasagawa ng mga kabataan doon, pero sa panahon namin masigasig kaming lahat kasi kumikita naman kahit papaano. Meron pa nga noon na hindi lang mga bata kundi pati mga matatanda na nangangaluluwa rin. Siguro sa hirap ng buhay maaaring merong ilan na lang ang gumagawa ng ganitong tradisyon. Ang iba nagkakasya na lang sa pagtitirik ng kandila sa may pintuan ng bahay, o sa may hagdanan tandan ng pag-aalala sa mga namatay na kamag-anak.

Sabado, Agosto 30, 2008

Binata Tuli Ka na ba?

Ano bang magandang kahihinatnan kapag ang isang lalake ay tinulian? Kung pagbabasihan natin ang matandang kasabihan at ayon sa bibliya ang “pagtutuli” sa isang lalake ay mahalaga sapagkat ito ay isang palatandaan sa iyong katawan ng Diyos na nagpapakita na ikaw ay sa Kanya. Subalit ayon naman sa mga sayantipikong pag-aaral ito raw ang may magandang epekto sa katawan ng lalake. Sabi nga ng mga matatanda kailangan daw patuli ang isang lalaki para lalong tumangkad, lumaki ang katawan. Ang tanong kalian ba dapat patuli ang isang lalaki? Kasi kung ayon sa kasulatan dapat tulian kapag siya’y bata pa walong araw matapos ipanganak ang bata.

Sa bagong nating kwento sa Bancuro marami ang pangyayari patungkol sa pagtutuli, bakit naman nasabi yun, sapagkat doon ang mga bata ay takot magpatuli, masakit daw kasi naman hindi doktor ang gagawa kundi isang mangangarit o isang pininsan lang. Sa mga pinsan kong binata, siguro mga ikatlong henerasyon bago kami may mga pinsan ako na talaga namang takot magpapungos o pangpa-tuli kasi takot. Ibig sabihin hanggang ngayon sila’y hindi pa mga pungus, napungusan din naman pero – ang nakadala lang sa kanila upang magpa-tuli ay ang kanila hiya sa mga sinasabi ng mga dalaga na kakilala at alam na sila ay hindi pa tuli.

Ayon sa pagkaka-alam ko sila’y mga apat o limang pinsan ko na makunat na bago nagpa-tuli. Sa Bancuro ang usong pagtutuli ay yaong tinatawag na karaniwang hiwa lang na lalagyan ng baro-baruan tapos tatalian ng tela. Maraming uri ng tuli meron tinatawag na German cut – ito yung pungos lahat mula ilalim hanggang itaas, scissor cut, crewcut at iba pa. Napilitan nga silang magpa-tuli dahil sa hiya kahit silay mga mag edad na – siguro ang edad nila ay nasa pagitan ng 25-30 taong gulang. Inihanda ang “lukaw” – ito yung kahoy na may kurting parang bilang pito – ibabaon sa lupa ang kabilang dulo tapos luluhod ang binata upang ipasok yung dulo ng ari niya sa dulo ng lukaw. Bago yaon sinasabihan ang magpapatuli na maligo ng medyo babad sa tubig o matagal upang maging malambot ang balat kapag pinukpok. Tapos kukuha ng talbos ng bayabas ang magpapatuli at ngunguyain para ilagay sa sugat pagkatapos, dapat meron na ring nakahandang baro-baruan at tela na pantali. Ang lugar ay karaniwang sa magubat upang walang makakitang babae, kasi sabi bawal makita ng babae kasi mangangamatis ang sugat.

Ang lahat ay naihanda na, ang apat ay namumutla na sa takot pero wala silang magagawa kasi napasubo na sila. Sinimulan ang pagtutuli – “array ang sakit, tapos nab a, arayyyy” ayuko na - pak, tsak, tag. Ganyan ang maririnig mo sa kanila. At heto ang sesti nangnapukpok na at tapos na, dapat ilalagay yung nginuyang bayabas wala na kasi nalulun, kaya nguya na ulit ng panibago. Natapos ang seremonya, sinabihan kung paano langgasin, ano ang mga bawal kainin at ang bawal gawin. Ang pinaka bawal daw sa lahat yung kumain ng malansa at malakdawan o madaan ng babae kaya bawal ang maupo sa may pintuan. Subalit ilan sa kanila ang lumabag sa mga sinabing bawal kaya naman nangamatis ang sugat, lumubo at matagal gumaling, lalo silang natakot, meron sa kanila ang nagpagamot nalang sa doktor. Pero nakaraos din naman sila…. Pero hindi na mawawala sa kanila ang karanasang iyon.

Sa akin naganap din ang ganon ng nagpa-tuli ako ang pagkaka-iba lang hindi naman ako takot ng magpatuli. Wala pa talaga akong balak magpatuli noon. Karaniwan kasi sa amin sa Bancuro yung maligo sa ilog na patay, sumama ako kay Kuya Tony paliligo, nagbabad kami doon pero wala akong kaalam-alam na siya pala ay planong magpatuli ng araw na yaon, kami noon ay katatapos lang ng unang taon sa AGMA ibig sabihin bakasyon. Natapos ang paliligo dumating at tinawag kami para simulan ang pagtutuli sa tabing ilog. Wala akong dalang anumang gamit para sa pagtutuli, pero sumama na rin ako at nagpatuli. Tig-isa kami ng besekleta ng pumunta doon, yun pala wala ring dala si Kuya Tony na kahit ano, kaya noong matapos kaming pukpukin – pinatalon ulit kami sa tubig para daw hindi magdugo at doon na lang lagyang ng bayabas at baro-baruan sa bahay namin, ganon nga ang ginawa namin.

Pagdating sa bahay nguya at nguya ng bayabas, hanap kami ng mga gagamitin. Napansin ako ng Inay, ano daw ang nangyari sa akin bakit iika-ika ako, nahihiya akong sinabi na nagpatuli ako. Natawa pa ang inay bakit daw ako mahihiya eh talagang ganon naman ang dapat at tinuruan pa akong kung paanong gumupit ng gagamitin. Heto ang masama nito, may nagsabi na sa madaling araw daw sumasakit ang sugat kasi nabubuhay si manoy, kaya dapat daw may katabi kaming plansta o kutsara (bakit yaon kasi malabig yun pampakalma, ika nga) para pag nagising lapatan ito para lumambot agad. Ganon nga ang aming ginagawa, epektibo naman – he he he he he…

Sa paglalanggas magkasama kami ni Kuya Tony ang Inay ang naglalaga ng bayabas na panglanggas at sa banyo kami gumagawa noon. Minsan matapos langgasin dapat lagyan ng gamot na pinisilin na dinurog para madaling gumaling. Kapag ito ay inilalagay sa sugat medyo masakit at mahapdi kaya noong lagyan ko yung sugat dapat may hawak akong pamaypay para paypayan pero wala akong makita kaya ang ginamit ko yung pinggan na plastic naman. Sa pag paypay ko tinamaan ang sugat, sigaw ako – arayyyyyyyyyyyyyyyyy ko. Dating ang inay anong nangyari. Natawa si Kuya Tony at sinabi ang nangyari, natawa rin ang Inay.

Noon ay ilang araw na lang at pasukan na, pero hindi pa gumagaling ang sugat ko, kaya noong pasukan may tali at benda pa si manoy ko kasi nga di pa magaling. May nakapagsabi na yun daw bao ng niyog kudkurin yung bao tapos painitin at yun ang ibudbod sa sugat. Isang linggo pa ang lumipas, gumaling na rin ang tuli ko – salamat sa bao – he he he he..

Martes, Agosto 26, 2008

Tayo Na Sa Tupada….

La diyes, sa puti, sa pula…. Magkano sa iyo, lugro, hindi dehado ang kalaban. Tatloy apat nalang… Ito yung karaniwang maririnig mo sa isang tupada ng manok..

Isa sa napakaraming namanang kaugalian ng mga taga Bancuro ang sabong ng manok, siguro nangunguna sa pinaka-maraming naglalaro nito ay mga taga Pook, Bancuro. Suguro sa dahilang medyo nakaka-taas ang kanilang buhay o talagang talamak na sa ganitong laro tuwing sasapit ang araw ng Linggo. Talaga namang dumarayo pa sa mga karatig bayan tulad ng Naujan, Victoria at minsan sa Calapan lalo na kapag may derbe ika nga. Ayon sa pagkaka-alam ko ang larong sabong ay pamana pa ng mga Kastila sa ating kultura. Ito’y ang pagtatagisan ng dalawang manok sa loob ng arena, na parehas na may naka-kabit na tare sa kaliwang paa ng manok.

Tulad ng sabi ko pinaka-maraming naglalaro ng sabong ang mga taga Pook, pero karamihan sa kanila ay mga nasa kalagitnaan na ng edad, ika nga. Sila yung mga ikatlong henerasyon na ng mga magsasabong. Bawat isa sa mga magsasabong ay nag-aalaga ng manok na panabong. Minsan nga nag-rereklamo na ang kani-kanilang asawa sapagkat mas mahal daw ng mga asawa nila ang manok na panabong kaysa sa kanila, sapagkat umaga palang hinihimas na ang manok, sinusuklay suklay, samantalang hindi man lang sa kanila magawa. Tama nga naman malaking oras ang ginugugol ng mga magsasabong sa kanilang manok kaysa sa kanilang asawa, at kung talo sa sabong mainit pa ang ulo pagdating nila. Oo nga naman..

Naaalala ko pa noong buhay at malakas pa ang lolo ko, isa sa mga talamak sa sabong, walang pinalalampas na Linggo na hindi nag-sasabong. Mahilig ding mag-alaga ng manok na panabong. Lalo na noong naroon pa ang bahay nila sa gitna ng bukid o tinatawag na “laot”. Doon ang pinaka-mababang alagang manok niya ay 4 na manok. Umaga palang naka-upo na yun para himasin ang kaniyang mga manok. Minsan tinatawag kami upang makatulong sa pagkakahig o pagbutaw ng manok, pagpapatuka at paglilinis ng mga dumi ng manok. Sabi ko nga sa itaas, kapag talo sa sabong asahan mo na tahimik sa bahay ng lola ko walang imikan, pero kapag panalo panay ang kuwento niya at merong pang pasalubong sa amin. Kaya nasisiyahan na rin akong mamalagi doon dahil may pasalubong. Subalit kahit marunong akong magsabong hinding hindi ko sinubukan ito kahit itong sinasabing “tupada”.

Ano ba itong tinatawag na “tupada”? Ang tupada ay sabong din kaya lang ito’y labag sa batas at patago itong ginagawa sa mga baryo o gitna ng bukid. Meron din minsan na pahintulot sa munisipyo kung malakas ika nga ang maghawak ng patupada. Subalit ganon din ang kalakaran, dangan nga lang na maliliit ang pustahan dito sa tupada. At karaniwang pumupunta rito ay yung mga binata, may asawa at matanda na walang kakayahang makapunta sa mga malalaking pasabong. Sa mga talamak sa sabong ang tupada ang sagot sa kanilang hanap. Pero kung tatanungin mo sila – sugal ba ang sabong o tupada? Sa ganang akin lahat ng laro na may nakatayang pera, ito’y masasabing sugal. Pero para sa kanila ito’y raw ay isang laro o debersyon lang o pampalipas ng oras.

Sa kasalukuyan ang Bancuro ay kakikitaan mo ng maliit na bilang na lang ng mga magsasabong o wala ng nagpapatupada kasi mahigpit ng ipinagbabawal ito. Siguro sa dahilang mahirap ang buhay at sa bagong mga henerasyon iilan na lang yung sumunod sa tapak ng kanilang mga magulang – na pagsasabong. Meron man nag-aalaga na lang ng manok pero pang butaw na lang.

Sabado, Agosto 23, 2008

Adik sa Sayawan Noon….

Doon sa nakaraan kong entri medyo nabitin kayo sapagkat hindi ko naibigay ang buong kwento tungkol sa mga sayawang nagaganap sa Bancuro at mga karatig baryo na sinabi kong napupuntahan namin. Kaya ngayon dito sa kwento ko yung mga lakaran namin kapag buwan ng Mayo kung tawagin nga ay “flores de Mayo”. Ang mga karatig baryo, sityo na malapit sa Bancuro ay ang mga Antipolo, San Agustin, Ladron, tapos sa Bahay, Ibaba, Butas, Kalamyasan, Kabilang Ilog.

Masasabing buwan ng Mayo ang karaniwang hinihintay ng mga tulad kong binatilyo sa dahilang maraming sayawan ang tiyak mapupuntahan. Nagagalit nga ang Inay sapagkat lagi na lang daw akong puyat at hindi makatulong sa bukid. Wala namang reklamo ang tatay siguro nauunawan niya yung tulad kong binata. Pero hindi naman ako yung tipo ng binata na talagang hindi tumutulong sa bukid, sumasama lagi ako sa tatay.

Nabanggit ko rin ang mga kasama ko, sina Ampong, Mar, Vina at Pando, kami yung talagang masasabing mga adik sa sayawan, lahat halos ng sayawan doon napupuntahan namin. Dagdag pa rito na si Vina at Pando ay may dalagang nililigawan – na lagi namang naiimbita ang mga dalagang ito, sapagkat magaganda naman, ika nga mabenta sa mga sayawan. Mas madalas kaming dumalo ng sayawan sa Antipolo, sapagkat ang dalawang dalagang sinasabi ko ay taga-roon. At doon ko rin nakikilala yung isang babae na medyo natipuhan ko ang pangalan ay Cristy Dela Torre. Siempre di pa ako gaanong bihasa sa pakikipag-usap sa babae ang alam ko lang ay sumayaw ng “sweet”. Kapag cha cha at boggie or hot music hindi mo ako makikita sa loob ng sayawan.

Ilang beses ko lang naman naisayaw si Cristy, kaya hindi masyadong nagkakilala pangalan lang at kung saan nakatira. Napansin pala yun ng mga kasama ko, kaya panay ang gatong sa akin na ligawan ko na raw. Siya’y imbita roon, siya’y taga Melgar, kaya hanggang doon lang ang pagkakilala namin. Subalit dumating ang isang pagkakataon na siya pala ay na-imbitahan sa may Ibaba, Bancuro para sa isang tapusang sayawan. Lingid sa aking kaalaman talaga palang inimbitahan siya para daw magkita uli kami yun naman ay ginawa nina Vina at Pando. Siempre hindi ko alam yung mga imbitadong mga dalaga ang alam lang ay merong sayawan doon.

Dumating ang araw nayon, dumating kami doon ng mga kasama ng medyo maaga pa. Lumapit sa akin sina Vina at Pando sinasabi na may surpresa daw sila sa akin. Natawa lang ako, at binaliwala ang kanilang mga sinabi, pinalagay na biro lang. Nagsimula ang sayawan ng mga masisiglang tugtugan, siempre hindi ako pwede riyan. Datingan ang mga imbitadong mga dalaga mula sa mga karatig na lugar. Merong pinabili lang ng suka sumama ng magsayaw, meron namang lahat na ata ng pangkulerete sa mukha inilagay na, meron din simple lang, merong parang kambing na nguya ng nguya.

Sa mga ganoong sayawan hindi nawawala yung tinatawag na rekwest ng isang lugar upang sila ang manguna sa pagsayaw pagka ganon merong bayad yun kasi espisyal. Lingid sa akin isinubo pala ako ng mga kasama ko na siyang mangunguna sa sunod na tugtog tapos susundan nila. Sa ganong lagay ang tagatawag ay babanggitin ang pangalan na siyang mangunguna. Nakakahiya namang hindi sumunod kaya ng tawagin ang pangalan ko, nagulat ako, pero sabi ko nga wala akong lusot nakakahiya. Tumayo ako ng hindi ko alam kong sino ang aking isasayaw ewan ko kung bakit sa banding kanan ako napunta sa mga helera ng mga dalaga at kinuha ko yung natapatan ko.

Noong sumasayaw na ako, nangiti ako sa kanya at bigla siyang nagsalita ng “ikaw ha, esnabero ka na”. Nagulat ako kasi hindi ko matandaan kung saan kami nagkita, siya pa ang nagpa-alala sa akin kung saan kami nagkakilala. Bumalik sa aking alaala yun at nahiya tuloy ako sa kanya, kaya pala yung mga kasama ko panay ang tingin sa akin na may ngiti. Kaunting kuwentuhan, maya-maya pa natapos ang tugtog siempre bigay kami ng bayad (dameds ang tawag sa Bancuro). Bago kami naghiwalay sa tugtog nayon sabi ko isayaw ko ulit siya, sabi niya oo ako pa.

Kaya mula noon wala na akong ibang isinayaw kundi siya lang. Hanggang sa madaling araw niligawan ko na siya, nakilala ko na siya. At bago natapos ang sayawan naging syota ko siya, pero ubos naman ang pera ko may utang pa sa mga kasama ko. Kasi naman ginawang highest bidder si Cristy siempre paurihas din ako para maisayaw siya ng matagal. Heto ang siste ng umagang iyon naging usapan ang gabing yaon, at nalaman din ng Inay ang nangyari, kasi may nakapag-sabi sa kanya. Sabi ng Inay sa akin kilala daw niya yung babae at yung mga magulang, medyo napahiya pa ako. Pero wala yun sa akin, mula noong gabing yun hindi na ulit kami nagkita. Sabi nina Vina na puntahan daw namin sa Melgar sabi ko malayo wag na lang… doon natapos ang tinatawag na one night love affair….. he he he.

Minsan sabi ng Inay nakita daw niya si Cristy, kinukumusta ako, yun pala nag-asawa na siya ng tagaroon sa kanilang lugar…

Martes, Agosto 19, 2008

Ganon Pa Rin Kaya?

Magandang araw po sa lahat ng aking masugid na mambabasa sa buong kapuluan. Meron ba? Sa tingin ko naman ay mayroon kasi doon sa aking palatandaan meron namang dumaraan hindi ko lang alam kong nagbabasa, kahit naligaw siya o talagang pinuntahan bumabati ako sa iyo. Ika nga nila – tumapak kana rin lang, magbasa kana, malay mo makapulot ka kahit katiting nakaalaman tungkol sa Bancuro, sa lugar na punong puno ng kwento at ng mababait na tao na balang araw magamit mo, diba….. ikaw rin.

Isang kaugalian pa dito sa Bancuro ay ang pagsapit ng buwan ng Mayo, buwan daw ng mga bulaklak. Ano ba naman ang pagkaka-iba nito, eh boong Pilipinas nagsasagawa sila ng kanya kanyang pagdaraos ng “araw ng mga bulalak” o kung tawagin ay “flores de Mayo”. Sige nga anong kakaiba sa pagdaraos nito sa Bancuro? Wala namang pagkakaiba subalit para sa akin matagal tagal narin namang hindi nakakasama sa mga ganoong pagdaraos hinahanap hanap ko siya, kaya lang mahirap ng mangyari sapagkat iba na ang kalagayan ko, una malayo at marami ng balakid. Ganon pala kapag yung isang bagay na matagal mong ginagawa at nawala o nawalay, tanging pag-aalaala na lang ang iyong magagawa.

Sa kabila na ang buwan ng Mayo ay pagsisimula ng magbago ang panahon ng tag-init tungo sa tag-ulan sa Pilipinas, subalit sa Bancuro ay hindi nila nakakalimutan yung pagdaraos ng “flores de Mayo” hanggang ngayon. Sa buong buwan ng Mayo, naaalala ko pa na hahatiin yung 31 araw ng Mayo sa lahat ng mga naninirahan sa Pook, Bancuro, lahat ng bahay doon ay bibigyan ng araw para sa“flores de mayo”. Kapag ang kaarawan (birthday) ng nakatira sa isang bahay ay natapat ng Mayo, ito rin ang araw niya sa tuklong sabi nga doon. Sa lahat ng nakatoka sa bawat araw, sila yung mag-aayos, maglilinis ng tuklong, kasama rin dito yung kaunting handa ayon sa kanilang makayanan. Kapag nabigyan na lahat ang bahay o pamilya ng tokang araw at meron pang nalalabing araw na walang nakatoka, itoy hahatiin para sa mga kabataan o yung mga binata at dalaga na sa Pook.

Ang “flores de Mayo” dito ay nangangailangan din ng mamumuno o mangunguna sa dasal sapagkat ito ay magkahalong dasal at kantahan na akma o naaayon sa kinaugalian. Noong ako ay nakakadalo pa ng flores de mayo at marami pang mga dalaga roon na mga pinsan ko, talaga naman ang bawat bahay ay naglalaan ng panahon at handa para dito, kaya masasabing masaya. Subalit sa paglakad ng mga panahon umaalis ang mga dalaga at binata patungo sa Maynila upang mag-aral o nag-aasawa sa ibang lugar, kaya paunti ng paunti ang mga dumadalo. Ang mga natitira na lamang doon ay mga may-edad na laging antukin na at kinatatamaran na ring dumalo. Meron namang ilan na talagang hindi nakakalimutan at di pina lalampas ito.

Noon minsan nagyayaya pa kami ng dalaga sa ibang lugar upang makisaya sa aming pagdaraos, sapagkat minsan pagkatapos ng dasal at kantahan meron kaunting sayawan ng mga dalaga at binata. Yun naman ang talagang inaabangan naming mga binatilyo kasi makakasayaw sa mga dalagitang naimbitahan lalo na kung maganda at kras ng baryo. Pero sa ngayon itong mga kasayahang ganito ay nawawala na sa paglipas ng mga panahon. Wala naman masyadong aalalahin sapagkat ang buwang ito ay buwan ng bakasyon sa eskwela, kaya pwedeng mag-puyat ang lahat. Natatandaan ko pa nga ang Inay as isa sa mga namumuno doon, at siya rin ang minsan pinangangasiwa kapag ang handa lang ay candy, siya yung nagbibigay sa bawat isa, alam niya yung tig-iilan ang bawat isa. Alam niya yung nabigyan na at hindi, kasi yung iba nanluluko. Sabi nga ng Inay nakaka-ipon siya ng candy sa boong buwan.

Isa pang bagay na hindi na mawawala sa alala ko tungkol sa flores de Mayo eh yun ngang sayawan. Alam naming mga binata doon kung saan sa paligid ng Bancuro merong sayawan at siguradong pupuntahan namin yun kahit naulan. Isa ako na masasabi na adik sa sayawan pero hindi naman marunong magsayaw, ewan ko ba pero naging ganon ako. Karaniwan namang mga pinsan ko ang kasama sina Marmerto Ilao (Mar), Ampong (Alberto Amboy), Venancio Umali (Vina), Lorenzo Hernandez (Tito) at si Pando minsan kasama rin si Pareng Pogi. Walang malayo sa amin kapag sayawan, kahit umuulan tiyak na pupuntahan namin yan, wala sa amin yung bitbitin namin ang mga sapatos marating lang yung lugar. Ganyan kami ka-adik sa sayawan, sa sunod kong kwento yung talagang sayawan at mga kalukuhan doon…. ang kwento ko abangan - nabitin kayo ano.

Linggo, Agosto 17, 2008

Uso pa ba ito…

Kung uso ang pag-uusapan napaka-bilis dumaan ng ibat ibang uso, mula sa damit, mobile phone, pantalon, orasan, buhok pati nga ugali uso-uso din. Ang mabilis na pagbabago ng uso ay makikita lang pangkaraniwan sa mga bayan, siyudad o lungsod. Nararating din naman ng uso ang mga probinsya subalit mabagal at huli na. Siguro kaya mabagal ay sapagkat sa mga uri ng tao na nakatira doon at sa kapaligirang kanilang ginagalawan. Tulad ng Bancuro, hindi naman napapahuli sa uso ang mga taga-rito mabagal pero nakakasunod ika nga.

Meron akong isang bagay na masasabi na isang kaisipan tungkol sa mga pa-uso na karaniwang ito ay buhat sa lungsod patungo sa mga probinsya, baryo o barangay. Ano kaya kung baligtarin natin ang tanong? Meron kayang pa-uso na galing sa mga probinsya, baryo o barangay patungo naman sa bayan, lungsod o siyudad? Ano sa palagay ninyo meron? Meron din naman, halimbawa yung pagsusuot noon ng subrerong yari sa kawayan, nito, ang paggamit ng bag na yari sa kawayan or nito at marami pang iba na kung titingnan mo ito’y kaugalian na galing sa mga probinsya.

Sabi nga ng mga matatanda sa Bancuro yun daw pagsusuot ng maong ay gamit lamang ng mga magsasaka sa bukid, pero ngayon nasa mga lungsod na ginagamit. Yung paggamit ng “bagpack”, ito raw ay unang nauso sa mga taga probinsya sapagkat karaniwang ang pagdadala ng mga gamit o damit doon ay sa likod inilalagay, pero ng gamitin na sa mga bayan ito’y naging makabago na. Isang usong-uso o kinagisnan ng kaugalian sa mga probinsya ay yung mga ‘agimat” ng mga matatanda sa una. Sa Bancuro maraming matatanda doon ang nagsasabing meron mga iniingatang agimat sa katawan.

Ayon sa mga kwento roon iilan doon ang walang iniingatan kahit maliit o kapirasong dasal para sa agimat daw. Isa sa mga nakita ko noon ay ang lolo ko, meron siyang medalyon na may nakadrawing daw (hindi ko na nakita kung ano yung naka drawing), pero ang sabi ito raw ay patungkol sa negosyo (swerte daw). Kaya ito ay ginamit ng ninong ko, tapos isinalin sa kapatid, ngunit noong mamatay yung kapatid hindi malaman kung ninakaw doon sa hospital o may nakapagtago sa isa sa mga anak din ng lolo ko. Kung makikita natin galing sa matandang kaugalian at paniniwala tungkol doon patungo sa makabagong panahon.

Isa pa na alam kong meron iningatan sa katawan ay ang pinsan naming Tiyo Hulian sinasabing marami itong iniingatan sa katawang agimat, meron din siyang bulong o dasal sa ibat ibang uri ng sakit sa mata. Hindi ko naman sasabihin na dahil sa kanyang mga iniingatang agimat sa katawan kung kaya ang pagkamatay niya ay kaka-iba sapagkat ang buo niyang katawan ay parang natuyo at lumiit siya, bago pa siya mamatay ay laging nangangati ang buo niyang katawan. Hindi ko rin masabi kung meron sa mga anak o apo nito ang nakapag-mana ng kanyang mga agimat. Ayon sa mga kuwentuhan ilan sa mga kabataan doon ang meron daw mga bulong o dasal, agimat o galing. Pero ang alam ko lang sa mga taga-roon lahat ata merong agimat o anting-anting sa “GIGIL”. Sapagkat kung sa mga usapan lalo kung lasing na silang lahat doon ay hindi basta-basta patatalo…. He he he

Marami pang ibang mga taga-Bancuro ang may mga agimat na kanilang iniingatan, ang iba ay nakapunta na ng Maynila o ibang bayan, ewan ko lang kung dala dala pa nila ang paniniwalang ito sa kanilang iniingatan. Ang tanong gumagana pa ba ang mga ganitong agimat sa makabagong panahon? Pero kung titingnan mo sa mga lungsod makikita mo ang ilan na merong mga nakasabit sa kanilang mga leeg na mga medalyon na kung tatanungin mo proteksyon daw nila yun. Meron ka ring makikita na nagbenta nito sa mga harap pa ng simbahan.

Isang karanasan ang aking naranasan noong umuwi ako doon sa Bancuro upang magbakasyon. Doon kilalang kilala si Aling Tuyang na manghihilot ng bale sa katawan. Noon laging kong nararamdaman yung aking likuran na sumasakit, kaya nagpahilot ako, matapos hilutin ipinakita niya sa akin yung isang maliit na bote na puno ng langis at merong maliit na imahe ng santo nino sa loob. Tapos kinuwento kung paano at saan nanggaling yaon. Sa ganong paniniwala sa mga probinsya na lang makikita, sa mga lungsod bihira na lang ang naniniwala doon.

Meron din sa Bancuro na kilala ko na may agimat sa katawan, ang kanyang agimat ay ang hindi paliligo sa araw araw at hindi nagpapagupit ng buhok, hindi nagpapalit ng damit, meron kayo noon sa lugar ninyo sa Bancuro lang meron noon…

Miyerkules, Agosto 13, 2008

Ang Bang-Aw bow..

Bang-aw, bang-aw, bang-awwwww, hayan na harangan ninyo… bang-aw. Paluin ninyo.. Wag baka aso ko yan… minsa maririnig na sigaw kapag may asong naligaw sa Bancuro. He he he..

Sabi nga malas ang dayuhang asong maliligaw sa Bancuro. Bakit? Masasabi bang ito’y sa katakawan ng karne ng aso ng mga taga roon noong araw. Ano ba yung tinatawag na bang-aw? Sa Bancuro lalo na sa Pook iilan lang sa mga tagaroon ang hindi pinalalampas ang pagkain ng karneng aso, kahit anong luto masarap yan sa mga tagaroon. Ang bang-aw ay asong na-uulol dahil sa subrang init ng panahon o anumang bagay na nangyari sa aso na naging dahilan ng pagka-ulol nito.

Noong ako’y nag-aaral pa sa AGMA, kami ng mga pinsan ko roon ay isa sa mga tirador ng aso, hindi naman ninanakaw ang aso kundi ito’y pinagbibintangan na nababang-aw kahit hindi naman. Lalo na yung mga asong napapadako roon sa Pook ng Bancuro. Kawawa naman ang aso kapag naligaw doon sa Pook, Bancuro at nakita namin sapagkat hindi ito palalampasin at huhusgahan kaagad na bang-aw. Maraming beses na itong nangyari doon, at ako mismo ang isa sa mga salarin sapagkat paborito ko ang karneng aso lalo na yung sampayne, kaldereta at kahit adobo. Siempre sasabayan ng Ginebra San Miguel o kaya ay tuba, kung mapera Manila Beer ang katapat noon.

Marami ring beses naming nagawa yun pero wala namang nagagalit kung nakatay ang kanilang aso, minsan wala namang naghahanap, kung meron man at nalamang kinatay na wala naman silang magagawa sapagkat ang ikakatwiran lang ay nauulol eh o nabang-aw ang aso nila. Di ba masama yun kasi nga na-uulol o bang-aw na yung aso. Wala namang masama kaya lang medyo iwas lang na isama ang ulo at laman loob, kaya karne lang talaga ang kukunin, sayang pero iba na yung sigurado ika nga.

Minsan nga noong bagong sapit lang ang tag-ulan merong asong dumating na namamabag ng ibang aso, tapos deretso ang takbo sinyales ng isang bang-aw. Pag sigaw ko na bang-aw naglabasan na ang mga pinsan ko hanap kung nasan na yung bang-aw. Nakita namin na takbo patungo sa Walog habol namin kasi medyo malaki ang aso pero walang dereksyon ang takbo ng aso. Kaya habol namin, may sumigaw sa gitna ng bukid naroon daw yung bang-aw, takbo kami, dala ang ibat ibang pamalo. Nakita nga namin sa may sapa, pinalibutan namin at lilinga linga ng masama ang tingin. Paglapit namin pinalo ng pinsan ko sa batok ng kawayan dapa ang bang-aw. Pinalo ko sa ulo ng puno ng kawayan, ikot ang aso. Hinila namin hanggang doon sa Pook ipinatong sa isang paragus pero biglang tumayo ang bang-aw, takbuhan kami, hanap ng pamalo ulit.

Nakakita ako ng puno ulit ng kawayan, pinalo ko sa may batok, yun ang huling hininga ng bang-aw. Hanap kami ng tulos upang ibitin ang aso. Tinalian namin sa huling paa para pabitin siya, pinalibutan ng dahon ng niyog, tuyong dahon ng saging at sinindihan upang maalis ang balahibo sa madaling paraan, walang 10 minuto hubad ang aso, inilipat namin sa isang puno pero pabitin pa rin upang linisin at alisin ang balat nito. Pinutol ang ulo upang itapon kasi talagang bang-aw ang aso. Matapos alisin ang balat nagsimulang magpainit ng tubig upang halbusan ang balat para gawing sampayne. Sinimulan na rin buksan ang tiyan ng aso para alisin ang laman sa loob para itapon. Matapos nito inalis na sa pagkakabitin para naman tadtarin ng maliliit para sa anumang lutong gagawin. Iyan ang karaniwang ginagawa namin kapag may biktimang bang-aw. Mga ilang oras pa sama sama ng nag-iinuman at namumulutan ng asong bang-aw. Kaya ang iba sa amin ay nagiging bang-aw na rin sa katakawan ng karneng aso. Pero sa ngayon nahinto na ang pagkain ng karneng aso sa Bancuro sa dahilang nagkaroon ng sakit ang mga aso doon.