Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Miyerkules, Oktubre 29, 2008

Pabasa (Sulbutan)

Sa Bancuro kapag sasapit ang buwan ng Marso at April noon kung saan tatapat ang Mahal na Araw may isang kaugalian na namana na ng mga taga-roon ang pabasa. Ano ba itong pabasa o sulbutan? Ang pabasa ay ang pagbasa ng buong pasyon mula sa simula hanggang katapusan ng aklat na ito. Kung tutuusin ito ay binabasa ng may himig na paawit at ang bawat lugar o probinsya ay may kanya kanyang himig o tuno kung paano ito basahin ng paawit. Ang kaugaliang ito ay namana sa mga Kastila na kung saan sila rin ang nagdala ng relihiyong Katoliko. Masasabing kaakibat na ng Katolisismo ang pagbasa ng pasyon.

Ang pasyon ay ang buhay ng ating Panginoong Hesu Kristo mula ng siya ay bata pa hanggang sa pagkabuhay na muli mula sa mga patay kasama ang kanyang pagbabata ng hirap sa krus ng kalbaryo. Balikan natin ang pabasa sa Bancuro sapagkat hindi basta-basta ang mag-pabasa ng pasyon doon. Kinakailangang handa sapagkat kailangan dito ang pera, oras at iba pa. Sa mga taga-roon ang pabasa ay ginagawang panata na nila taon taon o pangako ika nga ng isang pamilya o pasasalamat sa isang bagay na nangyari sa kanilang buhay. Sa ibang probinsya o lugar nagkakaroon sila ng pabasa pero ginaganap nila ito sa kapilya o simbahan lamang, subalit sa Bancuro ito’y ginaganap sa bahay mismo ng pamilyang nagpa-unlak sa pasulbot.

Ang pabasa ay sinisimulan, karaniwan na sa bandang hapon sa araw na itinakdang magpabasa ng isang pamilya. Ito’y matatapos sa kinabukas ng bago mananghalian depende sa bilis ng mga mambabasa. Ito’y walang tigil na pagbasa ng paawit na kung pakikinggan mo ay maganda lalo na kung sagutan ang lalake at babae sa pagbasa. Sa Bancuro karaniwang mga matatanda ang nagsasagawa ng ganitong pagbabasa, iba nga sa kanila ay kabisado na ang pasyon. Hindi naman kailangan maganda ang boses mo sa pagbasa ng paawit ng pasyon ang mahalaga nasa puso mo at naaayon sa tuno na isinasagawa ng karamihan.

Aasahan mo na maraming handa ang may pabasa sapagkat tulad ng sabi ko ito ay pinapaghandaan malayo pa ang pabasa. Nariyan ang kape, salabat (luyang nilaga), minsan may juice, alak at siempre may tinapay din. Ang mga mambabasa ay doon na maghahapunan, almusal at tanghalian kung kaya karaniwang nagkakatay ng baboy, kambing, manok ang may pabasa. Meron din naman na naghahanda ng isda tulad ng dalag, hito, gurami, biya, buwan buwan, hipon, also, tilapia at ibang isda. Hindi lang naman mga mambabasa ang pwede sa pagkain, ito ay bukas para sa lahat, kaya nga dumarami ang mga naroon ay dahil sa pagkain, at minsan pagkakain nawawala na ulit sila lalo na kung magmamadaling araw na.

Naalala ko pa nga ang ilang linya sa pasyon – “ano pa nga at iisa ang loob nilang dalawa, mahusay ang kanilang pagsasama”. Yan yung linya sa pasyon na hanggang ngayon ay naaalala ko pa. Marunong din naman akong bumasa ng pasyon sapagkat nakakasama minsan ako sa Inay sa pagbasa ng pasyon. Ang Inay talaga ang batikan sa pagbasa ng pasyon sapagkat idinarayo pa nga sila ng iba ko pang mga tiyahin. Aasahan noon sa Bancuro na kapag sumapit na ang semana santa medyo gasgas na ang boses ng Inay sapagkat lagi nga siyang nakukumbida sa pabasa. Sabi ng lola ko sila daw ay nagpapabasa rin noon ng pasyon. Natatandaan ko rin na kapag nagbabasa ako ng pasyon kapag sinimulan ko ang isang talata kabisado na ng lola ang mga kasunod na talata hanggang matapos ang bakanata. Ganyan ang mga matatanda noon sa Bancuro kabisado nila ang pasyon.

Subalit minsan kung iisipin mo at aalalahanin mo ang mga nakalipas tungkol sa pagbasa ng pasyon tanging mga ala-ala na lang ang natitira sapagkat iilan o masasabing nawawala na ang ganitong kaugalian. Siguro unti unti ng nauubos ang mga matatanda na naroon yung kanilang pagpupursige na ipagpatuloy ang ganitong kaugalian. Sa ngayon makabagong panahon, ang pagbasa ng pasyon ay sa mga simbahan na lamang mo maririnig, meron man sa radyo na lamang. Masasabi rin natin na nawawala ang mga ganitong kaugalian sa dahilang mahirap ang buhay, unti unting napapalitan ang ilang ugaling pang simbahan sa mga naglalabasang mga ibat ibang simbahan.

Malaki rin ang nai-ambag ng pagbasa ng pasyon sa kultura ng ating bayan, hindi lamang sa mga probinsya ganon din sa mga bayan. Sa Bancuro ang alam ko madalang na madalang na lang ang nag papasulbot o nagpapabasa sa kanilang bahay. Aasahan sa mga susunod na panahon na tuluyan ng mawawala ang ganitong kaugalian o tanging Diyos na lamang ang nakaka-alam kung mananatili o mawawala na talaga ito.

Martes, Oktubre 21, 2008

Ang Sarap Mo… Ikaw ang # 1

Maliit at matinik pero punong puno ng sarap, yan ang maikli kong paglalarawan sa isdang “langaray”. Langaray ang tawag sa munting isdang ito. Hindi ko alam ang tawag sa isdang ito sa ibang lugar pero sa Bancuro ito ay kung tawagin ay langaray sa wikang English ay hindi ko rin alam ang pangalan ng isdang ito. Maliliit siya na medyo malaki ang mata, makaliskis at makintab kapag nasa tubig. Hindi siya lumalaki tulad ng ibang isda, sa tabang siya namamalagi hanggang siya’y mangitlog. At alam ba ninyo na ang itlog ng larangay ay napaka-sarap at ang atay niya napakalaki rin at masarap.

Ano ang mga katangian ng isdang ito? Ang langaray ay hindi mo mahuhuli sa bingwit na may pain, kundi kung tawagin ay pasabit lalagyan ng maraming sima o kawil ang tamsi na palawit sa bingwit para pasabitin ang mga langaray. Lumalangoy ang mga langaray ng barkadahan o grupo o maramihan kaya pwedeng mahuli sa pamamagitan ng dala o pante. Subalit ang mga taga Bancuro ay may kakaibang gawi sa paghuli ng langaray, ito’y tinatawag na “sara”. Ano itong sara? Ito’y isang pamamaraan ng mga taga-Bancuro upang mahuli ang langaray. Naglalagay sila ng mga dahon ng niyog, irok, buli sa medyo malakas ang agos ng ilog. Doon sa loob ng sara ay nilalagyan nila ng lusa o plato na maputi para malapitan ng mga langaray. Kapag naroon na sila hahagisan na ng dala, huli ang mga langaray.

Ang langaray ay kakaiba sa ibang isda sapagkat ito’y ipinagbibili o inilalako hindi sa pamamagitan ng kilohan kundi dadaanin sa bilang, ibig sabihin ang presyo ay ayun sa dami ng bilang, sa laki at kung itlugin ang langaray. Mas mataas ang presyo kapag itlugin at malalaki. Karaniwang 100 piraso ang presyuhan ng langaray. Ang langaray ay lumalabas sa panahon ng magsisimula ang tag-ulan o tag bagyo. Noong araw ang langaray ay sumasabay kung lumabas sa panahon ng tag-banak, also at buwan buwan. Subalit may kakaibang lasa at sarap ang langaray na hahanap hanapin mo. Halos lahat ng mga taga-Bancuro na napupunta sa Manila ay hinahanap ang langaray sa oras na sila'y mag bakasyon sa Bancuro.

Anong mga luto ang pwede sa langaray? Ang mga nanay o kahit sinuman batid nila ang masarap na luto sa langaray lalo na kung ito’y bagong huli pa lang. Pwede itong sinigang sa kamatis na talaga namang napakasarap. Pwede itong sinigang sa kalamansi. Pwede itong sinaing sa suka o asin lang. Pwede itong tinatawag na pinais sa dahon ng saging. Pwede itong inihaw tapos pigaan ng kalamansi. Pwede itong dinaing o tinuyo tapos ay prituhin ng malutong.

Medyo mahirap nga lang kainin ang langaray sapagkat tulad ng sabi ko matinik siya mula ulo hanggang buntot. Para sa akin sinigang sa kamatis ang pinaka masarap na luto sa langaray. Alam nyo ban a kapag langaray ang ulam ko asahan mo na nakahilera sa tabi ng plato ko ang mga itlog at atay nito. Ito’y aking kakanin pag malapit o patapos na kumain ika nga pang pinale. Kaya lang dahan dahan ang kain sapagkat matinik pa ito kaysa sa buntot ng bangus.

Noong araw naaalala ko kapag bumibili ng langaray ang Inay, halimbawa 50 piraso, ito’y hahatiin niya ayon sa dami namin. Alam niya kung tig-iilan lang ang bawat isa sa amin. Ang pagkakatanda ko limang piraso ang bawat isa sa amin sa bawat kain, kaya yung 50 piraso ng langaray nakaka-dalawang kain yun. Pero sulit naman sapagkat masarap din ang sabaw – sabi nga sabaw pa lang ulam na. Makikita mo yung nagmamantika yung ibabaw ng sabaw dahil sa taba ng mga langaray.

Matagal tagal na rin akong hindi nakakatikim ulit ng langaray, kahit noong umuuwi kami doon sa Bancuro, siguro sa dahilang laging tag-araw kami umuuwi doon. Ewan ko pero balita ko kukunti na lang ang lumalabas na langaray kahit sa panahon ng tag-ulan ewan ko lang kung bakit. Pero siguro kung makakatikim ulit ako ng langaray masasabi ko paulit ulit na ang larangay ay napaka sarap at isa sa mga nangunguna sa aking listahan ng masarap na isda galing sa Bancuro……

Martes, Oktubre 14, 2008

Kilalanin Sila…

Maligayang Kaarawan po sa lahat ng mga guro……

Medyo nakalimot ako na meron palang kaarawan ang mga guro na matiyagang natuturo sa mga eskwelahan, siempre kasama na doon yung pera na sasahurin nila buwan buwan. Nalaman ko lang ito noong mabasa ko yung blog ng mangyan kung saan binabati niya ang lahat ng naging guro niya mula sa kinder hanggang sa matapos niya ang pag-aaral. Siguro panahon na rin naman na maipadating yung aking taos pusong pasasalamat sa kanilang pagtitiyaga na unawain, sakyan ang aming mga kalukuhan, katigasan ng ulo at katamaran sa pag-aaral. Una sa listahan ko ay ang guro ko sa unang baitang kasi hindi pa uso noong panahon namin ang kinder garten.

Madam Dawis: Unang Baitang
Siya ay asawa ni Mr. Dawis na isa ring guro sa Mababang Paaralang ng Bancuro. Sa unang tingin masasabi mong napaka bagsik ni Madam Dawis sapagkat matipid siyang ngumiti. Silang mag-asawa ay dayo lamang sa Bancuro, ang pagkaka-alam ko sila’y buhat sa Batangas, subalit nanirahan na sa Bancuro at nagka-anak na rin. Naroon din yung kanyang katiyagaan sa pag-tuturo. Sa kanya ko natutunan ang ABAKADA at sa kanya ko rin naranasan ang mapatayo sapagkat hindi ko naisulat sa board ang salitang “TABLE”. Subalit nagtapos din ako sa unang baiting ng may karangalan ika nga.

Madam Bermudez: Ikalawang Baitang
Siya yung tipo ng guro na mamahalin mo sapagkat palangiti siya, masayahin at maganda siya. Siya’y tubong Bancuro, mabait at madaling pakisamahan ika nga pero nangungurot sa singit. Bakit kamo sapagkat lagi ako sa kanila pinag-lilinis ng bahay, kaya yun ang natutuhan ko sa kanya he he he.. Siya rin yung gurong laging bumibili sa amin ng itlog ng manok at kalamansi. Dito ko natutunan yung gumawa ng mga maikling kwento, bumasa ng mga alamat, bugtong, salawikain at iba pa. Natuto rin akong tumula at mag drawing ng mga ibon, kalabaw, ilog at iba pa… Meron din akong karangalan dito at ribon

Madam Delos Reyes: Ikatlong Baitang
Kung aalalahanin ko siya talaga namang mapapanganga ka sapagkat doble ang estrikto at bagsik niya kumpara kay Madam Dawis. Ganon din siya parokyano na ng Inay sa pagbili ng itlog ng manok. Mahilig siyang mag palinis ng silid aralan hindi ko lang batid kong ito ay kanyang ugali o iwas pagtuturo lamang. Subalit naroon din yung katiyagaan niyang matuto kami sapagkat alam namin na nagbunga naman yung mga pangaral at kabagsikan niya sa amin. Hindi rin siya palangiti, galit siya sa madungis na eskwela. Tinuruan na kami ng sulating pansanay at pang wakas, mga kwento sa Bararila.

Mr. Dawis: Ika-Apat na Baitang
Siya ang guro namin sa cab-scout at boys scout. Mahusay siyang kasama sa mga lakaran, mahilig sa mga laro. May alaga siyang kambing sa likod bahay kaya kami ang nag babantay pagkaminsan. Dito ko natutunan ang ibat ibang uri ng buhol na gamit ang tali, sapagkat isa ito sa mga palaro sa boyscout. Dumarayo rin kami noon sa ibang paaralan tulad ng San Agustin School.


Mr. Manumbali: Ika-Limang Baitang
Payat siya na akala mo may sakit pero matalino o magaling siya sa math. Siya ang nagturo sa amin na kabisaduhin ang multiplication at ang paggamit ng kamay sa pag-mumultiply. Mas seryoso siya sa pagtuturo ng mga estudyante niya wala sa kanya yung masasayang na oras. Kaya nga lamang hindi siya nagtagal sa pagtuturo sapagkat nagkasakit nga siya. Marami kaming natutunan sa kanya. Taga poblacion siya kaya laging naka motorsiklo siya kung pumasok sa eskwelahan.

Madam Yaco: Ika-Anim na Baitang
Mabait din naman siya, siguro dahil kilala niya ang nanay ko. Pagluluto ang kanyang linya sapagkat hawak niya yung HE. Siya rin yung nagtuturo ng Pilipino at English sa formal theme at informal theme. Isa rin siyang suki sa pagbili ng itlog. Malakas sa kanya ang lahat ng mga taga Pook. Makikilala mo siya sa boses pa lang sapagkat sa tuwing magsasalita siya naroon yung pag-uutos.

Sila yung mga naging guro ko sa ibat ibang baiting ng pag-aaral sa Bancuro. Sila yung mga gurong may naging ambag kung nasaan ako ngayon. Sila yung nagsimulang maglinang ng aking kaisipan maliban sa nanay ko. Sila ang mga taong ang pinasasalamatan ko, mga taong di ko na makakalimutan pa…

Muli – Maligayang Kaarawan po sa inyo… Saan man kayo naroon ngayon…

Lunes, Oktubre 6, 2008

Ang Barangay Kapitan

Kinagisnan ko na sa Bancuro na walang kapitan del baryo na nagmula sa Pook ang totoong dahilan ay hindi ko alam, subalit may naririnig ako na ayaw lang ng mga tagaroon na humawak ng katungkulan sapagkat ang lahat ay abala sa bukid. Kung titingnan nga naman totoo ito sapagkat lahat halos ng mga matatandang lalake at babae ay abala sa kani-kanilang gawain mula sa bahay hanggang sa bukid. Hindi naman masasabi na walang nakaabot sa kwalipikasyon ng isang kapitan ng baryo sapagkat lahat halos doon ay may kaunting pinag-aralan.

Mula ng ako'y madalang ng umuwi sa Bancuro sapagkat ang pamilya ko ay nasa Bulacan na, tatlo pa lang ang aking nakikilalang naging kapitan ng Barangay Bancuro. Dalawa rito ay galing sa sitio Butas at ang isa ay galing naman sa sitio ibaba. Sa totoo lang kilala ko ang ikatlong kapitan sapagkat kaklase ko siya sa elementariya sa Bancuro. Sa tatlong naging kapitan pinaka matagal ng nanungkulan ay yung matanda na galing sa butas. Kilala ang pamilya niya sa boong Bancuro at kahit sa labas sapagkat napaka laki ng angkan niya.

Una kong kwento sa inyo ay ang sinasabi kong malaking angkan niya at tawagin natin siyang Kapitan MG. Si Kapitan MG ay namahala halos kapanabayan ni Marcos, siya ang may pinaka mahabang panunungkulan sa Bancuro. Masasabi na may kaya ang kanilang angkan ang mga anak niya ay halos nakapag-aral at nakapag-asawa ng may sinasabi sa buhay. Maganda naman siyang mamahala sa barangay, marami rin siyang nagawa, ipinagawa at naanakan. Bakit ko nasabi na marami siyang naaanakan? Sapagkat sa totoo lang medyo magandang lalaki siya, maputi at mabuladas sa pagsasalita. Hindi ko na sasabihin ko sinu-sino ang kanyang mga naanakan baka tayo ay sa kulungan pulutin.

Sa ikalawang kapitan tawagin natin siyang Kapitan Acan. Kung titingnan mo siya sa pangangatawan hindi akalain na magiging kapitan siya. Bakit naman? Sapagkat siya'y pingkaw na kapag nagsasalita ay gumagalaw ang kanyang kamay. Hindi ko rin alam ang dahilan kung bakit siya nagkagayon. Subalit isang bagay ang masasabi kong maganda sa kanya, malakas siya sa tao. Meron din siyang katangian na naiiba sa lahat ng aking nakikilalang kawani ng pamahalaan. Siguro siya pa lamang ang naging kapitan na 4 ang naging asawa. Pero ito ang kakaiba doon ang apat na asawa niya ay sama-sama sa iisang bubong na kasama niya - ibig sabihin hindi ito itinatago tulad ng ginagawa ng iba. Kung paano niya yung nagawa tanging siya lamang ang nakaka-alam at siempre yung mga asawa. Ang pag-kakaalam ko dalawang panunungkulan ang nagawa niya sa Bancuro.

Ang ikatlong kapitan ay tawagin nating Kapitan Entong - tulad ng sabi ko sa inyo siya ay naging kaklase ko sa elementariya, kaya siya siguro ang pinaka bata sa tatlong naging kapitan ng barangay. Sa sinundang butuhan tumakbo na rin siyang kapitan subalit hindi siya nanalo kay Kapitan Acan, siguro hindi pa talaga niya ukol na manukulan. At ng sumunod na halalan doon siya nanalo laban kay Kapitan Acan. Si Kapitan Entong ay kilala sa boong Bancuro sapagkat ang pamilya niya ay isa rin sa pinaka malaking angkan. Sila'y anim na magkakapatid na puro lalaki. Siya'y nakapag-asawa ng tagaroon din sa Bancuro. Sa gitna ng kaniyang panunungkulan may isang sekreto ang sa kanyang nabunyag na meron daw siyang itinatagong babae sa Calapan. Ang eskandalong ito ay parang sumabog na bulkan na malaking epekto sa kanyang mga hangarin para sa Bancuro. Nagkaroon ng pamimili sa kanyang parte hiwalayan ang babae niya o siyang iiwan ng kanyang asawa't mga anak. Pinili niya ang orihinal na pamilya, subalit masasabi na huli na sapagkat nagkaroon na ng lamat sa pagkakilala sa kanya. Ang huling balita ko ay nag-ambisyon siyang tumakbong konsehal ng bayan subalit siya'y nabigo.

Silang tatlo ang mga nakilala kong kapitan sa Bancuro, kung titingnan mo lahat sila ay nagkaroon ng mga usapin sa babae yung una marami ang naanakan, pangalawa marami ang asawa pero hindi itinago at sila'y nagkakasundo at ang ikatlo gumuho ang ambisyon ng dahil sa babae. Ganyan ang buhay hindi pare-pareho........