Lumayo kayo sa akin, ayaw kitang makita – yan ang ilang pananalita na maririnig mo kapag galit ka sa isang tao o umiiwas sa kanila o sinasabihan mo sila sapagkat meron kang sakit na nakakahawa. O ito yung ilang linya sa TV o pelikula na ating makikita at maririnig na pag-uusap ng dalawang tao. Bakit ba tayo napunta roon sa usapang ganon? Ano ba ang kaugnayan nito sa bago kong kwento sa inyo?
Sa buhay ng tao marami tayong minsan hindi natin kayang ipaliwanag ng ayon sa ating kaisipan, subalit nakikita natin na minsan nangyayari ito sa paligid lang natin o naranasan natin ito sa ating buhay. Kung paniniwala ang pag-uusapan tayong mga Pilipino ay hindi pahuhuli ito man ay patungkol sa diyos, usapin, kwento o pangyayari sa ating buhay. Marami ang nakasandal sa ganitong paniniwala na basta sinabi ng taong yun naniniwala agad sila, lalo na sa mga probinsya at baryo. Lalo na kung kagalingan ang pag-uusapan.
Eh ano ba ang tinutumbok mo at marami ka pang paliguy ligoy diyan, tapatin mo na kami sabi nga ng isang maangas na kausap.
Tulad ng nasabi ko sa itaas sa mga probinsya nakakalalamang ang ganitong paniniwala lalo na sa mga liblib na lugar. Naroon na mas pinaniniwalaan nila una na yung mga albularyo, matatanda o ang kapitan doon. Anuman ang kanilang katanungan, sakit o problema sa mga taong yun sila sumasangguni, sapagkat sabi nila sila yung nakaka-alam, nakakapagbigay ng lunas sa kanilang problema. Ganon ang nangyayari at nangyari sa Mindoro, maraming mga paniniwala na nakabatay lang sa kanilang karanasan. May mga lugar na mas kilala ang mga taong ito at sila’y iginagalang pa.
Pero hindi yan ang ating tatalakayin, siguro sa mga susunod na kwento natin tumbukin natin yan, ngayon kwento ko sa inyo yung kakaibang pangyayari sa Bancuro. Masasabing kakaiba sapagkat halos lahat doon ay naniniwala sa gayong kalakaran. Ano ito? Ito yung tinatawag na “balis” at “gahoy”. May ilang parte sa Mindoro ang naniniwala rin sa ganito meron naman hindi, pero ang tanong – ano ba ang ibig sabihin nito sa mga tao sa Bancuro.
Ang tinatawag na "
balis" ay isang matandang paniniwala doon na ito ay nagaganap pa hanggang sa ngayon doon at pinaniniwalaan. Paano ito nangyayari? Ayon sa aking pagkaka-alam ito ay tumatalab na parang isang sakit. Sa aking mga nakita doon minsan ang isang bata, binata, dalaga o matanda ay maaaring talaban ng balis sa pamamagitan ng isang tao na meron nito. Sabi nila ang taong may balis daw ay malakas ang pwersa ng dugo lalo na kapag ito ay pagod, na kapag nakita ka o mo ang taong ito mababalis ka nito. Ano ang mangyayari sa taong nabalis at ano ang mga sintomas? Ang taong nabalis karaniwang sumasakit ang tiyan, nagsusuka, namumutla at pinagpapawisan ng malamig.
Ang tinatawag na gahoy ay hindi nalalayo sa balis pareho sila ng sintomas, hindi ko lang alam kung ito nga ay pareho lang, nagkaiba lang sa tawag. Paano naman ito nagagamot? Ang taong nabalis o nagahoy ay kailangang isipin o maalala ang mga taong nakita, nakasalubong o naka-usap ng araw na iyon. Kapag naalala na maghahanda ang pwedeng pumunta sa tao upang humingi ng buga o lawayan ang nabalis sa tiyan o sa ulo kung malapit lang. Ano itong buga? Ang buga minsan ito ay nginuyang bigas, nganga at ikmo. Kapag sa unang pag-buga o paglaway ay hindi gumaling ang nabalis pupuntahan ang sunod na tao at doon kukuha ng buga. Kapag hindi pa gumaling hahanapin ang lahat ng taong nakita sa araw na yun.
Paano ito gumagaling? Kapag ang taong nabalis o nagahoy ay gumaling sa buga makikita mo sa mukha ng nabalis ang pagbabalik ng dating sigla, wala na yung pamumutla, pagsusuka at pagsakit ng tiyan. Minsan makikita mo sila parang nagdahilan lang o nag-arte lang. Subalit ang nakaka-awa minsan yung mga batang paslit pa lang ang madadali ng balis at gahoy talaga namang palahaw ng pag-iyak ang bata.
Meron bang kontra para hindi ka mabalis at magahoy? Meron, kung sa paniniwala ng mga matatanda sa mga nuno, na sinasabi nila na tabi-tabi po nuno, makikiraan po. Sa balis at gahoy naman ay ganito –
pwera balis, pwera gahoy. Pero kailangang maagap kung alam mo na ang taong nakita, naka-usap ay may balis o gahoy. Sa mga bata namang paslit yung may dala ng bata ang siyang magsasabi ng ganon – kung malapit sila sa tao kailangan palaway ito sa tiyan o sa noo.
Meron din ganito sa ibang lugar o sa Maynila iba lang siguro ang tawag. Sa Maynila ito ata yung tinatawag na usog, ewan ko lang sa ibang lugar. Kayo tandaan ninyo kapag napunta kayo sa Mindoro, lalo na sa Bancuro handa kayo sa maaaring mangyari sa inyo, kaya dapat alam ninyo ito – he he he he….