Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Sabado, Mayo 31, 2008

Sandugo’s Higher Review

Ano ba ang nakapaloob na kwento sa ating bida sa bago niyang kinakaharap? Alam nyo dito nakapaloob ang mga pangyayari noong siya’y nag-rereview para sa board exam ng accounting. Subalit bago natin simulan yan bigyan natin ng kaunting hapyaw ang kanyang buhay bago magtapos ang ika-apat na taon niya sa UE kasi may kaugnayan yan sa kwento niya. Sa katunayan naniniwala ang ating bida sa inspirasyon bago mag review at ang payo sa kanya napakagandang inspirasyon ay ang magkaroon ng syota na mahusay daw sa accounting. So wala namang nabanggit na pwedeng pormahan ang ating bida na may ibubuga sa accounting. Tingnan nga natin kung meron ngang natatagong love life ang sandugo noong nasa ika-apat na taon siya at kung bakit ngayon lang lumabas…

Tulad nga ng nabasa ninyo sa itaas, naniniwala ako sa kasabihan tungkol sa inspirasyon para daw ganahan sa pag-review at pag-aaral. Nangyari ito bago matapos kami ng last semistre namin, isa sa mga ka-klase namin ang nakita ko na mahusay sa accounting at mag-rereview rin para sa board exam. Lingid sa babaeng ito, napagkasunduan na naming barkada na isa sa amin ang liligaw at pasasagutin ang babaeng ito. Siempre para parehas sa lahat nagpalabunutan kami kung sino ang puporma sa kanya. At ang lumabas sa tawas o palabunutan ay ako. Ang babae ay maliit lang, maputi, hanggang balikat ang buhok, kapangpangan, bilugan ang mga mata, sabi nga hindi pangit hindi maganda nasa gitna lang. Ang usapan pasasagutin ang babae isang buwan bago magbakasyon at ginawa ang bunutan isa’t kalating buwan bago magtapos, ibig sabihin labing limang araw lang ang palugit para mapasagot ang babae.

Ano naman ang layunin nito bakit kailangan pang magkaroon ng ganito para sa review, sa ganitong paraan marami kaming mapagkukunan ng review materials kasi ibang review center itong babae. Sino ba ang babaeng ito? Siya ay si Yolly. Sinimulan ko ang pag porma kay Yolly, at alam nyo ba napag-alaman ko sa kanyang mga kaibigan na may kras pala ito sa akin. Oh astig walang kahirap hirap madaling mapapasagot. Minsan isang hapon ng uwian sinabayan ko siya, pauwi sa kanila at di naman ako binigo, nagkakuwentuhan kami ng napaka-haba ng hapong iyon, tumagal ata ng dalawang oras. Sabi ko sa sunod na araw na kung pwede ko syang ilabas para kwentuhan at sabayan sa pag-uwi, aba ay pamayag, kaya lang sabi niya wag daw sasabihin sa barkada ko nakakahiya. Pero lingid sa kaalaman niya sa telepono kami nag-uusap ni Ronald, kaya kapag nasa school kami parang walang nangyayari sa aming dalawa. Sa loob ng isang lingo napasagot ko siya, at nalaman ko kung saan siya mag-review. At nagkasundo kami na magbibigayan kami ng review materials. Hinangaan ako ng mga kasama ko kasi ang bilis daw ng pangyayari. Ako pa… he he he…

Nagsimula ang review namin sa may Espana sa tapat ng UST pang-umaga at natatapos ng ala-una ng hapon. Pagkagaling ko sa review center deretso na ako sa tirahan ni Yolly kasi pang-umaga rin siya, naroon na rin siya at nakahanda na ang pagkain namin sa tanghalian. Tapos review kami ng dalawang oras, kuwentuhan, biruan at lambutsingan, he he he… Pag may oras pa kami minsan nood ng sine, o punta kami sa library. Pag-uwi ko mga alas siete na ng gabi, medyo wala muna akong gawain sa bahay kasi nga nag-rereview ako yun ang suporta sa akin nina Ate Nym at Ate Mhel. Si Ronald naman panay ang tawag nangungumusta tungkol sa akin. Siempre kuwento ko lahat. Paalala niya sa akin na ingat daw ako kasi baka daw makalimot kami eh hindi review ang matapos kundi karera de lampin. Sabi ko sa kanya salamat pero alam ko ang aking limitasyon…

Ganon ng ganon ang naging nakasanayan ko, minsan pag-umuuwi ako deretso ng bahay tumatawag si Yolly sa akin puntahan daw siya kasi nag-iisa siya sa boarding house. Sa kalukuhan ko naman pumupunta ako doon at siya nga lang sa bahay, pero tulad ng sabi ko may limitasyon ako hanggang lambutsingan lang, pero alam ko bibigay siya kung gagawin ko. Para maging makatutuhanan ang laro, tinutulungan ko siyang maglaba ng damit niya, sinusundo ko siya kapag galing siya sa Pampangga. Pero kung tatanungin mo ako wala talaga akong nararamdaman sa kanya, lahat ay para lang sa kasunduan naming barkada. Ang tanong meron bang nangyayari sa review ng ating bida o puro na lang kabulastugan?

Meron naman sa katunayan nakakapasa naman ako sa mga trial exam, sa gabi madaling araw na natutulog, basa dito basa doon ang ginagawa ko. Natapos ang anim na buwan ng review, hanap dito hanap doon ang mga kasama ko ng kung meron daw leakage para sa exam. Bago ang exam meron kaming tinatawag na final exam sa review center, sabi ng propesor namin na kapag napasa namin ang exam nayun 70% na makakapasa kami sa board exam. Kumuha kami ng exam nayun subalit hindi ako nakapasa kulang ng 5 points, pero sabi ng propesor namin pwede rin daw na magbakasakali, at yun nga ang ginawa ko. Tatlo lang kaming kumuha ng exam, sina Ronald, Hermie, Arthur ay hindi kumuha, di na daw nila susubukan, kaya kami ni Edison, ako at Tino ang kumuha.

Doon kami napunta ng examination room sa UE, kaya walang problema kasi gamay na namin ang lugar. Dumating ang oras ng exam, matapos ibigay ang lahat ng panuto o pasabi mula sa watser nagsimula ang exam. Wow, yan ang unang nasabi ko kasi sa tingin ko pa lang walang katulad doon sa mga ne-review namin, kahit na doon sa mga exam namin, at may dagdag pang computer subject kaya kinabahan na ako mukhang di ko kaya ang exam. Pero sabi ko sa sarili ko narito na wala ng urungan ito, gawin ko yung makakaya ko at yung nalalaman ko. Halos pinagpapawisan ako kahit hindi naman mainit sa lugar kasi malalakas ang mga bentilador. Natapos ang lahat ng exam ng di ko alam na lumipas ang mga oras kasi nasa-isip ko yung hirap ng exam, panay ang buntong hininga ko.

Uwi ako sa bahay nagpahinga kasi pakiramdam ko ay bumagsak ang boo kong katawan. Tinanong ako ng mga kasama ko sa bahay kung anong nangyari sa exam sabi ko lagay na ang loob ko na himala na lang pag-pasa ko doon. Naunawaan naman nila ako. Walang tawag walang labas ng bahay, sabi ko uwi muna ako sa Bancuro magpahinga. Kaya pagkatapos ng ilang araw uwi ako ng Bancuro. Pagkatapos ng ilang linggo sa Bancuro balik ako ng Maynila para magsimulang maghanap hanap ng trabaho. Sapagkat ang resulta naman ng board exam ay malalaman pagkatapos ng tatlong o apat buwan. Una kong ginawa ang maggawa ng biodata ko.

Huwebes, Mayo 29, 2008

Sinu-Sino Sila?

Natapos po ang apat na taon ng ating bida sa UE para sa kanyang kursong BSBA Accounting daw. Makikita natin na naging makulay din ang buhay niya sa pamamalagi doon, kasama na ang ilang masalimusot na pangyayari sa kanya. Naging makabuluhan din sapagkat sa kabila ng kalalagayan niya bilang isang sandugo ay nakakita rin siya ng mga tunay na kaibigan. Masasabing mga tunay na kaibigan sapagkat naging makatutuhanan sila sa mga ipinakita ng ating bida sa kanila. Ngayon naman po tingnan natin ang susunod na kwento kung bakit pinamagatan niya ito “sinu-sino sila?” Masasabi natin na kakaiba ulit ito sapagkat mukhang ang ating bida ay magbibigay ng kanyang mga pahayag sa mga taong nakapaligid sa kanya na hindi nabanggit sa nakaraang mga kwento.

Tama po kayo, dati tinalakay ko ang patungkol sa aking tatay at ang aming bukid, ang aking pasasalamat at pag-alala sa kaarawan ng mga nanay na inihandog ko sa aking mahal na inay. Ngayon naman ay hayaan ninyo ilahad ko sa inyo ang ilang taong naging bahagi ng buhay ko sa Maynila, opo sa Maynila sapagkat sila po yung mga taong naging sandigan, nakamasid, nagtatanggol sa akin, at umaalalay sa akin. Sinu-sino ba sila? Sisimulan ko po ayon sa kanilang edad. Sila po ang mga kapatid ng nanay ko, pero bakit ate at kuya ang tawag mo? Walang paki-alaman kanya-kanyang pakana yan eh, yan ang gusto ko eh, may angal….

Ate Inda at Kuya Angel (mag-asawa)
Ang mag-asawang ito ang siyang naging pangalawang magulang ko po noong ako ay napunta sa Maynila. Sa kanilang inu-upahang apartment ako namalagi ng mahigit tatlong taon. Sa kanilang pagsubay-bay marami akong natutunan, una na ang pakikisama, pagiging masinop at natutong mag-alaga ng bata, maglinis ng bahay. Sa totoo lang noong una medyo malayo ang damdamin ko sa kanila, lalo na kay Kuya Angel siguro sa dahilang tahimik lang siya. Kay Ate Inda medyo estrikto, pinapansin lahat, kung ano gusto ang sinabi yun ang masusunod. Ayaw niya yung walang ginagawa kapag nasa bahay, laging naka-angil yan kapag napapabayaan ang sahig na marumi, walang tubig sa banyo di nag-spray ng pamatay sa lamok at iba pa. Pero kung titingnan mo tama naman, kasi gusto niya isa-ayos ang lahat. Kung titingnan mo siya hindi agad siya nakangiti pero pag kilala mo na siya, iba ang kanyang ugali mabait at maalalahanin. Hanggang ngayon siya pa rin ang Ate Inda ko na maituturing kong naging bahagi ng aking buhay sa Maynila, hindi man ako nakapag-balik ng anumang biyaya matapos kong kamtin ang mga bagay na meron ako, ang mahalaga nananatili sila sa puso ko at ala-ala.

Ate Mhel
Si Ate Mhel ang taong kapag nakilala mo siya mamahalin at igagalang mo. Katulad ni Ate Inda hindi rin siya palangiti at pala bati sa hindi kakilala. Hindi naman siya masungit pero kung titingnan mo siya para siyang ganon. Siya yung malaki ang naitulong sa akin at sa iba ko pang mga kapatid. Hindi ko naman masasabing dahil sa pagtulong sa mga pamangkin kaya hindi pa siya nag-aasawa. Masinop at maka-Diyos siya. Noong lumipat kami ng tirahan mula kina Ate Inda siya yung tumayong magulang namin. Sabihan ng problema, sa pera at iba pa. Naging sandalan ko rin siya noong mga panahong kailangan ko siya. Masasabi ko siya ang may pinaka malaki ang ambag sa aking pag-aaral sa Maynila, kasi sa UE siya nagtatrabaho. Marami rin akong nakitang magagandang bagay sa kanya, natutuhan sa buhay dahil sa kanya at kung paano harapin ang mga problema lalo na sa larangan ng pera. Kahit saan ako mapunta, anuman ang aking maging kalalagayan, mananatili si Ate Mhel na isang huwarang tiyahin, kaibigan, at kasama. Sa aking mga anak kung tatanungin nila si Ate Mhel wala akong ibang masasabi na kakaibang babae siya, sapagkat malaki ang naging sakripisyo niya sa lahat sa amin, alam ng lahat yan hanggang ngayon.

Ate Nym
Sa tatlong magkakapatid siguro pinaka-malapit ako kay Ate Nym, ewan ko, kung bakit. Si Ate Nym kasi palangiti naman kahit sino pwede niyang batiin. Pareho kasi kami na mahilig magluto kaya kasundo kami. Takbuhan ko rin siya anumang problema, minsan nagbibigay pa ng trabaho yan tulad noong nasa MWSS pa siya magdadala ng trabaho yan tapos ibinibigay sa akin siempre may bayad. Mula noong mag-asawa yan naging malapit din ako sa kanya at sa naging asawa niya kung tawagin namin ay si Tito Happy, kaya lang maaga naman siyang kinuha ng Diyos. Lagi rin ako sa kanila sa Dela Costa noon, kapag Sabado at Linggo tiyak naroon ako. Ewan ko ba naging ganon kami kalapit sa kanya siguro kasi sa amin siya lumaki noong siya ay nag-aaral pa sa high school. Hanggang ngayon malapit parin ako sa kanya, katunayan isa sa mga anak niya ay ina-anak ko binyag si Jay-Ar.

Sila yung tatlong mga tao na naging malapit sa puso ko na kahit saan ako mapunta, di ko sila malilimutan.

Lunes, Mayo 26, 2008

UE Final Days

Natapos ang masasayang araw namin sa Baguio at ito ay dala dala ng unang araw sa bagong taon at huling taon sa UE. Bagong karanasan ika nga, at siempre sikat na naman kami sa boong barkada lalo na sa mga babae. Siempre kanya kanyang kuwento at kantiyawan. Huling taon sa UE, isang pangyayaring mahirap kalimutan sa buhay ng Sandugo. Sa pag-aaral di naman masyadong mahusay, di naman bobo ika nga nasa gitna lang. Tulong tulong sa mga assignment, project, research at sa mga kalukuhan, lakaran iisang kaisipan. Subalit naron pa rin yung pagpupursige na matapos ang nasimulan, para sa sarili at para sa mga magulang na umaasa.

Ewan ko kung bakit sa huling taon pa nangyari ang isang bagay na madali naman harapin pero bakit hindi hinarap ng ating bida. Ano ito? Kung barasuhan ika nga di naman patatalo ang ating bida, kasi ang unang PE niya ay gymnastic at laking bukid diba?, ika nga bato-bato ang katawan. Ano nga eh? Minsan pagkagaling ko ng chapel isang umaga nakatungo akong naglalakad patungo sa 3rd floor ng Gastambede Building para pumunta sa salid aralan namin. Sa paglalakad ko, di ko napansin may kasalubong pala akong isang lalaki na medyo patpatin, mahaba ang buhok, may sigarilyo at mukhang bad boy. Pagtaas ng ulo ko yun pala nabangga ko na yung kasalubong kong lalaki, tumba siya agad kong nilapitan para humingi ng despensa, ngunit nagtaas ng tono ng pagsasalita, ang sabi kilala mo ba ako? Sagot ko, pasensya na di kita napansin. Hindi sabi niya, tandaan mo maliit lang ang UE para hindi tayo magkita muli at titiyakin ko sa iyo na tutumba ka. Oppssss medyo nag-iba ang paningin ko, kasi alam kong kaya ko siya sa anumang laban. Subalit ng mapansin niyang kakasa ako sa kanya, bigla na lang siyang tumalilis, pero may banta na hahanapin niya ako.

Ng maka-alis siya doon ko napag-isip na delikado pala yung nagawa ko, naging matapang ako na wala sa lugar, naisip ko, kung totohanin niya yung banta na itumba ako eh di patay ang sandugo. Namula ang tainga ko sa takot at nanuyo ang labi ko. Pumunta na ako sa room namin, pagdating ko na kuwento ko yung nangyari lahat-lahat. Meron nakantiyaw “lagot ka” “patay kang bata ka”. Pero sabi ni Ronald parang kilala ko yung taong sinasabi mo, marami ngang barkada yun dito at mga basagulero pa. Kaya sabi ni Arthur at Hermie na mas mabuti kapag nasa labas ka mag disguise ka muna, magsalamin ng di kulay, magpatubo ng begote, ibahin ang suklay sa buhok. Ganon din ang payo ng mga babae para daw maiwasan na lang yung gulo kung meron man. At kung maaari huwag daw akong maglalakad ng nag-iisa. Ganon ba.. medyo namutla ako, pero sabi ko nga kung barasuhan lang kaya ko yun pero yung may madamay pang iba wag nalang, iwas na lang ikaw nga. Ang bait ko ano?

Lumipas ang dalawang linggo wala namang nangyari siguro nga epektibo yung ginawa ko. Pero minsan nakita namin ni Ronald yung tao na yun kasama nga ang marami niyang grupo, bale 4th year na rin sila kaya lang economics ang kanilang major samantalang kami accounting. Sa mga pag-uusap usap namin mga barkada unti-unti ng nawawala ang isyong yun, ang karamihang pinag-uusapan namin noon ay mga balak namin pagkatapos ng huling taon na yun. Ang iba sabi mag-tatrabaho na agad tulad ni Evelyn sa kanilang business, pero kaming mga lalaking barkada nag-pasya kaming mag-review para sa board exam for CPA. Sabi nila sama sama daw kami na mag-review sa may Espana. Ako ang kanilang tinanong kung ano ang aking balak pagkatapos, sabi ko tuloy ako sa review kasi yun naman ang tama. Dumating ang buwan ng Marso nagkaroon kami ng Accounting Project isang Balance Sheet situation, kapag nakasubmit kami noon ayos na ang aming Accounting subject. Sabi ng propesor namin para medyo matipid sa gastos magsama-sama sa pito ang isang grupo, kaya sama sama kami sa grupo. Sabi ko sa bahay na lang natin gawin ang project na yan (ibig kong sabihin sa tinitirhan kong boarding house), nakalipat na kami noon sa may Puresa (sa mga susunod kong kwento, ilalahad ko ang tungkol dito). Sa gayong narinig nila, sumang-ayon lahat para daw makarating din sila sa tinitirhan ko, sa totoo naman malaki at mabait ang tinitirhan namin taga-Bicol.

Kaya pagdating ko sa bahay nagpa-alam ako kina Ate Nym at Ate Mhel na pupunta ang mga kaklase ko dito upang gumawa ng project, sumang-ayon naman sila at sabi magsabi daw ako sa may-ari, kasi sabi ko baka matagalan o magdamag kami roon. Sinabi ko naman sa may-ari ang aking gusto at pumayag naman siya. Naisip ko na itapat na lang sa birthday ko yung pag-punta nila para sabay na rin sa birthday ko, pero hindi nila alam na maghahanda ako ng kaunti. Tinulungan ako nina Ate Nym at Ate Mhel para doon at tumulong din yung may-ari ng bahay. Bale pagkatapos namin ng klase sa hapon diretso na kami sa bahay, hindi pa kasama ang mga babae kasi magpapa-alam pa sila sa kanila. Nagulat silang lahat ng makita na meron akong handa sa bahay. Maya-maya tumunog na ang telepono para maka-usap ako kasi yung mga babae hindi payagan, kaya ginamit nila akong sangkalan ika nga. Pagkalipas ng ilang oras nagdatingan na ang mga babae na kasama namin. Nagsimula na kaming gumawa ng dapat gawin. Wala namang naging problema sa pagkain sapagkat suportado ako. Natapos ang project mga 4am ng madaling araw handa na para i-sabmit sa kinabukasan.

Wala ng tulugan na nangyari kuwentuhan na lang lahat at doon nabuo ulit ang planong pagpunta muli sa Baguio na kasama ang mga barkadang babae. Sabi ko paano kayo sasama, papayagan ba kayo sa inyo na pumunta roon na kasama ay mga lalaki? Lahat sila ay napalingon sa akin ng sabihin ko yun, ang sabi nila – ikaw ulit ang gagawin namin na sangkalan kasi dahil sa iyo pinayagan kami na magpunta rito – diba… tawanan ang lahat. Maya-maya nariyan na ang mga sundo ng mga babae, tatay, kapatid, kuya… Kaming mga lalaki deretso na kami sa UE pagka-umaga na. Laking pasalamat ko kina Ate Mhel, Ate Nym at Elvie may ari ng bahay, kasi naging makasay-sayan yung kaarawan ko. Sa sunod balik tayo sa Baguio…..

Sabado, Mayo 24, 2008

Barkada ni Sandugo!!

Natapos ang klase siempre uwi muna ako sa Bancuro para naman magbakasyon doon. Pero hindi pala bakasyon kasi ito rin yung nakasanayan na tuwing bakasyon sa klase kailangang umuwi sa Bancuro para tumulong sa tatay sa bukid. Ganon nga ang nangyari pero siempre sikat ako lagi kapag uuwi doon kasi nag-aaral ako sa Maynila, minsan tawag nga sa akin taga-Maynila na kasi nawawala na yung punto ng pananalita ko. Natapos ang bakasyong at pagtulong sa bukid, kailangang bumalik ulit sa Maynila para mag-aral, dala ang lahat ng kailangan sa loob ng 10 buwan kasama ang perang allowance sa pamasahe at iba pa, pero kung sa pagkain sapat lang yun para doon. Enroll na naman.

Pero heto ang naiiba kasi sa dami naming barkada isang klase na agad kami biruin mo 15 kaming barkada ibig sabihin 15 na lang ang kailangan para mabuo ang klase, at alam nyo ba walang ayaw sumama sa amin ewan ko kung bakit. Kapag kami ay nag-e-enroll marami ang nagtatanong kung anong seksyon kami at yung iba tahasang ipinakikita ang pag-iwas o paglipat. Pero yung iba wala silang pagpipilian kailangang makasama kami. Kung sa isang produkto monopolyo namin ang isang klase. Parang walang hirap na sa akin ang ikatlong taon dito sa UE siguro marami na akong mahihingan ng tulong kung sa mga assignment lang walang problema, pero sabi nga kailangang kumayod din ng kaunti.

Sa mga barkada ko wala akong matipuhan yung sasabihing liligawan, ewan ko ganon siguro ako kapag napalapit na sa akin itinuturing ko na siyang hindi iba sa akin, parang kapatid baga. Meron akong nasagap na balita rin mula sa mga kasama ko na isa sa mga kaklase namin ay may kras sa akin, hoy hindi sa boong pagkatao ko ang balita sa ngiti ko raw siya kras na kras kasi raw matamis at bigay na bigay. Tsing sa tainga ko yun, pero di ko ipinahalata, di ko tinanong kung sino yung babae basta ako mismo ang nag-obserba kung sino. Makalipas ang isang lingo meron na akong hinala kung sino yun, ano ang batayan ko, laging nakatingin sa akin at laging ngumingiti sa akin. Matapos noon itinanong ko kay Ronald kung sino yun para malaman ko kung tugma sa aking obserbasyon at yun nga tama ako, yun ay si Josie, di gaanong maputi, tan ang kulay niya maliit lang. Di ko naman sinamantala yun para ligawan siya hinayaan ko na lang, kasi meron akong kras na iba pero may syota siya, kaya di ko na lang pinansin yun.

Dumating yung pagtatapos ng ikatlong taon namin sa UE napagkasunduan namin na magpunta sa Baguio for 10 days vacation. Doon pa lang sa pag-uusap namin sinabi ko na, na hindi ako sasama sa maraming dahilan, una na yung pera. Si Edison at Ronald tahasang sinabi na hindi pwede na hindi ako kasama, yun yung kanilang mariing sinabi at nagpahabol pa si Hermie at Arthur ng ganon din. Sumagot uli si Edison at Ronald hindi raw sila papayagan sa kanila kung hindi ako kasama, bakit kaya? Sino ba ako? Kasi ako ang kilala sa kanila kasi malimit ako kina Edison at Ronald at ako lang ang makapagpapa-alam para sa kanila. Eh paano nga walang pera, paano yun. Sabi nila patak-patak sila para sa aking pamasahe at iba pa, at sabi ni Edison bigyan daw niya ako ng sapatos. Kaya walang naging problema, pagdating ko sa bahay nagpa-alam ako kay Ate Mhel at Ate Inda at ganon din ang tanong nila sa akin. Meron ba daw akong pamasahe punta roon sa Baguio sabi ko sagot na ng mga kasama ko ang pamasahe ko. Kung ganon pala walang problema, mag-ingat lang daw ako.

Siempre di naman pwede na wala kahit kaunti akong dalang pera, bago dumating yun naka-ipon ako ng kaunting pera. Lahat ay naka plano na at meron nang matitirhan doon sapagkat isa sa mga barkada ay mayroon palang bahay bakasyunan doon sa may Bukawkan Road. Dumating ang araw na yaon mula sa UE sa Marikina na kami nagtuloy kasi doon kami magmumula sa bahay nina Edison. Bale lahat kami ay lalaki kasi ayaw sumama ng mga babae naming barkada kasi raw di sila papayagan. Doon na nga kami natulog kina Edison at kina-usap ako ng tatay ni Edison tungkol doon. Nagka-kuwentuhan kami, kaya noong paalis na kami sabi ng tatay ni Edison kay Edison na siya na daw ang bahala sa aking pamasahe, oh diba astig. Madaling araw pa umalis na kami at inihatid pa kami sa terminal ng bus.


Sa Baguio wala kaming ginawa kundi pasyal dito, pasyal doon, sa pagkain isa lang ang puntahan namin ang Restaurant sa may Camp John Haye pero sa ngayon wala na siya, kasi mura lang doon ang pagkain. Sa gabi minsan sinubukan naming pumasok sa Pizza Hut live band at napaka-ganda. Yun nga lang walang sinuman sa amin ang magtangkang maligo ng umaga kasi napaka-lamig meron nga sa amin dalawang araw bago maligo. Minsan sa pamamasyal namin nakakilala kami ng mga babae isang grupo rin, sabi nila estudyante daw sila, pero di naman kami agad naniwala. Nakipag-kaibigan sila sa amin, pakilala namin kami ay ibat-ibang unibersity galing hindi sinabi na galing sa UE. Natipuhan ng dalawa sa babae sina Ronald at yung kapagtid ni Edison, maganda rin naman yung mga babae. Kaya naging masaya ang mga sunod na araw namin sa Baguio, yun nga lang nadagdagan ang gastos kasi laging kasama yung mga babae. Sina Ronald na ang bahala doon sa kanila, kami ayos lang. Natapos ang aming 10 days bakasyon sa Baguio, pero sabi ng mga kasama ko sa next year daw punta ulit kami doon pero isasama na daw ang mga barkadang babae.


At alam nyo ba, akoy nakapag-uwi pa ng pasalubong para sa bahay... Yan yung bagay na hindi ko rin malilimutan kasi naroon yung mga kaibigan ko na tumutulong, dahil lang sa magandang pakisama na nakita nila sa akin...

Martes, Mayo 20, 2008

Facing the Reality!!

Magandang araw, hapon o gabi po sa inyong lahat diyan. Eh di ganon nga po ang nangyari sa ating bida bumagsak sa English subject kasi ayon sa kanya napag-initan siya ng propesor, meron bang ganon o palusot lang talaga ng Sandugo para hindi naman gaanong kahiya-hiya siya sa madlang pipol. Sa ikalawang taon kailangang kunin niya yung naiwang subject. At natatandaan natin na sinabi ng ating bida na sa propesor rin na yun niya kukunin yun upang ipakilala na mali ang ginawa sa kanya. Kinuha nga niya ito pero kailangan siyang mag-sakripisyo ng 1-2 oras para dito at kailangang hanapin din niya yung klase na ang propesor ay yung nagbagsak sa kanya.

Ganon pa rin ang pasok ko sa umaga 7.00 am naalis na ako sa Santa Mesa wala pang 7am, para hindi ako mahuli sa klase ng 7:30am, kapag maaga pa akong darating sa UE deretso ako sa chapel para magsimba bago pumasok sa klase, naging rutin ko na iyon sa araw-araw. Naayos ko ang schedule ko kasama ang English subject pero sa ibang room at building ito kaya naging medyo hirap ako kasi kailangan kong tumakbo para umabot sa klase. Doon naging dibdiban ang aral ko ipinakita ko sa propesor na mali siya. Sa lahat ng kanyang mga exam sinisiguro ko na magiging mataas ako. At medyo naman nakilala na niya ako, pero naroon na minsan ginagamit niya akong halimbawa sa iba na wag daw gayahin, kailangan daw mag-aral ng mabuti para hindi bumagsak. Ayaw ko ng patulan yun, kasi kilala ko na ang propesor na yun, ayaw ko na ulit pag-initan ako. Pero naging babala na rin yun sa akin para di na maulit pa ulit sa ibang sabdyek ko.

Lalo pang lumaki ang aming barkada nina Ronald sapagkat naboo na kaming walong barkada sina Arthur, Hermie, Tino, Arsenio, Ronald, Edu, Edison at Ako. Meron na rin kaming kasamang mga babae sina Kay, Luz, Janet, Evelyn, Liz, Ana at si bunso nakalimutan ko ang pangalan. Medyo naging magaan sa akin sa klase kasi kapag may problema sa assignment sigurado may tutulong at sa exam minsan wala ring problema kasi magagaling at masisipag ang mga kasama ko. Makikita naman agad kami kasi tabi-tabi kami sa upuan kaya sakop namin ang dalawang helera ng upuan. Siempre hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay laging aasa sa mga kasama kailangan ding mag-aral para sa sarili.

Bago kami maghiwa-hiwalay sa tanghali sigurado dadaan kami sa restaurant sa Murbai sa tapat ng UE upang kumain, merienda, doon ang naging hang-out namin, kapag walang klase doon kami makikita. Minsan naman kapag maganda ang palabas sa seni sigurado manood kami. Ang tanong paano ako nakakasabay sa kanila samantalang hindi naman kalakihan ang baon na pera sa araw-araw. Diyan ako naging makapal ang mukha, pero naging tapat ako sa kanila, sinasabi ko na wala akong pera para doon at alam nila kasi sinabi ko lahat yun. Pero gusto nila na isama lagi ako para kumpleto ang barkada at para masaya daw kasi isa ako sa hindi nauubusan ng patawa. Kaya patak patak sila para sa akin, nakakahiya man pero di ko naman ipinipilit na isama ako kaya lang sila ang may gusto na isama ako, kaya walang problema. Doon ko napagtanto na mahalaga ang pakikisama at ang katapatan. Meron naman silang mga pera kasi si Evelyn, at si Edison ay may kaya sa buhay kasi lahing Intsik sila. Kami ni Tino ang mga promdi sa barkada.

Walang naging problema sa klase natapos namin ang ikalawang taon ng Business Administration major in Accounting. Oo nga pala si Arsenio ay hindi accounting kundi management pero nakakasama rin namin sa mga lakaran. Walang talo talo sa barkada ibig sabihin walang ligawan sa barkada para walang gulo ika nga, pero hindi naman yun talagang ipinagbabawal sa amin kung gusto okay lang. Kaya si Evelyn ay nililigawan ni Tino. Si Ronald naman di pa maintindihan ko sino talaga ang nais ligawan, pero nagpapasaring kay Liz, kaya lang si Liz ay may syota at siya ay isang born again. Naging kilala kami sa klase kasi nakikita sa amin yung aming samahan, at medyo maingay kami sa klase. Sa kabila ng aming barkadahan hindi naman kami nagpapabaya sa pag-aaral kapag aral talagang nag-aaral kami, kapag lakaran lakaran.

Alam din ng mga barkada ko na kailangan akong makauwi ng bahay bago mag-alas dos ng hapon kasi walang tatao sa bahay at magbabantay ng mga anak ng Ate Inda sina Allen at Eric. Nabago ang schedule ni Kuya Tony naging pang hapon siya kaya pagdating ko sa bahay siya naman ang papasok sa klase niya. Ayos naman, kaya lang namayat ako ng husto kasi alas 5 ng umaga gising na ako para maglinis ng kusina, sahig at iba pa. Sa hapon naman magbabantay ng mga bata, magluluto sa gabi, kasi umalis na yung katulong namin nag-asawa na siya. Sa ikatlong taon namin sa UE ang sunod kong ilalahad sa inyo. Siya nga pala natapos ko yung English na 2 ang grade ko at kina-usap pa ako ng propesor at binati kasi sabi niya 2 lang daw ang pinaka mataas na ibinibigay niyang grado sa lahat, okay narin dib a. Pero sabi nga naron na yung peklat eh mahirap ng mawala pa yun.

Sabado, Mayo 17, 2008

Sandugo in UE!!

Sa lahat ata ang pinaka mahirap gawin yung unang pagkakataon mong gagawin ang isang bagay o sitwasyon. Kahit pa sabihing laging ganito ang nangyayari tulad noog unang tuntong ko sa eskwelahan, unang pasok sa AGMA, unang punta sa Maynila at ngayon unang araw sa UE. Walang alam pa sa lugar, sa pasikut-sikot sa UE, di pa uso ang mobile phone para tawagan si Ate Mhel kasi doon siya nag tatrabaho bilang librarian. Unang araw magkasabay kami ni Kuya Tony ng pumasok, sabi niya sa akin samahan daw ako sa room ko, tapos punta na siya sa kanyang room. Pero noong nasa jeep pa lang ako sinabihan na ako ni Kuya Tony na tandaan ang mga kalye, building na daraanan namin para maka-uwi ako mag-isa. Medyo hindi ko na inintindi ang kaunting panglalait sa akin sa pagiging promdi ko, eh talaga namang di ko pa masyadong alam ang lugar eh.

Ganon nga ang nangyari sinundan namin ni Kuya Tony kung saan yung room ayon sa schedule na nakalagay sa board sa pagpasok sa UE. Kaunting tanong at basa narating namin ang room ko. Iniwan na ako ni Kuya Tony para siya naman ay pumunta rin sa kanyang room, sabi niya na umuwi na daw ako mag-isa sabi ko oo, pero sa kabila ng utak ko naroon ang takot at pangamba at mga tanong na maka-uwi kaya ako mag-isa. Humanap ako ng lugar sa loob ng room namin, na pailan ilan pa lang ang tao, umupo ako sa isang silya sa sulok. Makaraan ang ilang minuto nagdatingan ang mga ibang mga eskwela, sabi ko ito na siguro ang aking mga kasama. Maya maya pa may isang teacher na dumating hawak ang isang listahan at tinawag kami isa isa at kung saan kami uupo, yun daw ang aming upuan kasi block section kami, ibig sabihin hindi na kami aalis ng room mga teacher na lang ang darating.

Wala akong natandaan sa mga pangalan na tinawag na teacher ewan ko kung bakit, siguro sa kaba ko o anuman, basta wala akong natandaan. At ito pa ang masakit kahit pangalan ng teacher wala akong natandaan, blangko ang utak ko. Lahat siguro ng mga pangyayari ng araw na yaon ay napakabilis na lumipas na wala akong matandaan. Bakit? Dahil ba sa takot na hindi ako maka-uwi kasi baka maligaw, baka kung saan ako mapunta, ano ang aking gagawin. Lahat ng alalahanin ay nabunton sa utak ng sandugo, pumasok pa na lakarin ko na lang ang bahay kaya lang hindi rin alam kung saan ang daan. Siguro ito ang dahilan kung kaya nawala na isip ko ang lahat na nangyayari sa paligid ko…

Pero bago kami umuwi ng tanghali, kasi hanggang alas dose lang ang klase namin, lumapit ang isang lalaki nagpakilala sa siya si Ronald. Mabait siya at laging nakangiti, nagkuwento at medyo nabuhayan ako ng pag-asa. Nagkakilala nga kami at nagkapalagayan ng loob. Mula noon kami na lagi ang magkasama kahit saan pumunta sa loob ng UE, kaya nalaman ko lahat yun. Siya’y taga Marulas, Valenzuela, Metro Manila, hindi ko alam kong malayo yun o malapit kasi di ko naman alam yung lugar. Nang dahil kay Ronald nakilala ko rin ang iba kong mga kaklase ng araw na yaon. At sinamahan pa ako ni Ronald sa sakayan para ako maka-uwi, nakakahiya pero yun ang nangyari.

Malakalipas ang ilang buwan isang teacher ang kinatatakutan naming lahat yun ang teacher namin sa English kasi ang balita nangbabagsak daw ng eskwela kasi siya ang gumawa ng aklat na aming ginagamit, author baga. Sa totoo lang sa tuwing English namin nagkaroon na ata ako ng takot, kasi blangko ang utak ko lagi sa klaseng yun na ewan ko kung bakit doon lang naman. Ilang buwan pa ang nakaraan nagbabala na ang teacher sa amin na mag-aral daw ng mabuti lalo na yung mga may mababang mga grado na nakuha sa exam. Di man sabihin ang aking pangalan alam ko isa ako doon na kasama sa mababa ang grado. Pero naging positibo pa rin ako na makakabawi ako sa kabila ng mga pasabi sa akin ng mga kaklase ko na tumatanggap daw ng bayad yan para makapasa, o widraw na lang ang subject. Binaliwala ko yun sabi ko sa sarili ko na hindi ako babagsak sa teacher na yun. Nag-aral akong mabuti, pinagtuunan ko ng pansin yaon at tiniyak na sa bawat exam ay magiging mataas ang kuha ko. Ganon nga ang nangyari at yun ay napansin din ni Ronald.

Subalit naging mali ang akala ko sapagkat ibinagsak ako ng teacher na yun sa klase, galit at inis ang nasa isip ko. Pero sabi ni Ronald na walang magagawa kasi ganon talaga ang teacher na yun kapag nagustuhan ibinabagsak. Kaya sabi ko kukunin ko ulit ang subject na yun sa klase ng teacher na yun, para ipakita sa kanya na mali siya. Sumang-ayon si Ronald.

Wala nang naging problema sa pag-uwi ko sapagkat natutunan ko na rin ang mag-isang umuwi. Nahihiya man ako ipinakita ko kay Ate Mhel ang bagsak ko, sabi niya mag-aral na lang ako ng mabuti sa susunod. Naging mas malapit pa kami ni Ronald sa isat-isa at yan ang susunod na kwento ko….

Lunes, Mayo 12, 2008

Sandugo is Coming to Town!!

Sa ibat-ibang mga sanaysay, kuwento, sabi-sabi, alamat, kwentong barbero hanggang sa tsimis nga ay laging may bida, kuntra-bida, pakikipagsapalaran at karanasan. Nakita natin na yun pala ang naging buhay ng ating bida matapos ang pag-aaral ay tumutulong din pala siya sa tatay niya, tulad ng ating natunghayan sa nakaraang kwento niya. Pagkatapos nito boo na ang kanyang isipan na ipagpatuloy ang kanyang nasimulan, hindi lang gumagaya at hindi naging handling ang anumang kakaharaping problema sa kanyang bagong tatahakin. Sapagkat ibang gubat ang kanyang papasukin, dito ang gubat ay puno ng kakaibang mga ahas, ibon, o anumang hayop, dito hindi basta sakripisyo ang kailangan, kailangan din dito ang tiyaga, pagpipigil sa sarili at iba pa.

Ganon na nga nakapagpasya na akong sumama sa Maynila upang ipagpatuloy ang nasimulan sa pag-aaral. Hindi ako pumayag na sa Calapan na lang ako mag-aral kasi si Kuya Tony ay tiyak na sa Maynila mag-aaral, kaya sa tulong at udyok ng mga tita ko sa inay at tatay napilitan silang sa Maynila ako magpatuloy ng pag-aaral. Unang punta ko sa Maynila noon 1975 ng isama ako ng lola at lolo ko na pumunta roon siempre kasama si Kuya Tony. Dito una ko rin makasakay ng bus na matagal ang biyahe, sa barko nakasakay na ako kasi naiisama ako ng tatay kapag napunta siya sa Batangas sa kapatid niya si Tiyo Edel. Sa pagsakay ko sa bus, sa una wala pa akong nararamdaman na kakaiba subalit makalipas ang ilang oras nakakaramdam ako ng di ko maintindihan, masusuka, maiihi at hindi ako mapakali. Di naman masasabi na gutom ako sapagkat bago kami bumaba sa barko ay kumain na kami kasi sabi ng lolo na medyo mahaba ang biyahe namin at pina-ihi na rin kami ni Kuya Tony. Ang natatandaan ko hindi pa aircon ang bus na aming sinakyan, kaya sabi ng lola buksan ko daw ng kaunti ang bintana para pumasok yung hangin. Ganon nga ang ginawa ko, pero heto parang hinahalukay ang aking tiyan ang lalamunan ko ay parang babaligtad. Kinalabit ko ang lola sabi ko parahin ang bus kasi nasusuka ako, balik sabi sa akin na di pwede maraming magagalit. Ibinigay sa akin ang maliit na silupin sabi doon na daw ako sumuka, ganon nga ang aking ginawa bwakkkkk, bwakkkkk yan ang maririnig mo sa akin. Tulo ang sipon ko at luha sa suka ng suka, lahat ata ng sakay sa bus ay nakatingin sa akin, hindi ko alam kong galit, naaawa o nagtatawa at nagsasabing saan bang bundok galing ang taong ito.

Sa awa ng Diyos nakarating kami sa Jai Alay uso pa ito ng mga panahon yaon, yun pala ang babaan ng bus, ibig sabihin nasa Maynila na ako. Di naman ako makangiti kasi nga may nararamdaman ako di maganda. Pumara ng taxi ang lolo at sinadi sa drayber kung saan kami pahahatid, ang narinig ko Santa Mesa. Ilang mga hinto at takbo dahil sa trapiko nakarating kami sa Santa Mesa. Linga ng linga ako, ito ba ang Maynila, ganito pala ito ang bahay ay dikit dikit, walang harapan na pwedeng maglaro ang nakikita ko sa gitna ng daan naglalaro ang mga bata na ka-edad ko. Pumasok kami sa isang eskinita tapos kumatok ang lolo yun na pala ang bahay nina Ate Inda, kasama sina Ate Nym, Ate Mhel Naroon din si tiyo Angel ang asawa ni Ate Inda. Katakot-takot na kuwentuhan at siempre ako ang unang kwento kasi nga nagsuka sa bus. Sabi naman nila na ganon talaga sa unang biyahe, medyo naglubag ang kalooban ko.

Balik sa tayo doon sa mag-aaral na nga ako apat na taon pa ang dumaan bago nga muli akong makakarating ng Maynila, hindi bakasyon kundi mananatili na ako roon para mag-aral. Maaga pa lang umalis na kami sa Bancuro. Sabi ko sa sarili ko hindi na ako susuka ngayon sa bus yan ang pipilitin ko kasi nakakahiya na. Ganon nga nag nangyari nakarating kami ng Maynila na hindi ako nasuka. Doon pa rin kami sa Santa Mesa tumuloy kasi magiging kasama kami sa bahay. At ang usapan ang inay at tatay ang magpapadala ng bigas na aming kakaining lahat at ang mga tita ko ang sagot sa pang-ulam namin. Tapos dala ko na rin yung perang gagamitin sa pagpapa-enrol at teknote sa UE ako mag-aaral. Isa-isa pinagbilinan kami ni Kuya Tony kung ano ang aming mga gagawin sa bahay, pagkagising sa umaga, sa hapon at bago matulog. Hindi ko naman inintindi yun kung mahirap o madali yung mga gagawin namin ni Kuya Tony kasi ang nasa isip namin ay tuwa kasi narito na ako sa Maynila para mag-aral sabi nga at biruin mo “Sandugo is Coming to Town”.

Ilang paalala lang ng mga tita namin ay nakuha na namin ang mga gawain sa bahay. Isinasama rin kami kapag lumalabas ng bahay upang masanay din kami sa pagsakay, sa lugar at kung anong mga sasakyan ang nararapat sakayan papunta at pauwi sa bahay kapag nag-simula na ang pag-aaral. Isinama rin kami ni Ate Mhel sa UE upang kumuha kami ng “entrance exam” ganon yun sa mga bagong mag-aaral, kailangang ipakita ang NCEE result, hindi naman sa pagyayabang nakapasa ako at 89% ang nakuha kong score, kaya exempted na ako sa entrance exam sa UE sapagkat ang kanilang cut off ay 85% lang at ganon din ang average ko sa card ay nasa medyo mataas para sa kursong Accounting. Si Kuya Tony ay kumuha ng exam kasi engineering ang kinuha niya at hindi nakaabot yung kanyang score sa NCEE.

Bale malapit lang ang UE Recto sa Santa Mesa, bale isang sakay lang mula sa bahay at pauwi ay isang sakay din lamang. Kahit may katulong ang mga tita ko sa bahay tumutulong din kami sa mga gawaing bahay, tulad ng paglilinis, paglalampaso at iba pa.

Sabado, Mayo 10, 2008

Ang Inay at Ako!!

Bakit nga ba sa nakaraang kwento ko naging makabuluhan ang tatay sa buhay ko, paano naman ang Inay wala ba siyang naging kabahagi sa mga nakaraan ko. Siguro tama lang na ngayon ko isalarawan ang mga bagay na masasabing maganda, dakilang pangyayari sa buhay ko mula doon sa aking pinanggalingan hanggang ngayon kung nasaan ako. Ngayon ko lang ba maaalala siya dahil bukas ay araw ng mga Nanay o mga Ina, tahasang masasabi ko na HINDI sapagkat sabi nga ng iba hindi naman ako hayagang nagpapakita ng nararamdaman subalit naroon pa rin yung pagmamahal, respeto at pagdakila sa mga ina lalo na sa aking minamahal na INAY. Pansamantala muna nating iwan ang aking ibang kuwento, ilaan natin ang pitak na ito para sa aking Inay na may malaking bahagi ng aking buhay ay siya ang nakaka-alam. Hayaan ninyo na pasalamatan ko mula sa aking puso ang nanay ko na siyang unang nakaka-unawa sa aking mga kalukuhan, at kabulastugan.

Ibat-ibang uri ang mga nanay merong hayagang ipinakikita ang pagmamahal sa mga anak, meron naman na walang taros magalit sa mga anak, meron din naman na mga nanay na inaayawan ng mga anak at sasabihing kung mapapalitan lamang ang ina ay gagawin nila, meron din na ipinaglalaban ang mga anak sa anumang uri ng laban. Pero ipinagmamalaki ko ang nanay sapagkat tulad ng nasabi ko sa unang talata siya yung unang nakakaunawa sa aking mga kalukuhan, siya yung una naniniwala sa akin, siya yung unang nagtatanggol sa akin, siya yung unang nagturo sa akin ng ibat-ibang bagay. Kaya masasabi at maisisigaw ko ngayon na INAY MALIGAYANG KAARAWAN BILANG ISANG INA….

Masasabi ko na ang inay ang matiyagang naghihintay sa akin habang ako ay nasa kanyang sinapupunan pa lamang hindi sa ako ang panganay pero ramdam ko ang kanyang pagmamahal sa kanyang mga himas sa kanyang tiyan. Siya yung naghirap at ibiningit sa kamatayan ang buhay para lamang bigyan ako ng pagkakataong masilayan ang daigdig na ito. Siya yung naghirap magpadede sa akin sa tuwing ako’y iiyak sa gabi, sa madaling araw at sa bawat oras na akoy nangangailangan ng tulong. Siya pa rin yung nagpapaligo sa akin, nagbibihis at umaalo sa oras na akoy nag-iiyak, may sinat, may sakit at anumang bagay ay siya ang naka-antabay lagi. Siya ang unang nagturo sa akin magsalita kahit simula o katapusan lang ang kaya kong sabihin. Siya yung unang umakay sa akin upang magsimulang maglakad. Siya yung laging sumasalo sa akin kapag ako ay nadadapa, natutumba.

Naalala ko pa siya rin yung laging nagbibigay sa akin ng moral support, lakas ng loob at nagturo magkaroon takot sa Diyos. Sa kanyang mga pangaral ako ay nahubog sa isang masasabing tunay na lalaki at ngayon ay isa na rin magulang. Sa kanyang mga paalala nahinog ang aking mga pagpapasya sa tamang landas. Sa kanyang pagmamahal ay natuto rin ako kung paano magbalik ng pagmamahal sa sinuman. Siya yung unang humaharang sa anumang masamang sabi-sabi na patungkol sa akin. Siya yung una kong tagahanga at nagsabi na ako ay gwapo at pogi, may angal…. Happy Mother’s Day Inay….

Para sa iyo ito INAY…… I LOVE YOU

Martes, Mayo 6, 2008

Ang Tatay at Ako!

Matapos ng apat na taong pag-aaral sa AGMA, hindi naman agad ako pumunta sa Maynila para mag-aral. Tulad ng mga nakasanay tuwing bakasyon sa eskwelahan hindi naman masasabi na wala akong ginagawa, kung tutuusin nga mas marami pa akong ginagawa kapag bakasyon. Sa totoo lang di mo ako makikita sa bahay mula umaga hanggang hapon, mula Lunes hanggang Linggo sapagkat lagi akong kasama ng tatay ko sa bukid bilang katulong niya. Yan na siguro ang nakasanayan ko, at dapat kong gawin sapagkat doon lang ako makakatulong sa tatay sa bukid. Pero kung titingnan mo ang isang bahagi ng utak ko naroon ang nagsasabi na ayaw kong magpunta sa bukid upang magtrabaho doon. Ewan ko siguro ganon lang ako, at walang hilig sa bukid, pero gusto ko namang tumulong sa tatay. Minsan nga napapansin ito ng tatay at sasabihing ayaw mo sa bukid pero diyan tayo kumukuha ng pangkain. Tama naman siya, sapagkat doon nga naman kami naka-depende ng ikabubuhay at doon din kami kukuha ng gagamitin kong pera para sa kolehiyo.

Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, maaga pa lang ay nakaligo na ako, nakabihis na at handa ng maglakad ng 6-7 kilometro bago marating ang bukid namin. Bakit naman napaka-layo ng bukid ng tatay ko, yun ang matatanong ninyo? Sapagkat ito ay mana ng tatay sa kaniyang mga magulang. Ito’y malapit sa Monte Deraso, sapagkat ang mga kamag-anak at dating tirahan ng mga tatay ay doon. Napunta lang siya ng Bancuro dahil sa nanay ko na tagaroon. Ang bukid nayun ay 5 iktarya lamang, hati pa sila ng Tiyo Edel ko na nasa Batangas pero ang tatay ang namamahala nito. Ano ba ang naitutulong ko sa tatay sa murang edad ko? Ang trabaho sa bukid ay hindi namimili ng edad sapagkat kahit anong edad mo ay maroong nakalaan na trabaho sa bukid, siguro yung talagang musmos lang ang di pa pwede sa bukid. Bakit nasabi ko sapagkat yung kapatid kong si Mike ay bata pa rin pero nakakasama na rin namin sa bukid at nakakatulong din. Simulat sapol tinuruan na ako ng tatay ko ng ilang trabaho sa bukid, una doon ang pagtatabas ng pilapil kung saan gamit ang itak o gulok. Tinuruan din akong mag-kumpuni ng mga butas-butas na pilapil, mag pison, mag-araro, mag-kalmot, magbunot ng punla, mag-talok, mag-ani, mag-giik at iba pa.

Ibig sabihin ay unti-unti natutunan kong lahat ang gawaing bukid, kaya matatawag na rin akong magbubukid. Pero nagpapasalamat na rin ako sapagkat minsan nagkakapera ako sa pag-tatanim o pagtatalok kasi sumasama ako sa mga nagtatalok na maybayad, minsan naman nagpapa-upa ako ng pagbubunot ng punla, pagkakalat ng punla sa tatalukan, maliit lang ang bayad pero ayos na rin ika nga. Kapag umaalis kami ng 6:30 ng umaga sa bahay makararating kami sa bukid ng 7:30, tapos ang pananghalian noon ay 12:00pm. Tapos makakatulog pa ng 1 oras, tapos uwi kami ng 5 nasa bahay kami ng 6:00 ng hapon. Hilig ko ang mamulot ng kuhol at mamingwit sa sapa at manirador ng tikling o pugo. Kaya minsan sa hapon nasa gilid na ako ng sapa upang mamingwit ng puyo, dalag at hito. Minsan nakaka-huli rin naman. Meron kaming lambat (panti) na nakataan, at ang iba ay patuktok, minsan pang-ulam sa pananghalian ay di na suliranin. Kaya lang kapag ka tag-init na minsan ang ulam lang namin sa tanghalian ay luya na sawsaw sa kalamansi at asin. Yan ang buhay sa bukid ng tatay ko.

Kung talagang titingnan mo ang buhay sa bukid ay mahirap mula sa pagbubungkal ng lupa hanggang sa pag-aani, bago makarating ito sa bahay malaking hirap at sakripisyo ang ilalaan ng isang mag-bubukid. Diyan ko hinahangaan ang tatay ko, kasi mula sa bukid naka pagpatayo siya ng bahay na bato, napapag-aral kami, at may pagkain pa kami sa hapag kainan. Siguro nga wala akong hilig sa bukid, kaya iniisip ko kapag ang tatay ay tumigil na sa bukid sino ang susunod sa kanyang nasimulan, sapagkat si Mike ay nasa Cavite may kanyang pamilya at trabaho. May dalawa naman akong kapatid pero mga babae sila at wala rin silang hilig doon. Pero sayang naman kung walang magpapatuloy nito...... Siguro ito yung patuloy na nababago ngayon sa kalakaran kasi ilan na lang sa mga kabataan ngayon ang nahihilig sa pagtatanim. Sa dahilan ba na alam nila na mahirap sa bukid at kakaunti ang kita roon? Kapag nangyari ito paano na ang bukid sa mga darating na panahon....

Lunes, Mayo 5, 2008

Iskool Bukol Huling Hirit...

Magandang araw po sa lahat ng nakabasa, dumaan at naawang magbasa nito. Wala naman akong paki-alam kong basahin man ninyo ito o hindi basta ang nais ko lang ay muli kung isalarawan yung mga nagdaang araw ng buhay ayon sa aking natatandaan. Tingnan mo humirit pa, ibig sabihin marami pang ala-ala na naka-imbak sa isipan ng ating bida, kaya ibigay na lang natin ang hilig niya, may aangal? Sa awa ng Diyos at ng bisekleta magtatapos narin ang ating bida ng apat na taon sa AGMA. Ano kaya ang pagbabago sa kanyang buhay, naroon pa kaya ang kanyang masidhing makapagsabi ng kanyang nararamdaman sa kanyang kras na si Lea. Siempre naron pa rin yun kaya lang may pagbabago kasi merong nanliligaw kay Lea isa naming kaklase si Leo, naku mukhang dehado ang laban kasi guwapo si Leo at mataas ang tindig at barkada pa ni Kuya Tony.

Kaya dito naging maganda ang laban at naging malakas na ang loob ng ating bida kasi may lakas na itong kausapin si Lea. At minsan nga isang hapon bago pumasok sa klase ay nagkaroon ng pagkakataong maka-usap ng ating bida si Lea sa tulong ng mga kaibigan. Ganon pala yun na kapag kaharap mo ang babae sa simula lang mararamdaman yung hiya at takot pero kapag nagsimula ka nang magsalita deretso na siya. Nasabi ko nga yung pakay ko kay Lea, subalit yun pala'y hinihintay lang niyang kausapin ko rin siya para sabihin sa akin na kaibigan lang daw kami – ibig sabihin “busted” ang bida. Doon parang na-umid ang dila ko, hindi ako nakapagsalita agad kundi kinalabit ako ni Lea. Ganon pala kapag nababasted, gusto mong sumigaw pero parang walang nalabas na boses. Pero wala akong magagawa, kahit sabihin pa ng mga kaibigan ko na ipagpatuloy ko baka daw sinusubok lang ako. Naisip ko kung kailan ako naging malakas ang loob doon pa nabasted. Pero sabi nga hindi doon matatapos ang kwento ng ating bida, siempre lalaki ata ito at doon ko nasabi ang salitang “mula ngayon ito na ang aking paninindigan, kapag ayaw ng babae, ayaw ko rin sa kanya” ang tigas diba…. Lumipas ang mga araw ng hindi napapansin.. Nakalimutan ang pait noon siguro nga hindi tunay na pag-ibig yun.

Ewan ko ba kung bakit ang pag-ibig ay laging ganon di mo mapigilan kapag dumating sa iyong buhay. Sa klase namin may isang babae na noon ko lang napansin na napaka-ganda niya, di gaanong mataas, maputi, tsabe ang pangangatawan at masarap ngumiti. Sabi ko kay Godo bakit ngayon ko lang siya nakita samantalang matagal na kaming magkakasama, sagot ni Godo kasi baliw na baliw ka kay Lea, sabay tawanan namin. Si Efleda na taga-Bacungan, naging muse ng isang team ng basketball sa AGMA, diba maganda. Siya’y kaibigan naman ni Cristy na pinsan ko rin, kasama namin sa seksyon. Kaya ang unang ginawa ko siempre ang pinaka-epektibong pagkilos ang pakikipag-kaibigan muna at magpakita ng gilas sa klase. Sa totoo naman niyan magaling ang ating bida sa history, math (lalo na Trigo), at kapag may mga nag-rereport sa unahan natatakot sila kasi ako ata ang pinaka makulit sa dami ng tanong tungkol sa nagsasalita.

Balik tayo sa pag-ibig daw ng ating bida, paano nga ba nagsimula ito. Doon nga sa pakikipagkaibigan muna nagsimula ang lahat. Dala na rin siguro ng medyo malakas ako sa mga kaklase ko, napalitan ng tinutukso sa akin yun ay kay Efleda, kaya pareho kaming hiyang hiya. Tuwing hapon nagkaka-usap kami kuwentuhan pero di ko minamadaling magsabi sa kanya, hinahayaan ko na lang munang mahinog ika nga para madaling pitasin. Subalit nagkamali ako, kasi dumaan ang mga araw sa pagpapabaya ko marami rin ang naka-pansin sa katangian ni Efleda at siempre gustong diskartihan din, isa dito si “kabayo” kung tawagin sa iskool pero anak siya ng prinsipal at si “nonoy” na taga Kalinisan at barkada ni Kuya Tony. Ibig sabihin tatlo ang naghahangad ng matamis na “oo” ni Efleda. Sa tingin nyo may laban ba ang ating bida…?

Kung sa isang manlalaro naging mahigpitan ang laban, kanya kanyang diskarte, yung isa dinadaan sa galing sa basketball, yung isa dinadaan sa katahimikan lang, ang isa dinadaan sa pakikipagkaibigan, klase at mga naka-paligid, ganyan ang naging sitwasyon namin. Siyanga pala yung anak ng principal ay nasa ikatlong taon lamang. Pero isang araw nalaman ko na isa sa mga katunggali ay nabasted na yun ay ang anak ng principal kasi nayayabangan daw si Efleda. Subalit sa di ko naaasahan ako pala ang pangalawang biktima na mababasted ng huling kina-usap ko siya. Ibig sabihin yung taga-Kalinisan ang nanalo si Agapito. Siya ang naging syota ni Efleda. Naging malaking dakong yun sa akin subalit ang dating paninindigan ko na “kung ayaw sa akin, ayaw ko rin” ay kinain ko, sapagkat hindi ako tumigil sa panunuyo sa kanya. Kahit na alam kong syota na siya ni Agapito. Dito naging masigasig ako, bibo at magilas sa klase. Sabi nga kapag may tiyaga may nilaga, kasi nalaman ko na nag cool-off sila. Ayaw kong samantalihin yun, yun ang naging teknik ko medyo tuloy lang ang friendship hindi ako nagbanggit ng anumang bagay tungkol sa aking layunin. At ito ay nagbunga, naging mas malapit siya kaysa dati sa akin, hanggang mahulog na rin ang kanyang damdamin sa akin, kaya wala ng kahirap-hirap ang mga sumunod.

Subalit masasabi kong ito ang una kong pakikipag-relasyon bilang syota kaya di pa ako marunong humawak ng ganito. Kaya di nagtagal yun. At nalalapit na rin ang junior-senior promp. Kapag nangyari wala na naman akong masasabing babakuran sa oras ng sayawan. Kaya lang umiral ang kagulangan ko kasi nagpatulong ako kay Godo upang manumbalik sa akin si Efleda. Ngunit hindi nangyari yun sapagkat ayaw na ni Efleda sa akin. Natapos kami ng walang pormal na hiwalayan, pero nagkaroon kami ng pagkakataon na magka-usap bago maghiwalay at nagkaroon ng pangako sa isat-isa na magkikita muli sa Maynila kasi doon ako mag-aaral, kaya lang si Efleda ay sa Batangas lang mag-aaral. Kaya ang nangyari sa sulat lang kami nagkakaroon ng balitaan, pero kami parin. Dumating ang semestral break kaya pareho kaming umuwi sa Mindoro. Doon nagbigay ng bilin sa akin na ako raw ay magpunta sa kanila sa Bacungan para daw ipakilala ako sa mga magulang niya. Nag-handa ako na pupunta roon gamit ang aking bisekleta, ngunit gabi bago ang araw na yaon hindi tumigil ang ulan, bumaha kahit saang lugar sa Bancuro, walang biyahe, di pwede ang bisekleta, kaya di ako nakapunta roon. Makalipas ang isang lingo nabalitaan ko na umalis na siya punta ng Batangas uli, yun ang huling balitaan namin. Sayang ang unang tunay na pag-ibig hindi bumukol. Masaklap pero yun ang nangyari, mula noon sinubukan kong puntahan siya ng mabalitaan kong nasa Maynila. Ang huling balita ko nag-asawa na siya ng taga Mindoro rin at hindi raw nabiyayaan ng anak. Maganda siya..... he he he

Biyernes, Mayo 2, 2008

Iskool Bukol Humirit pa..

Noong nakaraang kwento natin ang bida at ang mga suporta ay inihayag na ang unti-unting pagbabago nila, kasama ang kanilang buhay pag-ibig. Nakita rin natin na medyo nag-rereklamo ang ating bida sa kanyang kalalagayan bilang isang estudyante, kasi sa tingin niya kawawa siya dahil nagbi-bisekleta lang siya sa pagpasok. Mukhang mahirap nga ang kaniyang kinakaharap sa yugto ng kanyang pag-aaral. Paano kaya maipagpapatuloy ng ating bida ang kanyang buhay pag-ibig, kasama ang pag-aaral, maapektuhan kaya ito ng kanyang nararamdaman? Subalit parang hindi naman naapektuhan ang kanyang pag-aaral sapagkat nasa top 10 ulit siya matapos ang kaniyang ikalawang taon sa AGMA.

Ibig sabihin talagang binata na ang ating mga bida. Makapagsalita na kaya siya sa harap ng isang babae upang sabihin ang kanyang nararamdaman? Paano kaya niya ipapakita ito sa isang babae? Hindi naman pwede sa pera diba kaya nga pinagbi-bisekleta na lang siya kasi hindi kaya ng mga magulang niya ang gastos sa pag-aaral. Baka naman may diskarte naman ang ating bida. Walang pagbabago sa unang araw ng pasukan sa ikatlong taon maliban ang ating mga bita ay napunta na sa sikat na seksyon yun ang sekyon B, ibig sabihin sama-sama na ang pinaka-magagaling ng aming batch. Doon ko muling nakasama si Kuya Tony, subalit parang nagbago na ang dating naming pinagsamahan sapagkat iba na ang kaniyang mga barkada. Kami naman ay lalong naging malapit sa isat-isa ng mga kasama ko na kung tawagin ay “totoy’s guwapo” sina Godo, John, Pogi, Carlo, Lee at siempre ako. Sa totoo lang kami ni Godo ang laging nasa top ten yung kasama namin kung sa ulan naaanggihan lang, siguro nga kung hindi kami nakakasama nitong mga ito babagsak sa klase.

Sa klase namin medyo kilala rin naman kami ni Godo kasi siya yung pang harap ko kung mukha lang naman ang labanan eh, may hitsura sabi nga, pero lahat naman may hitsura kaya lang may kanya kanyang mukha yan eh. Ako, sabi ko nga noong mga nakaraan kwento hindi naman pangit hindi naman guwapo, pero mabait at magaling makisama kahit sino. Si Godo ang pinupormahan ay si Annalyn on/off sabi nga sa switch ng ilaw. Ako naman yun pa ring aking kras si Lea, pero hindi pa nakakaharap para magsabi ng nasasaloob. Naroon lang ang tuksuhan at parinigan lang. Tulad ng sabi ko noon na si Lea ay kaibigan ni Peth kaya naisama ni Peth sa Bancuro si Lea, at nagkaroon pa ng pagkakataon na mapunta sa bahay namin, pero wala ring nangyari. Lalo lang nadagdagan yung takot at hiya ko na sabihin ko yung nasa loob ko. Eh ano nga ba ang nararamdaman ko para kay Lea, ito ba ay pag-ibig, pag-hanga lang o tinutukso lang. Ibig sabihin hindi pa sigurado ang ating bida kung pag-ibig o ano ang kanyang nararamdaman, yun kaya naman pala di pa makapag-salita eh.

Dito sa ikatlong taon naging garapal na kami sa kalukuhan naroon na busuhan namin yung guro namin a Spanish, dalaga sya pero may balita tungkol sa kanya noon at ang principal ng iskool. Maganda at maputi siya talaga namang masasabi na burara siya kapag umupo kaya siya’y pinagpipistahan ng mga manyak. Si Carlo ay may pinopormahan din taga-Kalinisan kaya minsan doon kami daraan ako ang naka bisekleta at siya ay kasabay sa paglalakad ng babae (nakalimutan ko ang pangalan) sa ibang seksyon siya. Kaya minsan inaabutan kami ng gabi sa daan kasi naman mabagal ang lakad nila. Si Godo naman minsan pumupunta rin ito sa amin sa Bancuro kaya malapit siya sa amin at kilala siya ng mga inay at tatay. Minsan kapag may kasayahan sa bayan doon na kami matutulog kina John kasi taga-roon siya at kilala na rin kami sa kanila, at doon minsan namin iniiwan ang bisekleta. Tulad ko si John ay hindi rin makapagsalita sa babae pareho ata kaming putol ang dila pagdating sa babae.

Alam nyo ba na mula sa unang taon hanggang sa ikatlong taon ganon pa rin ang baon kong pera 50 sentabo, pero sa awa ng Diyos pasalamat na rin ako kasi nakakapag-aral din ako tulad ng ibang bata na kasing edad ko. Alam nyo ba na gusto ko laging dumating na ang Disyembre at Enero bakit kamo, kasi naman sigurado magkakapera ako galing sa mga tita at tito ko na nasa Maynila ay uuwi sila sa Bancuro. Sigurado meron akong pera na malulutong. At alam nyo ba na nakakapag-hulog pa ako ng pera sa bangko mula sa baon, bigay tuwing pasko at bagong taon, minsan nagkakapera sa pag-kukupras sa niyugan ng mga Ninong Ison. Kahit itanong mo pa sa inay at tatay noon. Dito sa taong ito medyo nahirapan akong makapasok sa top 10 makapasok man pang siyam o pang sampo kasi nga sama sama na ang mga magagaling dito. Pero nakaka-eksemted din sa ilang mga aralin.


Sa ikatlong taon hindi pa kami ang matatawag na hari-harian sa AGMA kasi meron pa kaming sinusundan ang ika-apat na taon. Pero dito ko narasan ang makipag-sayaw sa junior and senior promp, kaya lang dito ko na rin naranasan na makita ang bakuran sa mga babae, di mo sya pweding isayaw kung hindi ka syata niya, di ba ang pangit naman. Kaya yung walang partner pasensya na lang sa mga tira-tira ha ha ha ha. Makabawi kaya ang ating bida..... sundan