Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Martes, Hulyo 29, 2008

DAWDAW!!

Siguro likas na sa tao yung paggawa ng masama o paggawa ng kalukuhan. Sa Bancuro meron ding taong ganon, yun bang imbes na tumulong sa kapwa ay kabaliktaran naman ang ginagawa. Ano ang kaugnayan nito sa ating pag-uusapan? Sapagkat yung tinatawag sa Bancuro na “dawdaw” ay hindi lang sa tao nagdudulot ng kasamaan kundi pati sa imahe ng lugar, bakit ko nasabi ito sapagkat nagiging tatak ito na kinatatakutan ng ibang tao na puntahan.

Ano nga ba ang “dawdaw”? Ang salitang ito ay hindi matatagpuan sa anumang diksyonaryo ibig sabihin ito’y katha lamang doon sa Bancuro. Ito ay isang uri ng bagay o lason na inilalagay sa pagkain, inumin at iba pang kapamaraanan ng gumagawa. Ano ito? Marami ang nagsasabi na ito raw ay bagahi ng nagamit na “gasa” ng ilaw na di-bomba. Ang iba naman ito raw ay itlog ng manok na nilaga ng napaka tagal na oras upang maging lason. Pero kahit ako ay hindi alam ang talagang sangkap nito.

Paano ito isinasagawa ng mga luko-luko at walanghiya? Maraming kapamaraan silang ginagawa. Tulad na lang ng nangyari sa Inay ko, siya’y nakitulong sa isang handaan doon sa Bancuro, Ibaba, wala siyang kamalay malay na yung ibinigay sa kanyang pagkain ay meron na palang dawdaw o lason. Hindi niya ito namalayan hanggang makarating siya sa bahay namin, nakaramdam siya ng hindi maganda sa kanyang tiyan, pero naghinala na agad ang tatay na nadawdaw ang Inay. Kaya kinabukasan kumuha ang tatay ng dahon upang masigurado ang kanyang hinala at tama mabagsik na dawdaw ang nakadali sa Inay. Kaya dali daling nagpunta siya sa manggagamot ng dawdaw na matatagpuan din lang doon sa Bancuro. Ayon sa mga sabi-sabi ito rin daw mga manggagamot ng dawdaw ang siyang gumagawa ng dawdaw.

Meron naman sa inuman ito nakukuha, lalo na kapag ang iniinom ay tuba ng niyog. Mapapansin daw ang mandadawdaw kapag siya ang nagpalibot ng baso sa pag-inom, kapag humawak ang taong yun sa labi ng baso tapos isinalok sa timba ng tuba asahan mo na may titirahin siya. Noon karaniwan kilala ang gumagawa nito. Minsan naman sa pulutan ito inilalagay. Kapag ang kainuman ay kumuha ng pulutan na kamay ang gamit hindi kutsara at nagbalik ng kapirasong pulutan, asahan daw may dawdaw yun. Kaya doon sa mga matatakaw ng pulutan dilikado. Minsan naman kukuha ng pulutan pero parang sumawsaw lang meron din yun. Karaniwang nasa dulo ng kuko ang lason na idadawdaw.

Bakit nila ito ginagawa? Ang iba kaya ito ginagawa upang magkapera, kasi kapag na dawdaw tiyak na magpapagamot may bayad kahit kaunti ang pagamot noon. Yung iba kaya ginagawa para lang magwalanghiya. Yung iba kaya naman ginagawa galit doon sa tao, matakaw uminom, mamulutan at matandang alitan na.

Paano naman ito nalalaman na na-dawdaw ka? Doon sa Bancuro merong nakukuhang dahon ng halaman sa gubat o niyugan na pinapahid lang ito sa kamay, kapag ang kulay berdeng katas nito ay hindi nawala kahit ka maghugas, magsabon ng kamay – tiyak na meron kang dawdaw, yan ang kapangyarihan ng dahon na yun. Nararamdaman din ito sa katawan kasi minsan sa loob ng 24 na oras maaaring mamatay ang nadawdaw kung mabagsik ang nakadali sa kanya. Meron naman linggo, buwan bago malaman kasi sabi nila pakiramdam daw laging busog, tapos namamayat.

Paano naman ito ginagamot? Heto ang medyo mahirap paniwalaan kasi ang paggamot daw nito ay isasagawa tuwing umaga bago sumikat ang araw at sa dapit hapon kapag lubog na ang araw, kapag lapas hindi na gagamot yung manggagamot. Ang tanong anong relasyon noong umaga at araw doon sa nainom na lason? Ewan ko, pero yun lagi ang naririnig ko at nakita ko noong ang Inay ay nadawdaw. Ano naman ang iginagamot? Sabi nila langis daw, ewan ko kung ano yun, minsan tanungin natin ang manggagamot doon. Pero ang alam ko patay na lahat ang mga marunong manggamot ng dawdaw doon sa Bancuro, ewan ko lang kung merong nagmana ng ganon.

Sabado, Hulyo 26, 2008

Mangangarit!!

Sa nakaraan kong entri nakwento ko ang tungkol sa tubaan. Doon napahapyawan ko na ang tungkol sa mangangarit. Kung walang mangangarit walang tuba na ititinda sa tubaan yun ang napaka-simpleng aritmitik doon. Kaya naman mahalaga ang mangangarit upang magkaroon ng tuba na iinumin ang mga manunuba. Mahirap ang trabahong mangangarit sapagkat tuwing aakyat sila sa puno ng niyog ang buhay nila ay nasa panganib, hindi lang isang beses o isang puno ng niyog ang kanilang aakyatin, kundi ito’y dalawang beses sa maghapon, isa sa umaga at isa sa hapon.

Sa Bancuro tulad ng nasabi ko sa inyo na ang unang naging mangangarit doon ay si Kuya Johnny o Juan na asawa ng Tiya Kinay. Marami siyang punong niyog na kinakaritan halos lahat ng niyog doon sa lupa ng Ninong Ison. Ito ang kaniyang pangunahing hanap buhay bukod sa palayan, na nakikiani lang siya. Natigil lang siya noong siya ay makapatay ng tao na kainuman at makulong. Siguro sa mga susunod kong kwento sasabihin ko ang talagang naganap ng gabi ng mapatay niya yung kainuman na kumpare pa naman niya. Talaga namang magaling siyang mangarit ng tuba ng niyog. Ang hirap lang sa kanya ay masyado rin kung uminom, sabi nga patay kung patay, pero tahimik lang yun kapag lasing na at uuwi na. Matagal tagal din niyang naging hanapbuhay ang pangangarit ng tuba ng niyog.

Naging dalawa ang mangangarit ng tuba sa Bancuro, yun ay si Manong Ludring na asawa naman ni Ate Nympa. Si Manong Ludring naman ay may maliit na bukirin na sinasaka at ang pangangarit ay pandadag na lang sa kanyang pangangailangan, sapagkat marami siyang anak – labing isa, na lahat ay sa kanya umaasa. Sa kabila ng dalawa ang nagtitinda ng tuba mabenta pa rin ang tuba sa Bancuro at hiwalay naman ang pagtitinda ng tuba. Si Manong Lubring ang tuba niya ay doon na lang sa bahay nila nakahanda para sa mga manunuba. Samantalang kay Kuya Johnny ay dinadala ni Tiya Kinay sa kanto sa may talipapa upang doon naman pumunta yung mga suki niya sa tuba, naroon din ang iba’t ibang pamulutang tinda.

Masasabing magagaling ang mga mangangarit sapagkat alam nila ang malakas, at di malakas magbigay ng tuba ang isang puno ng niyog. Una bibisitahin nila ang puno ng niyog, lilinisan ng ibang mga palapa at mga takiyay, bibilangin kung ilang puso ng niyog ang pwedeng makuhanan ng tuba. Ito ay sisimulang talian at hatakin pababa tuwing umaga upang ito ay maging madaling lagyan ng sahod na lalagyan ng tuba. Kapag nakayuko na siya sa tamang lugar, lalagyan nila ito ng bigkis o tali palibot ang puso ng niyog upang hindi bumuka kapag pinutulan o pinungusan, tapos puputulan na nila ito ng paunang pungos at hahayaang tumulo ng tumulo ng dalawang araw sapagkat ito ay matamis pa. Kapag handa na lalagyan ito ng "tukil" kung tawagin – ito ay bao ng niyog na inalis ang maliit na bahagi sa itaas at inalis ang laman at nilagyan ng tali upang maisabit ito sa puso ng niyog. Ito'y nililinis na mabuti, na akala mo ay isang makintab na gamit pangkusina na kulay mai-itim itim.

Karaniwang ginagawa ang pag pungos ng puso ng niyog tuwing hapon upang sa boong magdamang siya tumulo at hindi masyadong mainit. Kapag nailagay na ang tukil nilalagyan nila ito ng takip na "tistis" upang hindi matubigan kapag umulan o inumin ng anumang ibon. Ang mangangarit ay merong isang uri ng itak na tinatawag na "pangarit" – ito ay talaga namang napakatalas at kakaiba ang talim nito. Karaniwang ito ay naka-baluktot na pabilog o pakawit upang maging madali na makapungos ng puso ng niyog. Ang mga mangangarit sa Bancuro ay walang isinusuot na anumang mga gabay sa pag-iingat na baka mahulog, minsan nga naka-short pants lang sila. Meron ngang isang mangangarit doon na ang pangalan ay si Ka Tiago na nahulog mula sa itaas ng puno ng niyog sa kaniyang pangangarit, pagbagsak sa lupa basag ang kaniyang tuhod at hindi na muling nakalakad pa. Ganyan ang piligro sa buhay ng isang mangangarit, sabi nga kung guhit na niyang mahulog eh di hulog..

Lunes, Hulyo 21, 2008

Tubaan..

"Mare daan ka muna, makapagkuwentuhan tayo. Wag na mare may pupuntahan ako. Saan ka pupunta? Alam mo na doon sa tubaan, kina Pareng Ludring. Pare sama ka tikman mo naman yung niluto kung ginataang bayawak, lantakan natin doon sa tubaan mamayang hapon pagkatapos natin dito sa bukid". Yan ang pangkaraniwang maririnig mo sa pali-paligid ng Bancuro lalo na tuwing sasapit ang dapit hapon. Sapagkat naka-ugalian na nilang magkita kita sa tinatawag na tubaan.

Ano ba itong “tubaan”? Ang tubaan ay nag-buhat sa salitang “tuba” at ang hulaping “an” na kapag pinagsama ito’y nagiging isang lugar na pinagkakalipumpunan ng mga magbubukid, mangingisda, mga tambay at iba pa. Ang tuba ay karaniwang kinukuha sa puno ng niyog, buli, sasa o irok. Tuba na galing sa tubo ay hindi pa nauso doon ang karaniwang tuba roon ay yung galing sa puno ng niyog. Ang mangangarit ang siyang nakaka-alam ng patungkol sa lasa at tapang ng tuba. Ito’y naging isang hanap buhay na doon sa Bancuro. Isa sa nakilala kong mangangarit ng tuba ng niyog ay si Tiyo Johnny, sapagkat talaga namang balde balde ang tuba kung hakutin sa kanilang bahay.

Marami siyang hinihikapang mga niyugan upang kumuha ng tuba. Sa umaga pag patak ng alas 6 ng umaga tiyak isa isa niyang nililibot ang kaniyang mga punong kinakaritan, sapagkat ganon ang dapat upang makakuha ng maraming tuba ng niyog. Sa hapon naman ay alas 4 pa lang ng hapon ay nasa dulo na siya ng niyog upang kuhanin ang mga tuba na kaniyang naipon. Matiyaga niya itong inilalagay sa kung tawagin ay balawit, ito ay yari sa malaking kawayan. Alam nyo ba na para sumarap ang tuba nilalagyan yun ng “tangal” na ang hindi ko malaman kung anong uri ng ugat ng halaman yun galing.

Matapos maipon yun dadalhin na sa tubaan, upang ipagbili sa pamamagitan ng takal na gamit ang “preserb” – ito ay isang uri ng buti na kulay maroon. Ang halaga nito ay 50 sentimos isang preserb. Dito sa tubaan karaniwan mong makikita ay mga matatandang lalaki at babae, malalakas ang kuwentuhan lalo na kapag naka-inom na ng tuba. Masarap din naman ang lasa nito, pero sinasabi na hindi maganda kapag ang pulutan nito ay ginataan. At hindi rin maganda kapag hinaluan mo ng ibang alak.

Nang si Tiyo Johnny ay mamatay, si Manong Ludring naman ang pumalit sa kanya at doon mismo sa kanilang bahay ang naging tubaan. Kapansin pansin na naging karaniwan ng puntahan ang kanilang bahay. Minsan ang iba ay may dala dalang mga pulutang karneng aso, inihaw na isda, karneng baboy, adubong bayawak, sawa at iba pa. Mayroon din naman nanggugulo minsan sa tubaan, siguro nasusubrahan ng inom kaya nagwawala. Karaniwang mula alas singko ng hapon hanggang alas siete ng gabi tumatagal ang mga manunuba doon.

Subalit sa ngayon nawala narin ang tubaan kasi tumigil na rin sa pangangarit si Manong Lubring, kasi medyo matanda na rin daw siya natatakot ng umakyat pa ng puno ng niyog. Wala namang sumunod na sa kanilang mga yapak – kukunti na rin ang nahihilig uminom ng tuba doon. Subalit masasabi na masarap din ang lasa ng tuba, nakakalasing din, sabi nga masustansya daw yun. Kapag hindi naubos ang tuba ito'y iniimbak ng 2 o 3 buwan para maging maasim na suka. Ito'y nabebenta rin naman. Totoong ala-ala na lamang ang natitira tungkol sa tubaan, pero hindi na mawawala ang ala-alang yun sa mga taga- Bancuro....

Sabado, Hulyo 19, 2008

Walog Nasaan Kana?

Siguro magugulat kayo sa mga pangalan na aking inilalahad sa inyo, kutulad noong nakaraan kong entre na “daang kabayo”, ngayon naman ay isa ring lugar sa Bancuro ito kung tawagin ng mga tagaroon ay “Walog”. Ano ba meron ang lugar na ito? Ang walog ay salitang doon mo lang maririnig sa mga nakaka-alam ng lugar, ang pinag mulan ay hindi rin malaman, subalit masasabing makasaysayan ito para sa mga taga Bancuro lalo na yung mga taga- Pook.

Noong dekada 80 ang walog ay masasabing hindi pa gaanong napapasok ng ibat ibang tao, ang ibig kong sabihin ito ay masukal, madawag, at puro kawayanan ang makikita mo dito. Bale ito ang pagitan ng Bancuro at Bahay sa gawing Kanluran at Ladron. Ito ay masasabing isang maliit na sapa na naka-ugnay sa mga palayan, sa mga panahong tag-ulan hindi siya mauubusan ng tubig, kaya naman marami ang nakikinabang dito ng mga dalag, hito, puyo, gurami, kuhol at iba pa kasama ang bayawak, sawa, ahas, ibon, paniki. Dito rin kami minsan dumarayo ng paninirador ng ibon, paghahabol ng tikling, pamamambis ng isda.

Siempre sa araw lang namin yun nagagawa sapagkat marami ang nagsasabi na meron din ditong ibat ibang manggagalaw na sinasabi. Meron daw ditong pugot ang ulo, kapre, babaeng nakaputi at iba pa. Kapag pinaglaruan ka raw dito hindi makakalabas sa kawayanan kasi ililigaw ka raw ng mga engkato rito. Ang lahat ng ito ay puro mga kwento na hindi ko naman naranasan o nakita. Siguro ay sapagkat tuwing araw lang ako dumaraan, pumupunta sa lugar. Tulad ng sinabi ko sa itaas malaki rin ang pakinabang sa lugar na ito sapagkat dito karamihan kumukuha ng mga maliliit na poste kung kakailanganin, panggatong, minsan balag sa halamanan, kawayan at iba pa. Kapag naman tag-init aasahan mo na araw-araw merong mga bata, matanda na makikita ka sa Walog sapagkat nagsisimula ng matuyo ang tubig doon.

Malalakas ang loob ng lahat na mangisda doon, kahit na sabihin pang nakakatakot sapagkat baka may ahas, sawa at iba pang mga hayop. Totoo nga naman na naiipon ang mga isa sa lagon na yaon kaya lumalaki sila ng malalaki talaga. Ang tanong nasaan na ang Walog ngayon. Hindi na mawawala pa ang tawag na lugar na yaon, siguro ang nawala lang ay ang kanyang dating mga katangian. Ano ang mga iyon? Nawala na ang kadawagan, kakaunti na ang kawayanan, mga puno ay unti unti na ring naubos sa pagdami ng mga naninirahan sa lugar. Meron ngang nagpatayo ng bahay doon mismo sa loob ng kasukalan, pero ngayon ay malinis na siya.

Ang dating napagkukunan ng mga isda kung tag-ulan at tag-init ito’y nawala na rin, sapagkat nalinis na ang lugar, tinataniman na ng mga palay, puno ng niyog, saging at iba pa. nabawansan din ang mga puno ng kawayan. Hindi naman talagang nasira bagkos nawala lang yung dating katayuan nito. Ang hindi ko lang alam kong nanatili rin dito yung mga maligno, manggagalaw na sabi ay meron doon. Kung umalis sila doon, saan sila nagtungo? Bakasa mga bahay-bahay doon sa mga nakatira doon. Mag-ingat kayo baka ang isa sa mga kasama ninyo sa bahay ngayon ay isang malignoooooo.... ha ha hah

Linggo, Hulyo 13, 2008

Daang Kabayo!

Doon sa ating nakaraang kwento nakita natin ang isang kaugalian na nagpasalin-salin na sa maraming henerasyon ng tao sa Bancuro, walang makakapagsabi kung ito ay patuloy pa ring gugunitain at hindi rin naman masasabi kung ito ay mahihinto. Siguro, sabi nga hanggang merong nakatira sa Bancuro ay patuloy pa rin ang pag-gunita sa kaugaliang iyon.
Siguro magtataka kayo ano naman ang patungkol sa ating bagong kuwento ngayon, wala lang. Ano ba ito? Lugar, kasabihan, o isang bakas ng kabayo lang? Sa totoo lang isa itong lugar sa bukid na sakop ng Bancuro. Ano ang kahalagahan nito, meron ba itong kwento na medyo magkakaroon kami ng panahong basahin at alamin ito. Ang pinag-mulan ng tawag na ito ay hindi ko masasabi kung kanino nagmula, o sino ang nagbigay ng katawagan dito na "daang kabayo". Ang alam ko lang maraming kwento sa lugar na ito.
Tulad ng nasabi ko ito ay lugar na sakop ng Bancuro, bale pagitan ng Bancuro at ng Bahay - ito naman ay sakop ng Kalinisan. Ito'y nasa gitna ng bukirin subalit marami akong pinsan at tito ang dito nagbubukid. Ibig sabihin nalilibot ito ng mga bukirin, sapa, palikdang (lugar na walang nakatanim). Dito may isang bahay sa gitna ng bukid, ito'y kina Ka Erning at Lina, may balon doon at palayan na ang ibang makikita. Si Ka Erning ay may magagandang anak na babae isa si Cecilia at ang isa ay si Melanie. Meron na rin silang anak na mga may asawa na sina Tita, Consep, Lando at may dalawa pang nakalimutan ko ang mga pangalan. Bago sila lumipat doon sa malapit sa Pook matagal silang nanirahan dito sa bahay nila sa bukid. Nalipat lang sila doon ng magiba ng bagyo ang kanilang bahay. Si Cecilia ay kasing edad ko kasi kaswela ko siya sa Bancuro hanggang sa Agma. Marami ang nagkakagusto sa kanya sapagkat kung titingnan mo nga naman siya ay maganda at seksi at parang hindi sa bukid nakatira ang kutis.
Malimit kami sa kanila dumaan patungo sa Bahay upang makipaglaro ng basketbol, softball at makipagsayawan kung buwan ng Mayo. Tiyak naman kaming daraan doon kina Cecilia upang makipagkuwentuhan, mababait naman sila. Kapag tag-araw naman tiyak din na mapupunta kami sa lugar na ito ng Daang Kabayo upang maglimas ng dalag, hito, gurami at puyo. Minsan naman kapag nagkayayaang pumunta ng lalao tiyak ding daraan don sa daang kabayo. Kaya naging bantog ito sa buong Bancuro. Ang bahay ng lola at lolo ay malapit lang dito bale yung dulo ng sinasaka ng lolo na bukid ay katabi lang ng daang kabayo, kaya lagi kaming napupunta rito ng lolo kasama si Kuya Tony. Kasi noong ako'y nasa mababang paaralan pa, sa lolo at lola ako umuuwi sa hapon, kasi nga kami ni Kuya Tony ang laging magkasama.
Panahon noon ng tag-bulaklak na ang palay ibig sabihin nagsisimula ng magbunga ang palay kaya hanggang gabi ay nagpapatubig pa ang lolo ko gamit ang balon at maliit na makinang de motor. Nakasanayan na namin ng mga lolo na umupo sa hangdan sunod sunod habang nakikinig ng radyo sa dulang "guni guni" habang naghihintay ng hapunan na inihahanda ng lola. Tuwing ikalawang oras bibisitahin ng lolo ang bukid na pinatutubigan upang makita kung gaano na ang nakalatan ng tubig. Ang lolo ay laging may dalang itak na maliit sa baywang at meron ding bawang at kalamansi, para saan yun? Sabi niya para daw sa aswang. Inabot ng gabi hindi pa tapos na kalatan ng tubig ang palayan kaya patuloy pa rin ang lolo na lumilibot sa bukid. Habang imiikot siya papuntang daang kabayo may nararamdaman siyang parang sumusunod o nakatingin sa kanya, pero binali-wala niya ito patuloy ang lakad niya. Noong nasa may puno siya ng bangkal doon niya napansin na parang may lumilipad sa itaas na kakaiba sapagkat malakas ang dalang hangin.
Hindi niya ito pinansin patuloy siya ng lakad, pero nakikiramdam, dahil sa pusikit ang dilim hindi niya masyadong makita ang itaas at maliit lang ang dala niyang flashlight. Nakaramdam siya ng kakaibang pakiramdam at meron siyang naaamoy na kakaiba kaya inihanda niya ang gulok niya at dinukot ang kalamunding at bawang sa bulsa, pinunasan niya ng kaunti ang talim ng gulok. Maya maya pa napansin niya na parang may dumarating na malaking ibon, sabay hugot sa gulok ang siyang darating ang malaking ibon, buti na lang at naka yuko siya, kung hindi nadagit siya. Kaya dumapa siya sa may pilapil upang itago sandali ang katawan habang inihanda ang gulok. Hindi nawalan ng loob ang lolo alam niyang babalik ang ibong iyon at napagtanto niya na isa palang aswang iyon. Tumayo siya pero nakahanda na, ng alam niyang malapit na ang aswang inundayan niya ng taga sa harap niya ang aswang, wala siyang tinamaan. Nagtaka siya? Bakit di siya tumama. Naalala niya yung kwento na kailangan daw sa likuran ang unday ng taga kaya noog alam niyang malapit na siya biglang tumalikod siya sabay unday ng taga sapol ang aswang sa balikat kaya ito'y lipad papalayo, patungo sa bahay nina Ka Erning. Natanong niya sino kaya ang aswang na yun....

Sabado, Hulyo 12, 2008

Pista ng Bancuro

Ang Pilipinas ay binubuo ng maliliit na bahagi ng lupa na tinatawag na pulo sa bawat pulo na ito ay may ibat-ibang tao, pamunuan, kasabihan, kuwento, salita at iba pa. Isa ang Mindoro sa pulo ng Pilipinas, katulad ng iba ang Mindoro ay may kanya kanya rin pagkaka-iba ang bawat bayan at barangay ng mga kaugalian. Ano ang sinasabi kong mga kaugalian? Ito yung mga namana nila sa kanilang mga magulang na nagpasalin salin sa mahabang pahanon. Tulad ng Bancuro isa sa mga kaugalian na nga namamayan sa barangay na ito ay ipagdiwang ang pista na ito raw ang kaarawan ni San Rafael na siyang tumatayong santo ng boong barangay.

Ang pista ng Bancuro ay laging ginaganap tuwing sasapit ang buwan ng Octobre. Ang lahat ay tiyak na ito’y pinaghahandaan dalawang buwan bago pa sumapit ang petsa ng kapistahan. Mula sa ihahanda, pera, bahay at ang mga kukumbidahing mga bisita ay sinisimulan na rin ito ipagkalat, o hindi na kailangan sapagkat merong tao na meron ng listahan ng mga lugar na pupuntahan lalo na kung pista ang paguusapan. Ang kaugaliang ito ang kinagisnan na ng lahat ng mga naninirahan sa Bancuro na sa tingin ko ay hindi na ito mawawala sa kanilang buhay anuman ang mangyari. Talaga namang dinarayo ito ng ibat ibang lugar upang makibahagi, kumain, makisa at ang ibang nanggugulo pa nga.

Kapag pista sa Bancuro tiyak akong babaha ng mga pagkain, inumin, kasiyahan, sayawan na karaniwang magsisimula ng gabi ng Oktobre 23. Ang bawat tahanan ay abala lahat sa paghahanda ng ibat-ibang pagkain, buhat sa suman sa palaspas, suman sa dahon ng saging, kalamay, sago, letseplan, saging na bangalan, lakatan at iba. Mamamalas na hindi nila alintana ang gastusin, ang gagamiting pera, magtataka ka kung saan nag mumula ang kanilang mga ginagamit sa paghahanda. Malaki ang kanilang kasiyahan kapag nakapaghanda sila sa ganitong pistahan, sabi nga ng iba pagkatapos na lang ng pista saka na lang alalahanin ang gastos, at kung inutang saka na lang ito isipin ang pagbabayad. Ganyan ang kanilang mga kaisipan patungkol sa ganitong kaugalian na kanilang iginagalang.

Aasahan mo na marami ring mga nag-aaral sa Maynila ang magsisi-uwi dito sa Bancuro babae at lalaki sapagkat sabik silang maranasan muli ang masasayang sayawan, kasayahan ay ang walang patid na kainan. Sabi nga tiyan ang tatanungin kung kaya mong kumain ng 4 hanggang 8 sunod na kain sa ibat ibang bahay. Kilala ang Pook Bancuro sa pagiging galante ng lahat ng nakatira rito kung handa ang pag-uusapan, wala kang itulak kabigin ibat ibang luto ng pagkain, minatamis at iba pa. Hindi mawawala ang pasine, sayawan, palaro at iba pa. Minsan may dumarayo rin na mga beto-beto, at iba pang mga palarong may kahalong pera.

Kahit sa panahon ngayon na alam natin na medyo mataas ang mga bilihin, tiyak pa rin akong kapag sasapit ang buwan ng Oktobre ang lahat ay nagpaplano na o naghahanda na ng panghanda sa darating na pista. Meron nga na nag-aalaga na sila ng baboy, manok, kambing at iba pa para lang ilaan doon. Kaugaliang masaya, magastos at hindi mawawala sa bawat isa na nakatira sa Bancuro.

May mga bahagi rin ang mababang paaralan ng Bancuro sa ganitong kapistahan sapagkat bawat mag-aaral ay tiyak na kasama sa parada sa kapistahan. Ganon din ang simbahan, tiyak ding ililibot ang santo San Rafael sa hapon sa boong nasasakupan ng Bancuro upang maging masagana raw ang buong taong dadating. Halos lahat ay magsisimba sa kaarawang yaon, kaya halos sumabog ang Simbahang Bato sa dami ng tao mula umaga hanggang bago mananghali. Magkakatipon ang mga taong nakapag-aral, nag-aaral, magsasaka, mangingisda, mga tambay at iba sa pistahan iyon.

Linggo, Hulyo 6, 2008

Samo’t Saring Kwento - III

Ang Multo

Karaniwan na sa iba’t ibang lugar o buong Pilipinas ay naniniwala sa multo. Totoo ba ang multo, sinu-sino ba ang nagmumulto? Pero kung tatanungin mo ang mga taga probinsya at bayan iisa ang isasagot sa inyo na ang multo ay ang taong namatay na. Ito’y karaniwang kamag-anak, pinsan, kaibigan, lolo, lola, ina, tatay at iba pang nabubuhay ayon sa kanilang paniniwala. Meron naman na lagi raw nagpaparamdam yung matagal ng patay sa iba’t ibang paraan, noroon yung amoy kandila, malamig na hangin, malaking itim na paru paro, at iba pa.

Sa mga bayan unti-unti na itong nawawala siguro dahil sa makabagong siyensya, pero sa mga lalawigan, baryo, barangay naroon pa rin ang paniniwalang ang isang patay ay bumabalik. Meron naman na ang multo daw ay may kakayahang maghiganti sa isang buhay sa mga nagawang kasalanan nito sa namatay. Siguro ang bago kong kwento ay hindi na bago sa iba, subalit sa iba na gustong malaman ang tungkol sa multo na nangyari sa Bancuro, masasabi ko na totoo itong nangyari doon.

Sa akin blog na
http://jmhe-blogko.blogspot.com doon natalakay ko ang pangyayari tungkol sa mag-asawang bumalik upang makipag-ugnayan muli sa kanilang mga mahal sa buhay – may pamagat na Are the Dead, Really Dead? Sa kategoryang Sin or Life. Doon nabanggit ko ang tungkol sa pagsapi ng mag-asawa doon sa dalawang anak upang kausapin ang mga naiwang kamag-anakan. Hindi lang yun sa bawat may namamatay doon sa Bancuro lahat ay natatakot lalo na kapag gabi na dahil meron daw multo. Ang multo daw ng isang namatay ay magpapakita sa tao sa loob ng dalawang araw matapos mamatay. Minsan nagpapakita sila sa ika-apat na araw (apatan), ika-siyam na araw (siyaman), ika-apat-napong araw (apatnapuan), isang taon (babang luksa).

Pero merong isang kwento doon na natatandaan ko pa kasi naging kilala ang taong ito doon sa amin. Siya’y kung tawagin ay Nanay Angie mayumi, kasi mahinhin siyang kumilos, at manalita, subalit siya’y mamumuno sa mga dasalan doon sa amin. Siguro sa katandaan na rin, kaya siya’y naratay sa banig ng matagal na panahon subalit hindi agad namatay. Lagi siyang binabantayan sa gabi sapagkat marami ang dumadalaw na aswang doon upang biktimahin siya. Pero hindi magawa sapagkat laging maraming nagbabantay sa kanya. Maraming buwan ang lumipas sa gayong sitwasyon na kailangang bantayan siya, subalit ang mga nagbabantay ang siyang nagsasawa, sapagkat hindi naman mamatay ang matanda. May nagbiro nga doon na una pa raw mamamatay ang mga nagbabantay kaysa sa binabantayan.

Kaya isang araw kina-usap ng isang anak yung matanda para daw hindi na lahat magsakripisyo, doon nila nalaman na ang matanda pala ay mayroong iniingatang anting-anting. Sinabi ng matanda na ibibigay niya ang anting-anting nayun kung sino ang may gusto, subalit walang may gusto sapagkat kailangang kapag iniluwa ng matanda, nasa bibig pa lang ng matanda ay kukunin na ng gusto sa pamamagitan ng bibig din. Pero wala namang maglakas ng loob sa mga naroon, kaya hinayaan na lang, ng iluwa niya yung anting-anting sabay ang pagkalagot ng kanyang hininga. Ang anting-anting palang yun ay sa ulikbangon, na kapag nabasa mo lagi ang labi niya mabubuhay ulit.

Matapos mamatay ng matanda, marami ang nagsabi at nag kuwento na marami daw dinalaw ang matanda, pero wala naman daw sinasabi. Meron naman na ang sabi nagpakita daw na nakatayo sa may bintana na nakatalikod pero walang ulo. Meron naman nasa may hagdan daw naka-upo. Pero totoo ba ito na bumabalik ang isang namatay na at itoy nagmumulto sa iba.

Noong mamatay ang lola ko wala ako noon doon pero hindi naman nag-multo sa akin. Pero merong kuwento ang Inay na minsan daw sa bahay ng lola na ngayon ay bahay na ni Ate Nym, kapag walang tao may maririnig na himig na parang kumakanta sa loob ng bahay (kasi raw nasanayan na ng lola na umawit noong buhay pa). Kaya noong minsan alam niya walang tao doon sa kabila tinawag niya ang lola at tinanong kung ano ang kailangan, pero wala namang sumagot. Noong high school pa ako medyo takot at naniniwala ako sa multo, pero noong namatay si Totoy (Sales) tito ko, mula noon hindi na ako takot sa patay, kasi noon may nagbiro sa akin noong nakaburol si Totoy ng makatulog ako sa silya may bumuhat sa akin at doon inihiga sa ilalim ng kabaong, tapos itinali pa ang aking mga paa doon.

Ang masasabi ko walang multo, ang patay ay hindi na makakabalik pa. Ang lahat ng nararanasan ng mga tao tungkol dito ay dala lang ng kanilang pangungulila, pag-iisip at ng kanilang imahinasyon. Totoo ito sa kuwento lamang…… upang matakot ang mga bata.

Huwebes, Hulyo 3, 2008

Samo't Saring Kwento - II

Dos ng Hunyo

Para maiba naman ang putahe natin ngayon, hayaan ninyo na ang i-kwento ko ay tungkol naman sa isang pangyayari na hinding hindi nakakalimutan ng mga taga-Bancuro. Bakit ko naman nasabi ang ganon sapagkat sa tinagal tagal na ng panahon na nakalipas tiyak ko sa inyo na hindi pa rin basta malilimutan ang pangyayaring iyon. Bakit naman ang pamagat ay “Dos ng Hunyo” sapagkat sa petsang iyan nangyari ang kuwento ko sa inyo. Ganito yun.

Sa mga panahong iyon, kapag dumating ang buwan ng Marso, Abril at Mayo tiyak na marami ang magdaratingang mga “lawig” kung tawagin sa amin sa Bancuro. Ano ba itong tinatawag na lawig - ito yung mga tao na galing sa ibang lugar na pansamantalang titigil sa isang lugar upang makipag-ani ng palay o anuman. Karaniwang mga taga Batangas ang mga lumalawig sa Bancuro at karamihan naman ay mga kapinsanan na rin ng mga taga roon. Isa sa mga laging lumalawig doon ay si Elino ang pangalan, Felino Matira ang tunay na pangalan. Siya’y tahimik at wala laging kibo, sabi nga kung hindi mo siya kakausapin hindi siya magsasalita.

Natapos na ang anihan ng palay sa Bancuro sa buwan ng Mayo at magsisimula na ulit ng pagtatanim ng Hunyo sapagkat minsan minsan umuulan na sa mga buwan na yun. Ang ibang mga lawig ay nagsipag-uwian na sa Batangas dala ang kanilang mga naging kabahagi. Subalit si Elino ay nagpa-iwan sapagkat gusto pa niyang tumulong sa pagtatanim ng palay. Ang buwan ng Mayo at Hunyo ay buwan ng mga pistahan sa mga karatig barangay. Noong a dos ng Hunyo ay pista ng Balansig na karaniwang dumarayo ang mga kalalakihan ng Bancuro upang masaksihan niya ang mga palaro lalo na ang “softball” na kilala rin ang Bancuro sa larong iyon. Halos lahat ng mga kalalakihan ay naroon maliban kay Elino, kasi raw may gagawin siya. Ibig sabihin hindi na siya sumama. Ilan sa mga kababaihan ay nagpunta rin sa pinstang iyon.

Walang nakakapansin kay Elino na maaga pala siyang nagising na ayon sa kuwento alas 4:00 ng umaga pa gising. Mula sa oras na iyon ay nagsimula na siyang maghasa ng kaniyang itak o maliit na gulok, ang dahilan siya lamang ang nakaka-alam. Si Anastasya na anak ni Tiya Pontina ay dalaga ng mga panahong iyon. Ayon sa kuwento na tuwing makikita nito si Elino ay laging kinukutya, niluluko at laging maasim ang tingin sa kanya. Nang pumatak ang alas 9 ng umaga nagulat ang mga naiwang mga kababaihan at ilang mga lalaki sa sigaw na kanilang narinig. Sino ang sumisigaw? ang tanungan. Ang maririnig ay lumabas kayo riyannnnnnn, pakita kayo……

Ang unang lalaki na lumabas sa kanilang bahay upang tingnan ang sumisigaw ay si Perto na asawa ni Huling. Nakilala niya kung sino ang sumigaw yun ay si Elino. Agad siyang hinarap at hinabol ng taga, walang nagawa siya kundi ang tumakbo patungo sa bahay nina Rustico upang magtago. Nang naroon na sa bahay nina Rustico akala ni Paulino na kasalukuyang nalalaro ay nagbibiro lang si Elino kaya mula sa silong ng bahay ni Rustico siya’y sinusundot pa ni Paulino sa siwang ng sahig, kaya lalong nagalit si Elino kaya siya ang hinarap. Buti na lang at ganon ang nangyari kung hindi makikita na sana si Perto na nagtatago lang sa kabila ng pinto. Bata pa noon si Paulino kaya siya kumaripas ng takbo papalayo. Hindi na hinabol pa ni Elino si Paulino kundi binalikan niya si Perto, ng dumating doon, si Makarya na galing lang sa paglalaba ay pinatutulog ang batang si Victoria sa duyan ang siyang hinarap. Nakita ni Makarya na ang tingin ni Elino ay parang ulol na, kaya siya’y nahintakutan, umiwas subalit siya’y patuloy na inundayan ng taga, mabuti na lang at laging nakaka-iwas. Nasa isip ni Makarya na baka ang balingan ay ang batang natutulog sa duyan kaya hinagisan niya ng unan yung duyan upang matakpan ang pata tama lang naman ito sa katawan ng bata. Subalit patuloy pa rin siyang hinahabol si Elino ng taga, sigaw, takbo ang ginawa niya sa palibot ng kanilang bahay.

Maya maya hindi na niya kayang tumakbo huminto siya at hinarap si Elino, unang taga sa kanya sinalag niya ito ng kanyang kaliwang kamay halos maputol ang daliri niya sa talas ng itak, tapos himbalos ulit siya ng taga pagsalag niya ng kanang kamay sabay akap kay Elino upang mahinto ito bumagsak sila at gumulong doon dumating muli si Perto galing sa pagtatago at tinulungan si Makarya nakalayo sila doon, pero patuloy silang hinabol ni Elino. Sa paghabol na yaon nakasalubong ni Elino si Henyo na sakay sa bisekleta, kaya siya naman ang hinarap nito. Walang nagawa si Henyo kundi ipagsanggalang ang kanyang dalang bisekleta, sa unang taga ni Elino at salag ni Henyo tagpas ang bisekleta ni Henyo kaya takbo siyang palabas ng kanto ng Bancuro upang humanap ng tulong.

Sa mga oras na yaon pala ay nagdadatingan na ang mga galing sa pistahan kaya marami na ang nagtulong tulong upang papigilan ang pagwawala ni Elino. Ang mga kalalakihan ay nagtulong tulong at ang mga kababaihan naman ay hinanap si Makarya na noon naliligo na sa sariling dugo. Meron siyang taga sa likod, sa dalawang kamay. At natuklasan din nila na isa ang napatay ni Elino si Julia. Naigapos si Elino subalit hindi nagsasalita, parang ang mata ay mata ng ulol na aso. Dumating ang mga pulis galing sa bayan at nadala rin sa hospital si Makarya. Si Victoria pala ay hindi napansin kasi natatakpan ng unan, ay nagising subalit hindi makaiyak sapagkat may takip na unan ang mukha, buti na lang at dumating si Paulino at tinungo ang duyan, kung hindi patay din sana si Victoria.

Makalipas ang ilang lingo nahatulan agad si Elino ng pagkabilanggo ng habang-buhay sa kanyang ginawa. At ang sabi nagawa lang daw niya yun dahil galit siya kay Anastasya na laging siyang niluluko. Subalit makalipas ang 10 taon nakalaya si Elino, mula sa kulungan, siya’y nagtinda ng mga damit sa bayan ng Batangas subalit makalipas ang ilang taon siyay namatay sa sakit. Si Makarya naman ay nakaligtas pero naiwan ang mga bakas sa kaniya kamay sapagkat yung kalingkingan niya sa kanan at kaliwa ay hindi na gumagalaw. Si Perto naman ay di malilimutan ang pangyayaring iyon. Si Paulino naman bagamat bata pa noon pero hindi na niya makakalimutan iyon. Doon nauso yung kanta na -
"Noong a dos po ng Hunyo, ng managa si Elino
Ang unang tinaga ay si Perto magaling at nakatakbo.
Nang tumatakbo si Perto ay tumakbo rin si Elino.
Ang unang bahay na tinungo
Ay ang bahay ni Rustico.