Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Martes, Agosto 19, 2008

Ganon Pa Rin Kaya?

Magandang araw po sa lahat ng aking masugid na mambabasa sa buong kapuluan. Meron ba? Sa tingin ko naman ay mayroon kasi doon sa aking palatandaan meron namang dumaraan hindi ko lang alam kong nagbabasa, kahit naligaw siya o talagang pinuntahan bumabati ako sa iyo. Ika nga nila – tumapak kana rin lang, magbasa kana, malay mo makapulot ka kahit katiting nakaalaman tungkol sa Bancuro, sa lugar na punong puno ng kwento at ng mababait na tao na balang araw magamit mo, diba….. ikaw rin.

Isang kaugalian pa dito sa Bancuro ay ang pagsapit ng buwan ng Mayo, buwan daw ng mga bulaklak. Ano ba naman ang pagkaka-iba nito, eh boong Pilipinas nagsasagawa sila ng kanya kanyang pagdaraos ng “araw ng mga bulalak” o kung tawagin ay “flores de Mayo”. Sige nga anong kakaiba sa pagdaraos nito sa Bancuro? Wala namang pagkakaiba subalit para sa akin matagal tagal narin namang hindi nakakasama sa mga ganoong pagdaraos hinahanap hanap ko siya, kaya lang mahirap ng mangyari sapagkat iba na ang kalagayan ko, una malayo at marami ng balakid. Ganon pala kapag yung isang bagay na matagal mong ginagawa at nawala o nawalay, tanging pag-aalaala na lang ang iyong magagawa.

Sa kabila na ang buwan ng Mayo ay pagsisimula ng magbago ang panahon ng tag-init tungo sa tag-ulan sa Pilipinas, subalit sa Bancuro ay hindi nila nakakalimutan yung pagdaraos ng “flores de Mayo” hanggang ngayon. Sa buong buwan ng Mayo, naaalala ko pa na hahatiin yung 31 araw ng Mayo sa lahat ng mga naninirahan sa Pook, Bancuro, lahat ng bahay doon ay bibigyan ng araw para sa“flores de mayo”. Kapag ang kaarawan (birthday) ng nakatira sa isang bahay ay natapat ng Mayo, ito rin ang araw niya sa tuklong sabi nga doon. Sa lahat ng nakatoka sa bawat araw, sila yung mag-aayos, maglilinis ng tuklong, kasama rin dito yung kaunting handa ayon sa kanilang makayanan. Kapag nabigyan na lahat ang bahay o pamilya ng tokang araw at meron pang nalalabing araw na walang nakatoka, itoy hahatiin para sa mga kabataan o yung mga binata at dalaga na sa Pook.

Ang “flores de Mayo” dito ay nangangailangan din ng mamumuno o mangunguna sa dasal sapagkat ito ay magkahalong dasal at kantahan na akma o naaayon sa kinaugalian. Noong ako ay nakakadalo pa ng flores de mayo at marami pang mga dalaga roon na mga pinsan ko, talaga naman ang bawat bahay ay naglalaan ng panahon at handa para dito, kaya masasabing masaya. Subalit sa paglakad ng mga panahon umaalis ang mga dalaga at binata patungo sa Maynila upang mag-aral o nag-aasawa sa ibang lugar, kaya paunti ng paunti ang mga dumadalo. Ang mga natitira na lamang doon ay mga may-edad na laging antukin na at kinatatamaran na ring dumalo. Meron namang ilan na talagang hindi nakakalimutan at di pina lalampas ito.

Noon minsan nagyayaya pa kami ng dalaga sa ibang lugar upang makisaya sa aming pagdaraos, sapagkat minsan pagkatapos ng dasal at kantahan meron kaunting sayawan ng mga dalaga at binata. Yun naman ang talagang inaabangan naming mga binatilyo kasi makakasayaw sa mga dalagitang naimbitahan lalo na kung maganda at kras ng baryo. Pero sa ngayon itong mga kasayahang ganito ay nawawala na sa paglipas ng mga panahon. Wala naman masyadong aalalahin sapagkat ang buwang ito ay buwan ng bakasyon sa eskwela, kaya pwedeng mag-puyat ang lahat. Natatandaan ko pa nga ang Inay as isa sa mga namumuno doon, at siya rin ang minsan pinangangasiwa kapag ang handa lang ay candy, siya yung nagbibigay sa bawat isa, alam niya yung tig-iilan ang bawat isa. Alam niya yung nabigyan na at hindi, kasi yung iba nanluluko. Sabi nga ng Inay nakaka-ipon siya ng candy sa boong buwan.

Isa pang bagay na hindi na mawawala sa alala ko tungkol sa flores de Mayo eh yun ngang sayawan. Alam naming mga binata doon kung saan sa paligid ng Bancuro merong sayawan at siguradong pupuntahan namin yun kahit naulan. Isa ako na masasabi na adik sa sayawan pero hindi naman marunong magsayaw, ewan ko ba pero naging ganon ako. Karaniwan namang mga pinsan ko ang kasama sina Marmerto Ilao (Mar), Ampong (Alberto Amboy), Venancio Umali (Vina), Lorenzo Hernandez (Tito) at si Pando minsan kasama rin si Pareng Pogi. Walang malayo sa amin kapag sayawan, kahit umuulan tiyak na pupuntahan namin yan, wala sa amin yung bitbitin namin ang mga sapatos marating lang yung lugar. Ganyan kami ka-adik sa sayawan, sa sunod kong kwento yung talagang sayawan at mga kalukuhan doon…. ang kwento ko abangan - nabitin kayo ano.