Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Huwebes, Abril 24, 2008

Buhay Eskwela (Tatapusin na)

Sa mga nakaraang sanaysay at karanasan ko maituturing na lahat yun ay nangyari sa aking murang pag-iisip, sabi nga doon palang nagsimula at umusbong ang mga karanasan patungo sa panibagong yugto ng karanasan. Sapagkat sa mga sumunod na pangyayari sa buhay eskwela ay naging kaka-iba at medyo nagiging mature na. Bakit ko nasabi yun sapagkat mas matindi ang mga kaganapan at kahihiyang idinulot nito sa akin at sa mga taong naka-ugnay dito. Tulad ng naka-pamagat nito sa itaas, tatapusin na ito, ang ibig sabihin ang buhay eskwela lang ang tatapusin hindi ang layunin ng pitak na ito, siguro ibang kaisipan naman ang ating ilalahad sa mga susunod pahina. Pagsasamahin ko na lang ang pang-apat, lima at anim na baitang, sabi nga todo na ito.


Simulan natin sa ika-apat na baitang ang guro namin noon ay si Mr. Davis, siya yung asawa ng guro namin sa unang baitang. Ang apat na baitang ay binubuo dalawang seksyon ang 4A at 4B, muli magkasama kami ni Kuya Tony, pareng Pogi, Divina, Cristy, lahat ng mga ito ay mga pinsan buo ko at lahat kami ay nakatira sa Pook. Sa totoo lang naging madali lang ang buhay ko rito sapagkat nagkaroon ako ng karangalan dito, bilang pinaka masipag sa aming klase sapagkat ang guro namin at may alagang kambing na kami ni Kuya Tony ang haliling nag-aalam nito. Minsan naman pinag-lilinis kami ng bakuran nila. Siempre hindi lang naman yun, sa klase medyo nakakasagot din naman ako. Noong mga panahong yaon hindi pa uso yung mga medal kundi ribbon lang at nakalagay doon kung saan ka naging mataas ang grado. Dito nagsimula yung medyo nagiging magulang na ako sa mga ginagawa.


Sa ika-limang baitang medyo nakakalimutan ko na kung sino ang aming guro si Mrs Delos reyes ata o si Mrs Yaco. Ah ha si Mrs Davis ata ang guro namin dito. Isang bagay ang di ko malilimutan dito ay ng minsan kami ay nasa ibaba ng paaralan nagagawa sa may harden (meron kaming gawain dito tuwing hapon para sa Practical Arts) ang pagtatanim ng mga gulay at iba pa. Ang lugar ay medyo maraming kugon na hanggang balikat namin ang tataas nito. Sa mga ganitong gawain sa totoo lang gusto kong manggulang ibig sabihin tumakas sa gawain ito. Sinubukan kong kalabitin si Paning isa sa mga maluko kong kaklase, sabi ko doon na lang tayo sa tabi ng ilog sa may likod ng stage sa puno ng mabolo, baka kako may-bunga. agad namang tumango at tumalilis kami.

Nakarating kami sa puno ng mabolo, sigurado kaming hindi makikita rito sapagkat maraming kugon at ibang mga puno. Nagpalinga-linga kami sa taas ng puno upang sipatin ang sa tingin namin ay hinog na mabolo. Matapos naming sipatin natuwa kami sapagkat sa tingin namin marami ang hinog sa dulo. Nagkatinginan kami hudyat upang kami ay umakyat sa puno ng sabay. Sabay kaming humawak at pabiting tumaas sa puno, ng nakatayo na kami sa magkabilang sanga doon namin napansin ang kakaibang amoy at may bagay sa aming mga kamay, halos sabay pa kami ng ginawa - inamoy ang bagay na yun. Yun pala ay ebak ng tao na ipinahid sa bawat sanga ng puno ng mabolo upang hindi akyatin ninuman. Dali dali kaming bumaba at tumakbo sa tubig upang mag hugas ng kamay. Wala kaming sinisi kundi inilihim na lang namin iyon para kami ay maka-bawi sa iba.


Isa pang karanasan ay ng magpatawag ng PTA meeting ang paaralan, siempre kailangan naroon ang nanay ko, ang Inay baga. Subalit bago ang PTA meeting, dalawang araw tinawag ako ng guro ko ang sabi pag-aralan ko raw yung isang tula at ibinigay sa akin ang sipi nito. Uwian na noong ibigay sa akin yung tula na may 6 na yugto. Pagdating sa bahay siempre ginawa ko yung nakasanayan ko ng laging ginagawa, tapos laro ng basketbol. Pagkatapos ng hapunan doon ko sinimulan basahin ang tula, hindi ko sya kinakabisado. Narinig ng Inay na binabasa ko yung tula kaya tinulungan niya ako at sabi niya kabisaduhin ko raw. Binaliwala ko yung sinabi ng Inay, ang ginawa ko binasa ko lang ng binasa. Sa loob ng dalawang araw binasa ko lang ng binasa iyong tula na yun. Umaga ng araw ng PTA meeting tinawag ako ng guro, ang tanong kung kabisado ko na yung tula na ibinigay niya, sabi ko hindi masyado. Dapat kabisado mo yan kasi tutulain mo yan mamaya sa PTA meeting, namula ako at biglang nanuyo ang lalamunan kasi di ko alam ang gagawin.


Ang ginawa pala ng guro namin ay ibinigay ang iisang tula sa akin at doon sa isa kung kaklase para daw pag di pwede yung isa may kapalit, sigurista di ba. Dumating ang oras para tulain ko ang tula sa harap ng napakaraming magulang. Pagtayo ko pa lang sa gitna wala na akong maalala sa aking mga binasa tungkol sa tula, walang nasa isip ko kundi lahat ay takot. Nakita ko ang Inay na nasa unahan siya, kumikindat hudyat para simulan ko ang tula, pero walang salita na lumabas sa aking labi. Yun pala ay may naalala ang Inay sa tula sinubukan niyang simulan ito para masundan ko, subalit wala talaga akong maalala. Kaya umalis ako sa unahan ng walang naganap na pagtula sa akin. Nagalit sa akin ng guro bakit daw ganon pinahiya daw siya sa mga magulang. Ano ang aking gagawin eh wala talaga.


Ang isang aral na aking natutunan doon dapat maging laging handa sa anumang ipinagagawa lalo sa isang eskwela. Wala akong ibang masisisi kundi ang aking sarili. Tinanong lang ako ng Inay kung bakit ganoon ang nangyari, mula noon nagtanda na ako....