Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Sabado, Hulyo 26, 2008

Mangangarit!!

Sa nakaraan kong entri nakwento ko ang tungkol sa tubaan. Doon napahapyawan ko na ang tungkol sa mangangarit. Kung walang mangangarit walang tuba na ititinda sa tubaan yun ang napaka-simpleng aritmitik doon. Kaya naman mahalaga ang mangangarit upang magkaroon ng tuba na iinumin ang mga manunuba. Mahirap ang trabahong mangangarit sapagkat tuwing aakyat sila sa puno ng niyog ang buhay nila ay nasa panganib, hindi lang isang beses o isang puno ng niyog ang kanilang aakyatin, kundi ito’y dalawang beses sa maghapon, isa sa umaga at isa sa hapon.

Sa Bancuro tulad ng nasabi ko sa inyo na ang unang naging mangangarit doon ay si Kuya Johnny o Juan na asawa ng Tiya Kinay. Marami siyang punong niyog na kinakaritan halos lahat ng niyog doon sa lupa ng Ninong Ison. Ito ang kaniyang pangunahing hanap buhay bukod sa palayan, na nakikiani lang siya. Natigil lang siya noong siya ay makapatay ng tao na kainuman at makulong. Siguro sa mga susunod kong kwento sasabihin ko ang talagang naganap ng gabi ng mapatay niya yung kainuman na kumpare pa naman niya. Talaga namang magaling siyang mangarit ng tuba ng niyog. Ang hirap lang sa kanya ay masyado rin kung uminom, sabi nga patay kung patay, pero tahimik lang yun kapag lasing na at uuwi na. Matagal tagal din niyang naging hanapbuhay ang pangangarit ng tuba ng niyog.

Naging dalawa ang mangangarit ng tuba sa Bancuro, yun ay si Manong Ludring na asawa naman ni Ate Nympa. Si Manong Ludring naman ay may maliit na bukirin na sinasaka at ang pangangarit ay pandadag na lang sa kanyang pangangailangan, sapagkat marami siyang anak – labing isa, na lahat ay sa kanya umaasa. Sa kabila ng dalawa ang nagtitinda ng tuba mabenta pa rin ang tuba sa Bancuro at hiwalay naman ang pagtitinda ng tuba. Si Manong Lubring ang tuba niya ay doon na lang sa bahay nila nakahanda para sa mga manunuba. Samantalang kay Kuya Johnny ay dinadala ni Tiya Kinay sa kanto sa may talipapa upang doon naman pumunta yung mga suki niya sa tuba, naroon din ang iba’t ibang pamulutang tinda.

Masasabing magagaling ang mga mangangarit sapagkat alam nila ang malakas, at di malakas magbigay ng tuba ang isang puno ng niyog. Una bibisitahin nila ang puno ng niyog, lilinisan ng ibang mga palapa at mga takiyay, bibilangin kung ilang puso ng niyog ang pwedeng makuhanan ng tuba. Ito ay sisimulang talian at hatakin pababa tuwing umaga upang ito ay maging madaling lagyan ng sahod na lalagyan ng tuba. Kapag nakayuko na siya sa tamang lugar, lalagyan nila ito ng bigkis o tali palibot ang puso ng niyog upang hindi bumuka kapag pinutulan o pinungusan, tapos puputulan na nila ito ng paunang pungos at hahayaang tumulo ng tumulo ng dalawang araw sapagkat ito ay matamis pa. Kapag handa na lalagyan ito ng "tukil" kung tawagin – ito ay bao ng niyog na inalis ang maliit na bahagi sa itaas at inalis ang laman at nilagyan ng tali upang maisabit ito sa puso ng niyog. Ito'y nililinis na mabuti, na akala mo ay isang makintab na gamit pangkusina na kulay mai-itim itim.

Karaniwang ginagawa ang pag pungos ng puso ng niyog tuwing hapon upang sa boong magdamang siya tumulo at hindi masyadong mainit. Kapag nailagay na ang tukil nilalagyan nila ito ng takip na "tistis" upang hindi matubigan kapag umulan o inumin ng anumang ibon. Ang mangangarit ay merong isang uri ng itak na tinatawag na "pangarit" – ito ay talaga namang napakatalas at kakaiba ang talim nito. Karaniwang ito ay naka-baluktot na pabilog o pakawit upang maging madali na makapungos ng puso ng niyog. Ang mga mangangarit sa Bancuro ay walang isinusuot na anumang mga gabay sa pag-iingat na baka mahulog, minsan nga naka-short pants lang sila. Meron ngang isang mangangarit doon na ang pangalan ay si Ka Tiago na nahulog mula sa itaas ng puno ng niyog sa kaniyang pangangarit, pagbagsak sa lupa basag ang kaniyang tuhod at hindi na muling nakalakad pa. Ganyan ang piligro sa buhay ng isang mangangarit, sabi nga kung guhit na niyang mahulog eh di hulog..

Walang komento: