Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Lunes, Nobyembre 10, 2008

Ulam Bato…

Naalala ko yung kwento ng kaibigan ko noong siya ay umuwi para mag-bakasyon sa Pilipinas. Ang kaibigan kong ito ay medyo mataba at mataas ang dugo kaya ingat na ingat siya sa kaniyang kinakain iniiwasang tumaas ang dugo. Isa sa nahihirapan kung ano ang ipa-uulam sa kanya ay ang kanyang asawa, sabi niya. At sabi pa niya na napakahirap pala yung pigilan ang sarili ng hindi kumain ng masasarap na pag-kain lalo na ang karneng baboy na wala nito sa Saudi. Sa kabila noon naroon pa rin ang pag-aalaga ng asawa sa mga pagkain kaniyang inihahanda para sa kaibigan ko. Noong unang araw siempre pinatikim na siya ng karneng baboy kasi wala namang masama roon kung minsan lang. Sa ikatlong araw gulay, tapos isda at mga lamang dagat. Lumipas ang isang lingo naghanda ang asawa ng gulay na upo o tabayag sa Bancuro.

Nasarapan ang kaibigan ko sa ulam na upo. Ikalawang araw nilagagang upo at sa ikatlong araw nakita ng kaibigan ko sa mesa na upo na naman ang ulam – bigla siyang sumigaw ang sabi “upo na naman” tumaas ang kaniyang dugo at siya ay na high blood. Kaya ang upo pala ay nakaka-high blood kung ito lagi ang ulam…. He he he.

Sa Bancuro ay may isang paboritong ulam ng mga taga roon, ganon kaya na paborito o nagtitipid lang dahil sa mahal ang isda at karne. Ito ay tinatawag na “agihis, paros o kaya ay lukan o tahong, suso”. Hindi ko alam ang tawag sa Manila o ibang lugar sa agihis – ito ay isang maliit na maitim na kabibing pinagtaob na may maliit na laman sa loob. Nilaga na may luya ang karaniwang luto ditto, minsan ginisa sa kamatis. Madali lang maluto ito sabi nga isang kulo at bumuka yung kabibi luto na ang agihis. Masarap siya na ulam sa mainit na kanin. Nabibili ito sa pamamagitan ng takal na ginagamit ay tabo. Mura lang siya sa 2 pesos isang tabo noong mga panahon na naroon pa ako sa Bancuro. Ito’y nakukuha sa ilog tabang, na naka-ugnay sa Ilog na Patay ng Bancuro.

Ang paros naman ay maliit din at kung hindi ako nagkakamali tulya ito sa Maynila at ibang lugar. Ang kulay ng paros ay manibalang na dilaw na medyo palapad ng kaunti na mistulang tahong. Kapareho ng agihis ang paros kung lutuin at sa presyo ay hindi nagkakalayo. Ang agihis at paros ay parehong sinisisid kung kunin sa ilalim ng ilog na mabato, subalit hindi sila magkasama ng lugar na pinagkukunan.

Ang lukan naman ay malaki ang kabibi nito medyo maitim ang kulay at kulay puti naman ang laman. Nakukuha naman ito sa lalao na naka-ugnay sa tubig dagat. Iba naman ito kung hulihin sapagkat ito ay nakabaon sa mababaw na lupa o banlik ng lalao. Gumagamit naman sila ng karit o matulis na bagay upang hanapin ang lukan, kapag nadaanan ito bigla itong nagsasabog ng tubig sabi sa Bancuro ihi ng lukan. Masarap itong kilawin, ginisa at halo sa miswa. Maganda rin ito sa katawan ng tao. Ipinagbibili naman ito ayon sa bilang at laki ng lukan.

Ang isa pang uri ay ang suso na nakukuha din sa lalao, maliliit siya na kulay itim pero matulis ang pinaka puwet niya. Ibinebenta ito ng takal sa tabo. Bago ito ilaga sa luya kailangang putulin ang dulong bahagi ng puwet nito upang madaling kunin ang laman nito sa luob na kulay berde. Masarap siya at malalaman mong suso ang ulam ng kapitbahay sa tunong pa lang ng kanilang pagkain… Sapagkat makukuha mo ang laman nito sa loob sa pamamagitan ng supsop o kaya ay may manungkit kang aspili. Madali rin itong lutuin sapagkat kapag lumampas ang luto dumidikit ang laman nito sa loob na magiging mahirap kunin.

Iyan ang mga ulam sa Bancuro na minsan sa loob ng boong isang lingo yan ang salit salitang ulam. Minsan maririnig mo sa mga kapitbahay kapag nagtanong ka ng ano ang ulam ninyo – tiyak na ang isasagot sa iyo ay bato ang ulam na ang ibig sabihin ay – lukan, agihis, paros, suso, kuhol kaya. Subalit kung tutuusin masarap ang ganitong ulam, maganda pa sa katawan. Ngunit kung lagi naman ito ang ulam mo sa araw araw na ginawa ng Diyos tiyak na tataas ang dugo mo. He he he

Bato bato sa langit tamain ay bukol….