Doon sa ating nakaraang kwento nakita natin ang isang kaugalian na nagpasalin-salin na sa maraming henerasyon ng tao sa Bancuro, walang makakapagsabi kung ito ay patuloy pa ring gugunitain at hindi rin naman masasabi kung ito ay mahihinto. Siguro, sabi nga hanggang merong nakatira sa Bancuro ay patuloy pa rin ang pag-gunita sa kaugaliang iyon.
Siguro magtataka kayo ano naman ang patungkol sa ating bagong kuwento ngayon, wala lang. Ano ba ito? Lugar, kasabihan, o isang bakas ng kabayo lang? Sa totoo lang isa itong lugar sa bukid na sakop ng Bancuro. Ano ang kahalagahan nito, meron ba itong kwento na medyo magkakaroon kami ng panahong basahin at alamin ito. Ang pinag-mulan ng tawag na ito ay hindi ko masasabi kung kanino nagmula, o sino ang nagbigay ng katawagan dito na "daang kabayo". Ang alam ko lang maraming kwento sa lugar na ito.
Tulad ng nasabi ko ito ay lugar na sakop ng Bancuro, bale pagitan ng Bancuro at ng Bahay - ito naman ay sakop ng Kalinisan. Ito'y nasa gitna ng bukirin subalit marami akong pinsan at tito ang dito nagbubukid. Ibig sabihin nalilibot ito ng mga bukirin, sapa, palikdang (lugar na walang nakatanim). Dito may isang bahay sa gitna ng bukid, ito'y kina Ka Erning at Lina, may balon doon at palayan na ang ibang makikita. Si Ka Erning ay may magagandang anak na babae isa si Cecilia at ang isa ay si Melanie. Meron na rin silang anak na mga may asawa na sina Tita, Consep, Lando at may dalawa pang nakalimutan ko ang mga pangalan. Bago sila lumipat doon sa malapit sa Pook matagal silang nanirahan dito sa bahay nila sa bukid. Nalipat lang sila doon ng magiba ng bagyo ang kanilang bahay. Si Cecilia ay kasing edad ko kasi kaswela ko siya sa Bancuro hanggang sa Agma. Marami ang nagkakagusto sa kanya sapagkat kung titingnan mo nga naman siya ay maganda at seksi at parang hindi sa bukid nakatira ang kutis.
Malimit kami sa kanila dumaan patungo sa Bahay upang makipaglaro ng basketbol, softball at makipagsayawan kung buwan ng Mayo. Tiyak naman kaming daraan doon kina Cecilia upang makipagkuwentuhan, mababait naman sila. Kapag tag-araw naman tiyak din na mapupunta kami sa lugar na ito ng Daang Kabayo upang maglimas ng dalag, hito, gurami at puyo. Minsan naman kapag nagkayayaang pumunta ng lalao tiyak ding daraan don sa daang kabayo. Kaya naging bantog ito sa buong Bancuro. Ang bahay ng lola at lolo ay malapit lang dito bale yung dulo ng sinasaka ng lolo na bukid ay katabi lang ng daang kabayo, kaya lagi kaming napupunta rito ng lolo kasama si Kuya Tony. Kasi noong ako'y nasa mababang paaralan pa, sa lolo at lola ako umuuwi sa hapon, kasi nga kami ni Kuya Tony ang laging magkasama.
Panahon noon ng tag-bulaklak na ang palay ibig sabihin nagsisimula ng magbunga ang palay kaya hanggang gabi ay nagpapatubig pa ang lolo ko gamit ang balon at maliit na makinang de motor. Nakasanayan na namin ng mga lolo na umupo sa hangdan sunod sunod habang nakikinig ng radyo sa dulang "guni guni" habang naghihintay ng hapunan na inihahanda ng lola. Tuwing ikalawang oras bibisitahin ng lolo ang bukid na pinatutubigan upang makita kung gaano na ang nakalatan ng tubig. Ang lolo ay laging may dalang itak na maliit sa baywang at meron ding bawang at kalamansi, para saan yun? Sabi niya para daw sa aswang. Inabot ng gabi hindi pa tapos na kalatan ng tubig ang palayan kaya patuloy pa rin ang lolo na lumilibot sa bukid. Habang imiikot siya papuntang daang kabayo may nararamdaman siyang parang sumusunod o nakatingin sa kanya, pero binali-wala niya ito patuloy ang lakad niya. Noong nasa may puno siya ng bangkal doon niya napansin na parang may lumilipad sa itaas na kakaiba sapagkat malakas ang dalang hangin.
Hindi niya ito pinansin patuloy siya ng lakad, pero nakikiramdam, dahil sa pusikit ang dilim hindi niya masyadong makita ang itaas at maliit lang ang dala niyang flashlight. Nakaramdam siya ng kakaibang pakiramdam at meron siyang naaamoy na kakaiba kaya inihanda niya ang gulok niya at dinukot ang kalamunding at bawang sa bulsa, pinunasan niya ng kaunti ang talim ng gulok. Maya maya pa napansin niya na parang may dumarating na malaking ibon, sabay hugot sa gulok ang siyang darating ang malaking ibon, buti na lang at naka yuko siya, kung hindi nadagit siya. Kaya dumapa siya sa may pilapil upang itago sandali ang katawan habang inihanda ang gulok. Hindi nawalan ng loob ang lolo alam niyang babalik ang ibong iyon at napagtanto niya na isa palang aswang iyon. Tumayo siya pero nakahanda na, ng alam niyang malapit na ang aswang inundayan niya ng taga sa harap niya ang aswang, wala siyang tinamaan. Nagtaka siya? Bakit di siya tumama. Naalala niya yung kwento na kailangan daw sa likuran ang unday ng taga kaya noog alam niyang malapit na siya biglang tumalikod siya sabay unday ng taga sapol ang aswang sa balikat kaya ito'y lipad papalayo, patungo sa bahay nina Ka Erning. Natanong niya sino kaya ang aswang na yun....
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento