Narito po yung bahagi ng kwentu patungkol sa mga pangyayari sa loob ng jeep sa Pilipinas, may mga nakakatawa at may nakaka-inis. Ang kwentong ito ay hango sa ipinadala sa akin sa FB at hayaan nyo na ilimbag ko ulit para naman doon sa mga hindi nakakabasa nito.
Bahagi na ng mayamang kultura ng mga Pilipino ang jeep. Sa katunayan, hindi ka isang tunay na Pilipino kung ni minsan ay hindi ka nakasakay sa isang jeep! Kaya kung magpahanggang ngayon e hindi ka pa nakakatuntong sa loob ng isang jeep ay pinapayuhan kitang subukan mo na pagkabasa na pagkabasa mo ng artikulong ito. Hindi mo pagsisisihan. Bilang isang estudyante, at bilang malayo ang bahay namin sa pinag-aaralan kong unibersidad, ay kinakailangan ko talagang mag-jeep araw-araw sa pagpasok at sa pag-uwi. Apat na jeep pa nga ang nasasakyan ko kada araw dahil dalawang byahe ang layo ng bahay namin sa eskwelahan. Magkaganun pa man, masasabi kong ang pagsakay sa jeep ang isa sa mga pinakamasaya, pinakakwela, at pinakanakakaasar kong ginagawa tuwing pumapasok. Bakit? Narito ang mga dahilan.
Tagpo # 1 Umaandar ang jeep. Halos walang sasakyan sa kalsada at mabilis ang takbo ng jeep. May paparang ale sa dulo na katapat ko. Ale: Manong, para! Driver: (dedma lang) Ale: (mas malakas) Manong, para na po! Driver: (dedma na naman. Bingi lang siguro) Ale: (malakas, at nagagalit na) MANONG, PARA NA NGA!!! Driver: (dedma pa rin. pagsabog na lang siguro ng bulkan ang makapagpapagising sa driver na ito) Ale: (nanginginig sa galit, labas na ang mga ugat sa ulo, magiging kamukha na niya ang The Hulk) PARA NA SABE! PARA NA! PARA NA! Driver: (matatauhan at mabilis na ipepreno ang jeep dahilan upang magkasubsuban ang mga pasahero) Ale: (maluha-luhang bumaba ng jeep dahil napakalayo na ng bahay nila at kailangan mo pang sumakay ulit ng isa pang jeep dahil super layo talaga. bago tuluyang bumaba ay magbibigay pa ng sentimyento) !@#$%Z^& DRAYBER ‘YAN! BINGI! Noong narinig ko iyon ay sumambulat ako sa kakatawa. Syempre, naawa rin naman ako dun sa ale na lumagpas ng pagkalayo-layo. Makikita mo talaga sa kanya ang matinding galit at naroon sa mukha niya ang ekspresyong nagsasabing, “babangon ako’t dudurugin kita!” Nagtataka naman ako kung wala ni isa mang pasahero sa loob ang naisipang ipara ang ale. At para naman sa drayber, hindi makasasama ang pagko-cotton buds araw-araw.
Tagpo # 2 Kaskaserong drayber na puro kabastusan ang kinukwento sa katabing kumpare. 3/4 ng jeep ay puno. Pumara ang isang grupo ng mga kabataan sa gilid ng kalsada. Kinatawan ng mga kabataan: Ay, hindi po pala kami kasya. Drayber: E !@#$%^& pala, papara kayo tas hindi naman pala kayo sasakay! Kinatawan ng mga kabataan: E BULOL KA PALA E! HINDI NGA KAMI KASYA E! Natameme ang drayber at kumaripas na lang ng takbo dahil sa pagkapahiya. Buti nga sa kanya!
Tagpo # 3 Pasahero 1: Makiki-abot ng bayad! Pasahero 2: (nasa unahan, sa likod ng drayber. naka-shades at kuntodo make-up na parang sinampal-sampal na siya nina Jean Garcia at Princess Punzalan. dedma lang, text nang text) Pasahero 1: Bayad nga! Makiki-abot na nga! (nangangawit na) Pasahero 2: (itinago ang cellphone, dedma pa rin) Pasahero 1: Miss, makiki-abot na nga. Pasahero 3: (katapat ni Pasahero 2 at siyang nag-abot ng bayad) Pasahero 1: (nagtaray kay Pasahero 2) Aba, kung ayaw mong nag-aabot ng bayad, huwag kang umuupo sa unahan! Tama naman si Pasahero 1! Iyon lang ang nakakaasar sa ibang mga tao sa jeep, ayaw na ayaw mag-aabot ng bayad. Kala mong mga hari at reyna na hindi pwedeng hingan ng pabor. Hello??? Nasa loob kaya sila ng jeep na isang pampublikong sasakyan. Syempre, natural lang ang abutan ng bayad.
Tagpo # 4 Dadaan ang jeep sa isang kanto. Mula sa kaliwa ay bigla-biglang lilitaw ang isang van. Buti na lamang nakapagpreno agad ang drayber kundi ay baka maya-maya ay ibinabalita na kami sa TV Patrol. Magbababa ng bintana ng van at hihingi ng sorry ang drayber nito. Drayber ng Jeep: !@#$%^& AATEND KA NG MGA SEMINAR HA! MUNTIK NA KAMING MAMATAY! Kahit isang seryosong bagay ang pinagdaanan namin ay hindi ko pa rin napigilan ang matawa dahil sa sinabi ng drayber na “umatend ng seminar”. As in matatawa ka talaga. Pero bukod pa sa mga iyan, nakakaasar din iyong mga taong ayaw umusog. ‘Yong tipo bang kuyukot mo na lang ang nakakaupo e sila, ayaw pa ring umusog. Aba, aba, teka, arkilado nila ang jeep? Doble ang binayad nila? For sure, sa mga sumakay ng jeep, naranasan niyo na rin ‘yan.
Tagpo # 5 Magkasintahan sumakay ng jeep. Magkaholding-hands. Nang umupo ay sumandal si girl sa dibdib ni boy. Hinahalikan naman siya ni boy sa pisngi habang pinadadaan ang kamay niya sa buhok ni girl. Tawa pa sila nang tawa habang lalo pa nilang ine-exaggerate ang pagpi-PDA nila.Wala sila keyr kahit pinagtitinginan sila ng mga nakasakay. Drayber: (nasilip sa salamin ang ginagawa ng dalawa, conservative ata) HOY, SA HOTEL KAYO MAGLAMPUNGAN! Ito rin ang ilan sa mga nakakaasar at nakakatuwa sa loob ng jeep. ‘Yong mga magsyotang hindi na lang “affection” ang pina-public display nila dahil konti na lang, magiging porn na. Kung sa teleserye natin mapapanood ang mga ganyan, baka kiligin pa tayo, hindi ba? PERO SA LOOB NG JEEP NA SINASAKYAN NG MAHIGIT SA DALAWAMPUNG KATAO??? Aba, mahiya naman!
Isa rin sa mga masasayang tagpo sa loob ng jeep ay iyong kasama mo ang mga kaibigan mo at magkakasabay kayong papasok. Syempre, nariyan ang walang katapusang kwentuhan, harutan, kantiyawan at tawanan. Nariyan pang maghahanap pa kami ng mga gwapo (para sa mga babae at bading kong kaibigan) at magaganda (para naman sa’kin. he he he) na kasabay namin. Kapag may nakita kami, susunod ang mga harutan at sundutan sa bewang kasabay ng pagkanta ng Jeepney Lovestory ni Yeng Constantino. Wala kaming pakialam kahit marami kaming kasabay, ang mahalaga’y nagkakasayahan kami. Kaya naman sa mga nainis sa’min dahil sa pag-iingay namin, patawad po. Minsan din, ang jeep ang magiging daan upang magtagpo kayo ng crush mo.
Naalala ko no’n nang makasabay ko ang crush kong TLE major, halos dumausdos ako sa upuan ko dahil sa kilig. Feeling ko tuloy, bumalik ako sa pagkahayskul. Katapat ko siya no’n at nag-aalinlangan pa nga akong tingnan siya dahil baka lumingon siya sa’kin at magtama ang aming mga mata (katulad sa mga pelikula at teleserye) at HINDI KO ALAM ANG GAGAWIN kapag nangyari iyon. Baka tuluyan na kong mahulog sa upuan at gumulong-gulong palabas ng jeep.
Tunay ngang napakasaya, at kung minsan naman ay nakakaasar, sumakay ng jeep. Naranasan mo na bang nakabukas ang mga bintana ng jeep at mabilis ang takbo nito na hinahangin ang buhok mo na feeling mo tuloy, nasa America’s Next Top Model ka? O kaya naman, naranasan mo na ba ‘yong napakalakas ng ulan sa labas at nasa dulo ka, pinagmamasdan mo sa pintuan ng jeep ang nakaka-emong patak ng ulan. Hay. Kung hindi mo pa nararanasan ang mga iyan, lalo na yung mga nabanggit sa itaas, ay kinakaawaan kita. Pero hindi pa naman huli ang lahat. Sumakay ka ng jeep! Napakarami d’yan sa labas. Mag-abot ka ng bayad at umusog ka kapag may sasakay ha. At higit sa lahat, pumara kapag bababa na. Mahirap ang lumagpas sa pupuntahan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento