Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Martes, Nobyembre 25, 2008

Kuprasan, Ano ito?

Sa lahat siguro ng uri ng punong kahoy ang niyog ang may pinaka maraming gamit sa tao. Bakit ko nasabi ito? Pansinin mo sa mga ginagamit mo sa katawan mo, masasabi ko na 2 sa 3 ginagamit mo ay merong sangkap na galing sa niyog. Halimbawa, sabon sigurado ako na may sangkap yan na galing sa niyog, pabango at iba pa. Ang Pilipinas ang isa sa may pinaka maraming tanim na puno ng niyog sapagkat karamihan sa mga lalawigan ay niyog ang ikinabubuhay.

Mula sa dahon ng niyog marami ang nagagawa dito, sa makabagong teknolohiya nagagawa na itong damit. Sa tingting ng dahon ng niyog walang kaduda duda na ito ay ginagamit sa bahay. Palapa ng niyog nagagamit ito sa mga handdy-craft at ang pinakahuli ay pang-gatong sa kalan ganon din ang takiyay at uyo. Nakakakuha din ng tuba, suka, uling sa bunga ng niyog. Kapag matanda na ang isang puno ng niyog ito ay nagagamit na sangkap sa bahay, sapagkat napaka-inam ang coco lumber sa isang bahay, naroon yung katatagan at tibay na dulot nito.

Ano nga ba ang tinatawag na “kuprasan”? Sa Bancuro ang kuprasan ay ang lugar na kung saan niluluto ang bunga ng niyog hanggang ito ay maging kopra na maaari ng ipagbili. Doon sa Bancuro ang malalapad na taniman ng niyog na kung tawagin ay niyugan, karaniwang meron itong kuprasan sa gilid o sa mismong gitna ng niyugan. Ito ay yari sa dahon ng niyog ang pinaka-bubong at tabla na mula rin sa puno ng niyog. Karaniwang ang isang kuprasan ay may dalawang malalaking hukay na parihaba na merong pinaka pagitang malaking parte ng lupa sa gitna.

Ang pinaka batangan nito ay puno ng niyog mismo na nilagyan ng mga tabi tabing sariwang palapa ng niyog na inalis ang dahon. Ito ang nagsisilbing parilya sa pagluluto ng kopra. Ang kuprasan ay may apat na halige sa apat na sulok nito para sa bubungan, tapos may sulambe ito kung tawagin para naman sa magbabantay at mag gagatong nito para hindi maulanan o mainitan man.

Bago gamitin ang kuprasan, kailangan siempre na kunin muna ang mga bunga ng niyog mula sa puno. Dito kailangan ang mangangawit kung tawagin sa Bancuro. Sila yung sumusungkit ng niyog sa puno, tapos kasama niya yung taga-ipon ng niyog. Kasunod nito yung tagahakot ng niyog para dalhin sa kuprasan, gamit nito ang kariton na hila ng kalabaw o baka. Mahirap bago maging kopra ang niyog. Noon naranasan ko ang taga-ipon, kailangang makikita mo kung saan babagsak ang mga nasungkit na niyog. Mahirap ipunin kasi hindi naman malinis minsan ang niyugan maraming mga malalagong damo kaya gagalugarin mo ang kadamuhan. Tapos kailangan nasa magandang lugar mo ilalagay ang mga inipon na niyog para naman sa hahakot na kariton.

Matapos ipunin, kami rin ang hahakot noon papunta sa kuprasan. Ang kariton ay kumakarga ng hanggang 500 piraso ng niyog. Isa-isa mong ihahagis ang niyog papasok sa kariton. Kapag nadala ang niyog sa kuprasan, meron namang kukuning taga talop, noon ang taga talop o taga-balunas ay isang bulag siya, pero napakabilis niyang magbalunas ng niyog, hindi sagabal sa kanya ang pagiging bulag niya. Matapos mabalunasan, ito ay sisimulang biyakin. Dito maraming bata ang naghihintay sapagkat habol nila ang tubo o usbong na makukuha sa loob ng niyog na biniyak (talaga namang masarap iyon, lalo na yung maliit pa lang na usbong), meron din namang sabaw ng niyog ang habol.

Matapos biyakin ang mga niyog ito ay handa na para isalansan sa ibabaw ng parilyang palapa sa kuprasan. Ang pagsasalansan ay may paraan din para maging maganda ang luto nito. Kapag nasalansan na ng mabuti at maganda, sisimulan ng sindihan ang gatong nito sa ilalim ng kuprasan, gamit ang mga naipong bunot ng niyog. Kapag nagsisimula ng umapoy ng ilalim unti-unti ng tatakpan ang kabuuan ng tagiliran at ibabaw ng kuprasan upang ang init nito ay madaling makaluto sa niyog na nakasalansan. Kailangang naka bantay din sapagkat minsan nasusunog ang niyog kapag subra ang lakas ng apoy sa ilalim.

Matapos na maluto hihintaying lumamig ito at kapag malamig na sisimulan ng ihiwalay ang kopra sa bao ng niyog gamit ang panglukyad. Kasunod nito ay ang paghahati ng mga laman ng niyog, dito pipiliin yung hindi gaanong naluto para isalang ulit o ibilad na lang sa init ng araw. Matapos nito at handa na para i-sako ang kopra at timbangin upang dalhin na sa bentahan. Ang mga bao ng niyog na natira o naipon ay sisindihan ito ng sama sama sa tabi ng kuprasan na ginawang balon, kapag naubos na, tatakpan ito ng saha ng saging at lupa upang hindi sumingaw – matapos ang isang linggo hahanguin na ito sa balon na kung tawagin ay ulingan – tararannn... meron ng napaka gandang uling para sa pag luluto. Ito rin ay nabibili per balde o sako.

Matapos ang lahat ng ito makikita mo na malinis na malinis ang kuprasan, ito ay magagamit ulit makalipas ang 5-6 na buwan……

Martes, Nobyembre 18, 2008

Dulot Nito

Kung mamasdan at lilibutin mo ang Bancuro, masasabi mong napaka tahimik na baryo, ang mga tao ay namumuhay ng simple lamang. Paggising sa umaga kanya kanyang gayak papunta sa kani-kanilang gawain tulad ng pagbubukid, pag-aalaga ng hayop, pangingisda. Sa mga kababaihan naman sila’y abala sa mga gawaing bahay tulad ng paglalaba, pagluluto. Ganon din ang mga bata abala sa pag-hahanda sa pagpasok sa eskwelahan. Sa hapon naman banaag mo ang mabilis na pagkagat ng dilim sapagkat ang lahat ay nasa kani-kanilang bahay na pagkatapos ng hapunan maghahanda ng pamamahinga sapagkat pagod sa maghapong gawain. Yan na ang mga gawaing karaniwang makikita mo doon – kaya masasabing simpleng mapupuhay doon.

Kumpara sa mga bayan at lungsod tulad ng Maynila na tinatawag na lugar na hindi uso ang tulugan sapagkat makikita mo sa paligid ang galaw ng tao na parang hindi sila napapagod. Ang mga ilaw na nagbibigay liwanag sa boong kapaligiran ay animo'y walang katapusang liwanag. Ang ingay ng mga sasakyan ay isang dagdag kaguluhan sa iyong kaisipan. Malayong malayo sa kalalagayan ng Bancuro sapagkat sa pagsapit ng gabi iilan na lang ang makikita mong gumagalaw sa paligid. Huni ng mga kuliglig, kulisap at ibong pang-gabi ang iyong maririnig na minsan ay parang awitin na nagpapasarap ng iyong pagtulog.

Nagkaroon ng kaunting pagbabago sa Bancuro sabi nga ng marating ng kaunting ampiyas ng kabihasnan, ito yung magkaroon ng elektrisidad sa bawat bahay. Magkaroon ng mga gamit na pangtawag tulad ng cellphone. Noong una elektrisidad lang ang panakinabangan ng mga taga-roon. Kanya kanya ng bili ng mga telebisyon, ng repregerator mga malalaking mga component ayon sa kani-kanilang kakayahan. Nagliwanag ang mga bahay na dati mga lampara lamang ang siyang nagbibigay ng liwanag. Makikita mo sa bawat bahay na maaga pa lang sa hapon ay naka-upo na sa harap ng telebisyon at abala sa panonood ng mga sinusubaybayang programa. Ang iba naman ay maririnig mo ang lakas ng kanilang mga tugtugan na dati ay nagkakasya na lamang sa radyo na gamit ang bateri.

Ang mga bata naman ay nagkaroon na ng pagbabago na dati rati sila’y maagang matulog ngayon sila’y nasa labas na kung anu-ano ang ginagawa. Nalagyan na rin ang mga kalsada ng mga ilaw upang maging maliwanag sa mga naglalakad. Masasabing malaking pagbabago ang naganap doon, magandang pagmasdan ang pagbabagong ito. Pero naroon ang tanong nakakabuti ba ito o nakasira sa dating galaw ng mga tao doon. Naka-apekto ito sa mga ginagawa ng lahat sa araw araw mula umaga, sa tanghali at sa gabi.

Isa pang pagbabago sa Bancuro ng ang isang pamilya doon ay magpatayo ng isang resort doon mismo sa nasasakupan ng Bancuro. Wala namang masama dito sa magandang pagbabagong ito sa lugar, subalit naroon ang tanong makakatulong ba ito o makakasira sa dating katahimikan at kasimplehan ng pamumuhay doon. Maraming magsasabi na maganda ito sapagkat nabibigyan ng trabaho ang karamihan doon, lalo na yung mga bagong kabataan na hindi pinalad na makakuha ng trabaho sa mga lunsod.

Maganda rin itong pagpapakilala ng kagandahan ng isang lugar sapagkat mababalita sa ibat ibang dako na meron isang resort doon na kakaiba at maganda. Ano nga ba ang kaka-iba sa Benilda Resort? Ayon sa mga nakaranas na pumasok sa resort maganda nga raw ang tanawin, ambiyans sa loob, sabi nga malilimutan daw ang problema kapag naranasan mong pumasyal doon. Meron daw silang ibat ibang pakulo sa loob tulad ng pag sakay sa kalesa, mangabayo, maligo at ibat iba pa.

Meron din daw silang bahay na nakalutang sa ibabaw ng tubig. Mararanasan mo rin na makita ang iba’t ibang uri ng paru paru sapagkat meron silang lugar ng sangtuwaryo ng mga ito. Patuloy din silang tumatanggap ng lahat ng uri ng mga pagtitipon, kasayahan, pagdiriwang at pampamilyang kasiyahan sa loob. Marami ang nagsasabi na abot kaya ang halaga ng bayad dito na tiyak na sulit sa ilalagi mo sa loob ng resort. Ito nga pala ay nalilibot ng mataas na pader na akalain mong parang isang kaharian ang loob nito. Ilan sa mga larawan ay kuha doon.

Sana sa sunod kung bakasyon sa Bancuro ay maranasan ko rin ang sinasabi nila tungkol sa malaking pagbabago ng Bancuro. Sana ang mga ganitong pagbabago ay makatulong sa mga nanatiling naninirahan doon. Sana patuloy ring makilala ang Bancuro sa pamamagitan ng Benilda Resort. Sana hindi mawala ang katahimikan at kasimplehan ng pamumuhay doon…. SANA……

Lunes, Nobyembre 10, 2008

Ulam Bato…

Naalala ko yung kwento ng kaibigan ko noong siya ay umuwi para mag-bakasyon sa Pilipinas. Ang kaibigan kong ito ay medyo mataba at mataas ang dugo kaya ingat na ingat siya sa kaniyang kinakain iniiwasang tumaas ang dugo. Isa sa nahihirapan kung ano ang ipa-uulam sa kanya ay ang kanyang asawa, sabi niya. At sabi pa niya na napakahirap pala yung pigilan ang sarili ng hindi kumain ng masasarap na pag-kain lalo na ang karneng baboy na wala nito sa Saudi. Sa kabila noon naroon pa rin ang pag-aalaga ng asawa sa mga pagkain kaniyang inihahanda para sa kaibigan ko. Noong unang araw siempre pinatikim na siya ng karneng baboy kasi wala namang masama roon kung minsan lang. Sa ikatlong araw gulay, tapos isda at mga lamang dagat. Lumipas ang isang lingo naghanda ang asawa ng gulay na upo o tabayag sa Bancuro.

Nasarapan ang kaibigan ko sa ulam na upo. Ikalawang araw nilagagang upo at sa ikatlong araw nakita ng kaibigan ko sa mesa na upo na naman ang ulam – bigla siyang sumigaw ang sabi “upo na naman” tumaas ang kaniyang dugo at siya ay na high blood. Kaya ang upo pala ay nakaka-high blood kung ito lagi ang ulam…. He he he.

Sa Bancuro ay may isang paboritong ulam ng mga taga roon, ganon kaya na paborito o nagtitipid lang dahil sa mahal ang isda at karne. Ito ay tinatawag na “agihis, paros o kaya ay lukan o tahong, suso”. Hindi ko alam ang tawag sa Manila o ibang lugar sa agihis – ito ay isang maliit na maitim na kabibing pinagtaob na may maliit na laman sa loob. Nilaga na may luya ang karaniwang luto ditto, minsan ginisa sa kamatis. Madali lang maluto ito sabi nga isang kulo at bumuka yung kabibi luto na ang agihis. Masarap siya na ulam sa mainit na kanin. Nabibili ito sa pamamagitan ng takal na ginagamit ay tabo. Mura lang siya sa 2 pesos isang tabo noong mga panahon na naroon pa ako sa Bancuro. Ito’y nakukuha sa ilog tabang, na naka-ugnay sa Ilog na Patay ng Bancuro.

Ang paros naman ay maliit din at kung hindi ako nagkakamali tulya ito sa Maynila at ibang lugar. Ang kulay ng paros ay manibalang na dilaw na medyo palapad ng kaunti na mistulang tahong. Kapareho ng agihis ang paros kung lutuin at sa presyo ay hindi nagkakalayo. Ang agihis at paros ay parehong sinisisid kung kunin sa ilalim ng ilog na mabato, subalit hindi sila magkasama ng lugar na pinagkukunan.

Ang lukan naman ay malaki ang kabibi nito medyo maitim ang kulay at kulay puti naman ang laman. Nakukuha naman ito sa lalao na naka-ugnay sa tubig dagat. Iba naman ito kung hulihin sapagkat ito ay nakabaon sa mababaw na lupa o banlik ng lalao. Gumagamit naman sila ng karit o matulis na bagay upang hanapin ang lukan, kapag nadaanan ito bigla itong nagsasabog ng tubig sabi sa Bancuro ihi ng lukan. Masarap itong kilawin, ginisa at halo sa miswa. Maganda rin ito sa katawan ng tao. Ipinagbibili naman ito ayon sa bilang at laki ng lukan.

Ang isa pang uri ay ang suso na nakukuha din sa lalao, maliliit siya na kulay itim pero matulis ang pinaka puwet niya. Ibinebenta ito ng takal sa tabo. Bago ito ilaga sa luya kailangang putulin ang dulong bahagi ng puwet nito upang madaling kunin ang laman nito sa luob na kulay berde. Masarap siya at malalaman mong suso ang ulam ng kapitbahay sa tunong pa lang ng kanilang pagkain… Sapagkat makukuha mo ang laman nito sa loob sa pamamagitan ng supsop o kaya ay may manungkit kang aspili. Madali rin itong lutuin sapagkat kapag lumampas ang luto dumidikit ang laman nito sa loob na magiging mahirap kunin.

Iyan ang mga ulam sa Bancuro na minsan sa loob ng boong isang lingo yan ang salit salitang ulam. Minsan maririnig mo sa mga kapitbahay kapag nagtanong ka ng ano ang ulam ninyo – tiyak na ang isasagot sa iyo ay bato ang ulam na ang ibig sabihin ay – lukan, agihis, paros, suso, kuhol kaya. Subalit kung tutuusin masarap ang ganitong ulam, maganda pa sa katawan. Ngunit kung lagi naman ito ang ulam mo sa araw araw na ginawa ng Diyos tiyak na tataas ang dugo mo. He he he

Bato bato sa langit tamain ay bukol….

Lunes, Nobyembre 3, 2008

Meron Kayo Nito?

Ang Pilipinas ay may ibat ibang probinsya, bayan, baryo na may kanya kanyang salita na kanilang ginagamit ayon sa kanilang kinalakihan, kaugalian at pang-unawa. Maraming salita ang ginagamit tulad ng Ilokano, Chabakano, Ilongo, Bisaya, Kapampangan, Bicolano, Tagalog at iba pa. Pero ang ibig kung sabihin yung kakaiba sa lahat, halimbawa sa Tagalog, tagalog siya pero naiiba ang pagbigkas, baybay pero ang kahulugan ay maaaring kapareho. Meron niyan sa Bancuro, hindi naman masasabi na ito ay mali o hindi ko alam kong saan nagmula o sino ang nagpa-uso. Hindi ko naman masasabi rin na ito’y sariling salita ng mga taga Bancuro sapagkat minsan naririnig ko rin sa ibang lugar sa Mindoro.

Noong una ginagamit ko rin ang karamihan nito sapagkat hindi ko naman alam na may iba pa palang kahulugan iyon. Merong salita sa Bancuro na minsan sa pandinig mo ay kakatwa pero may kahulugan pala yun. Siguro ganon talaga lang yun sapagkat may kanya kanyang salita na kanilang nakagisnang gamitin. Meron din naman na kung bigkasin ay may tuno ayon sa lugar na pinaggamitan ng salita. Alam ko na ang mga katutubo ng Mindoro na Mangyan ay may sariling alpabeto at pananalita, pero ang ibig ko lang ipahayag dito yung mga salita na kapag dinala o ginamit mo sa ibang lugar tulad ng Maynila napapalingon ang makakarinig.

Hayaan ninyo na bigyan ko kayo ng ilang mga salita, katawagan o pangalan man na ginagamit sa Bancuro at ang mga kahulugan nito ayon sa aking pang-unawa at kaalaman. Ang alam ko nananatiling ginagamit parin ang mga salitang ito doon sa Bancuro at naniniwala ako na magpapatuloy itong gagamitin doon sapagkat parte na ito ng kultura at kaugalian ng mga taga-Bancuro. Ilan lamang ito subalit ang alam ko maraming salita doon na hindi pa kasama dito. Ganito ang mga sumusunod na salita sa kaliwa ang mga salitang ating pinag-uusapan at ang sa bandang kanan na katapat ang siyang kahulugan, maliwanag ba?

BELOT - TUTA (maliit na aso)
BUNSURAN - HARAPAN NG PINTUAN
DUBDUBAN - LUGAR kung saan sinusunog ang mga basura
USBAW - MALUKO
KALAMUNDING - KALAMANSI
KWADERNO - SULATANG PAPEL
MAM-IN - Dahon gamit sa pagnganga (maaari ding puno)
YABAT - Matinik na dulo ng kawayan
PININDOT - BILO-BILO
BUBOY - Puno ng Bulak
SOLO - Uri ng sanging o Lakatan
BANGALAN - Saging na Mabango
SAKSIK - Saging na maliliit at siksik na siksik
LIYO - HILO
SARAMPIYON - TIGDAS

Sabi ng iba mahirap daw minsan unawain ang mga salita ng mga taga-Bancuro, pero hindi nila alam na tagalong din ito kaya lang meron lang mga salitang na-iiba sa pandinig ng iba. Nasabi kong iba sapagkat hindi ito itinuturo sa paaralan yun ngang ibang mga guro hindi nila alam ang ibig sabihin noon. Hindi naman masasabi na ito’y salitang kanto sapagkat marami ng taon ang lumipas, nagpasalin salin na sa ibat ibang bibig ang mga salitang ito na wala namang nagiging suliranin. Sabi nga nila dito sila nasanay at natuto na rin, kahit na minsan sinasabihan pa silang “promdi” pero wala sa mga taga-Bancuro yun sapagkat kasama na sa kaugalian nila yun.

Naranasan ko rin yun ng magsimula na akong mag-aral ng kolehiyo sa Maynila. Doon sa mga nakakarinig kung paano ako magsalita napapalingon sila, minsan nagtatanong saan daw galing na bundok yun. Pero sa akin marami na rin ang nabago mula noong nag-aral sa Maynila may mga salita na madalang ko na ring nagagamit at yung punto ko nawawala na rin. Subalit para sa akin hindi ko makakalimutan yung itinuro ng Bancuro sa akin ang ibat ibang kakaibang salita……