Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Martes, Agosto 26, 2008

Tayo Na Sa Tupada….

La diyes, sa puti, sa pula…. Magkano sa iyo, lugro, hindi dehado ang kalaban. Tatloy apat nalang… Ito yung karaniwang maririnig mo sa isang tupada ng manok..

Isa sa napakaraming namanang kaugalian ng mga taga Bancuro ang sabong ng manok, siguro nangunguna sa pinaka-maraming naglalaro nito ay mga taga Pook, Bancuro. Suguro sa dahilang medyo nakaka-taas ang kanilang buhay o talagang talamak na sa ganitong laro tuwing sasapit ang araw ng Linggo. Talaga namang dumarayo pa sa mga karatig bayan tulad ng Naujan, Victoria at minsan sa Calapan lalo na kapag may derbe ika nga. Ayon sa pagkaka-alam ko ang larong sabong ay pamana pa ng mga Kastila sa ating kultura. Ito’y ang pagtatagisan ng dalawang manok sa loob ng arena, na parehas na may naka-kabit na tare sa kaliwang paa ng manok.

Tulad ng sabi ko pinaka-maraming naglalaro ng sabong ang mga taga Pook, pero karamihan sa kanila ay mga nasa kalagitnaan na ng edad, ika nga. Sila yung mga ikatlong henerasyon na ng mga magsasabong. Bawat isa sa mga magsasabong ay nag-aalaga ng manok na panabong. Minsan nga nag-rereklamo na ang kani-kanilang asawa sapagkat mas mahal daw ng mga asawa nila ang manok na panabong kaysa sa kanila, sapagkat umaga palang hinihimas na ang manok, sinusuklay suklay, samantalang hindi man lang sa kanila magawa. Tama nga naman malaking oras ang ginugugol ng mga magsasabong sa kanilang manok kaysa sa kanilang asawa, at kung talo sa sabong mainit pa ang ulo pagdating nila. Oo nga naman..

Naaalala ko pa noong buhay at malakas pa ang lolo ko, isa sa mga talamak sa sabong, walang pinalalampas na Linggo na hindi nag-sasabong. Mahilig ding mag-alaga ng manok na panabong. Lalo na noong naroon pa ang bahay nila sa gitna ng bukid o tinatawag na “laot”. Doon ang pinaka-mababang alagang manok niya ay 4 na manok. Umaga palang naka-upo na yun para himasin ang kaniyang mga manok. Minsan tinatawag kami upang makatulong sa pagkakahig o pagbutaw ng manok, pagpapatuka at paglilinis ng mga dumi ng manok. Sabi ko nga sa itaas, kapag talo sa sabong asahan mo na tahimik sa bahay ng lola ko walang imikan, pero kapag panalo panay ang kuwento niya at merong pang pasalubong sa amin. Kaya nasisiyahan na rin akong mamalagi doon dahil may pasalubong. Subalit kahit marunong akong magsabong hinding hindi ko sinubukan ito kahit itong sinasabing “tupada”.

Ano ba itong tinatawag na “tupada”? Ang tupada ay sabong din kaya lang ito’y labag sa batas at patago itong ginagawa sa mga baryo o gitna ng bukid. Meron din minsan na pahintulot sa munisipyo kung malakas ika nga ang maghawak ng patupada. Subalit ganon din ang kalakaran, dangan nga lang na maliliit ang pustahan dito sa tupada. At karaniwang pumupunta rito ay yung mga binata, may asawa at matanda na walang kakayahang makapunta sa mga malalaking pasabong. Sa mga talamak sa sabong ang tupada ang sagot sa kanilang hanap. Pero kung tatanungin mo sila – sugal ba ang sabong o tupada? Sa ganang akin lahat ng laro na may nakatayang pera, ito’y masasabing sugal. Pero para sa kanila ito’y raw ay isang laro o debersyon lang o pampalipas ng oras.

Sa kasalukuyan ang Bancuro ay kakikitaan mo ng maliit na bilang na lang ng mga magsasabong o wala ng nagpapatupada kasi mahigpit ng ipinagbabawal ito. Siguro sa dahilang mahirap ang buhay at sa bagong mga henerasyon iilan na lang yung sumunod sa tapak ng kanilang mga magulang – na pagsasabong. Meron man nag-aalaga na lang ng manok pero pang butaw na lang.