Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Sabado, Pebrero 27, 2010

Esep-Esep sa Pag-utang

Ayon sa kalakaran at pag-aaral may dalawang klase ng utang: mabuting utang at masamang utang. Ang mabuting utang ay yung nakatutulong na mapalago ang pera o mapaganda ang katayuang pinansiyal. Ibig sabihin yung utang na magagamit sa pagpapalago o pagpapaganda ng negosyo. Kabaliktaran naman ang ginagawa ng masamang utang. Pero ang punto nito ay utang na pambayad utang lang, ito yung pinaka masamang utang…

Kapag ang inuutangan ay hindi nanghihingi ng kolateral, siguradong malaki naman ang sisingilin nitong interes dahil malaki ang panganib na hindi ito mabayaran ng umutang – wala kasing pinanghahawakang garantiya. Bago mangutang, dapat munang paka-isipin at tanungin ang sarili ng mga sumusunod:

Saan ba gagamitin ang perang uutangin? Kung balak itong gamiting puhunan sa negosyo, intindihin munang mabuti kung kikita nga ba ang negosyong papasukin bago mangutang. Pag-aralang mabuti at baka malaki pala ang panganib na malugi lang. Kapag nagkagayon, mahihirapang magbayad ng utang o inutang. Tandaang tiyak na kailangan itong bayaran buwan-buwan. Kapag ang perang inutang ay ginamit na puhunan at ito’y nalugi o di kaya’y kumita nga pero hindi pa sapat sa pambayad, maituturing pa rin itong masamang utang.

Alam na ba kung paano mababayaran ang uutangin? Mahalaga ang katanungang ito lalo na kung hindi pa naman talaga kailangan ang paggagamitan ng pera. Halimbawa, kung balak sanang magpagawa ng mas magandang bahay. Baka kasi hindi naman pala kayang bayaran at lahat ng kikitain ay magiging pambayad-utang lang, lalo na kung napakalaki ng patubo, alamin munang lahat ang mga detalye sa pagbabayad para makasigurong kakayanin nga ito. Kung hindi, mas mabuting pag-ipunan na lang muna ang binabalak bilhin kaysa utangin ang pambayad dito. Magtiyaga na lang muna at maghintay ng tamang panahon.

Alam ba ang tunay na halaga ng utang? Ang mga nagpapautang ay may kani-kaniyang paraan ng pagkuwenta ng halaga ng kabuuang utang. Kadalasan, ang mga nagbibigay ng personal loan o nagpapautang nang walang kolateral ay naniningil ng 50 hanggang 60 porsiyento patubo kada taon. Ibig sabihin, sa bawat sampung pisong uutangin, magbabayad ng lima hanggang anim na piso bawat taon. Puwera pa yung sa ibabalik na sampung pison na talagang utang. Minsan hindi agad nakikita ng ganoon pala kalaki ang gastos sa pag-utang dahil tila maliit lang naman ang hinuhulugan buwan-buwan at kaya namang bayaran.

Mahalaga talagang suriing mabuti lahat ng detalye sa pagbabayad ng utang. Puwera pa kasi sa patubo, meron pang ibang bayarin na kailangang maintindihan para makuwenta nang tama ang kabuuang utang. Nag-iiba-iba ang mga bayaring ito depende sa nagpapautang kaya mahalagang usisain kung anu-ano ang mga ito at ikaw lang talaga ang makakukuwenta kung magkano talaga ang kabuuang utang.

Sigurado nga bang kaya talagang bayaran ang mga utang? Para malaman ang sagot, huwag pagbatayan ang buwanang hulog, kundi ang kabuuang utang. Baka magulat kayo kapag lumabas sa pagkuwenta na umabot pala sa mahigit 60 porsiyento ang binabayarang patubo taun-taon………. Esep esep…. Bago umutang

Walang komento: