Ang Pilipinas ay binubuo ng maliliit na bahagi ng lupa na tinatawag na pulo sa bawat pulo na ito ay may ibat-ibang tao, pamunuan, kasabihan, kuwento, salita at iba pa. Isa ang Mindoro sa pulo ng Pilipinas, katulad ng iba ang Mindoro ay may kanya kanya rin pagkaka-iba ang bawat bayan at barangay ng mga kaugalian. Ano ang sinasabi kong mga kaugalian? Ito yung mga namana nila sa kanilang mga magulang na nagpasalin salin sa mahabang pahanon. Tulad ng Bancuro isa sa mga kaugalian na nga namamayan sa barangay na ito ay ipagdiwang ang pista na ito raw ang kaarawan ni San Rafael na siyang tumatayong santo ng boong barangay.
Ang pista ng Bancuro ay laging ginaganap tuwing sasapit ang buwan ng Octobre. Ang lahat ay tiyak na ito’y pinaghahandaan dalawang buwan bago pa sumapit ang petsa ng kapistahan. Mula sa ihahanda, pera, bahay at ang mga kukumbidahing mga bisita ay sinisimulan na rin ito ipagkalat, o hindi na kailangan sapagkat merong tao na meron ng listahan ng mga lugar na pupuntahan lalo na kung pista ang paguusapan. Ang kaugaliang ito ang kinagisnan na ng lahat ng mga naninirahan sa Bancuro na sa tingin ko ay hindi na ito mawawala sa kanilang buhay anuman ang mangyari. Talaga namang dinarayo ito ng ibat ibang lugar upang makibahagi, kumain, makisa at ang ibang nanggugulo pa nga.
Kapag pista sa Bancuro tiyak akong babaha ng mga pagkain, inumin, kasiyahan, sayawan na karaniwang magsisimula ng gabi ng Oktobre 23. Ang bawat tahanan ay abala lahat sa paghahanda ng ibat-ibang pagkain, buhat sa suman sa palaspas, suman sa dahon ng saging, kalamay, sago, letseplan, saging na bangalan, lakatan at iba. Mamamalas na hindi nila alintana ang gastusin, ang gagamiting pera, magtataka ka kung saan nag mumula ang kanilang mga ginagamit sa paghahanda. Malaki ang kanilang kasiyahan kapag nakapaghanda sila sa ganitong pistahan, sabi nga ng iba pagkatapos na lang ng pista saka na lang alalahanin ang gastos, at kung inutang saka na lang ito isipin ang pagbabayad. Ganyan ang kanilang mga kaisipan patungkol sa ganitong kaugalian na kanilang iginagalang.
Aasahan mo na marami ring mga nag-aaral sa Maynila ang magsisi-uwi dito sa Bancuro babae at lalaki sapagkat sabik silang maranasan muli ang masasayang sayawan, kasayahan ay ang walang patid na kainan. Sabi nga tiyan ang tatanungin kung kaya mong kumain ng 4 hanggang 8 sunod na kain sa ibat ibang bahay. Kilala ang Pook Bancuro sa pagiging galante ng lahat ng nakatira rito kung handa ang pag-uusapan, wala kang itulak kabigin ibat ibang luto ng pagkain, minatamis at iba pa. Hindi mawawala ang pasine, sayawan, palaro at iba pa. Minsan may dumarayo rin na mga beto-beto, at iba pang mga palarong may kahalong pera.
Kahit sa panahon ngayon na alam natin na medyo mataas ang mga bilihin, tiyak pa rin akong kapag sasapit ang buwan ng Oktobre ang lahat ay nagpaplano na o naghahanda na ng panghanda sa darating na pista. Meron nga na nag-aalaga na sila ng baboy, manok, kambing at iba pa para lang ilaan doon. Kaugaliang masaya, magastos at hindi mawawala sa bawat isa na nakatira sa Bancuro.
May mga bahagi rin ang mababang paaralan ng Bancuro sa ganitong kapistahan sapagkat bawat mag-aaral ay tiyak na kasama sa parada sa kapistahan. Ganon din ang simbahan, tiyak ding ililibot ang santo San Rafael sa hapon sa boong nasasakupan ng Bancuro upang maging masagana raw ang buong taong dadating. Halos lahat ay magsisimba sa kaarawang yaon, kaya halos sumabog ang Simbahang Bato sa dami ng tao mula umaga hanggang bago mananghali. Magkakatipon ang mga taong nakapag-aral, nag-aaral, magsasaka, mangingisda, mga tambay at iba sa pistahan iyon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento