Bakit nga ba sa nakaraang kwento ko naging makabuluhan ang tatay sa buhay ko, paano naman ang Inay wala ba siyang naging kabahagi sa mga nakaraan ko. Siguro tama lang na ngayon ko isalarawan ang mga bagay na masasabing maganda, dakilang pangyayari sa buhay ko mula doon sa aking pinanggalingan hanggang ngayon kung nasaan ako. Ngayon ko lang ba maaalala siya dahil bukas ay araw ng mga Nanay o mga Ina, tahasang masasabi ko na HINDI sapagkat sabi nga ng iba hindi naman ako hayagang nagpapakita ng nararamdaman subalit naroon pa rin yung pagmamahal, respeto at pagdakila sa mga ina lalo na sa aking minamahal na INAY. Pansamantala muna nating iwan ang aking ibang kuwento, ilaan natin ang pitak na ito para sa aking Inay na may malaking bahagi ng aking buhay ay siya ang nakaka-alam. Hayaan ninyo na pasalamatan ko mula sa aking puso ang nanay ko na siyang unang nakaka-unawa sa aking mga kalukuhan, at kabulastugan.
Ibat-ibang uri ang mga nanay merong hayagang ipinakikita ang pagmamahal sa mga anak, meron naman na walang taros magalit sa mga anak, meron din naman na mga nanay na inaayawan ng mga anak at sasabihing kung mapapalitan lamang ang ina ay gagawin nila, meron din na ipinaglalaban ang mga anak sa anumang uri ng laban. Pero ipinagmamalaki ko ang nanay sapagkat tulad ng nasabi ko sa unang talata siya yung unang nakakaunawa sa aking mga kalukuhan, siya yung una naniniwala sa akin, siya yung unang nagtatanggol sa akin, siya yung unang nagturo sa akin ng ibat-ibang bagay. Kaya masasabi at maisisigaw ko ngayon na INAY MALIGAYANG KAARAWAN BILANG ISANG INA….
Masasabi ko na ang inay ang matiyagang naghihintay sa akin habang ako ay nasa kanyang sinapupunan pa lamang hindi sa ako ang panganay pero ramdam ko ang kanyang pagmamahal sa kanyang mga himas sa kanyang tiyan. Siya yung naghirap at ibiningit sa kamatayan ang buhay para lamang bigyan ako ng pagkakataong masilayan ang daigdig na ito. Siya yung naghirap magpadede sa akin sa tuwing ako’y iiyak sa gabi, sa madaling araw at sa bawat oras na akoy nangangailangan ng tulong. Siya pa rin yung nagpapaligo sa akin, nagbibihis at umaalo sa oras na akoy nag-iiyak, may sinat, may sakit at anumang bagay ay siya ang naka-antabay lagi. Siya ang unang nagturo sa akin magsalita kahit simula o katapusan lang ang kaya kong sabihin. Siya yung unang umakay sa akin upang magsimulang maglakad. Siya yung laging sumasalo sa akin kapag ako ay nadadapa, natutumba.
Naalala ko pa siya rin yung laging nagbibigay sa akin ng moral support, lakas ng loob at nagturo magkaroon takot sa Diyos. Sa kanyang mga pangaral ako ay nahubog sa isang masasabing tunay na lalaki at ngayon ay isa na rin magulang. Sa kanyang mga paalala nahinog ang aking mga pagpapasya sa tamang landas. Sa kanyang pagmamahal ay natuto rin ako kung paano magbalik ng pagmamahal sa sinuman. Siya yung unang humaharang sa anumang masamang sabi-sabi na patungkol sa akin. Siya yung una kong tagahanga at nagsabi na ako ay gwapo at pogi, may angal…. Happy Mother’s Day Inay….
Para sa iyo ito INAY…… I LOVE YOU
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento