Masaya ang kuwentuhan namin ni Mang Satur. Nakilala ko siya kamakailan sa isang pagtitipon ng mga senior citizen. Bagamat bakas na sa mukha niya ang katandaan, matipuno pa rin siya at maliksi pang kumilos. Masiste siyang kausap bagamat hindi maitatago na marami nang pagsubok at paghamon ng buhay na kanyang pinagdaanan.
Sa aming pagbibidahan ay nabiro ko siya tuloy na dapat ay sa Libingan ng mga Bayani siya kailangang mahihimlay kung saka-sakali. Ngunit medyo nagbago ang timpla ng mukha ng seaman sa biro kong ito. Hindi daw siya bayani at mas lalong hindi rin daw siya bago. Kaplastikan lamang daw ito ng gobyerno.
Ayon sa dating marino, ang mga katulad niyang overseas Filipino workers o OFW ay bayani lamang sa mata ng gobyerno habang sila ay nakakapag-remit pa ng dolares sa bansa. Iba na raw ang istorya pag balik nila sa Pinas. Marami daw sa kanilang mga OFW ang minamalas sa ibang bansa. Kasama na ang nababalitaan nating mga pinagmamalupitan ng mga among dayuhan na pinagkakaitan ng tulong ng mga embahada natin lalo na sa Gitnang Silangan. Nariyan din umano ang mga nasisiraan ng bait na pagdating dito ay ni wala man lang tulong na nakakamit mula sa pamahalaan.
Dapat daw sana ay maglaan ang gobyerno ng pondo upang suportahan ang mga tulad nito kahit panandalian upang makabangon nang kaunti. Mabuti na lang at nakapagpundar ang mag-asawa at hindi nila kailangang umasa sa limos ng ninuman, lalo na sa pamahalaan. Dahil sa masinop sa buhay ang mag-asawang Satur at Lucia, nakapag-ipon ang dalawa ng pambili ng bahay sa isang tinatawag na middle class subdivision sa Manila. Noong mga kapanahunang ipinatatayo nila ang pinag-iponang bahay, halos di raw siya makapagkatulog dahil wala raw kasing kasiguruhan ang pagiging seaman. Puwede kang pauwiin kahit anong oras kapag nagbago halimbawa ang may-ari o nalugi ang kompanyang pinagli-lingkuran.
Hindi lang hirap sa trabaho umano ang naranasan ni Mang Satur bilang OFW. Bukod sa matinding lungkot dahil sa pagkakawalay sa pamilya, ang pinakamasakit umano sa mag-asawang Mang Satur at Aling Lucia ay naging mistula silang naging palabigasan ng bayan di lang ng mga kaanak kundi pati kapitbahay na rin. Ang masama pa umano ay kapag hindi pa raw napagbigyan ang mga nangu-ngutang ay samaan pa ng loob. Ang mag-asawa ay biniyayaan ng dalawang anak, isang babae at lalaki na parehong professional na ngayon. Ang babae ay isa nang optometrist at ang lalaki naman ay isang establisadong doktor. Meron na rin daw silang apong babae na sentro ngayon ng kanilang buhay.
Ano naman ang maipapayo ni Mang Satur sa mga OFW na nagsisimula pa lamang magtrabaho. Huwag lustayin ang pinaghirapang kita, planuhin ang buhay at tumawag lagi sa Diyos. Amen.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento