Sa ibat-ibang mga sanaysay, kuwento, sabi-sabi, alamat, kwentong barbero hanggang sa tsimis nga ay laging may bida, kuntra-bida, pakikipagsapalaran at karanasan. Nakita natin na yun pala ang naging buhay ng ating bida matapos ang pag-aaral ay tumutulong din pala siya sa tatay niya, tulad ng ating natunghayan sa nakaraang kwento niya. Pagkatapos nito boo na ang kanyang isipan na ipagpatuloy ang kanyang nasimulan, hindi lang gumagaya at hindi naging handling ang anumang kakaharaping problema sa kanyang bagong tatahakin. Sapagkat ibang gubat ang kanyang papasukin, dito ang gubat ay puno ng kakaibang mga ahas, ibon, o anumang hayop, dito hindi basta sakripisyo ang kailangan, kailangan din dito ang tiyaga, pagpipigil sa sarili at iba pa.
Ganon na nga nakapagpasya na akong sumama sa Maynila upang ipagpatuloy ang nasimulan sa pag-aaral. Hindi ako pumayag na sa Calapan na lang ako mag-aral kasi si Kuya Tony ay tiyak na sa Maynila mag-aaral, kaya sa tulong at udyok ng mga tita ko sa inay at tatay napilitan silang sa Maynila ako magpatuloy ng pag-aaral. Unang punta ko sa Maynila noon 1975 ng isama ako ng lola at lolo ko na pumunta roon siempre kasama si Kuya Tony. Dito una ko rin makasakay ng bus na matagal ang biyahe, sa barko nakasakay na ako kasi naiisama ako ng tatay kapag napunta siya sa Batangas sa kapatid niya si Tiyo Edel. Sa pagsakay ko sa bus, sa una wala pa akong nararamdaman na kakaiba subalit makalipas ang ilang oras nakakaramdam ako ng di ko maintindihan, masusuka, maiihi at hindi ako mapakali. Di naman masasabi na gutom ako sapagkat bago kami bumaba sa barko ay kumain na kami kasi sabi ng lolo na medyo mahaba ang biyahe namin at pina-ihi na rin kami ni Kuya Tony. Ang natatandaan ko hindi pa aircon ang bus na aming sinakyan, kaya sabi ng lola buksan ko daw ng kaunti ang bintana para pumasok yung hangin. Ganon nga ang ginawa ko, pero heto parang hinahalukay ang aking tiyan ang lalamunan ko ay parang babaligtad. Kinalabit ko ang lola sabi ko parahin ang bus kasi nasusuka ako, balik sabi sa akin na di pwede maraming magagalit. Ibinigay sa akin ang maliit na silupin sabi doon na daw ako sumuka, ganon nga ang aking ginawa bwakkkkk, bwakkkkk yan ang maririnig mo sa akin. Tulo ang sipon ko at luha sa suka ng suka, lahat ata ng sakay sa bus ay nakatingin sa akin, hindi ko alam kong galit, naaawa o nagtatawa at nagsasabing saan bang bundok galing ang taong ito.
Sa awa ng Diyos nakarating kami sa Jai Alay uso pa ito ng mga panahon yaon, yun pala ang babaan ng bus, ibig sabihin nasa Maynila na ako. Di naman ako makangiti kasi nga may nararamdaman ako di maganda. Pumara ng taxi ang lolo at sinadi sa drayber kung saan kami pahahatid, ang narinig ko Santa Mesa. Ilang mga hinto at takbo dahil sa trapiko nakarating kami sa Santa Mesa. Linga ng linga ako, ito ba ang Maynila, ganito pala ito ang bahay ay dikit dikit, walang harapan na pwedeng maglaro ang nakikita ko sa gitna ng daan naglalaro ang mga bata na ka-edad ko. Pumasok kami sa isang eskinita tapos kumatok ang lolo yun na pala ang bahay nina Ate Inda, kasama sina Ate Nym, Ate Mhel Naroon din si tiyo Angel ang asawa ni Ate Inda. Katakot-takot na kuwentuhan at siempre ako ang unang kwento kasi nga nagsuka sa bus. Sabi naman nila na ganon talaga sa unang biyahe, medyo naglubag ang kalooban ko.
Balik sa tayo doon sa mag-aaral na nga ako apat na taon pa ang dumaan bago nga muli akong makakarating ng Maynila, hindi bakasyon kundi mananatili na ako roon para mag-aral. Maaga pa lang umalis na kami sa Bancuro. Sabi ko sa sarili ko hindi na ako susuka ngayon sa bus yan ang pipilitin ko kasi nakakahiya na. Ganon nga nag nangyari nakarating kami ng Maynila na hindi ako nasuka. Doon pa rin kami sa Santa Mesa tumuloy kasi magiging kasama kami sa bahay. At ang usapan ang inay at tatay ang magpapadala ng bigas na aming kakaining lahat at ang mga tita ko ang sagot sa pang-ulam namin. Tapos dala ko na rin yung perang gagamitin sa pagpapa-enrol at teknote sa UE ako mag-aaral. Isa-isa pinagbilinan kami ni Kuya Tony kung ano ang aming mga gagawin sa bahay, pagkagising sa umaga, sa hapon at bago matulog. Hindi ko naman inintindi yun kung mahirap o madali yung mga gagawin namin ni Kuya Tony kasi ang nasa isip namin ay tuwa kasi narito na ako sa Maynila para mag-aral sabi nga at biruin mo “Sandugo is Coming to Town”.
Ilang paalala lang ng mga tita namin ay nakuha na namin ang mga gawain sa bahay. Isinasama rin kami kapag lumalabas ng bahay upang masanay din kami sa pagsakay, sa lugar at kung anong mga sasakyan ang nararapat sakayan papunta at pauwi sa bahay kapag nag-simula na ang pag-aaral. Isinama rin kami ni Ate Mhel sa UE upang kumuha kami ng “entrance exam” ganon yun sa mga bagong mag-aaral, kailangang ipakita ang NCEE result, hindi naman sa pagyayabang nakapasa ako at 89% ang nakuha kong score, kaya exempted na ako sa entrance exam sa UE sapagkat ang kanilang cut off ay 85% lang at ganon din ang average ko sa card ay nasa medyo mataas para sa kursong Accounting. Si Kuya Tony ay kumuha ng exam kasi engineering ang kinuha niya at hindi nakaabot yung kanyang score sa NCEE.
Bale malapit lang ang UE Recto sa Santa Mesa, bale isang sakay lang mula sa bahay at pauwi ay isang sakay din lamang. Kahit may katulong ang mga tita ko sa bahay tumutulong din kami sa mga gawaing bahay, tulad ng paglilinis, paglalampaso at iba pa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento