Sundan Ninyo Ito

Miyerkules, Marso 31, 2010

Babay na Trabaho, ikalawang yugto

Noong nakaraang usapin natin nabanggit natin yung apat na paraan ng paghahanda sa panahon ng pagreretiro. Sa nakikita ko ang mga ito ay akma sa lahat ng uri ng pagreretiro ng isang tao. Meron pa akong anim na paraan na sana ito ay makatulong sa ating lahay para maging gabay sa ating mga paghahanda sa pagdating ng panahong makaisip na tayong magretiro.

Kausapin ang inyong asawa ukol sa retirement plan. – kung ikaw ay may asawa, dapat ay pag-usapan ninyo ang kani-kanilang retirement plan upang malaman ninyo ang mga benepisyong maaari ninyong makuha sa pagdating ng panahon. Kailangang intindihin ninyong mabuti ang nakapaloob sa inyong pension o retirement plan. Mahalaga rin na malaman ang mga benepisyong nakapaloob dito ang mga kinakailangang gawin upang makuha ang inyong pension.

Intindihin at alamin ang inyong mga benepisyo sa SSS/GSIS – mahalagang malaman ang mga benepisyong nakapaloob sa SSS/GSIS, gayundin ang Pag-Ibig. Kahit na gaanong kaliit o kalaki ang maaari nating makuha sa mga institusyong ito, malaking tulong pa rin kung alam nating mayroon tayong maasahan at kung magkano ang maaari nating makuha sa mga institusyong ito. Mahalaga rin na minomonitor natin kung binabayaran sa inyong employer ang karampatang kontribusyon o hindi. Wala namang mawawala sa atin kung magtanong kaysa dumating ang panahon ng pangangailangan pero wala tayong inaasahan.

Pag-usapan sa harap ng asawa at mga anak ang tungkol sa plano – ito ay mahalaga lalo na kung nalalapit na ang inyong pagreretiro. Kadalasan akala ng inyong mga anak na bibigyan ninyo sila ng balato sa inyong pagreretiro. Ipaunawa sa kanila na ito ay inyong inilalaan para hindi kayo umasa sa kanila sa pang araw-araw na pangangailangan. Hindi “instant millionaires” ang mga nagreretiro. Dapat ay may plano na silang handa upang maging sapat ang kanilang retirement package hanggang sa kanilang paglisan sa mundo.

Alamin kung papaano ninyo gagamitin ang inyong oras at panahon – ano nga ba ang pakiramdam ng isang magreretiro? Kung nakasanayan mo na gumising ng maaga at pumasok sa trabaho, dapat ay paghandaan mong mabuti ang iyong gagawin. Isang araw ay gising ka na lamang na wala ka nang gagawin. Kung sanay ka na aktibo ang iyong araw, siguradong maninibago ka sa pagdating ng araw na ito. Kailangang isipin mo na rin kung kukuha ka pa ng trabaho. Isiping mabuti ang iyong nais gawin bago dumating ang umagang wala ka nang trabahong papasukan.

Ang mga ito ay mga maaaring pamamaraan na makakatulong sa inyong makapaghanda sa inyong pagreretiro. Pero hindi talaga magagarantiya kung talagang handa mong harapin ang iyong pagreretiro. Maaari pa ring pwedeng mangyari pero kung napagplanuhan mong mabuti ang panahong ito ay maaari mo itong harapin ng walang pag-aagam-agam.

Miyerkules, Marso 24, 2010

Milyon mula sa Piso

Marami ang agad ay maiisip na pweding mangyari ito na milyon na nagmula sa sampung piso “siempre ang nasa isip agad ay nanalo sa lotto o anumang tinayaang sugal o ano. Pero malayo sa ibig kong ipahatid sa inyo na posebling maganap na yung sampung piso mo ay magiging milyon kung gagamitin lang natin ang utak natin sa pag-iimpok ng pera sa araw araw. Hoyyyy luma na yang style mo hindi epektibo yan, siguro nga hindi epektibo sa mga makikitid ang utak..

Meron akong nabasa na nagtatanong “Magkano ba ang dapat kong itabi? Para maka-ipon ng pera. Narito ang isang panuntunan para dito, pero para sa akin 20% ang kinakailangan ng isang tao na itabi sa oras na magkaroon siya ng hawak na pera. Ganito kasi ang karaniwang ginagawa natin: ANG KINITA MO – MGA GASTUSIN = PERANG DAPAT ITABI (mali ang ganitong panuntunan, meron namang ganito MGA GASTUSIN – KINITA MO = UTANG MO (mas lumala ang sitwasyon) and tamang panuntunan ay ganito: ANG KINITA MO – PERANG DAPAT ITABI = MGA GASTUSIN.

Dapat kang magtabi ng 15-20 % ng iyong buwanang kita bago mo ito gastusin. Malamang sasabihin mong hindi kaya ang ganon kasi kulang ang kinikita. Subalit hindi mo ba napapansin na kapag kumikita ka nang malaki-laki – halimbawa 20,000 sa isang buwan – kadalasay nagagastos mong lahat, ngunit kapag mas maliit ang iyong kinita – halimbawa 15,000 lang – napipilitan kang pagkasyahin ito sa iyong mga pangangailangan? Ang ibig sabihin kaya mo naman talagang magtabi ng 15-20% o higit pa at pagkasyahin na lang ang natitirang 80%. Sa ganitong paraan, mapipilitan kang mamuhay nang nakabatay sa iyong kinikita – mapipilitan kang bawasan ang mga gastusing hindi naman talaga kailangan. Ituring mo na lang itong 15-20% na bayad sa iyong sarili, na gagamitin mo para mapaghandaan ang iyong kinabukasan.

Balik tayo doon sa sampung piso na ating pinag-uusapan, ang maitatabi mong 10 peso kada araw ay lalago ng 300 peso sa isang buwan. Basta kapag ginagawa mo ito huwag na huwag mong itong gagalawin o gagastusin. Kung magagawa mong i-invest ito posibilidad na kumita ito ng 12% sa maayos na paraan. Kung hindi mo ito gagalawin at hahayaan mo lang lumago, magkakaroon ka ng 66,600 sa loob lamang ng 10 taon at maaaring maging milyon kung pananatilihin mo yung nauna mong panuntunan na hindi gagalawin o gagastusin ito.

Subalit ito ang medyo sakit natin kaya hindi maka-ipon nagagastos ang sinasabing iniipon at sabi ibabalik na lang, pero kadalasan hindi na ito nagagawang ibalik. Kaya ang nararapat dito ay yung determinasyon at tiyaga.

Martes, Marso 16, 2010

Babay na Trabaho, unang yugto

May mga dahilan kung bakit ang isang tao ay magreretiro na sa trabaho, nariyan yung may-edad na, naka-ipon na ng halaga, pinahihinto na ng pamilya, hindi na kayang magtrabaho, nagkasakit at marami pang iba. Sa lahat ba ng nagreretiro sa trabaho ay nakahanda sa kanilang haharapin? Iba masasabing oo pero yung iba napipilitan lang.

Isa sa mga dapat nating paghandaan ay ang pagreretiro. Sa ngayon ay may sapat na lakas ka pa na kumayod. Pero darating ang panahon na wala na tayong gagawin kundi ang maupo mula umaga hanggang sa hapon. Kung talagang seryoso tayo na mamahinga na lamang at mag-enjoy pagdating nang tamang panahon, dapat ngayon pa lamang ay pinaghahandaan na natin ito. Narito ang mga panimulang gawain upang mapaghandaan ang paghinto sa pinagkakakitaan.

Suriin ang iyong pinansyal na kalagayan – kung alam mo kung nasaan ka ngayon, hindi mahirap na bigyang direksyon ang iyong patutunguhan. Kung ikaw ay lubog sa utang ngayon, malamang ay hindi ka rin pakuya-kuyakoy pagdating ng iyong paghinto. Makakatulong ang paggawa ng iyong pansariling talaan ng iyong kinikita at ng mga nagamit na pera, kailangang malaman mo ito kasama yung kabuuang hawak na pera at nagamit. Kung iyong susuriing mabuti 70%-90% ang katapat na halaga sa iyong kinikita ang napupunta sa mga gastusin. Ibig sabihin yung natitirang 10% ay kailangang itabi mo o palaguin sa isang negosyo na nakalaan para sa iyong paghinto o pagreretiro.

Alamin ang iyong layunin sa pagreretiro – Ano ba ang ideya mo ng pagreretiro? Ang maupo at panoorin ang iyong mga apo na naglalaro. Sa iba, nais nilang bumiyahe. Ano ba ang layunin mo sa pagreretiro? Kung meron kang plano o ideya kung ano ang mga posibleng gastusin mo sa hinaharap ay maaari mo nang kalkulahin kung magkano ang iyong dapat na naitatabi para doon.

Magkaroon ng “malusog na pamumuhay” – kung maganda ang iyong pangangatawan sa iyong pagreretiro ay maaari mo ma-enjoy ang iyong bawat minuto. Ngayon pa lamang ay sunugin na ang mga taba sa katawan. Magsimula nang mag-ehersisyo o di kaya’y tumigil na sa paninigarilyo. Hindi lamang pera ang dapat na pagtuunan ng pansin kundi ang pagkakaroon ng balansyadong buhay upang hindi ka maratay sa banig sa pagdating ng panahon.

Kausapin ang inyong kompanya upang malaman kung may retirement plan ba para sa mga empleyado. Kung ikaw ay namamasukan sa isang kompanya, alamin kung ito ay naglalaan ng pension o retirement plan sa mga empledayo. Alamin kong ano ang mga nakapaloob sa inyong pension o retirement plan. Hindi lahat ng kompanya ay nagbibigay ng ganitong benepisyo. Kung hindi man nagbibigay ang kompanya, ating responsibilidad na maglaan ng maliit na halaga upang paghandaan ang pagreretiro. Maaari rin tayong magbigay ng rekomendasyon sa ating mga kompanya na magtaguyod ng retirement fund ngunit ito ay isang masalimuot na proseso.

May ilan pa akong nakikitang paraan para mapaghandaan ang pag reretiro, pero sa sunod na natin ito pag-uusapan. Hayaan natin ang naunang apat ay ating limiin at pag-aralan para sa ating sarili. Kaya kayo diyan simulan ang pagpaplano tungkol sa pagreretiro ngayon… hindi doon sa panahon na hindi na natin kaya.

Lunes, Marso 8, 2010

Sa Likod ng Matandang Kuwento.. 2

Narito pa ang isang kuwento patungkol sa isang prutas o masasabing napaka sarap na prutas. Sinasabi rin ang prutas na ito ay wala kang itatapon mula sa dahon, bunga, katawan at lahat na ata ng parte ng prutas na ito. Ito’y napaka tanyag sa mga lugar na kapatagan o kabundukan man. Walang pinipiling lugar o panahon basta maitanim ito. Marami rin itong uri at laki ayon sa mga lugar at pinanggalingan. Mabisa rin itong pampalakas ng katawan. Ang sinasabi kong prutas ay ang “BUKO” o bunga ng niyog.

Ayon sa kuwento, noong unang panahon ay may isang pamilya na kabilang sa tribo ng mga Achote. Mayroon silang isang magandang anak na dahil sa ganda ay naging paborito ng lahat. Isang araw, ang magandang babaeng ito ay lubhang nauhaw at humiling na makainom ng katas mula sa isang espeyal na prutas. Bawa’t isa sa kanilang tribo ay sumubok na makita ang prutas na sinasabi ng dalaga, pero lahat sila’y nabigo sa paghahanap. Kinalaunan, nagkasakit ang babae at lumala ang sakit ng babae na siya nitong ikinamatay.

Ibinaon ng nagluluksang ama ang anak sa isang bulubunduking malapit sa kanilang lugar. Nilagyan niya ng batong palatandaan ang pinaglibingan at pinuno rin iyon ng mga bulaklak na dala ng mga tao.

Isang araw, napansin ng taong bayan na may kakaibang halaman na tumubo sa puntod ng babae. Inakala ng lahat na may kakaibang kapangyarihan ang puno kaya tinayuan nila ito ng bakod para magsilbing proteksyon nito mula sa paligid. Lumipas ang mga taon mula ng lumitaw ang halaman, ito ay tumaas hanggang sa umabot sa dalawampung talampakan; at may mga lumitaw na bungkos o grupo ng kakaibang mga prutas. Isa sa mga prutas na iyon ay bumagsak sa lupa at nabiyak. Tinawag ng pinuno ng tribo ang ama ng babae upang ipatikim dito ang nahulog na prutas. Tumanggi ang ama, pero hinikayat nito ang asawang babae na siya nang tumikim ng prutas.

Matamis pala iyon ang nasambit ng babae, kaya mula noon tinawag na ang bunga nito na “buko” at ito na rin ang naging pangalan at tawag dito hanggang ngayon. Mula sa punong ito maraming bagay ang nagawa at idinudulot sa tao.

Miyerkules, Marso 3, 2010

Sa Likod ng Matandang Kuwento.. 1

Maraming nabubuong katanungan ang nagpasalin salin sa bibig ng ating mga ninuno. Merong nadaragdagan depende kung paano at sino ang nagkukuwento ng mga bagay na ito. Naging palasak na ito sa ating kaugalian ang iba ay kasama sa mga aklat na ginagamit sa paaralan. Meron din namang ginawan na ng kuwento na akma sa panlasa ng mga manonood sa pinilakang tabing.

Sabi nga, sa bawat pagkagat may kuwentong kaakibat. Iyan ang magandang malaman sa mga kuwento sa likod ng mga prutas na sa kabila ng lasa, kulay ay talaga naming kinagigiliwang kainin. Tulad na lang ng kuwento ng prutas na “Lanzones: Nakakalason dati…

Ayon sa mga matatanda sa ating bansa ang lanzones ay dating nakakalason kung kakainin hanggang may isang himala na nangyari. Noong unang panahon, ayon sa kuwento, mayroong isang babae at kaniyang anak na naghahanap ng matutulugan isang gabi, sapagkat galing sila sa isang malayong lugar. Mapait na sila’y hindi pinapasok sa bawat bahay na kanilang pinuntahan hanggang sa ang huling bahay na kanilang nilapitan ay naging mabuti o mabait sa pagpapatuloy sa kanila. Doon sila natulog ng magdamag na yaon.

Kinabukasan, bago umalis, napansin ng babae na parang may mga isinumpa na punong kahoy sa likurang bahagi ng bahay ng nagpatuloy sa kanila. Nagkalat lang sa lupa ang mga bunga ng mga ito, kaya tinanong ng babae ang may-ari kung bakit ganoon. Nang mabatid ng babae na ang mga prutas ng bunga ay nakakalason, kumuha ito ng isang piraso sa mga iyon. Sa pagitan ng hinlalaki at hintuturong mga daliri, pinisil ng babae ang prutas, binalatan at kinain.

Nakita ng nangpatuloy ang ginagawa ng mag-ina at natakot sila sa mangyayari, naroon sa kanilang mukha ang gulat at takot, hinihintay ang sunod na magaganap sa mag-ina. Subalit wala silang nakitang naganap sa mag-ina na ang akala nila sa prutas ay isang lason yun pala ay hindi. Kinalaunan, napag-alamang ang bisitang babae at paslit ay ang minamahal pala na Madonna at bata, na nagsukli ng kabutihan sa mainit na pagpapatuloy sa kanila ng may-ari ng bahay at ng puno ng lanzones.

Mula noon isa na sa kinagigiliwang prutas ang lanzones at lumaganap ito sa boong kapuluan.