Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Linggo, Hulyo 6, 2008

Samo’t Saring Kwento - III

Ang Multo

Karaniwan na sa iba’t ibang lugar o buong Pilipinas ay naniniwala sa multo. Totoo ba ang multo, sinu-sino ba ang nagmumulto? Pero kung tatanungin mo ang mga taga probinsya at bayan iisa ang isasagot sa inyo na ang multo ay ang taong namatay na. Ito’y karaniwang kamag-anak, pinsan, kaibigan, lolo, lola, ina, tatay at iba pang nabubuhay ayon sa kanilang paniniwala. Meron naman na lagi raw nagpaparamdam yung matagal ng patay sa iba’t ibang paraan, noroon yung amoy kandila, malamig na hangin, malaking itim na paru paro, at iba pa.

Sa mga bayan unti-unti na itong nawawala siguro dahil sa makabagong siyensya, pero sa mga lalawigan, baryo, barangay naroon pa rin ang paniniwalang ang isang patay ay bumabalik. Meron naman na ang multo daw ay may kakayahang maghiganti sa isang buhay sa mga nagawang kasalanan nito sa namatay. Siguro ang bago kong kwento ay hindi na bago sa iba, subalit sa iba na gustong malaman ang tungkol sa multo na nangyari sa Bancuro, masasabi ko na totoo itong nangyari doon.

Sa akin blog na
http://jmhe-blogko.blogspot.com doon natalakay ko ang pangyayari tungkol sa mag-asawang bumalik upang makipag-ugnayan muli sa kanilang mga mahal sa buhay – may pamagat na Are the Dead, Really Dead? Sa kategoryang Sin or Life. Doon nabanggit ko ang tungkol sa pagsapi ng mag-asawa doon sa dalawang anak upang kausapin ang mga naiwang kamag-anakan. Hindi lang yun sa bawat may namamatay doon sa Bancuro lahat ay natatakot lalo na kapag gabi na dahil meron daw multo. Ang multo daw ng isang namatay ay magpapakita sa tao sa loob ng dalawang araw matapos mamatay. Minsan nagpapakita sila sa ika-apat na araw (apatan), ika-siyam na araw (siyaman), ika-apat-napong araw (apatnapuan), isang taon (babang luksa).

Pero merong isang kwento doon na natatandaan ko pa kasi naging kilala ang taong ito doon sa amin. Siya’y kung tawagin ay Nanay Angie mayumi, kasi mahinhin siyang kumilos, at manalita, subalit siya’y mamumuno sa mga dasalan doon sa amin. Siguro sa katandaan na rin, kaya siya’y naratay sa banig ng matagal na panahon subalit hindi agad namatay. Lagi siyang binabantayan sa gabi sapagkat marami ang dumadalaw na aswang doon upang biktimahin siya. Pero hindi magawa sapagkat laging maraming nagbabantay sa kanya. Maraming buwan ang lumipas sa gayong sitwasyon na kailangang bantayan siya, subalit ang mga nagbabantay ang siyang nagsasawa, sapagkat hindi naman mamatay ang matanda. May nagbiro nga doon na una pa raw mamamatay ang mga nagbabantay kaysa sa binabantayan.

Kaya isang araw kina-usap ng isang anak yung matanda para daw hindi na lahat magsakripisyo, doon nila nalaman na ang matanda pala ay mayroong iniingatang anting-anting. Sinabi ng matanda na ibibigay niya ang anting-anting nayun kung sino ang may gusto, subalit walang may gusto sapagkat kailangang kapag iniluwa ng matanda, nasa bibig pa lang ng matanda ay kukunin na ng gusto sa pamamagitan ng bibig din. Pero wala namang maglakas ng loob sa mga naroon, kaya hinayaan na lang, ng iluwa niya yung anting-anting sabay ang pagkalagot ng kanyang hininga. Ang anting-anting palang yun ay sa ulikbangon, na kapag nabasa mo lagi ang labi niya mabubuhay ulit.

Matapos mamatay ng matanda, marami ang nagsabi at nag kuwento na marami daw dinalaw ang matanda, pero wala naman daw sinasabi. Meron naman na ang sabi nagpakita daw na nakatayo sa may bintana na nakatalikod pero walang ulo. Meron naman nasa may hagdan daw naka-upo. Pero totoo ba ito na bumabalik ang isang namatay na at itoy nagmumulto sa iba.

Noong mamatay ang lola ko wala ako noon doon pero hindi naman nag-multo sa akin. Pero merong kuwento ang Inay na minsan daw sa bahay ng lola na ngayon ay bahay na ni Ate Nym, kapag walang tao may maririnig na himig na parang kumakanta sa loob ng bahay (kasi raw nasanayan na ng lola na umawit noong buhay pa). Kaya noong minsan alam niya walang tao doon sa kabila tinawag niya ang lola at tinanong kung ano ang kailangan, pero wala namang sumagot. Noong high school pa ako medyo takot at naniniwala ako sa multo, pero noong namatay si Totoy (Sales) tito ko, mula noon hindi na ako takot sa patay, kasi noon may nagbiro sa akin noong nakaburol si Totoy ng makatulog ako sa silya may bumuhat sa akin at doon inihiga sa ilalim ng kabaong, tapos itinali pa ang aking mga paa doon.

Ang masasabi ko walang multo, ang patay ay hindi na makakabalik pa. Ang lahat ng nararanasan ng mga tao tungkol dito ay dala lang ng kanilang pangungulila, pag-iisip at ng kanilang imahinasyon. Totoo ito sa kuwento lamang…… upang matakot ang mga bata.

Walang komento: