Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Martes, Nobyembre 25, 2008

Kuprasan, Ano ito?

Sa lahat siguro ng uri ng punong kahoy ang niyog ang may pinaka maraming gamit sa tao. Bakit ko nasabi ito? Pansinin mo sa mga ginagamit mo sa katawan mo, masasabi ko na 2 sa 3 ginagamit mo ay merong sangkap na galing sa niyog. Halimbawa, sabon sigurado ako na may sangkap yan na galing sa niyog, pabango at iba pa. Ang Pilipinas ang isa sa may pinaka maraming tanim na puno ng niyog sapagkat karamihan sa mga lalawigan ay niyog ang ikinabubuhay.

Mula sa dahon ng niyog marami ang nagagawa dito, sa makabagong teknolohiya nagagawa na itong damit. Sa tingting ng dahon ng niyog walang kaduda duda na ito ay ginagamit sa bahay. Palapa ng niyog nagagamit ito sa mga handdy-craft at ang pinakahuli ay pang-gatong sa kalan ganon din ang takiyay at uyo. Nakakakuha din ng tuba, suka, uling sa bunga ng niyog. Kapag matanda na ang isang puno ng niyog ito ay nagagamit na sangkap sa bahay, sapagkat napaka-inam ang coco lumber sa isang bahay, naroon yung katatagan at tibay na dulot nito.

Ano nga ba ang tinatawag na “kuprasan”? Sa Bancuro ang kuprasan ay ang lugar na kung saan niluluto ang bunga ng niyog hanggang ito ay maging kopra na maaari ng ipagbili. Doon sa Bancuro ang malalapad na taniman ng niyog na kung tawagin ay niyugan, karaniwang meron itong kuprasan sa gilid o sa mismong gitna ng niyugan. Ito ay yari sa dahon ng niyog ang pinaka-bubong at tabla na mula rin sa puno ng niyog. Karaniwang ang isang kuprasan ay may dalawang malalaking hukay na parihaba na merong pinaka pagitang malaking parte ng lupa sa gitna.

Ang pinaka batangan nito ay puno ng niyog mismo na nilagyan ng mga tabi tabing sariwang palapa ng niyog na inalis ang dahon. Ito ang nagsisilbing parilya sa pagluluto ng kopra. Ang kuprasan ay may apat na halige sa apat na sulok nito para sa bubungan, tapos may sulambe ito kung tawagin para naman sa magbabantay at mag gagatong nito para hindi maulanan o mainitan man.

Bago gamitin ang kuprasan, kailangan siempre na kunin muna ang mga bunga ng niyog mula sa puno. Dito kailangan ang mangangawit kung tawagin sa Bancuro. Sila yung sumusungkit ng niyog sa puno, tapos kasama niya yung taga-ipon ng niyog. Kasunod nito yung tagahakot ng niyog para dalhin sa kuprasan, gamit nito ang kariton na hila ng kalabaw o baka. Mahirap bago maging kopra ang niyog. Noon naranasan ko ang taga-ipon, kailangang makikita mo kung saan babagsak ang mga nasungkit na niyog. Mahirap ipunin kasi hindi naman malinis minsan ang niyugan maraming mga malalagong damo kaya gagalugarin mo ang kadamuhan. Tapos kailangan nasa magandang lugar mo ilalagay ang mga inipon na niyog para naman sa hahakot na kariton.

Matapos ipunin, kami rin ang hahakot noon papunta sa kuprasan. Ang kariton ay kumakarga ng hanggang 500 piraso ng niyog. Isa-isa mong ihahagis ang niyog papasok sa kariton. Kapag nadala ang niyog sa kuprasan, meron namang kukuning taga talop, noon ang taga talop o taga-balunas ay isang bulag siya, pero napakabilis niyang magbalunas ng niyog, hindi sagabal sa kanya ang pagiging bulag niya. Matapos mabalunasan, ito ay sisimulang biyakin. Dito maraming bata ang naghihintay sapagkat habol nila ang tubo o usbong na makukuha sa loob ng niyog na biniyak (talaga namang masarap iyon, lalo na yung maliit pa lang na usbong), meron din namang sabaw ng niyog ang habol.

Matapos biyakin ang mga niyog ito ay handa na para isalansan sa ibabaw ng parilyang palapa sa kuprasan. Ang pagsasalansan ay may paraan din para maging maganda ang luto nito. Kapag nasalansan na ng mabuti at maganda, sisimulan ng sindihan ang gatong nito sa ilalim ng kuprasan, gamit ang mga naipong bunot ng niyog. Kapag nagsisimula ng umapoy ng ilalim unti-unti ng tatakpan ang kabuuan ng tagiliran at ibabaw ng kuprasan upang ang init nito ay madaling makaluto sa niyog na nakasalansan. Kailangang naka bantay din sapagkat minsan nasusunog ang niyog kapag subra ang lakas ng apoy sa ilalim.

Matapos na maluto hihintaying lumamig ito at kapag malamig na sisimulan ng ihiwalay ang kopra sa bao ng niyog gamit ang panglukyad. Kasunod nito ay ang paghahati ng mga laman ng niyog, dito pipiliin yung hindi gaanong naluto para isalang ulit o ibilad na lang sa init ng araw. Matapos nito at handa na para i-sako ang kopra at timbangin upang dalhin na sa bentahan. Ang mga bao ng niyog na natira o naipon ay sisindihan ito ng sama sama sa tabi ng kuprasan na ginawang balon, kapag naubos na, tatakpan ito ng saha ng saging at lupa upang hindi sumingaw – matapos ang isang linggo hahanguin na ito sa balon na kung tawagin ay ulingan – tararannn... meron ng napaka gandang uling para sa pag luluto. Ito rin ay nabibili per balde o sako.

Matapos ang lahat ng ito makikita mo na malinis na malinis ang kuprasan, ito ay magagamit ulit makalipas ang 5-6 na buwan……