Quality Coffee

Quality Coffee
Healthy Food

Lunes, Hunyo 30, 2008

Samo’t Saring Kwento

Ang Aswang..

Saan mang pelikula dito sa ating bayan or kahit sa pelikulang english kapag ang tema ng istorya ay katatakutan, hindi mawawala sa eksena ang mga aswang. Kung tutuusin ang mga ganitong kuwento ay talagang sa atin nagmula ang aswang, manananggal, tiyanak, nono sa punso, duwende at napakarami pang iba. Hindi nga lang natin masiguro kung totoo lahat ng mga kwento patungkol dito, sabi meron daw talagang mga ganitong nilikha noong unang panahon. Subalit sa bago nating kwento na talagang kuwento buhat sa Bancuro, kasi taga roon naman ang nag kuwento si Manong Meting ngunit siya ngayon ay patay na rin.

Siguro nakasanayan na ng mga taga Bancuro lalo na yung sa aming lugar na magkaroon ng isang lugar upang doon magkita-kita para lang mag kuwentuhan. Meron itong sisimulan sa pinakabagong nangyari sa paligid, at sigurado ako na sa tagal tagal ng sandali ng kuwentuhan, tiyak na mapupunta sa mga lumang kwento ang pag-uusapan. Kahit ako, kapag wala rin lang naman akong ginagawa noon tiyak isa ako sa mga nakikinig doon ng ibat-ibang kuwentuhan. Sa kuwento ni Manong Meting minsan daw pumunta sila sa isang lamayan (kapag sinabing lamayan) may patay. Ang patay ay isang malayong kamag-anak na daw ni Manong Meting. Dumating sila doon ng ganap na ika-pito ng gabi oras na makikita mo sa isang lamayan ang dating at alis ng mga nakikiramay.

Mamalas din sa ganitong lamayan ang mga sugal, bingo, inuman, kantahan at baraha. Mapapansin mo na parang hindi lamayan sa subrang kasayahang nagaganap. Sa mga bisita tiyak mo na makikilala ang dumarating at umaalis sapagkat karamihan naman ay mga kamag-anakan, kapit-bahay at mga sugarol ika nga. Sa Bancuro ang mga bahay naman noon ay hindi mga kalakihan, ang normal na bahay pa noong mga panahong yaon ay laging may silong ang mga bahay, may mababang hagdan bago ka makapasok sa kabahayan, at tiyak na ang kabaong ay malapit sa may pintuan kasi yun ang kaugalian. Ang mga naglalamay naman ay nasa labas na ginawaan ng isang kulubong o sibi kong tawagin sa Bancuro. Maraming pamahiin sa mga lamayan isa na dito ang bawal pagpatung patungin ang mga pinggan - kasi raw magsusunod sunod ang mamamatay. Balikan natin ang lamayan...

Habang lumalalim ang gabi kumukunti ang mga naglalamay at aasahan mo ang mga ito ay mga kabataan at kaunti na lang ang mga matatanda. Nang dumaan ang alas-dose ng hating-gabi ilan na lang talaga ang naroon. Doon yung ilang matatanda sa loob ng bahay ay nakaka-amoy ng di magandang amoy mula sa ilalim ng silong ng bahay. Sabi ng isang matanda amoy putik daw, kaya ang ginawa nagsalita na parang itinataboy yung baboy doon sa silong. Maya maya naman medyo nawala yung amoy, kaya ang lahat ay medyo nakahilig na upang umidlip, hindi nila napansin na may dumating na ibang tao na nasa may hagdan – isang babae na mahaba ang buhok, lumilinga linga siya ng paayat sa hagdan. Walang nakapansin na walang sapin sa paa ang babae at ito'y nakalutang sa hangin.

Walang nakakapansin sa kanyang iba doon maliban sa isang lalaki na medyo naalimpungatan sa may sulok ng mapansin ang babae na nakatayo sa may pintuan at nakita na nakalutang ang babae. Hindi niya ito kilala, kaya siya’y nagmatyag na lamang. Naka-tatlong pabalik-balik yung babae doon sa kabaong papunta doon sa bintana na nakabukas. Maya-maya pagdako niya doon sa may paanan ng kabaong, binuksan yung kabaong, tapos ibinuka yung dalawang paa ng patay at dinukot ang atay ng nakaburol. Wala pa ring nakakapansin dito maliban sa lalaki kanina, pero hindi siya makagalaw sa tindi ng gimbal at takot sa kanyang nakita. Matapos makuha yung atay ng patay ibinalot pa niya ito sa isang plastic na kanyang dala dala at lumisan ng walang anuman sa bahay. Subalit sa pagbaba niya nakasalubong niya yung dalawang kamag-anakan ng namatayan, at ang sabi ng babae nakikiramay ako. Hindi na ako magtatagal spagkat akoy magluluto pa sa bahay namin. Hindi rin napansin ng dalawa na ang babae ay nakalutang sa hangin siguro sa dala ng antok at sa pagbati ng babae.

Naka-alis na yung babae bago naka-akyat ang dalawang kamag-anakan at doon nila natuklasan na bukas ang kabaong, tanggal ang atay ng patay. Yung lalaki kaninang nakakita sa mga nangyari hindi pa rin makapaniwala at hindi makapag salita sa takot. Pagkaraan ng ilang oras ay umaga na, doon lamang nahimasmasan ang lalaki at doon niya nai-kuwento ang mga nangyari noong madaling araw. Noong nagbalikan yung ibang mga matatanda doon nila napagtanto na aswang pala ang kumuha ng atay ng patay nayun. Nakita nila na bulwang o wasak ang puwit ng patay sapagkat doon idinaan yung pagkuha sa atay ng patay.

Mula noon hindi na iniiwang walang batay ang mga nilalamay na patay upang hindi na maulit muli ang nangyari. Marami ang natakot, marami ang tanong nila kung taga-saan yung babaeng aswang. Sa uulitin titingnan ninyo muna ang babati sa inyo kung naka-lutang ba o hindi, baka siya ay aswang...... wawwwwwwwwwwwwww.

Miyerkules, Hunyo 25, 2008

Samo’t Saring Kwento

Santilmo o Bulang Apoy

Siguro sa ngayon iilan na lang ang naniniwala sa ganitong bagay, kasi raw makabago na lahat cell phone, pda at computer age na ngayon. Pero ito ang tandaan ninyo na mananatili ang mga kwentong ito sa isip, sa diwa ng mga taong nakarinig at pinasahan ng mga ganitong kasaysayan. Malaki na nga ang ipinagbago ng kapaligiran sapagkat ang mga ganitong kwento ay panahon pa na wala pang mga kuryente sa mga liblib na lugar tulad ng Bancuro na ating pinag-mulan.

Ngayon simulan natin ang kwento sa isang tanong – ano ba yung tinatawag na santilmo o bulang apoy? Sa Bancuro ito’y kung tawagin ay “santilmo” – ang kwento, nagmula raw ito sa mga maligno at sa mga kapre at tikbalang, ewan ko lang kung totoo nga ito kasi hindi parin ako nakakakita nito. Ayon sa kuwento ng lola ko bago sila nagkaroon ng bahay doon sa kalagitnaan ng bukid meron silang bahay malapit sa bahay ng nanay ko ngayon, noon wala pang asawa ang nanay ko – ibig sabihin dalaga pa siya. Ang bahay ng lola at lolo ko at may mababang sahig at may ilang hagdan bago mo marating ang kabahayan, may isang kuwarto na lagayan ng mga gamit tulugan, mga damit at iba pa, sa kabahayan makikita mo ang maluwang na espasyo sa isang sulok naroon ang isang aparador, at katabi ang isang maliit na baol. Sa kusina wala kang makikitang mesa para kainan sa sahig ang kainan, tapos ang lutuan ay makikita mo na maraming nakasabit naroon yung palayok, bote ng mga suka, meron din lagayan ng mga panggatong at iba pa. Bakit ko alam kasi inabutan ko pa ang lumang bahay na yun pero yung isang anak na niya ang nakatira sina Manong Garce at Ate Dorie. Bale hindi raw naman masyadong nabago yun mula doon sa dating bahay.

Ibig sabihin meron pang ibang bahay ang lola at lolo ko. Ayon sa lola doon din sa lugar na yun at ganon din kalaki, yun dati kaya lang nasunog iyon. Natanong ko sa lola paano nasunog? – at yun ang kinuwento sa akin. Isang patanghali na nagpatawag ng pulong barangay doon sa may tuklong sa harap nina tiya huling, kaya ang lahat ay naroon upang makinig ng pulong ang lahat. Habang nakikinig ng pulong meron isang babaeng nakaputi na hindi naman tagaroon o hindi kilala ng sinuman doon ang dumating na nagsasabi na ang bahay ni Tiyo Ades (yun ang tawag doon sa lolo ko) ay nasusunog. Ang lahat ay nagulat at ng lingunin nila ang babae wala na siya, di malaman kung saan nagpunta, pero may narinig silang mga yabag ng kabayo na papalayo.

Walang inaksayang sandali ang lahat, kasama ang lola at lolo ko upang puntahan nga ang bahay, sa totoo lang naman napakalapit noon, ilang minuto lang mararating na. Pero bago sila nakarating doon nakita ng lahat na may mga apoy na nagliliparan patungo sa bahay ng lola ko. Ang apoy ay parang mga bola na imiikot ang lipad patungo sa bahay, hindi lang isa kundi napakarami at hindi malaman ang pinagmulan nito. Pagdating nila sa bahay wala na silang inabutan maliban sa tungko nila na nakasabit pa roon yung mga buti ng suka, hindi man lang nasunog o parang hindi man lang nadarang sa apoy. Kaya ang lahat ay iisa ang naging kaisipan na ang pangyayaring yaon ay dahil sa santilmo o bolang apoy at sabi nila ang santilmo daw ay takot sa suka…

Pero sino ang babaeng nagsabi na nasusunog ang bahay, siya ba yung may kagagawan noon o siya yung maligno na nagbigay pa ng babala sa mga tao roon. Sa panahong yaon marami ang mga pangyayari na minsan hindi kayang ipaliwanag ng tao, pangyayaring minsan kikilabutan ka, kapag maaalala mo. Kaya mula noon hindi na makakalimutan pa ang sunog na yun at marami ang naniniwala patungkol sa santilmo. Pagkatapos noon wala na naman kaming nabalitaan o kuwento ang tungko sa santilmo o ganon uri ng pangyayari. Sabi ng mga matatanda kaya daw nasunog yun para daw mapalitan na yung bahay ng lolo at lola ko.

Sa muli po natin pagkikita tantaan nyo kahit sa ngayon may mga pangyayaring di ninyo kayang ipaliwanag at lalabas na kababalaghan……

Lunes, Hunyo 23, 2008

Samo't Saring Kwento

Iwan natin sandali ang kwento ng ating bida ng siya ay lilisan patungo sa napakalayong lugar upang hanapin ang kanyang kinabukasan ika nga. Sa mga darating nating kwento sigurado ko sa inyong ipagpapatuloy natin ang kanyang panibagong pakikipagsapalaran. Ngayon, balikan natin ang lugar kung saan nag-mula ang ating bida sapagkat sabi niya maraming kwento ang lugar na ito ng mga sandugo. Unahin natin ang kwento tungkol sa mga patay na nagbabalik daw, nananakot, nagpapakita sa Bancuro. Totoo bang meron ngang mga ganito sa lugar na iyon? Bakit masyado bang bulubundukin ang lugar? pero sa mga unang kwento niya na ito ay kapatagan, at meron ng mga ilang makabagong kagamitan sa lugar na iyon. Hindi kaya kathang isip lamang ito ng ating bida upang idagdag lang niya sa kaniyang entre sa blog na ito. Kayo na lang po ang humusga.....

Kabaong na Nakalutang

Sa maniwala kayo o hindi kailangang ituloy ko ang kwentong ito sapagkat ika nga nagkasubuan na. Hindi naman mismong ako ang nakaranas ng ganitong pangyayari pero ito raw ay naganap mismo sa di kalayuan sa aming bahay ngayon. Kasi ang bahay ng mga tatay ko ngayon ay napatayo sa lugar kung nasaan ngayon noong taong 1973 pa, pero bago napatayo ang bahay nayun medyo malayo ang bahay ng ilang metro sa kalsada, ang kalsada ay hindi naman gaanong sementado, may bato pero hindi naman baku-bako. Natatandaan ko pa na ang bahay namin ay yari pa sa pawid kung tawagin sa amin. May itaas at may silong siya, may hagdan at wala pang kuryente sa lugar na yun, kaya ang gamit lang namin ay ilawang di-gaas, at kapag ka minsan ay coleman (petromax).

Sa lugar namin pag patak ng 6 ng hapon tiyak na madilim na at ilan nalang ang makikita mong malalakas ang loob na mamasyal o mangapit-bahay. Sa tapat bahay namin bago ka makarating ng kalsada ay kailangang tawirin mo ang maliit na kanal ng tubig galing sa ilog punta sa mga palayan, sa kabila naman ng kalsada ay ang makapal na mga iba’t-ibang punong maliliit o dawag kasama ang puno ng tagbak, baging, yantok, ubod-ubod at iba pa, meron ding napaka laking puno na kung tawagin ay antipolo. Kaya ang lugar ay napaka dawag at mahirap pasukin kung sakali man.

Minsan isang gabi galing sa kanto ang isa sa mga pinsan ko upang makipagkita sa isang manghihilot ng braso, na inabot ng gabi doon. Sa paglalakad niya pabalik sa kanilang bahay, mga 20 metro pa ang layo sa tapat ng aming bahay may naaninag siyang isang maliit na ilaw o liwanag. Nagpatuloy siya sa paglalakad at yung isa kanina naging dalawa na ang liwanag at ito ay lumalakad, mula sa gilid ng kalsada patungo sa kabilang kalsada. Mga isa’t kalahating dipa ang agwat ng dalawang liwanag. Kitang kita niya ito sapagkat pusikit ang kadiliman, kasi hindi pa kabuwanan. Habang papalapit siya sa munting liwanag naboboo sa kanya ang isang pahabang kahon na medyo makintab. Nang ilang diba na lang ang layo niya doon niya napagtanto na isang kabaong pala yung nakikita niya at ang liwanag ay dalawang kandila na magkabilang dulo ng kabaong.

Napahinto siya sa paglalakad, hindi niya malaman kung babalik siya o magpapatuloy. Sa isip niya kung babalik siya saan siya pupunta doon sa kanto. Pero kung magpapatuloy siya paano siya makakalampas doon samantalang yung kabaong na nakita niya ay pabalik balik doon sa daan na parang inihaharang sa mga magdaraan. Sinubukan niyang ipikit at imulat ang kanyang mata baka lang guni-guni niya yung nakikita niya, subalit ganon pa rin at ngayon ang kabaong ay nakalutang ng hanggang baywang ang taas, malakas naman ang hangin pero hindi namamatay ang sindi ng kandila, para itong walang hangin na dumaraan. Sinubukan niyang tumingin sa tapat ng bahay namin, wala naman siyang makitang sindi ng ilaw, siguro tulugan na kami noon, kasi ganon naman sa probinsya alas 8 pa lang ng gabi karamihan ay tulog na ang lahat.

Lumingon siya sa banding kanan kung saan yung makapal na dawag, nakita niya yung napakaraming mata na nakatitig sa kaniya, na parang naghihintay ng isang mabibiktima. Sa gayong pangyayari isang pasya ang ginawa niya, tumungo siya upang bitbitin ang kanyang tsinelas at kumaripas ng takbo, bahala na yun ang nasabi niya. Tumakbo siyang nakapikit ang mata basta ang kanyang alam ay kailangan malampasan niya ang lugar nayun na merong mga matang nakatitig sa kanya at ang kabaong na nakalutang. Habang siya ay tumatakbo pakiramdam niya hindi siya lumalayo, at pakiramdam niya hindi pa siya nakakalampas sa kabaong, pero ramdam niya na hapo na siya sa katatakbo at sa tantiya niya mahaba na ang kanyang tinakbo.

Subalit ng imulat niya ang kanyang mga mata totoo na hindi pa nga siya nakaka-alis sa kanyang kinatatayuan mula ng huminto siya, pero bitbit pa niya yung tsenelas niya. Lalong siyang natakot sapagkat hindi pa rin umaalis ang kabaong sa daraanan niya, tulo ang kanyang pawis at sa pagod. Subalit wala siyang magagawa kundi ang lampasan ang lugar nayun, kaya imbes na tumakbo lumakad na lang siya na nakadilat ang mga mata, sabi niya bahala na, patay kung patay. Ng isang dipa na lang ang layo niya sa kabaong ito’y biglang nawala at nawala rin ang mga matang kanina’y nakatitig sa kanya. Paglampas niya ng ilang dipa sa lugar nayun saka siya kumaripas ng takbo hanggang sa kanilang bahay. Pagdating sa bahay hindi siya nagpahalata kasi kahiya-hiya sa kanila.

Kinabukasan ng mga banding tanghali na nagpunta siya sa amin at ikinuwento ang kanyang nakita sa tapat ng bahay namin nayun. Nag tanong tanong siya sa iba kong mga pinsan, meron nga daw na lumalabas doon na iba’t ibang anyo, mata ng mga nakakatakot. Mula noon hindi na nagpapagabi pa ang pinsan kong iyon. Hindi ko na sasabihin pa ang pangalan niya kasi nakakahiya eh, takot siya sa gabi, he he he…. Mga ilang taon pa nabili ng ninong ko ang lugar na yaon kaya hinawanan na at tiniman ng kalamansi. Kasabay noon nagpapagawa na rin kami ng bahay sa malapit lang doon. Nang marinig ko ang kwentong yun, kahit noong nahawanan na yung lugar hindi pa rin ako nagpapagabi doon. Kanino kaya nag kabaong nayun, saan kaya binili yun…..? sa susunod ikaw na ang makakakita noon....

Miyerkules, Hunyo 18, 2008

What Next?

Nakita natin sa nakaraang kabanata na parang wala lang ang nangyari, parang walang naiwang bakas ang ating bida, hindi man lang nakipag-usap, nakipag-ayos at hindi man lang tinapos ng maganda ang isang bagay na nasimulan sa magandang ugnayan. Ganito ba talaga ang sandugo, nagagawang manakit ng damdamin ng iba? Ano ang gusto niyang patunayan, meron ba? May dahilan kayang malalim siya, kung kaya nagawa niya yun sa isang babaeng umibig sa kanya? Punong puno tayo ng katanungan. Subalit hindi natin napansin na wala naman siyang malalim o malaking pananagutan, kundi ang pagiging mag-syota lang nila. At alam natin na karaniwan naman yun sa isang relasyon, kung natatandaan ninyo na nasabi ng ating bida na hindi pa siya handa sa pag-aasawa, siguro ito ang isang dahilan niya, katulad din ng kanyang sinabi doon sa isang ugnayan niya na taga roon sa kanila o kaswela niya sa high school. Hindi rin naman natin siya masisi, buti nga hanggang maaga ay ganon ang nangyari, hindi yung lumalim pa ng husto, lalong masakit ang ganon.

Tuloy ika nga buhay na parang walang nanagyari, sinubsob ko ang trabaho kapag naroon ako sa LTO at kapag nasa lakaran “easy go lucky” ika nga. Meron pa bang mga sumunod na karanasan sa babae ang ating bida? Meron, kasi merong isang babae na matagal na talagang may kras sa akin yun ay anak ng may-ari ng tinitirhan namin. Napapansin ko naman yun, sa mga ikinikilos niya, pananalita at iba pa, pero hindi ko lang yun sinasamantala. Subalit yun pala ay napapansin din ng mga nakapaligid sa akin. At yung pinsan niya mismo ang nagsabi sa akin na may gusto nga raw ang babaeng ito sa akin. Kaya minsan umiral na naman ang kalukuhan ng sandugo, sinubukang sakyan ang mga pangyayari sa paligid. Mula sa biruan at tuksuhan napunta sa udyukan, hanggang kumagat naman yung babae. Pero ang masakit nito hanggang doon lang sa labas ng kalsada kami nagkikita, minsan sinundo ko siya sa Quiapo kasi doon siya nagtatrabaho, subalit pinababa niya ako ilang kanto bago sa kanilang bahay, medyo nadismaya ako, pero inunawa ko na lang kasi kilala ko ang pamilya niya.

Hindi nagtagal ang ganong relasyon sabi ko sa sarili ko, kung ayaw mo eh di wag, ang tigas at ang yabang ano. Kaya siya mismo ang gumawa ng paraan para makipag-hiwalay sa akin. Nasabi ko nga sa kanya meron bang dapat putuling relasyon sa atin. Naiyak siya kasi alam niyang wala naman talaga, sila lang ng kaniyang pinsan ang nagpipilit na meron para masabi na nagkaroon siya ng syota, at yun ay ako. Lumipas ang mga araw nawala rin ang galit niya at nanumbalik ang aming pagkakaibigan, pero ramdam ko naroon pa rin yung pagtingin niya sa akin.

Naging abala kami nina Rey, Bong, Nelson, Lorena, Diane, Maylene sa mga lakaran, disco at iba pa. Binulungan ako ni Bong na kung bakit hindi ko ligawan daw si Maylene kasi nabanggit niya na may kras siya sa aking ngiti, sabi ko bakit ko papatulan yun ay ngiti lang yun. Si Maylene ay may malaking balat sa may kaliwang mukha na kulay itim at may buhok pa ito. Kasing laki ito ng 50 sentabo noon. Maliban doon okay naman siya, game, malambing pero nagsisigarilyo. Minsan nagpunta kami sa disco sa may Manuela EDSA doon ko sinimulan ang bagong kalukuhan ko. Niligawan ko siya, pero kung gaanong ka bilis akong magsabi sa kanya, ganon din kabilis siyang prankahin ako na hindi niya ako type, wow namula ang tainga ko at hindi ko alam ang gagawin. Bigla akong nagapa-alam sa kanila na sabi ko pupunta ako ng Pasay, pero alibi ko lang yun. Siguro hindi lang ako sanay sa gayong pangyayari na nabigo ng walang laban, ikaw nga.

Kinabukasan, hindi ako pumasok kasi nalasing ako ng husto sapagkat pagdating ko ng Balik balik may inuman din doon. Kinahapunan nariyan na yung mga barkada ko sina Rey, Bong at iba pa dinadalaw na ako, at naroon ang kantiyawan. Yun pala may lakad ulit kami ng mga barkada, kasi si Nelson at Rey ay tanggap na puntang abroad sa Kuwait, matapos yun ng digmaan sa Gitnang Silangan. Magkkaroon ng kaunting kasayahan bilang pamama-alam nila. Naiwan kami ni Bong sa LTO kasama ang mga angels namin. Marami kaming mga kalukuhan pa ang ginawa, subalit yung drugs ang hindi namin sinubukan. Minsan nagkabiruan kami ni Bong na bakit hindi tayo mag aplay din sa abroad, oo nga sabi ko naman. Hanap tayo ng agency, may nakapagsabi na meron nga doon sa mga Luneta.

Pero tinanong namin ni Bong ano naman ang ating pwedeng pasukan. Kahit ano sabi ko naman, kasi sa totoo lang wala naman akong nabibigay na tulong sa mga Inay at Tatay galing sa aking kinikita sa LTO, kulang pa sa akin ang suweldo ko, hindi pa nga regular akong magbigay sa pambayad ng bahay eh. Yan ang isang malaking pwersa na nagtulak sa akin para subukin ang mangibang bansa. Nahinto pa nga si Mike dahil hindi kayang pag-aralin ng mga tatay kahit na meron akong trabaho. Si Ineng naman ay self supporting nag-aaral siya sa gabi at nagtatrabaho naman sa araw, si Mia ay nag aaral din. Kaya nabuo ang aking pasya na mangibang bansa. Baka doon ay magkaroon ng magandang kapalaran ang sandugo…

Kaya mga kapitbahay, malalayo na sa Bancuro ang kwento natin pero hindi naman malilimutan na taga roon ang nagkukuwnto nito.

Sabado, Hunyo 14, 2008

Dark Side of Sandugo

Ang nakaraan, nakita natin na umiral ang pagiging simpatiko ng ating bida, sapagkat sa loob ng maikling panahon napasagot niya ang babae, at siempre nanalo siya sa kanilang deal noong kasamahan niya. Hindi naman nasabi kung ano ang kapalit noon, at wag na nating alamin pa, siguro naman wala, ganon lang, katuwaan ikaw nga. Pero ano naman ang katunayan na napasagot ng ating bida yung babae eh, samantalang pwede namang kuwento lang yun, oo nga naman, para maging sikat ikaw nga. May pagbabago ba sa ating bida?

Parang lumalabas na ang yabang ko, kasi nga napasagot ko yung babae sa maikling panahon, na hindi naman kaila sa atin na nagawa na niya ito noong nasa UE pa siya kasama ang kanyang mga kaibigan. Oo nga naman, napatunayan na niya yun noong una pa, eh baling pagbabalik tanaw tanong, ano na nga ba ang nangyari doon sa kanilang relasyon ni Yolly kasama bang gumuho yun noong bumagsak siya sa exam na yun. Tama kayo, sapagkat mula noong lumabas ang resulta walang naging balita sa kanya, ngunit may nakarating ding balita sa akin na bumagsak din siya, at doon na lang nagtrabaho sa isang banko sa Pampanga. Mula noon wala ng balita sa kanya.

Balikan natin meron bang katunayang napasagot ko nga yung babae. Ganito yun isang araw ng Sabado half day lang ang pasok ko kasi regular na nga. Si Larilyn ay half day din, napagkasunduan namin na manood ng sine sa SM North EDSA, ng huli akong tumawag noong tanghali. Napagkasunduan namin na siya (Larilyn) ang dadaan sa LTO para sabay kaming pumunta sa SM. Sabi ko kay Amy at sa iba pang kasama ko at si Rey na susunduin ako ng syota ko dito, nagulat silang lahat sapagkat babae ang susundo sa akin, baliktad ata sabi nila. Alam nyo kung ano ang sagot ko, “iba ako eh”, yabang ano.

Mga alas 12:00pm dumating siya tamang tama naman na maglalabasan na rin kami sa opis, kaya nakita lahat nila yung babae, na puro sila napangiti. Umalis na kami ayon sa aming balak upang manood ng sine. Hindi naman ako iba sa panood ng sine na kasama ng syota, kaya naroon din yung mga bagay na ginagawa ng lalaki sa babae sa sinehan. Hindi naman maramot si Larilyn, siguro, na in-love na siya sa kin, subalit hindi naman ako yung lalaki na nagsasamantala, kasi naroon pa rin yung kaisipan ko na hindi ko pa kayang mag-asawa kung sakali, kaya sabi nga mild lang. Halos gabi na kami naka-uwi ng araw na yun kasi pagkatapos ng sine namasyal pa kami, at ibinili pa niya ako ng T-shirt na bench (astig diba), siya rin ang nagpakain sa akin kasi daw siya yung nakipag-date sa akin (naiiba siya).

Mula noon medyo lagi na lang ganon ang takbo ng buhay ko. Sa totoo lang lagi akong naiiwan nina Rey at Bong sa kanilang mga lakad, kasi nga lagi akong na kay Larilyn. Ewan ko, doon nagsimula yung pagsisinungaling ko kay Larilyn sinasabi ko na may gagawin ako, may overtime kami pero sa totoo lang may lakad kami nina Rey at Bong. Naging madalang ang pag-sundo ko sa kanya, lagi akong may ibang lakad kasi nga dumating at naging barkada ko na rin sina Lorena, Diane at Maylene, siempre kasama sina Nelson, Rey at Bong. Tinatanong nga nila ano na ang nangyari doon sa syota ko, sabi naroon lang yun. Sa aking sarili para akong may hinahanap sa aming relasyon, parang may gusto akong patunayan. Dumating yung birthday ni Larilyn na tumapat ng Sunday at gusto niya na sa Laguna sa kanila ganapin na kasama ako, para daw ipakilala ako sa kanyang mga magulang, naisip ko iba na ito ah, pero hindi ko naman sinabi yun. Sabi ko na lang oo pero isama natin si Bong at Rey, sabi niya sige pero overnight kami doon.

Kina-usap ko si Rey na samahan ako, kasi baka ako mapikot doon, natawa siya sa biro ko, pero yun ang nasa isip ko. Pumayag naman si Rey pero si Bong hindi daw siya pwede kasi uuwi siya sa Batangas, hindi ko na pinilit siya. Sinabi ko na kay Rey kung kalian ang alis namin, sabi ni Ray. Biernes doon na ako matulog sa kanila para magpaalam din siya sa nanay niya na ako ang kasama niya. Wala daw naman problema yun kaya lang ingat kami, sabi ng nanay niya. Malimit naman akong doon matulog sa bahay nila kaya kilala na nila ako. Dumating ang Sabado ng hapon ang araw na paalis kami punta sa Santa Cruz Laguna di ko pa nararating yun, si Rey hindi rin.

Nagpunta na lang kami sa tirahan nina Larilyn sa Santa Mesa, mula doon punta kami sa Lawton kasi naroon ang sakayan ng bus punta sa Laguna. May kasama si Larilyn yung kapatid niyang babae na nang-aaral ng college sa PUP. Siya ang naging katabi ni Rey sa upuan at kami naman sa ibang upuan. Kuwentuhan, kilala naman ni Rey si Larilyn kasi minsan napakilala ko na sa kanya. Makalipas ata ng 3 o 4 na oras nakarating kami sa Santa Cruz, pagbaba namin sa bus nilakad lang namin yung bahay nila. Medyo kinakabahan ako, sabi ko kay Rey halata ba na kabado ako, natawa lang siya. Pagdating doon pakilala sa nanay at tatay niya at sa isang kapatid niya na lalaki na nagtatrabaho din sa Maynila pero di niya kasama sa tinitirhan kasi di ko nakikita doon.

Medyo gabi na noong dumating kami doon, kaya namahinga lang ng kaunti, tapos naghapunan na kami. Pagkatapos kumain, bakit hindi ko nakikita si Larilyn yun pala hindi pababain ng nanay niya kasi nga gabi na. Pero kami ni Rey naroon naghihintay pa rin naka-upo, nakakaramdam na ng mga kagat ng lamok. Maya maya pa lumabas na yung nanay niya kasama si Larilyn, tatay niya, kapatid may dalang bote na di ko mawari kung ano ang laman. Tanong sa amin kung imiinom kami, sabi naman nimin ni Rey kaunti po. Kaya sabi nila, simulan natin itong pampa-antok, nagkatinginan kami ni Rey, ayos ito. Sinulyapan ko si Larilyn, parang may sinasabi na kaunti lang ha, tumango ako. Nagtanong yung tatay niya tungkol sa relasyon namin ni Larilyn tumango lang ako, sumabad ang nanay niya na sana kung kami na nga ay huwag kong lulukuhin ang kanilang anak, tumango ulit ako. Marami pa kaming napag-usapan, pero di ko alam kong tama ang mga sagot kasi tinatamaan na ako ng iniinom namin, nagiging madaldal na ako.

Sabi ng tatay niya gabi na matulog na kami, sumabat ulit ang nanay niya doon kayong dalawa ni Rey sa kuwarto itinuro yung kuwarto sa baba, tumango lang ako at si Rey. Pagkahiga namin ni Rey hindi na namin nalaman pa ang nangyari, kung malamok o wala kasi lasing kami. Nagising ako sa sinag ng sikat ng araw na tumama sa mukha ko, kinalabit ko si Rey at siya ay nagising. Nakahanda na ang almusal, hinanap ko si Larilyn yun pala nakaligo na at naglilinis ng paligid, lumapit sa amin na nakangiti, tanong kong gusto naming maligo tumango kami, sabi ko nasan ang banyo. Sinabi pa niya na aalis kami ng ganong oras ng hapon para ganong oras nasa Maynila kami. Matapos maligo namin ni Rey, nag-almusal at kaunting pasyal sa paligid kuwentuhan.

Sa bus nagka-kuwentuhan kami ng kapatid niya kasi kasabay namin palang luluwas, marami kaming napag-usapan. Sabi ko sa kapatid niya na ako na ang maghahatid kay Larilyn sa tirahan niya, at si Rey naman dumiretso na rin sa kanila. Nagpasalamat siya sa akin kasi raw pina-unlakan niya yung paanyaya niya sa amin na sumama. Alam nyo ba mula noon naging madalang na ang aking pagpunta doon, ewan ko kung bakit biglang nagbago ang aking pasya, parang sa loob ko ay ayaw ko muna ng ganoong relasyon, ayaw ko muna na matali sa ganon. Kaya imbes na ako ang tumatawag sa kanya siya na mismo ang tumatawag sa opis, minsan umiiyak bakit daw ganon, may nagawa ba daw siyang kasalanan, sabi ko wala naman, kaya lang, wala akong masabi at maisagot. Sabi ko na lang na bigyan ako ng isang lingo na makapag-isip.

Dumating ang birthday ni Rey, December 22 lagi naman yung may handa sa bahay nila sa Tundo. Halos lahat kami ay pupunta mula sa opis lalo na yung mga kasama ko, kasama na yung pinopromahan ni Rey na si Lorena siempre. Pag dating ko sa bahay nila, may binulong sa akin si Rey sabi darating daw si Larilyn doon at magkikita kami, medyo nagulat ako, naroon yung kurot ng kaunti sa aking puso at tanong sa sarili ano ang aking sasabihin sa kanya. Pero hindi kami nagkita doon, at alam nyo ba na nag-iwan din ng T-shit sa para sa akin bilang ala-ala daw sa akin. Noong nasa opis ako may tumawag sa akin, yun pala yung kapatid ni Larilyn tinatanong sa akin kung ano daw ang nangyari sabi yung totoo, at sinabi niya na masyado daw dinamdam ng ate niya ang nangyari, kasi raw mahal na mahal ng ate niya ako. Mula noon hindi na siya tumawag at ang huling naging balita ko sa kanya ng minsan naglalakad ako sa may Welcome Rotonda na naroon daw sila ng ate niya sa hospital kasi nanganak na siya, yun pala nag-asawa na, nauna pa sa akin…..

Miyerkules, Hunyo 11, 2008

Trabahista nasa LTO na!

Nabasa natin noong nakaraan na sa haba ng paghihintay at paghahanap ay sa wakas nakakita rin ng pagkakakitaan ang ating bida. Ano kaya ang kanyang kapalaran sa bagong daigdig niya sa LTO. Kilala at sikat ang LTO sapagkat lagi itong laman ng pahayagan hindi sa anumang krimen kundi sa dami ng mga katiwaliang nagaganap sa loob at labas ng sangay na ito ng gobyerno. Subalit tatandaan ninyo na ang ating bida ay hindi naman derektang ugnay ang trabaho sa LTO kundi sila’y kontratista lamang upang gumawa ng mga lesenya sa pagmamaneho ng sasakyan.

Sa unang araw naging kabado pa rin ako sapagkat unang una simula yun ng trabaho na hindi naman linya ng aking pinag-aralan na accounting, sapagkat ang trabaho ko doon ay taga-kolekta ng mga silupin na merong laman na mga dokomento ng baway drayber na nag-aplay ng lesensya. Itoy ginagawa ko matapos nilang ipasok lahat ng mga inpormasyon sa computer terminal. Ako rin siempre ang nagbibigay sa kanila ng kanilang mga gagawain. Yan ang una kong pinag-aralang gawin ng masinop at maayos, sa kabila ng medyo marumi kasi maalikabok ang mga silupin, wala naman akong magagawa kundi magtiis. Subalit sa tiyaga at maayos na pakikisama sa mga kasama sa departamento naging malapit sila sa akin. Isa sa kanila na naging malapit sa akin si Rey, medyo nauna sa akin sa LTO isang encoder din. Naging buddy body kami sa trabaho ika nga.

Kahit ang aming pinaka besor ay malapit sa akin at sa oras ng pahinga sa tanghali, tinuturuan niya akong mag-pasok ng mga impormasyon sa computer, at kung paano ito pinaproses. Unti-unti natoto ako ng mga trabaho doon. Kasama doon tinuturuan ako ni Rey ng ibat ibang alam niya sa computer. At kapag may oras pa nagpapaturo din ako ng ibang mga program o software tungkol sa computer. Sa awa naman ng Diyos sa loob ng 6 na buwan na pamamalagi ko doon ay isa ako sa naging regular, marami nga ang nagulat kasi yung iba taon na doon hindi pa ma-regular. Iyan din ang ikinatutuwa ko sapagkat kung akoy mamalaging “contractual” na minsan ay nararanasan mahinto ang trabaho kasi nauubusan ng mga gagawin sa loob. Kaya noong naging regular na ako hindi ko na yun dinaranas at ang araw ng Sabado ay naging kalahati lang ang pasok ko, isang prebelihiyo para sa mga regular employees.

Makalipas ang isang taon, nagpursegi ako sa aking trabaho at naging assistant shift leader ako, medyo tumaas ang sweldo. At nag sanay din ako sa loob ng data center bilang operator ng mga hardrive at console. Doon ako nahasa ng kaunti sa computer at ilang mga basic tungkol sa computer. Matapos ko ang pagsasanay sa loob hindi na ako bumalik sa pagiging re-butcher kundi naging record controller na ako sa encoding department, timekeeper. Minsan si Amy isa sa mga kasama ko doon ay nagbiro na may ipakikilala daw siya sa akin na kaibigan niya, dalaga na taga Laguna at kasama niya sa tirahan, at nagtatrabaho sa Makati. Sa narinig ko nagkaroon ako ng interest na kilalanin ko ang sinasabi niya, hiningi ko ang telepono niya sa Makati para makipagkilala, ibinigay naman agad ni Amy. Minsan isang tanghali matapos ang tanghalian sabi ko kay Amy tawagan niya tapos ipakilala ako at ibigay sa akin ang telepono. Ganon nga ang ginawa niya, nag-usap ang dalawa, maya maya ibinigay na niya sa akin ang linya.

Siempre nagpakilala ang sandugo, nagkakuwentuhan ng ilang sandali at ang huli kong nasabi sa kanya ay kung pwedeng tumawag ulit sa kinabukasan sa ganong oras ulit, sumang-ayon naman siya. Kinabukasan sabi ko kay Amy na ako na lang ang tatawag kung kakausapin ako. Tinawagan ko at sa laking gulat ng marami doon kasi kina-usap ako, si Larylyn ang pangalan pala niya. Kuwentuhan ng buhay, buhay biro biruan ng kaunti hanggang naging lagian na akong tumatawag sa kanya. Hindi ko na pinatagal pa nag sabi na ako kung pwedeng sunduin siya at sabayan sa pag-uwi na tamang tama naman na taga-Santa Mesa siya at ako naman ay sa Sampaloc lang. Pero bago ang pagyaya ko sa kanya nagkaroon kami ng deal ni Amy, sabi ni Amy na hindi ko raw mapapasagot si Larylyn, siempre kumasa ako sa deal niya sabi ko sige, pero wag na wag kang papapel, ibig sabihin wag si Amy magkukuwento ng tungkol sa deal namin, shoot sabi nya.

Kinabukasan tumawag ako, nakahanda na akong sumundo sa Makati, kung paano pumunta roon at anong sasakyan, sapagkat pumayag naman si Larylyn. Hindi na ako nag-overtime noon kasi baka ako maantala ang dating sa Makati, sakay ako ng bus punta sa Makati, baba ako sa sinabing lugar at hinanap ang pinapasukang kompaya niya. Madali ko namang natagpuan yun, pagtanong ko sa security yun pala naka timbre na ako at ang ibang mga kasama niya sa trabaho ay alam na rin, kaya namumula ako at ang daming kantiyawan. Medyo nahihiya ako kasi unang tagpo namin, tanong kung anong oras siya lalabas, kalahating oras na lang daw, ibig sabihin napabilis pa ako. Naghintay na lang ako sa labas sa may security. Siya’y isang accounting clerk doon.

Sabi ko saan tayo pupunta ngayon noong kami ay naglalakad na? Sabi niya diba sabi mo sasabay ka lang naman pauwi sa akin, hindi naman date ang ating usapan, medyo napahiya ako, totoo naman yun ang usapan namin. Kaya deretso kami sa sakayan ng bus, na may biyaheng Quiapo. Sa loob ng bus medyo nakapag-sap kami ng maayos, si Larylyn ay medyo payat, hanggang balikat ang buhok, di naman gaanong maputi, kayumanggi ang kulay niya. Dumating kami sa tinitirhan niya, pero hindi pala doon nakatira si Amy kundi kapitbahay lang, nasabi ko na okay ito, walang peligro sa usapan namin. Paminsan minsan lang sila nagkikita. Pinapasok niya ako sa bahay at pina-upo, tapos naghanda siya ng pagkain at doon ako pinilit kumain, kasi raw alam niya na hindi pa ako nakain, tama naman siya. Kaya hindi na ako nagkuwari pa kundi kumain kaming sabay. Sa mga ganong kilos mula pa nong una naming pagkikita naramdaman ko at nakita na may umusbong na interest siya sa akin.

Naging lagian at nakasanayan na naming ang ganoong usapan na tuwing Biernes ay susundo ako sa kanya,tapos Linggo ng hapon naroon ako sa kanila. Kaya sa loob ng wala pang isang buwan napasagot ko siya. Nagulat din si Rey sapagkat napakabilis daw ng pangyayari, sabi ko naman – ako pa… Sa LTO marami ang mga dumating na bagong mukha doon kasama si Bong, Lorena, Diane, Nelson, Mylene at marami pang iba at lahat sila ay sa encoding department napunta
.

Sabado, Hunyo 7, 2008

Trabahista na si Sandugo

Sa ating nakaraan nakita natin na si Sandugo ay kumuha na ng pagsusulit para maging CPA, subalit sa tingin natin walang pag-asa sa nangyari, sapagkat ayon sa kanya mahirap at wala sa mga pinag-aralan niya yun. Ganon kaya nga ang nanagyari o iba ang inatupag ni mokong. Iwan sandali natin ang kaisipang iyon at tingnan natin kung nasaan na siya at ano ang ginagawa niya matapos ang pagsusulit na yun. Ayon sa kanya ay nag punta muna sa Bancuro at nagpahinga sandali, pero sabi niya nagbalik na siya sa Maynila upang maghanap ng trabaho. Totoo nga ba ang sinabi niya na maghahanap siya ng trabaho? At saan naman siya mag-aapply?

Karaniwang ginagawa ng isang bagong tapos ng pag-aaral ang paghahanap naman ng mapapasukang trabaho, paano? Yun ay sa pamamagitan ng pahayagan, hindi tabloid o komiks kundi yung mga malalaking pahayagan. Opo bumili nga ako ng diyaryo sapagkat naihanda na yung biodata na binili pa sa Quiapo kasama ang isang katerbang larawan upang idikit sa bawat pahina nito. Mabilis ang mga araw na lumipas mukhang minamalas ang ating bida walang tumanggap sa kanya. Nagbaka sakali ako mag-apply kina tiyo angel na opisina kahit accounting clerk sapagkat hindi pa lumalabas ang resulta ng exam. Subalit sabi ko sa sarili ko na sana huwag na lang lumabas sapagkat mukhang wala ngang pag-asa. Ganon nga ang aking ginawa nagpunta ako sa opisina nina tiyo angel. Sa isang tulad kong baguhan nangangatog ang buo kong katawan sa harap ng interviewer, nasagot ko naman ang mga tanong niya, ang hindi ko lang malaman eh kung nagustuhan yung mga sagot ko, kumuha ng exam sa kanila at isang enterview ang kinalabasan maliwanag sa sikat ng araw na “tatawagan na lang kapag merong bakante”.

Bigo ako na makapasok doon, samantalang si Peth na kasabay kong naghahanap din ay natanggap na kaagad sa Banco De Oro. Dalawang buwan, tatlong buwan hanggang dumating ang balita na lumabas na daw ang resulta ng exam namin. Bili agad ako ng pahayagan at nakalista nga mga mga naka-pasa sa pagsusulit, una kong nakita ang pangalan ni Peth sa listahan sapagkat siya lang ang kilala kong kumuha. Hanap ulit ako, tatlong beses kong inisa isa ang pahayagan wala ang pangalan ko, nagbaka sakali ako sa mga listahan ng mga “deferred result”, ito yung isa o dalawang subject ang hindi naipasa subalit bibigyan ulit ng isa pang pagkakataon na maipasa. Subalit walang pangalan para sa akin, pinagpapawisan na ako ng malapot panay ang tawag sa Diyos na sana naroon ang aking pangalan, subalit wala talaga. Ibinagsak ko ang pahayagan sa lamesa napatingin lahat ng mga kasama ko sa bahay, na alam na nila na bagsak ako.

Sa tulong ng mga pinsan ko pinayuhan ako nila naganon talaga ang buhay swete swerte lang ang nakakapasa, hindi talaga ukol para sa iyo. Medyo napaglubay ang loob ko pero naroon ang inggit ko na si Peth ay nakapasa, samantalang noong kumuha siya ng exam ay may lagnat pa siya, mantakin mo yun. Samantalang ako na malakas pa sa kabayo ay bagsak, natanong ko rin sa sarili ko na ito ba yung resulta ng aking kapabayaan. Nahihiya ako sa aking sarili at parang walang mukha na ihaharap sa Inay at Tatay, lahat ata ng nasa kaisipan ko ay puro negatibo, minaliit ko ang aking sarili, sinisi. Wala naman akong ibang sisisihin kundi ang aking sarili. Nagpatong patong ang aking dalahin walang trabaho, bagsak sa exam at wala nang pera para makahanap ng trabaho, kasi nahihiya akong humingi pa ulit sa Inay at Tatay. Subalit sabi nga hindi doon natatapos ang kapalaran ng sandugo, minsan nasa ilalim minsan nasa ibabaw.

Dumating ang munting liwanag ng makilala ko yung kaibigan ng kapitbayan namin na nagtatrabaho bilang programmer sa MEGA sa ilalim ng project ng LTO. Isang maliit na kumpanya na naatasang gumawa ng lahat ng lesensya sa pagmamaneho sa buong Pilipinas. Nagsabi si Cecil (yun ang pangalan ng programmer) na pumunta ako sa LTO compound sa Quezon City sa araw na ibinigay niya. Tinupad ko naman ang pasabi niya at nakarating ako doon. Isang parang bodega ang kanilang opisina sapagkat doon nga ginagawa ang lahat ng lesensya. Hinanap ko ang pangalan ni Cecil at agad naman lumabas upang makita ako. Ang sabi sa akin huwag ko raw na sasabihin na siya ang nagturo sa akin para mag-apply doon. Bakit kaya? Hindi ko na inalam basta ang sabi ko sa sarili ko pagkakataon ko na ito kailangang magkaroon ako ng trabaho kahit ano.

Kinausap ako ng Operation Manager at inilahad sa akin ang trabaho na kasalukuyang kinakailangan sa kanila, kasama ang magiging sweldo at iba pang mga kasunduan. Sabi niya na wala ng mahaba pang pag-uusap kung tatanggapin ko ang trabahong yun kinabukasan makakapagsimula na ako. Sa nakikita ko sa paligid ko wala akong ibang pagpipilian kundi ang tanggapin yun o balik ako sa paghahanap sa kawalan. Kaya sabi ko sa boss tanggap ko po ang trabaho bilang isang “encoder com re-butcher”. Ipinakita at ipanakilala ako sa mga taong naroon at kung saan akong departamento mag tatrabaho. Sa una ipinakilala ako, ipinaliwanag ang mga gagawin, mga report at iba pa. Sabi ng shift leader ng encoding department pwede muna daw akong umuwi at bukas ng ganong oras kailangang naroon ako. Nakatingin ang lahat sa akin waring kinikilatis ako, kasi medyo namumutla ako ewan ko sa takot siguro, kasi ramdam ko na nangangatog pa ang aking mga kamay at nanalalamig.

Umuwi ako ng may kagalakan sa aking mga labi, kahit maliit ang sweldo sapagkat minimum lang ang kanilang binibigay, nasabi ko sa sarili ko na dito na muna ako hanggang makahanap ako ng talagang ukol sa aking pinag-aral. Pagdating ko sa bahay sinabi ko sa kaibigan ni Cecil na natanggap ako at sinabi ko ang trabaho, sweldo ko at ang oras ng pasok. Magandang pakinggan kapag tatanungin ako kung saan ako nagtatrabaho at maririnig nila ang sagot na sa LTO, mukhang astig subalit kung malalaman lang nila na sub-contractor lang ang Mega sa LTO. Taong 1988 ng matanggap ako doon, at nasabi ko sa sarili ko na habang naroon ako pasisikapan kong makakita ng ibang trabaho, pero sa ngayon kailangan kong mahalin ito para maka-survive ako. Tuwa na rin sina Ate Mhel kasi may trabaho na ako at makakatulong na ako sa pagbabayad ng upa sa bahay.