Pagpupugay po sa lahat ng dumadaan at nakikisilip sa aking mga sinusulat.. Ang kwento ko po ngayon ay tungkol doon sa ipinabasa sa akin ng kaibigan ko, nagustuhan ko kaya heto.. pasensya kung nabasa na ninyo ito.. nagpapasalamat din ako sa orihinal na sumulat nito si (Written by Bino Rhioma]
Minsan, tinanong ako ng aking anak, "Daddy, ano ibig sabihin ng OFW? ". Sa murang isipan niya, maiintindihan kaya niya kung sasabihin ko'ng OVERSEAS FILIPINO WORKERS? Ngunit ako'y nagulat sa kanyang sumunod na tanong. "Alipin? Alipin ka dati Daddy?" Gusto ko'ng magalit dahil sa di tamang pagkakaintindi ng salitang 'OFW' sa kanyang pag-iisip. Ngunit napag-alaman ko'ng sa kin din nanggaling ang mga katagang yun. "Isa akong Alipin sa Milan! Ako na may pinag-aralan! Kubeta lang pala ang katapat ng Diploma ko!" Isang maling pananaw. Maling Interpretasyon. Maling paniniwala.
Bagong bayani. Yan ang sabi nila. Pero bakit tila nalilimutan ng ating gobyerno? Naikakabit lang ba ang mga salitang yan sa mga OFW sa tuwing dumarating ang mga remittances nila? At biglang mawawala kapag hindi sila nakapagpapadala ng pera sa ating bansa? Nasaan ang embahada sa tuwing mayroong Pinoy na nahaharap sa parusang kamatayan tulad ng yumaon’g si Flor Contemplacion? Hanggang kailan mananatili ang ating mga kababayang nakapiit sa ibang bansa dahil sa kagagawan ng mga illegal recruiters? Kailan sila makakatanggap ng mga tamang benepisyo? At kailan sila makakauwing muli para mabuhay ng matiwasay at may kasiguruhang magagawa silang panindigan ng ating inang bayan? Mga katanungan na hanggang ngayo'y hindi masagot. Isang karamdamang unti-unting pumapatay sa kanila na hanggang ngayo'y wala pa ring natutuklasang gamot. Ang titulong Bagong Bayani ay tila nangangahulugang LIMOT NA BAYANI.
Sa kabila ng lahat ng ito, marami pa rin ang nagtitiis na mangibang bayan at iwan ang kanilang mga minamahal para makipagsapalaran saan man panig ng mundo, hanap-hanap ang isang bansang makapagpapatupad ng kanilang mga pangarap. Titiisin ang pagiging malayo sa kanyang mga supling para mag-alaga ng anak ng iba. Isasakripisyo ang buhay kakabuhat ng mga mabibigat na makinarya, pag-akyat sa matataas na gusali para pinturahan, at pagsuong sa madilim na kuweba para magmina ng ginto, makatapos lamang sa kolehiyo ang kanyang mga anak, guminhawa ang buhay ng kanyang magulang o makapagpundar ng magandang tahanan sa kanyang mga kapatid. May mga ilan na nagtatagumpay. Ngunit marami rin ang nabibigo at umuuwi na nasa loob na ng kahon.
Sa mga sakripisyong nabanggit, batid ko'ng sapat na ang mga ito para muling ibalik ang tunay na kahulugan ng salitang BAGONG BAYANI. Panahon na para mabigyan ang bawat OFW ng kahit konting atensiyon mula sa pamahalaan. Panahon na para silay bigyang-pansin. Ang mga OFW ay hindi dapat maihalintulad sa isang alipin. Bagkus, sa kabila ng kanilang pagiging limot na bayani, karapat-dapat na sila’y ating dakilain. Ang isang malaking katanungan, darating pa kaya ang panahong ito? Posibleng sagot, OO MALAPIT NA!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento