Sa araw na ito medyo maganda ang daloy ng dugo sa utak ko kaya hayaan ninyong kwento ko ang ilang pagbabago sa Bancuro sa aspeto ng pamumuhay, kalalagayang pisikal at marami pang iba. Bakit ko nasabi sapagkat noong huling dalaw ko sa aking mga magulang doon ko lang napansin na malaki na ang pagbabago sa munting tahanan ng aking mga magulang.
Yun nga lang hindi ko maipapakita dito yung lumang larawan sapagkat nangyari ito ng mga panahong wala ako sa lugar na yaon. Dati sa harapan ng bahay ng tatay at inay ay may punong manga (Indian Mango) na tanim pa noong bata pa ako. Inalis na raw sa dahilang nagkaroon ng sakit ang puno. Ito ang nakakapag palakas sa akin ng pag-iisip sapagkat sa kwento ng tatay siya lang mismo ang pumutol noon. Noong una hindi ako makapaniwala kasi malaking puno yun na sa aking palagay kailangan ng katulong upang mapabagsak o maputol yun ng maayos. Subalit mali ako ginawa yun ng mag-isa ng tatay gamit ang pait, itak, lagare at iba pa. Hindi rin naman ako nagtataka sapagkat hindi lang naman yun ang unang nagawa niya marami na siyang nagawa doon na walang sinumang tumulong.
Meron na ring tindahan sa harap ng bahay na pinatatakbo ng aking kapatid. Sa likod bahay malinis at makikita ang maraming puno ng iba't ibang prutas. Ngunit isa lang ang malaking pagbabago na nakita ko ang bahay mismo.. sa kulay at sa mga nadagdag na parte nito. Lumaki ang terasa yun nga lang medyo mababa ang naging bubungan kasi raw hinabol yung dating bubong ng kabahayan. Napalitan din ng makabagong yero ang kabahayan. May makabagong kulay ayon sa kanilang nais. Nagkaroon din ng pintura ang dingding na semento sa buong kabahayan. Naging maganda ang kumbinasyon ng kulay na summer yellow, green and red color.
Alam kong malaking pagbabago subalit kung ikukumpara ang bahay ng mga magulang ko sa ibang bahay ng mga pinsan ko walang sinabi ang sa mga magulang ko. Sapagkat naglalakihan at naggagandahan ang sa kanilang bahay. Mga modernong estraktura, disenyo at kulay. Ilan na lamang ang makikita mong nasa lumang bahay sapagkat lahat ng mga taga roon ay nakaranas na magkaroon ng pera upang ipabago ang kanilang mga bahay. Meron doon na tinatawag na Malakayang na bahay sapagkat malaki at kulay puti di ko alam kung kanino nagmula ang pagpapangalan noon. Meron doon na bahay ng marino siguro tinawag itong ganon sapagkat halos lahat ng kanyang mga anak ay ang ikinabubuhay ay seaman. May bagong tayo doon na kung tawagin ay Katas ng Prutas siguro alam nyo na kung bakit ganon.
Sa mga ninong at sa mga tiya sa unahan ng bahay ng mga magulang ko ay malaki na rin ang naipagbago kumpara sa dati nilang mga bahay, ngayon ay lumaki, gumanda at naging moderno. Hindi ko naman sinasabing ang pagbabagong ito ay ginagawa nila sa dahilan sa INGITAN. Maaari pero sa tingin ko kasama na roon yung kanilang mga pangarap na magkaroon ng ganong mga bahay.
Hayy buhay nga naman di mo inaasahan na marami na palang ipinagbago...